Monday, March 13, 2017

PARAFFLE 20



By: Mike Juha


Parang perpekto na ang buhay ko. Pati ang mga estudyante sa unibersidad ay masaya na ring nakabalik na ang idolo nilang si Aljun sa posisyon bilang presidente ng student council. At hindi lang iyan, karamihan sa kanila ay aktibong sumuporta sa aming love team. Kahit mga lalaki, mga babae, karamihan ay aktibong sumuporta din. Marahil ay dahil iyon sa sobrang kabaitan ni Aljun kaya kahit nalaman nilang ako na isang lalaki din ang minahal niya, wala silang paki, at iniidolo pa rin nila siya. Totoo nga ang sinabi nilang kapag pinanindigan mo ang isang bagay lalo na kapag ito ay mahirap gawin, dito mo masusukat kung sino ang mga taong totoong nagmahal sa iyo. 

May mga bumabatikos din, syempre. Hindi naman nawawala iyon, sa ganoong klaseng relasyon ba naman na hindi normal na nakikita ng mga tao, at sa katulad pa naming parehong hindi naman bakla kung pumorma. Ngunit ang mga grupong ito ay hindi lantarang nagsasalita. Marahil ay takot na uulanin ng batikos sa mga die-hard na taga suporta ni Aljun at lalo na sa grupo ni Fred. 

Pero ayaw ko na ring pansinin sila kapag may narinig ako. Naisip ko kasi, hindi naman nila maibibigay ang kaligayahang hinahanap ko sa buhay. 

Dahil dito, naisip kong baka hindi naman talaga totoo ang sumpa. Wala nang balakid sa aming pagmamahalan ni Aljun, naintindihan kami ng mga tao, wala na si Giselle, at si Emma ay nasa Canada na. At higit sa lahat, tanggap kami ng aming mga magulang. “Sana ganito na lang... Sana wala nang hahadlang pa sa aming pagmamahalan.” Ang nasabi ko sa aking sarili.


At tinanggal na rin sa student center ng unibersidad ang mga kartolinang signature campaign ng mga estudyante laban sa dalawang propesor na siyang kumampi kay Giselle. At ang ipinalit dito ay ang malaking tila poster ng isang pelikulang, “Aljun-Gener... for life!” At may mga pirma na rin ito, karamihan ay nagpahayag ng good wishes sa amin. 

Gusto ko sanang ipatanggal ito. Nahiya ako at natakot na baka masita pa kami ng Admin ng university at pagbawalan sa aming relasyon. Ngunit ang sabi naman ni Aljun ay hayaan na lang daw ito tutal hindi naman kami ang naglagay noon.

“Bakit ikinahihiya mo ba ako?” biro ni Aljun sa akin.

“Tado! Gusto mo bang ipatawag tayo ng director ng Student affairs o ng guidance councilor o Presidente ng university?”

“Why not? Kung mangyari iyan, imbitahan natin silang mag-sponsor sa ating kasal”

“Nyeee! Paano tayo makasal?”

“E, di kasal-kasalan... sa loob ng office ng director ng student affairs, o kaya office ng university president” sabay ngiti.

“Ilusyonado!” 

Tahimik. Napaisip kasi ako sa salitang kasal. Syempre, sino ba ang hindi nangarap noon sa taong mahal nila sa buhay.

“Seriously... hindi ka nahihiya sa ating relasyon?” tanong ko din sa kanya.

“Bakit ako mahihiya? Andami ngang mga estudyante sa unibersidad na boto sa love team natin di ba? Ngayon lang nangyari ang ganyan. At pati ang mga madre, kung napapansin mo, dedma lang sila. Siguro kinikilig ang mga iyan... Baka ang iba ay sikretong nangangarap na sana ay may girl-girl” at tumawa uli.

“Tado!” sagot ko.

Tahimik.

“P-paano iyan? G-ganito na lang ba tayo? I mean, sa status na ganito...? Habang buhay na in a relationship ang nasa fb natin? Kasi hindi naman tayo pwedeng ikasal...”

Pansin kong biglang naging seryoso ang mukha niya. Maya-maya, nagsalita. “Ang target ko boss... ay makapunta tayo sa isang bansa na legal ang pagsasama ng mga katulad natin. At kapag nangyari iyan, magpakasal tayo. Doon natin buuin ang pamilya, kasama si Kristoff...”

Pakiramdam ko ay may bagay na bumara sa aking lalamunan. Gusto kong maiyak sa kanyang sinabi. Walang mapagsidlan ang aking tuwa. Syempre, ibig sabihn ay may plano talga siya para sa akin. “P-paano? Ang naitanong ko.

“Hindi ko alam pero sa tingin ko, madali lang iyan…”

At naisip ko ang daddy ko. May business partner kasi siya sa Canada at shareholder din siya ng isang metal factory doon. Kaya kapag may board meeting, nagpupunta ang daddy doon. “Promise?” ang naisagot ko na lang.

“Promise... cross my heart.” sagot din niya, sabay haplos sa aking mukha.

Iyon ang hindi ko malilimutang promise niya sa akin. Parang hindi ako makapaniwala. Parang too good to be true ang lahat.

Sa unibersidad naman, hindi matawaran na mga pangangatyaw ng mga estudyante sa love team namin. Minsan, hindi ko na alam kung matutuwa o maiinis. May isang beses, napadayo si Aljun sa silid-aralan namin at sumilip. Ewan kung bakit naman siya sumilip. Marahil ay na miss lang niya ako. 

