By: Dalisay
Namutla ang dati ng maputing mukha nito. Bumakas ang takot ngunit hindi ang rekognisyon sa magandang mukha ng babae. Ang pagkalito at pag-aalinlangan na nadama nito ay naglaho agad marahil dahil biglang bumangis ang hitsura nito at umigkas ang kamao nito patungo sa kanyang mukha.
Mabilis niyang nasalo ang kamao nito at pinilipit iyon. Umuklo ito sa sakit kaya sinamantala niya iyon para hawakan ito sa lalamunan at pindutin ang chakra point nito doon para siya ma-immobilize ito pansamantala.
Natigilan si Apple at namamanghang tumigil sa kanya na nakataas pa ang isang kamay. Animo isang mannequin. Natigagal naman na napatulala ang driver sa kanila. Hindi niya namalayan na nakahinto na pala sila.
"Ituloy mo lang ang pag-drive manong. Sa pinakamalapit na presinto tayo." aniya sa mapanganib na boses. Nagmamadaling nagmaneho ulit ito.
Tiningnan niya ang babaeng nakahinto at hirap na hirap na marahil sa paghinga. Tiningnan niya ang relos at tinantiya ang oras ng pagkakatigil nito. May apat na minuto pa.
"Ibabalik kita sa normal kung ipapangako mong sasagot ka ng maayos. Tandaan mo, kaya kitang patumbahin kahit anong oras dito." sabi niya rito.
Umungol ito at nagtaas-baba ang kilay, senyales na sumasang-ayon ito. "Good!" saka niya ito tinapik sa bandang dibdib at likuran para makakilos muli. Nauubong nagpakawala ito ng hangin. Nang maayos-ayos na ito ay saka siya nagtanong.
"Anong ginagawa mo rito Apple? Kasabwat ka ba ni Park Gyul Ho?"
Hirap na nag-angat ito ng mukha.
"Hindi ako si Apple." sabi nito.
Natigilan siya sa sinabi nito. Kapagkuwan ay pagak siyang natawa.
"Anong kalokohan ito Apple? Pati ba naman ako lolokohin mo?" sarcastic niyang sabi rito.
"Hindi ako nagsisinungaling. Hindi ako si Apple. Nasaan nga pala siya?" seryosong sagot nito.

















