Friday, December 26, 2014

TASK FORCE ENIGMA 9

By: Dalisay
Nagulantang si Rovi mula sa pagkakahimbing ng maramdaman ang malilit na halik na iyon sa kanyang mukha. Maang na tiningnan niya si Allan na kampanteng nakatunghay sa kanya mula sa kinauupuan nito.

"Buti naman at nagising ka na. Nandito na tayo." nakangiting sabi nito sa kanya.

"Huh? N-nasaan na tayo?" disoriented pang tanong niya.

"Nasa harap na tayo ng bahay niyo." anito na may pinipigilang ngiti sa labi.

"M-may ginawa ka ba h-habang natu-natulog ako?" nagkakandautal niyang sabi rito.

Mahinang tawa ang sinagot nito saka siya tinusok sa tagiliran ng hintuturo. "Ano naman ang gagawin ko sa'yo?" nanunukso ang tinig nito.

"H-hindi ko alam." nahihiyang sabi niya. Tiningnan niya ang mata nito at nakita na naman niya ang pag-guhit ng amusement sa mga ito. Naiinis na tinanggal niya ang seatbelt at lumabas.

"Teka, hoy. Rovi. Bakit ka nainis?" nagtatakang tanong nito.

"Hindi ako naiinis Allan. Wala akong kinaiinisan." sabi niya. Plastic!Piping-sigaw naman ng isip niya.

"Hindi nga? Eh bakit nakasimangot ka paglabas mo ng kotse?" pangungulit pa rin nito sa kanya.

"Hindi nga ako naiinis. Pero kapag di ka tumigil sa pangungulit, baka. Matutuluyan itong inis ko. Promise!" medyo bulyaw niya rito.

"O kita mo. Naiinis ka nga. Ano bang ginawa ko? Wala naman akong ginagawa kanina ah?" puno ng pagtatakang sabi nito.

Wala? Bakit mo ko hinalikan kanina habang tulog ako? Gusto niya sanang isigaw iyon dito ngunit hindi pwede. Magigising ang tatay at nanay niya na natutulog lang sa may bungad na kwarto.

Napabuntong-hininga siya. "Pasensiya na. Pagod lang siguro ito. Huwag ka na lang makulit okay?" paalala niya rito pagkatapos humingi ng dispensa.

"Okay lang yun. Maaksiyon naman kasi ang ginawa natin kanina?" sabi ni Allan na nagtaas-baba pa ang kilay. Sa pakiwari pa niya ay may ibig itong ipahiwatig sa sinabi nito. Parang naging mapanghibo ang dating ng boses nito.

Ikiniling niya ang ulo. Hindi pwedeng pasukan ng kung anu-ano ang utak niya ngayon. Nakakahiya rito. Mukha nga itong hindi apektado sa mga ginagawa nitong "biro" sa kanya, so bakit siya magpapakaloko sa kaiisip kung bakit nito ginagawa iyon. Nabibigyan niya lang siguro ng maling interpretasyon dahil sa unang pagkakataon ay may lalaking nanggugulo ng sistema niya.

"Marahil nga." sang-ayon niya sa sinabi nito.

"Pumasok na tayo Allan." paanyaya niya kapagkuwan.

"Sige. Gutom na rin ako eh. Este, antok na rin pala." anito saka pasimpleng tumawa at ngumiti. A boyish grin that affected his whole sytem like chaos. Naiiling na tinawanan niya ang simpleng pahaging nito ng pagkagutom.

Kumatok siya at tinawag ang kaniyang ina. Mga retiradong pulis ang mga ito. Ang kanyang ama ay naging hepe ng distrito nila habang ang kanyang ina ay isang kabo sa Maynila. Nagkahulihan ang loob ng mga ito ng minsang mag-krus ang landas para sa iisang misyon. Dalawa sila na naging supling nito. Ang bunso niyang kapatid ay nasa probinsiya at nag-aaral ng Edukasyon. Kilala rin ng mga ito si Allan bilang partner niya.