Dahil wala pa ang aming propesor, sigawan kaagad ang mga ka-klase ko, lalo na ang mga babae, nagtitilian. Pakiramdam ko tuloy ay namumula ang aking pisngi sa hiya.

“Pasok ka pare! Welcome na welcome ka dito sa aming klase!” sambit ng isang kaklase kong lalaki, sabay tingin sa akin, pahiwatig na wala silang tutol kung dalawin ako ni Aljun sa aming silid-aralan. 

Pumasok naman si Aljun. At tumayo ang isang estudyanteng nakaupo sa tabi ko binigyang daan upang makaupo si Aljun sa tabi ko.

Noong maupo na si Aljun, nagkantyawan uli ang mga kakalse ko, kinilig baga at ang sigaw ay, “Kiss! Kiss! Kiss!”

Tiningnan ko si Aljun na nakangiting-aso. Ngunit sa sobrang hiya ko, napayuko na lang ako at hindi makatingin-tingin sa kanya sabay bulong ng, “Ayan tuloy... Kasi naman, dumayo pa dito...”

“Hayaan mo na. Na miss lang kita” bulong din niya.

Nungit patuloy pa rin ang pangangantyaw ng klase, “Kiss! Kiss! Kiss! Kiss!”

At laking gulat ko noong biglang dumampi ang labi ni Aljun sa labi ko! Ninakawan niya talaga ako ng halik! At bigla ding tumayo at masiglang nagpaalam sa mga ka-klase ko ng, “Bye guys!” at nag thumbs up pa.

Palakpakan ang mga estudyante.

Hindi ko tuloy maintindihan ang naghalong emosyon. Iyon bang pakiramdam na kunyari gusto ko siyang batukan kasi bina-violate niya ang aking karapatang magpaka-demure bagamat may kilig din itong dala sa aking kalamnan. At itinaas ko na lang ang aking kamao, ang mukha ay pormang na-aagrabyado, kunyari ipinakita sa kanya at sa mga ka-klase na gusto ko siyang sapakin. 

Ngunit ngiting-aso lang ang iginanti niya. Alam naman kasi niya na kinilig ako…

Ganyan halos ang mga eksena namin sa school. Si Gina naman na dating crush ko at may crush din sa akin, ay todo-suporta na rin sa love team naming ni Aljun. Malalim kasi ang friendship naming tatlo ni Fred. Kaya naintindihan niya. At syempre, mas lalo na si Fred na all-out support.

Si Kristoff naman ay sobrang close na rin sa kanyang kinikilalang lolo na daddy ko. Minsan nga, sinusundo siya ng driver ni daddy deretso sa school kapag Byernes at idadaan nalang sa amin upang ipaalam na pinapasundo siya ng daddy at doon sa bahay namin muna sa Sabado at Linggo. At dahil tuwang-tuwa ang bata kasi ipinapasyal ni daddy sa mga childrens park at binibilhan ng kung anu-ano, tuwang-tuwa naman si Kristoff, at pumapayag na lang din si Aljun.

May isang beses, Lunes iyon nang may alas 6 pa lang ng umaga, dumating na ang service ng daddy. Akala ko, ang driver lang ang naghatid kay Kristoff. Ngunit noong makalabas na ang bata sa van na mukhang kagigising lang, nakatulog marahil sa biyahe, nandoon din pala si daddy, naka-suot Amerikana pa at nakabuntot sa batang hindi na halos ma-drowing ang mukha sa pagsisimangot.

“Bakit nakasimangot si Baby Kristoff ko?” tanong ko.

“E kasi! Kasi! Kasi! Kasi...!” ang pagdadabog pa niya, ang mga paa ay malakas na tinatadyak-tadyak sa sahig at matulis na tinitigan ang lolo niya.

“Ano bang nangyari dad?” ang tanong ko.

“May project kasing pinapagawa ang teacher niya na pinaghirapan niyang gawin sa halos buong magdamag. E, kaninang umaga noong mag-agahan na kami, pinatingnan niya sa akin ang gawa niya. Ngunit noong tiningnan ko na ito, nasagi naman ang baso ng hot chocolate niya at natapon ang laman nito sa project na pinaghirapan niya. At nagmumukhang putik ang ginawa niyang project.” Ang paliwanag ng daddy tiningnan kami at bakas sa mukha ang pigil na pagtawa, halatang takot na magalit pa ang kinikilalang apo.. “Kaya ako na ang magpaliwanag sa teacher niya. Galit na galit kasi...” 

“Heto po ang gawa ko, o…” at ipinakita ni Kristoff ang project niyang nagmukha ngang nilublob sa putikan. 

Gusto ko rin sanang tumawa ngunit pinigilan ko na lang. “Ah… maintindihan iyan ng teacher mo kasi nga ipaliwanag ng lolo mo sa kanya, di ba?”

“Kasi naman! Kasi naman! Kasi naman! Kasi naman...!” ang pagdadabog niya uli, nagtatadyak pa sa sahig habang tinitigan ng matulis ang lolo niya.

Pero sa totoo lang, na-cute-tan talaga ako sa eksena ng maglolo. Parang ganoon na sila ka close, at hinid ko maimagine ang papa ko na kinatatakutan ng mga empleyado ng kumpanya, kinatatakutan namin ng mommy ko, ay kayang takutin ng isang paslit lamang na hindi naman niya kaano-ano. “Mukhang may meeting ka pa yata dad ah? Iyan lang ba ang pakay mo ngayon dito?” Ang tanong ko kay daddy.

