TULALA lang si Gboi habang nakatitig sa kabaong ng kanyang ama. Ikalawang araw na iyon at walang patid ang pagdating ng mga bisita para makiramay. Nagkalat din ang media sa labas na humihingi ng reaksiyon at kumpirmasyon kung totoo nga ba ang kumalat na balita na isang murder case ang pagkamatay na iyon ni Don Armando Arpon.
May mga bumabati sa kanya ng pakikiramay ngunit hindi na niya masyadong pinagkaka-abalahan na sagutin iyon. Hindi pa nagsi-sink in ang lahat sa kanya. Kahit pa kinausap na siya ng pulis na kaibigan ni Pancho na may hawak ng kaso ukol sa pagkakapaslang ng ama.
Solido at kongkreto ang ebidensiya. May nakuhang mga holen na naging dahilan ng pagkadulas ng kanyang ama sa ituktok ng kanilang hagdanan. Isa sa mga holen ay may bahid ng dugo na nakompirmang nag-match sa kanyang ama. Ngayon ay binabalot ng pag-aalala para sa kanyang kaligtasan ang kanyang puso.
Hindi niya matukoy kung sino ang dapat paghinalaan. Marami siyang gustong sisihin. Kasama na ang sarili niya. Tiningnan niya ang kanyang madrasta na tulad niya ay namamaga ang mata. Hindi pa ito tumitigil na kaka-iyak at madalas na nase-sedate ng dahil doon.