Bumukas ang pinto at bumungad ang kanyang ina na si Helen. "Mano po inay." pagbibigay galang niya.

"Kaawaan ka ng Diyos." sabi nito saka tumingin kay Allan.

"Ginabi ka yata ng uwi Rovi, Allan?" tanong ng kanyang ina na nagpalipat-lipat ang mata sa kanila.

"Ah, may inasikaso po kasi kaming operation kanina. Pasensiya na po kung naistorbo po namin kayo." si Allan ang sumagot sa tanong ng kanyang ina.

"Ah ganun ba? O siya, tumuloy na kayo sa loob. Kumain na ba kayo?" 

"Hindi pa po Inay, katunayan gutom na yung isang tao diyan at nagpaparinig na kanina ng pagkagutom." pang-aasar niya kay Allan.

Namula agad ang mokong at natatawang gumanti ng banat. 

"Nagutom po kasi ako Inay sa pag-asikaso ng iyakin niyong anak ng makita yung biktima kanina." nakangisi nitong baling sa kanya.

"Siyanga? Umiyak ka kanina?" naaaliw na sabi ng kanyang ina.

"Hindi po Nay. Nagsuka ako kasi nandiri ako. Hindi ako umiyak." defensive na sagot niya.

"Eh ang sabi nitong partner mo eh nag-iiiyak ka raw." nasa himig ng kanyang ina ang panunukso. Mapagbiro rin kasi ito. At ang mga ganoong usapan pagkatapos ng operations ay normal na para mawala ang trauma na maaaring sinapit ng isang pulis.

"Naniwala naman kayo sa ugok na iyan." natatawang sabi niya.

"Hoy partner, kung alam mo lang yung hirap na dinanas ko habang nagkakandagulapay ka sa pagsuka!" exaggerated na bigkas nito.

"Ungas!" 

"Rovi!" reprimanding na wika ng nanay niya. Ayaw nito na makarinig ng kahit na anong uri ng mura.

"Sorry po Nay." nakayukong sabi niya. Tiningnan niya ng pailalim si Allan na nagpipigil ng tawa.

"Maupo na kayo at maghahain lang ako." sabi ng kanyang ina sabay tungo sa kusina.

"Sige po Nay." 

Naiwan silang nakatayo sa may sala. Nilingon niya ang pahamak na si Allan kung bakit siya nasaway ng kanyang ina.

"Sorry po Nay." he echoed his lines earlier in a very tiny voice. Mimicking the sound of an eight-year old girl. 

"Ah ganoon? Eh kung sa labas ka kaya matulog?" pananakot niya rito.

"Sorry na. Ito naman di na mabiro."

"Ewan. Napagalitan pa ako ni Inay ng dahil sa'yo." naggalit-galitan niyang sabi.

"Ikaw. Para kang timang. Sa labas mo ko patutulugin? Seryoso ka?"

"Oo. Inaasar mo ko eh."

"Asus. Para ka namang misis niyan. Hindi pa nga tayo kasal ina-under mo na ako. Outside the kulambo agad." sabi nito.

Kahit alam niyang biro lang iyon ay may matindi iyong impact sa kanyang pakiramdam. Bakit ba kasi ang lakas mang-asar nito. At ang mga banat, out of this world. Kinikilig tuloy ako ng husto kahit ayaw ko. Pasaway ka Allan!

"Ulol." sabi niya sa mahinang tinig. "Magbihis ka nga muna. Para sakto naka-hain na si Inay pagkatapos natin magbihis." pagpapatuloy niya.

"Sige na nga. Ang sungit mo talaga partner." anitong nakatawa.

"Larga na. Ang daming daldal." 

"Yes Sir!" natatawang sabi ni Allan saka pumasok sa kwarto niya. Ilang beses na itong nakapunta roon kaya alam na nito ang pasikot-sikot sa loob ng bahay nila. Para ngang nakakita ng isa pang anak ang tatay niya sa katauhan nito. Pangarap kasi ng kanayang ama na magkaroon ng maraming anak ngunit hindi na pinalad na makabuo ulit ito at ang kanyang ina.