“May morning meeting nga ako sa isa sa mga share holders sana. Pero ipa-move ko na lang mamayang hapon. Ako daw ang dapat magpaliwanag sa teacher niya na ako ang may kasalanan sa pagkasira ng project niya.”

Napatingin na lang ako kay Aljun. Hindi kasi ako makapaniwalang i-postpone talaga niya ang isang mahalagang meeting dahil lang sa pag-explain ng project ng isang kinder. Noong bata pa kasi ako, palaging si mommy ang nasa school ko dahil busy si daddy palagi sa business at ayaw makipagkita sa mga teacher ko iyan. Sayang lang daw ang oras niya. 

“Kasi sabi po ng teacher ko, grade 1 na raw ako sa sunod na pasukan, kaya pinagawa ako ng project. Tapos sinira naman ni lolo! Kasi... Kasi... Kasi... Kasi... Kasi...” pagmamaktol uli ni Kristoff.

“Kristoff! Huwag pasaway sa lolo!” Singit ni Aljun.

Na sinaway naman ni daddy. “Huwag kang makialam dito Aljun. Business ito ng mag-lolo.”

Nagkatinginan uli kami ni Aljun, ang bibig ko ay tila bibigay sa tawa at parang gusto ko siyang lokohin ng, “Beeee... pahiya ka ano?”

Tumahimik na lang si Aljun. At maya-maya nga lang ay kinarga na ni daddy si Kristoff at kiniliti ang tyan, ang leeg, ang dibdib, ang kilikili at hayun, nagtawanan na. Pati weakness ng bata ay huling-huli na rin ni daddy. “Kaya nga nandito si lolo para magpaliwanag sa teacher e... Gusto ko kayang mag grade 1 na ang apo ko sa sunod na pasukan. Imagine 5 lang ang age, grade 1 na kaagad? Wow? Number one ang apo kong ito! Matalino ka ba?” tanong ni daddy.

“Opo.” Sagot naman ni Kristoff.

“Kaya hindi papayag ang lolo na hindi makapag-grade 1 si Kristoff sa sunod na pasukan. 

“Opo.”

“Hindi ka na galit?”

“Hindi na po...”

“Love mo ba si lolo?”

“Opo”

“Love lang?”

“Love na love po.”

“O siya, kiss sa lolo.”

At iyon, nagkabati na naman ang maglolo at dumeretso na sa school. Nagkatinginan uli kami ni Aljun. 

“Dad.. hindi kaya na spoiled na yang bata sa ginawa mo?” ang sigaw ko sa naglalakad nang maglolo.

“Hindi ako nakialam sa inyo! Kaya huwag ninyo kaming pakialamang maglolo!”

Nagkatinginan ulit kami ni Aljun. “Hala! Ang taray!” bulong ko kay Aljun sabay tawa ng malakas.

Natawa din si Aljun. 

Ansarap talga ng pakiramdam na ang lahat ng bagay sa buhay ay naaayon sa gusto mo. Iyon bang lahat ay nand’yan na. Perfect kumbaga. Masaya kaming lahat, mahal ako ng mga taong mahal ko rin… Wala na akong mahihiling pa sa buhay.

Ngunit wala pala talagang perpektong buhay. Lahat ng bagay ay may kaakibat na hirap at presyo. 

O baka din ay sadyang matindi talaga ang sumpa ng ibong-wagas. Kagaya ng isang malupit na mamamatay-tao, nagmamasid lang ito, naghintay ng tamang panahon upang umatake. Ipinadarama niya muna sa akin ang sarap ng buhay upang kapag natikman ko na, ay mas matindi ang pinsalang madarama ko kapag sinira na niya ang aking buhay.

Kalagitnaan ng Pebrero iyon, malapit nang magtapos ang semester at graduation niya noong napansin kong naging malungkutin si Aljun. Kinausap ko siya kung ano ang problema; kung bakit siya mistulang nababagabag.

Noong una, ayaw niyang magsalita. Ngunit noong pinilit ko, napag-alaman kong pagi na palang tumatawag si Emma sa kanya. Buntis daw ito siya ang ama, sa nangyari sa kanila noong huling magkita sila sa bukid. Ang masaklap, nagpumilit na raw itong pakasalan siya dahil kung hindi, magfile siya ng custody para kay Kristoff upang makuha niya ito at dadalhin na sa Canada. At gusto niyang magpakasal sila pagkatapos na pagkatapos kaagad sa graduation ni Aljun.

Pakiramdam ko ay may sumaksak sa aking puso sa narinig. Nanghina ang aking kalamnan at ramdam ko ang pagbalik muli ng aking takot at pag-agam-agam. Nanumbalik muli sa isip ko ang sumpa ng ibong wagas.

“A-ano ang plano mo ngayon?” ang tanong ko.

“Naguluhan ako boss... Parang ang hirap kapag mawala sa akin si Kristoff. Pati ang inay, siguradong malulungkot kapag nawala sa kanya ang apo niya.” 

“K-kung lalabanan kaya natin siya sa korte upang huwag mapasakanya ang bata...”

“P-pwede. Ngunit sa batas kasi, kapag wala pa sa pitong taon ang bata, ang kustudiya nito ay dapat sa ina, lalo na kung ito ay isang illigitimate pa na bata...”

“P-paano mo nalaman iyan?”

“Nagresearch ako sa internet. Nakasaad ito sa family code article 213...”

