By: Mike Juha
“Gising na si papa Jun!!!” ang masiglang sigaw ni Kristoff noong nanumbalik na ang aking malay at ibinuka ko na ang aking mga mata.
Pakiramdam ko ay pagod na pagod ako. Parang nauubos ang aking lakas, masakit ang parte ng aking dibdib, at med’yo disoriented. Dahan-dahan kong inikot ang aking mga mata. At napagtanto ko na nasa ospital ako noong makita ko ang dextrose na nakabitin sa lagayan nito sa gilid ng aking kama at may oxygen tube din na nakakabit sa aking ilong.
At nanumbalik sa isip ko ang huling kaganapan bago ako nawalan ng malay... sa kasal ni Aljun.
Noong nilingon ko ang gilid ng kuwarto, nakita ko ang mag-ama. Nakaupo si Aljun, Kristoff ay nakakandong sa kanya. Halatang nahimbing si Aljun at nagising lang sa pagsisigaw ni Kristoff.
Binitiwan ko ang isang pilit na ngiti.
Agad tumalon si Kristoff at nagtatakbo palapit sa gilid ng aking kama. Natuwa naman ako sa nakitang matinding excitement at pananabik sa mukha niya.
“Ingat! Ingat! Baka masaktan si papa Jun mo!” ang sigaw ni Aljun habang dinampot niya ang isang upuan at inilapit ito sa gilid ng aking kama atsaka naupo dito.
“Kumusta ang baby Kristoff ko?” ang mahinang tanong ko.
“Ok naman po. Kayo po papa Jun?”
“Ok naman... ako.”