Napa-upo siya sa kahoy na sofa. Magmumuni sana siya kung hindi lang bumukas ang pintuan ng silid ng kanyang mga magulang at lumabas ang ama. Mabilis siyang tumayo at sumaludo rito saka nagmano.

"Kamusta po kayo Itay?" 

"Mabuti naman anak. Kauuwi mo lang ba?"

"Opo. Kasama ko si Allan, di raw po muna matutulog at masikip sa bahay nila." pagpapaalam na rin niya.

"Aba ay ayos lang sa akin. Nasaan ba ang kunehong iyon?" naaaliw na sabi nito. Parang sakto sa timing na lumabas si Allan ng silid niya na naka-suot na ng shorts at sando na pag-aari niya. Ang preskong tingnan ng hinayupak at lalong tumingkad ang kagwapuhan at lumitaw ang kakisigan.

Kung gaano kasarap itong tingnan kapag naka-umiporme ay mas masarap itong tingnan ng naka-sando at short lang. Dati pa niya nakikita itong nakasuot ng ganoon kapag natutulog. Hindi nga lang siya sanay pa hanggang sa ngayon. Sinaway niya ang sarili. Muntik na siyang maglaway rito sa harap pa ng tatay niya. Baka kunin nitong bigla ang baril niya sa beywang kung ginawa niya iyon.

"Uy Tay." bati ni Allan sa ama niya.

"Allan-boy! Kamusta ka na? Mukhang kumikisig ka bata?" bati rito ng ama.

"Hiyang lang sa ehersisyo Tay." nahihiyang sabi nito sabay kamot sa batok.

Nakaka-aliw itong tingnan kapag umaaktong nahihiya. Parang hindi bagay rito. Naalala niya ang pagtawag nito sa mga magulang niya. Tay at Nay rin. Hindi tuloy niya maiwasang isipin na para silang mag-asawa sa ganoong sitwasyon. Nakiki-tatay at nanay rin kasi ito sa kanyang mga magulang.

Asa ka!

Naiiling na nagpaalam siya sa ama at tinungo ang kwarto. nagtaas lang ito ng kamay at naging busy na sa pakikipag-usap sa partner niya. Ang silid niya ay nasa bandang dulo ng pasilyo ng kanilang bungalow-style na bahay. Isinusuot na niya ang kanyang t-shirt na pantulog na makarinig ng malakas na paghinto ng sasakyan sa labas ng kanilang bahay at ang pagsigaw ng kung sino sa pangalan ng ama.

Hindi naglipat ng sandali at umulan agad ng bala sa buong kabahayan nila at niratrat ang bawat bahagi noon. Mabilis siyang dumapa at kinuha ang baril bago padapang ginapang ang sala. Nakita niyang nakadapa rin ang kayang kasamahan na si Allan habang ang kanyang ina ay ganoon din na nasa may pintuan ng kusina.

"Allan!" sigaw niya.

Lumingon ito. May pag-aalala sa mata. Ayos lang ako partner. Huwag ka munang gumalaw. Mukhang marami silang bala!" babala nito sa kanya.

Lumipas ang isang minuto marahil ng pagpapaulan ng bala sa kanila at tumigil iyon. Narinig niya ang pag-arangkada ng sasakyan na ginamit ng mga ito habang tumatakbo siya papunta sa labas hawak ang baril.

Hindi pa nakakalayo ang mga ito masyado ng makalabas siya kaya nagpaputok siya. Ngunit sa kamalasan, wala siyang natamaan. Nanghihinang mapapaupo sana siya sa kalsada na sinisimulan ng dagsain ng mga tao ng maalala ang mga naiwan sa loob ng bahay.