“Boss... iniwan niya si Kristoff sa iyo. Iyan ang malaking argumento laban sa kanya.”

“Sana ay i-consider ang ganyang argumento. Klaro kasing nakasaad sa batas ang rule at age specification at lalo na sa kaso ni Kristoff na isang illigitimate...”

Lalo akong nalungkot sa narinig. Pakiramdam ko ay bigla akong nawalan ng lakas. Para kasing may parte sa kanyang utak na nagpupumilit na tanggapin na lang ang alok ni Emma. Kaya bagamat parang mapupunit ang aking puso, ang sunod kong naitanong ay, “I-ikaw... mahal mo pa ba siya?” 

At muli, hindi niya ako sinagot. Bagkus, binitiwan lang niya ang isang malalim na buntong-hininga.

Doon ko na naramdaman ang tuluyang pagguho ng aking mundo. Hindi na ako nakaimik. Iyon bang parang gusto kong magsisigaw sa sobrang sakit ngunit hindi ko magawa dahil binusalan ang aking bibig. Parang bigla akong tinablan ng hiya at awa sa sarili. Nanatili na lang akong nakaupo, tinimpi ang sakit ng aking kalooban. Marami na namang naglaro sa isip ko. Gusto kong itanong sa kanya kung sino ang mas mahal niya sa aming dalawa ni Emma. O kung naging panakip-butas lang ba ako sa puso niya... Pakiramdam ko ay ako ang hadlang sa kanila; na ako ang sampid, at hindi ako ang bida kuwento ng pag-ibig niya; na isa lamang akong supporting character o kontrabida kung saan sa pagtatapos ng kuwneto ay dapat na magpaubaya, magbigay daan, kung hindi man ay dapat patayin upang maging happy ending ang kanilang kuwento ng pag-ibig. 

Hindi na ako umimik. Hinayaan ko na lang na itago sa sarili ang takot at hinanakit.

Pagdaan ng mga araw, bagamat naroon pa rin ang init ng aming pagsasama ni Aljun, pansin kong patindi nang patindi ang lungkot na nakita ko sa kanyang mukha. Hindi na siya katulad ng dati na nasayahin, palabiro… Pansin kong naguluhan siya; tulala at malalim ang iniisip.

At habang nakikita ko siyang ganoon, matindi din ang epekto nito sa akin. Lalo’t palapit nang palapit na ang graduation ni Aljun at ang araw ng pagdating ni Emma.

Hindi ko alam kung ano ang desisyon niya: magpakasal ba o harapin ang court battle sa custody ng anak nila.

Isiniwalat ko ang lahat kay Fred. “Huwag ka ngang gumive up fwend! Lalabanan natin siya!”

“P-paano natin lalabanan kung may naramdman pa si Aljun sa kanya?”

“Hay naku... naguguluhan lang si Aljun fwend, I’m sure. Ginamit ba naman ang bata ng Emmang iyon? Syempre, matuturete iyong tao. Normal lang na maguluhan siya, fwend.”

“Natakot ako Fred na ito na iyong sinasabi ng sumpa?”

“Ano ka ba? Tapos na ang sumpa. Si Giselle iyon at wala na siya.” Napahinto siya ng sandali, “Speaking of the devil, may pinost siya sa fb ni Aljun, sa iyo, at sa akin at ang sabi, ‘Hindi pa tayo tapos, magtutuos pa tayo’. Aba... umeksena pa! Ang babaeng pinagtaksilan ng mga lalaki.” Sabay tawa. “Hay naku, wala na siyang magagawa pa. Erase! Erase!”

Tahimik. Hindi ko na pinansin pa ang tungkol kay Giselle kasi, sigurado naman akong wala nang magagawa pa iyon.

“May naisip ako fwend upang mawala na ang pag-alala mo tungkol sa sumpa....”

“Ano?” tanong ko

“May kakilala akong albularyo at manghuhula. Puntahan natin at magpatulong tayong mawala na ang sumpa na iyan, kung iyan nga ang bumabagabag sa isip mo. Para mawala na iyang takot mo. Atsaka, kung si Emma nga ang dahilan upang matupad ang sumpa, haharangin ng albularyo ang mga balak niyang gawin sa inyo ni Aljun at Kristoff.”

Pinuntahan nga namin ang nasabing albularyo. 

Pinapili ako ng ilang baraha ng albularyo at pagkatapos, pinag-aralan niya ang mga pinili ko. Tiningnan niya ako sa mata at confident na sinabing, “May sumpang nakakabit sa buhay mo ngayon, anak... at mag-ingat ka dahil nakikita kong may dugong aagos na siyang kakambal ng sumpang ito.” 

Lalo naman akong kinabahan sa narinig. Tiningnan ko si Fred na ang mukha ay parang nagsisi sa pagdala niya sa akin doon. Wala naman kasi kaming sinabing sumpa sa kanya ngunit nahulaan niya ito, at may sinabi pang dugo. Nalala ko tuloy ang sinabi ni Aljun na may nangyari daw na nagbigti, may naaksidente...

“K-kaninong dugo po ba iyon Manong?” ang tanong ko.

“Sa iyo…” ang deretsahang sagot niya. 

Na lalo namang nagpatindi sa naramdaman kongtakot. “H-hindi na po ba maaaring mapigilang ang sinasabi ninyong pag-agos ng dugo ko? Nakakatakot po naman...”