Dali-dali siyang pumasok at nakita niya ang kanyang ina na nakatayo at hindik na nakatitig sa kanyang ama na nakalugmok sa tabi ni Allan na nakadapa naman. Nilapitan niya ang ina at tinanong.

"Inay, okay ka lang ba?" 

"Ha? O-oo! A-ang tatay mo! Ang tatay mo Rovi!" hysterical na sabi nito.

"Shit!" Ini-upo niya ito sa upuan at dali-aling dinaluhan ang ama. Kalat na ang dugo sa sahig. May tama ito sa tiyan at sa tagiliran. Inangat niya ang pulsuhan nito at sa kanyang panggigilalas ay wala siyang makapa. 

"Itay? Itay!" aniyang tumatangis. Unti-unting nababasa ng luha ang pisngi.

"R-rovi." tinig iyon ni Allan.

"Partner!" baling niya rito.

"A-yos ka lang b-ba? tanong nito sa kanya.

Nagimbal siya ng makita ang hitsura ni Allan ng itinihaya niya ang katawan nito. Ang puting-puti na sando niya ay pulang-pula na dahil sa dugo.

Umaagos pa ang dugo sa labi nito na hindi niya agad nakit dahil nakadapa ito kanina.

"Ayos lang ako partner. Huwag ka na munang magsalita. Parating na ang mga ambulansiya." naiiyak na sabi niya.

"N-nakatawag k-ka n-na ba?" tanong nito na sinamahan ng matamlay na ngiti. Showing his perfect teeth now drenched in blood.

"Shit! Oo nga!" inabot niya ang cordless sa lamesita at nag-dial. Ng makahingi ng tulong ay saka niya iyon ibinaba.

"B-bawal magmura P-partner! Ma-maga-galit si I-inay." pagbibiro pa nito.

"Ang kulit mo! Manahimik ka na muna diyan. Tutuluyan kita, makita mo."

"S-sira... Ma-matutulu--yan na a-ako." sabi nito saka tumawa dahilan para maubo sa pagkasinghot ng sariling dugo.

"Umayos ka Allan. Sasapakin kita." naiiyak na talaga siya. 

"A-ang su-sungit mo t-talaga R-rovi. Ka-kaya naman gus-gusto kita eh."

Natigilan siya sa sinabi nito.

"Ano bang kalokohan iyan Allan?" Naguguluhang tanong niya.

"I-ikaw ta-talaga... ang ma-manhid manhi--d mo..."

"Huwag ka na ngang magbiro ng ganyan. Delikado ka na, ganyan pa ang pinagsasasabi mo." bagama't natutuwa ay hindi niya iyon mailubos ng dahil sa kalagayan nito.

"P-partner... Ma-mamat-ay na lang ako. A-ayaw mo pa-pa akong pani-wala-an. G-gusto Ki-kita!" nahihirapan ng sabi nito. Panay na rin ang suka nito ng dugo.

"Mamaya mo na ako biruin. Kapag nagamot ka na. Saka na ha?" naiiyak pa ring sabi niya. Natatakot na siya sa kalagayan nito. Hindi pwedeng mawala ito ng ganoon na lang. Hinwakan niya ang isang kamay nito.

Hinaplos nito ang kamay niya na nakahawak sa kamay nito."H-huwag ka ng ma-mag-e-effort... Pa-patawirin na ako. G-gusto ko l-lang na m-malaman mong gusto kita. H-hindi ko alam kung p-paanong nangyari. B-basta a-ang alam ko. Gustong-gusto kita." 
Diretso ang huling salita nito. Lalo siyang napahagulgol sa narinig.

"Gustong-gusto rin kita Partner. Sa totoo lang mahal na nga yata kita." naiiyak niyang turan.

"Sa-salamat at narinig ko iyan. Ba-babauin ko i-iyan sa pag-alis ko." sabi nitong lumuluha na rin. Humalo na ang luha nito sa dugo. Siya naman, kanina pa walang patid ang pag-iyak.