“Nakasulat na ito sa iyong kapalaran, anak. Hindi na ito mababago pa...” ang sagot ng albularyo.

“S-sandali! Sandali manong! Ito naman o... Nagpunta kami dito upang ipatanggal ang sumpang iyan kung mayroon man! Huwag mong takutin ang kaibigan ko...”

Tiningnan siya ng manghuhula si Fred at sinabing, “Gusto mo bang magpahula ka na rin?”

“Ay hindi na po kailangang hulaan pa ako, manong. Alam na po ng lahat na bakla ako. At alam ko na po na isinumpa ako ng babaeng may hindi pantay na boobs. Kaya itong kaibigan ko na lang po at please lang... huwag mo po siyang takutin.”

Ngunit hinulaan pa rin niya si Fred. “Mag-ingat ka rin. Hindi rin maganda ang nakita ko sa iyong aura. Kagaya ng kaibigan mo, may nakita akong dugong tatagos galling sa katawan mo.”

At tila isang bata si Fred na nagtatalon sa takot. “Arrgggghhhh! Bakit ako? Hindi ko naman nakita ang ibon na iyan! At hindi po ako umibig ng wagas! Si Jake, katawan lang noon ang habol ko! Si Adrian, crush ko lang iyon! Si Bryan… wala iyon gusto ko lang matikman ang halik niya! Waaahhhh! Manong please! Bawiin mo ang sinabi mo ah! Hindi ka naming babayaran, sige ka…”

Ngunit seryoso pa rin ang albularyo. “Basta mag-ingat ka lang… Nakikita kita sa baraha nitong kaibigan mo.” 

“Ganoon? Dumikit talaga ang mukha ko d’yan?” bulong ni Fred.

Baling ng albularyo sa akin, “Sinabi ko lang kung ano ang nakita ko sa baraha mo anak, at upang bigyan ka na rin ng babala...”

“At hindi lang po babala ang gusto naming malaman, manong. Gusto po naming matanggal ang sumpa na iyan kung mayroon man talaga. Para hindi na mag-iisip itong kaibigan ko at pati ako na dinamay pa ng baraha ninyo! Lalo na sa dugong aagos na sinabi ninyo. Takot kaya ako sa dugo.”

“Pasensya na mga anak. Ngunit hindi kaya ng aking kapangyarihan ang tangglin ito. Ang ugat ng sumpa ay pag-ibig, at tanging pag-ibig din lamang ang susi upang matanggal ito; isang tunay at wagas na pag-ibig. Kapag naipakita mo ito, malusutan mo ang trahedya at ang sumpa. At ang mismong nagbigay sa iyo ng sumpang iyan ay siya din mismong magliligtas sa buhay mo.”

“Paano naman iyong sa akin? Paano ko malusutan ang sinabi mong dugong aagos sa katawan ko?” singit ni Fred.

“Huwag kang mag-alala. Damay ka lang dito. Kung malusutan ng kaibigan mo ang sumpa, hindi ka madadamay. Kumbaga, supporting actor ka lang. Kaya huwag ka masyadong umeksena.”

Natameme naman si Fred na ang nasambit na lang ng pabulong ay, “Ay ganoon? May ganoon pa talaga?”

Gusto ko mang matawa sa sinabi ng albularyo, nanaig pa rin sa isip ko ang takot. Tugma kasi ang sinabi niya sa sinabi din ni Aljun tungkol sa pamahiin. “P-paano ko po maipamalas ang wagas na pag-ibig?” ang tanong ko.

“Hindi ko tuwirang masasagot ang tanong mong iyan, anak. Ang tanging masasabi ko lang ay kadalasan, kapag umibig ang tao, may kaakibat itong kundisyon o kapalit. Hindi ito ang tunay na pag-ibig. Ang pag-ibig na wagas ay kayang ibigay ang lahat nang walang hinihinging kabayaran o kundisyon... lumigaya lamang ang taong iniibig.”

Nagkatinginan uli kami ni Fred. Palaisipan kasi ang sinabi niya. Parang isa itong bugtong o misteryo. “Hindi niyo po ba masasabi kung paano o sa anong paraan?” 

“Basta biglang darating na lang ang pagkakataon na iyan kung saan masubok ang iyong pagmamahal...” Napahinto siya at parang may inaaninag sa barahang nahugot ko. “Sandali... may kuwintas akong nakita.” At tumingin sa akin, “Nasaan ang kuwintas na ito?”

“N-nasa drawer ko po, Itinago ko. Natakot po kasi ako sa sumpa.”

“Huwag mong ihiwalay ang kuwintas na iyan sa iyong katawan. Iyan ang magpo-protekta sa iyo...”

“O-opo. Opo...” ang naisagot ko.

Kaya iyon ang naging resulta ng aming pagpakonsulta sa albularyo. Imbes na ang pakay namin ay sana matanggal ang sumpa, lalo pa tuloy akong kinabahan dahil sa pag-confirm ng maghuhula na totoo ang sumpa at na may trahedya pang mangyari sa akin, at madadamay pa pala si Fred.

At isang napakalaking talinghaga pa para sa akin ang kung paano ko lalabanan ang sumpa. Parang isang bugtong na kung hindi ko mahanap ang kasagutan ay tuluyan akong madedo. “Ang saklap naman!” sa sarili ko lang.

Kaya noong umuwi na kami, dali-dali kong isinuot ang kwintas na tuka ng ibong-wagas.