Narinig niya ang sirena ng ambulansiya. Nabuhayan siya ng loob.

"Partner, andyan na ang ambulansiya. Matutulungan ka na. Huwag kang sumunod agad kay Itay. Kukutusan kita!" pinilit niyang magbiro.

"H-hindi ko na ka-kaya Partner." 

"Kaya mo. Ang daldal mo pa nga kanina eh. Basta. Kayanin mo." lunod sa luhang sambit niya.

Tumawa ito ng mahina. "Mapilit ka t-talaga Rovi. A-alagaan mo ang s-sarili mo." at lumaylay ang ulo nito sa bisig niya.

"Allan! Allan! Huwag kang magbibiro ng ganyan! Allan!" niyugyog niya ang katawan nito. Dinama niya ang pulso nito na mahinang-mahina na.

"Tulungan niyo kami!" sigaw niya sa kawalan. Nakita niya ang ina na nakatulala. Basang-basa ang mukha ng luha.

Bumukas ang pinto at iniluwa ang mga paramedics at mga pulis na kasamahan. Mabilis na dinaluhan ng mga ito ang ama at si Allan.

"Sir, amin na po ang biktima." sabi nito sa kanya.

"Tulungan niyo siya. Please! Nagmamaka-awa ako!" nagsisisigaw na sabi niya.

"Opo sir." saka nito pinagtulungang malapatan ng lunas si Allan at mabilis pero maingat na mailagay sa stretcher. Ganoon din ang kanyang ama.

Dinaluhan niya ang ina at niyakap. Inilabas sila ng ilang pulis at dinala sa isang sasakyan para maupo saglit. Sasama sana siya sa ospital na pagdadalhan kay Allan kung hindi lang dahil sa ina na wala na yata sa sariling katinuan. Nanalanging na lang siya para sa kaligtasan nito.

Isang malakas na tapik sa balikat ang nagpabalik sa diwa ni Rovi.

"Bakit umiiyak ka?" si Rick.

"Ha?" kinapa niya ang pisngi saka mabilisan iyong pinunasan.

"Bakit ka umiiyak?" nagtatakang tanong nito.

"Wala ito. May naalala lang." umiiwas ang mata na sabi niya.

"Si Allan?" 

Natigilan siya. Ang pamilyar na kirot sa pagka-alala ng pangalang iyon ay nanumbalik.

"Saka ka na magpaka-nostalgic. Ayon kay Perse, ready na ang warrant. Pwede na nating sugurin ang club ni Park Gyul Ho. Pwede na ring hulihin si Kring kasi positive na siya ang itinuturo nila Bobby at nung driver na pinatulog ni Cody. Naipadala na ang mga video statement sa pulisya." pigil nito sa pagbalik uli ng mapapait na ala-ala.

"Ha? Ang bilis naman?" takang tanong niya.

"Dati na tayong ganito kumilos pare-koy! Huwag kang ungas!" naiiritang sabi nito.

"Paano nakakuha ng warrant? Eh di ba dapat pag-aralan pa iyon ng mabuti ng fiscal kung may probabale cause nga according sa mga ebidensiya bago mag-file na kaso? Parang ang bilis yata?" aniyang nagtataka talaga.

"Rovi. Naka-drugs ka ba? TFE tayo pare. Walang imposible sa bilis ng galamay natin. Kilos na. Lalakad tayo mamaya." sabi nito sa kanya.

"Sige." napapahiyang sabi niya. Dahil lang sa saglit na pagka-alala ng nakaraan niya eh nawala na rin siya sa hulog. Importante pa naman ang kasong iyon. Naisip niya, mas mabilis na matatapos iyon, mas mabilis na makakalayo siya kay Bobby. With that in mind, napabilis ang lakad niya patungo sa safehouse.

Itutuloy...

1 comment:

  1. Hindi ang piskal ang ang determine ng probable cause para ma issue ang warrant of arrest. Ang judge.

    ReplyDelete

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...