Habang tumatakbo ang mga araw, napapansin kong parang hindi na mapakali si Aljun. Lalong naging tulala, halatang walang tulog, at bagamat ngumingiti minsan, kitang-kita ko pa rin ang matinding lungkot sa kanyang mga mata. 

At marahil ay dahil din ito sa napag-alaman ko mula sa kanya na uuwi daw si Emma sa unang linggo ng Marso. Alam ko ang problema niya. Kung sino an gpipiliin sa amin ni Emma. 

Kung ako ang pipiliin niya, hindi siya siguradong mapasakanya pa si Kristoff at tuluyang masira ang buhay niya, ang pangarap niya sa bata, pati ang kasiyahan ng ina na mahal na mahal din ang nag-iisang apong si Kristoff. 

Subalit kung si naman Emma ang pipiliin niya, buo ang pamilya nila, buo ang buhay niya, maganda ang bukas ni Kristoff, normal pamumuhay, at sagana sa lahat. At sa isang napakagandang lugar pa mahuhubog ang talento ng kanyang mga anak dahil siguradong sa Canada na sila mamamalagi. At alam ko, maging masaya din si Aljun kay Emma dahil mahal pa rin iya ito at may anak sila, at may isa pang darating. Sigurado, magiging masaya ang pamumuhay nila, lalo na si Kristoff na magiging kuya na rin...

Ngunit kung hindi naman ako ang pipiliin niya, marahil ay ikamamatay ko rin ito, ayon sa sumpa…

Mahirap… Alam kong nahirapan siyang mamili at nahirapan din ang kalooban niya. Imbes na malapit na sana ang kanyang graduation, atsaka pa dumating itong napakahirap na sitwasyon sa buhay niya. 

Syempre, litong-lito din ako. Hindi ko alam kung ipaubaya na lang si Aljun kay Emma. Kung gagawin ko iyan, sasaya silang lahat maliban sa akin na sa pagpaubaya ko sa aking pagmamahal, ay tuluyan nang haharap sa isang trahedya.

Sobrang lungkot ang aking nadarama. Tuliro at hindi makapag-concentrate ng maigi sa aking mga gawain at sa aking pag-aaral. 

Hanggang sa ilang araw na lang bago ang expected na pagdating ni Emma, napagdesisyonan kong mag retreat upang mag self-dicern, mag self-examine, mag reflect upang makapag-isip-isip ng tama at manghingi na rin ng sign galing sa taas kung ano ang dapat kong gawing desisyon upang matulungan si Aljun.

Sabado iyon, alas tres lang ng madaling araw noong lihim na gumising ako at dali-daling naligo. Pagkatapos kong maligo ay kinuha ko ang aking maliit na bag na may nakalagay nang 3 t-shirt, isang pantalon at ilang personal na gamit. Noong handa na akong umalis, ginising ko si Aljun at nagpaalam. Tulog pa si Kristoff kaya inaya ko siya sa sala at doon kami nag-usap.

Sinabi ko muna sa kanya na ipapasundo ni daddy si Kristoff sa umagang iyon at pati na siya upang makalaro ng lawn tennis. Sinabi ko ring hindi ako makasama gawa ng aking lakad. Iminungkaheko sa kanya na ipaalam kay daddy na balak kunin ni Emma ang anak na si Kristoff. Ito ay upang hindi mag-expect ang daddy at ma-disappoint kung sakaling magtagumpay si Emma sa balak niya. At nagpaalam na rin ako.

“A-alis muna ako.” ang malungkot kong sabi.

“Bakit? Saan ka pupunta?” 

“M-mag retreat ako boss... sa Franciscan monastery sa kabilang lungsod.”

“B-bakit?” ang tanong niya, bakas sa mukha ang labis na pagtataka.

“W-wala lang. Antagal ko na kayang hindi nakapag retreat. Makapag-isip-isip... makatikim ng preskong hangin at tahimik na ambiance. Iyan kasi ang paboritong retreat venue ng mga magulang ko kapag gusto nilang mag-isip, magmumuni-muni. Mag-eksamin sa sarili.”

Nakita ko naman sa mukha niya ang biglang paglungkot. “A-ako ba ang dahilan kung bakit ka naguluhan?”

“Hindi... ako ang dahilan kung bakit nagulo ang buhay mo. Dapat simple lang sana ito kung hindi ako dumating sa buhay mo.” Ang sabi kong pinilit na huwag pumatak ang mga luha.

“Dapat labanan nating pareho ang mga pagsubok boss...”

“Nasa akin ang susi ng kaligayahan mo... Kaya kailangan kong maging matatag at makapag-isip-isip, tanungin ang sarili kung ano ang maganda at ikabubuti hindi lang para sa atin kundi para sa lahat...”

“Kailangan mo ba talagang magretreat pa?”

Tumango lang ako.

“M-ahal kita boss...” sambit niya.

Ngunit hindi ko ito tinugon. Tumayo ako sa pagkakaupo at tumalikod. At bitbit ang aking bag, tinumbok ko ang pintuan ng flat at tuloy-tuloy na lumisan, hindi alintana ang luhang pumatak sa aking mga mata. 

Alas 8 ng umaga noong nakarating ako sa monasteryo. Ang mga mongheng Paring Franciscan ay namumuhay lamang sa loob ng monasteryong iyon. Contemplative ang tawag sa kanila, cloistered. Iba sila sa mga paring diocesan na aktibong nakikisalamuha sa mga tao, sumasali sa mga sibikong gawain. Samantalang sila ay itinatago ang mga sarili, hindi nakikipag-interact sa mga tao bagamat kapag may gustong mag retreat sa monasteryo nila, may isang bahay na inilalaan sila sa loob ng kanilang compund kung saan may volunteer assistant na nagga-guide kung ano ang gagawin ng mg anagreretreat at tumitingin sa kung ano ang mga pangangailangan ng mga nagre-retreat. 

Base sa mungkahe ng nag-orient sa akin, kung maaari daw ay mag ayuno ako sa araw na iyon na siya ko namang ginawa. Hindi ako nag agahan, at sa tanghali, sabaw lang ang ininum ko. 

Sa buong araw, wala akong ginawa kundi ang mag-reflect base sa mga naka-schedule na verses galing sa bible. Babasahin ko iyon atsaka ang mga totoong kuwento ng buhay at mga patotoong kuwento na nakakabit sa bawat verses. Nakakaiyak din ang mga kuwentong nababasa ko. At karamihan ay nakakaantig ng damdamin, lalo na ang mga karanasan ng paghihirap, panampalataya, at kung paano nilabanan at hinarap ng mga taong nagkukuwento ang mga pagsubok nila sa buhay at ma-overcome ang mga ito.

Ang isang kuwento na umantig sa aking damdamin ay ang kuwento ng isang European na lalaki na nahiwalay sa kanyang asawa pagkatapos nilang ikasal, dahil sa gyera. Dahil sundalo ang lalaki, isinabak kaagad siya sa frontline, at naiwan ang kanyang asawa. Sa kalagitnaan ng gyera, natalo ang sandatahan ng kanilang bansa at sinakop ito ng mga Russian. Sinira ng mga Russians ang kanilang syudad, ninakaw ang mga ari-arian ng mga tao, at ang mga babae ay ni-rape at pinapatay. Naka-eskapo siya sa karatig na bansa habang ang kanyang asawa ay hindi na niya nakita pang muli. 55 na taon matapos ang gyera, palagi pa rin niyang naiisip ang kanyang asawa. Nanalangin siya n asana ay mahanap niya ito kung buhay pa man. Isang araw habang nagtravel siya, nasiraan ang kanilang sinakyang bus at sa hindi maipaliwanag na dahilan hindi maayos-ayos ang sira nito. Naisipan niyang pumasok sa simabhan ng Franciscan monastery na malapit lang sa lugar kung saan inayos ang kanilang sasakyan. Sa loob ng simbahan, may napansin siya sa altar: isang linen cloth na may ginantsilyong design na pamilyar sa kanyang paningin.

Pagkatapos ng misa, tinanong niya ang pari kung saan nila nakuha ang cloth na iyon. Alam niya na isang tao lang ang puwedeng makagawa ng ganon kagandang design. Sabi ng pari, ibinigay daw ito sa kanila ng isang matandang babaeng palaging nagsisimba doon ngunit hindi na nila nakikita sa huling mgsa linggong nagdaan. Nagpatulong ang lalaking hanapin ang nasabing babae. At noong mahanap ang tirahan niya, doon niya nalaman na siya nga ang kanyang nawalang asawa. Nakakaawa ang kalagayan ng babae. Nag-iisa, nakaratay sa higaan, walang nag-alaga at masakitin pa. Nagkaroon ng reunion ang mag-asawa bagamat mahigit isang buwan lang ang kanilang pagsasama dahil pumanaw din ang babae. Ang nakaantig ng aking damdamin ay sa ang liham ng babaeng iniwan niya ng sa ilalim ng reblto ng birhen, “Panginoon... hihilingin ko sa iyo na sana, bago ako pumanaw, ay makita ko ang aking asawa... Mahal na mahal ko po siya at kung buhay pa siya, sana ay mayakap at mahagkan ko man lang siyang muli…” 

Napaiyak ako sa kwento ng pag-ibig nila. Bagamat matagal silang nagkahiwalay, hindi pa rin nila nalimutan ang isa’t-isa hanggang kamatayan. May inggit akong naramdaman sa wagas nilang pag-iibigan. 

Ngunit syempre, lalaki at babae naman kasi sila... At iyan ang lalo pang nagpahagulgol sa akin. Lalaki ako, lalaki si Aljun. Hindi kami puwede...

Sa gabi, kaunti lang ang kinain ko at muli, nag meditate na naman hanggang alas 9 ng gabi. Ang payo ng isang assistant sa akin na kapag daw may hiling ako, o katanungan, o hihingiing sign, pwede daw akong gumising ng hatinggabi at magdasal ng taimtim atsaka buksan malaking bibiyang nasa gitna ng altar ng kapilya. Random lang daw ang pagbukas at isang beses ko lang gawin. At kung ano ang unang mababasa kong verse o verses, iyon na ang sagot sa aking katanungan.

At ginawa ko nga ito. Gumising ako ng hatanggabi, pumunta ng kapilya at nadasal ng taimtim sa harap ng altar. Ikinuwento ko ang hirap ng aking kalooban at na sana ay tulungan niya akong makapagdesisyon ng mabuti; kung ipaubaya ko ba si Aljun kay Emma na kapag ginawa ko, ay siya namang magpapahamak sa buhay ko dahil sa sumpa, o kung ipaglalaban ko siya na kagaya ng sa babaeng nahiwalay sa kanyang asawa na hanggang kamatayan ay ang asawa pa rin niya ang hinangad na makasama. 

Nasa harap na ako ng malaking bibliya, at ang naibulong ko bago ko ito bnuksan ay, ““Bahala na po kayo sa akin, Lord. Kung ano man ang mababasa ko sa pagbukas ko sa bibliya, susundin ko ang kung ano man ang nakasaad dito. Kayo na po ang bahala sa akin. Ipaubaya ko sa inyo ang lahat.” At ewan ko rin ba kung bakit biglang sumingit sa aking isip ang mga salitang, “Kapag ang ang sagot ninyo po ay ipaubaya ko na si Aljun kay Emma, at hindi kami magkatuluyan, babalik po ako dito sa inyo. Magmo-monghe po ako…”

Binuksan ko ang Bible at ang lumantad sa aking mga mata ay ang Gospel ni St. Matthew 5:3-10 

Blessed are the poor in spirit, for theirs is the kingdom of heaven. 
Blessed are they who mourn, for they shall be comforted. 
Blessed are the meek, for they shall inherit the earth. 
Blessed are they who hunger and thirst for righteousness, for they shall be satisfied. 
Blessed are the merciful, for they shall obtain mercy. 
Blessed are the pure of heart, for they shall see God. 
Blessed are the peacemakers, for they shall be called children of God. 
Blessed are they who are persecuted for the sake of righteousness, for theirs is the kingdom of heaven.

Noong mabasa ko ang mga ito, lalo lamang akong napahagulgol. Ang lahat kasi ay purong pagpakumbaba, pagpaparaya. Kaya sumiksik sa aking isipan na iyon na ang sign na hiniling ko; na magpaubaya din ako; na ipaubaya ko si Aljun kay Emma. 

At dahil may nabanggit akong gagawin para sa sarili kapag nangyaring hindi kami magkatuluyan ni Aljn, babalik ako sa pook na iyon… upang magpari.

Habang nasa ganoon akong pag-meditate at pag-iyak, napansin naman ng aking mga mata ang nakadisplay na frame sa dingding, ang “Prayer of St. Francis of Assissi”:

Lord, make me an instrument of your peace.
Where there is hatred, let me sow love;
where there is injury, pardon;
where there is doubt, faith;
where there is despair, hope;
where there is darkness, light;
and where there is sadness, joy.

O Divine Master, grant that I may not so much seek
to be consoled as to console;
to be understood as to understand;
to be loved as to love.
For it is in giving that we receive;
it is in pardoning that we are pardoned;
and it is in dying that we are born to eternal life. 
Amen 

At ilang beses ko pa itong nirecite upang gang bawat kataga nito ay hindi mabubura sa aking isip.

At sumiksik sa isip ko ang kwento ng buhay ni St. Francis, kung saan, kagaya ko, ay isang mayamang pamilya ngunit sa kabila ng kanilang kaarangyaan, pinili niyang talikuran ang yaman at maglingkod sa mga mahihirap at ilayo ang sarili sa maingay, magulo, at materialistic na mundo. 

Parang coincidence ba ang lahat at sa monasteryong iyon pa ako dumayo? Kaya, buo na talaga ang isip ko sa aking desisyon. Sapat na ang mga signs na natanggap ko sa reflection na ginawa ko sa aking buhay.

Bago ako umalis, kinausap ko ang puno ng mga monghe at ipinaabot ko ang balak kong pagpasok sa monasteryo. 

“Son... I am not going to encourage you to be with us. The monks here are people who have been called to abstain from the worldly things and privileges of life. We are here not of our own volition but of a call which we could not resist. And this call is for us to withdraw from the world and dedicate our lives just for a single undertaking: serve Him through prayer. Kaya mo ba ito?”

“O-opo. Kaya ko po...”

“As I said, hindi kagustuhan natin ang nasusunod sa desisyong pagtahak sa buhay ng isang monghe. Ito ay kagustuhan ng nasa taas. Just continue praying. Dahil kung talagang tinawag ka niya upang pagsilbihan siya... ay makakarating ka dito, come what may. I won’t expect you. I won’t even think that you have talked to me about this. But one day when I see you in front of our doorstep, then I will know that God brought you up here to be with us. Otherwise... kung sa araw ng iyong pagpunta dito ay may kahit na katiting na doubt ka sa sarili mo, huwag ka nang tumuloy. God must have other plans for you.” 

“D-decided na po ako father... I think I’ve seen the signs.”

“The signs are there. But our minds are just a speck compared to God’s. Tama ba ang interpreation mo sa signs na ibinigay niya? Hindi natin actually alam dahil may grand design siya para sa lahat. Kasi ang mga mahal natin ay may kanya-kanya ding panalangin. If you decide to be a monk, I’m sure malulungkot ang mga taong nagmamahal sa iyo. Kaya mo ba silang iwanan? Baka ang mga panalangin nila ay na sana magbago ang isip mo at makapiling ka pa rin nila? Paano kung pagbibigyan din ang kanilang kahilingan?”

Hindi ako nakaimik.

“Nagawa mo ba ang desisyon na iyan dahil nabigo ka sa pag-ibig?” and deretsahan niyang tanong.

Mistula din akong nabilaukan sa tanong niyang iyon. Hindi ko nasagot.

“Pwes, ang monasteryo ay hindi kupkupan ng mga taong sawi sa pag-ibig...”

“H-hindi naman po siguro sawi father... gusto ko lamang pong ipaubaya ang taong mahal sa isang taong nararapat para sa kanaya... sa isang babaeng nagkaroon siya ng anak, upang pakasalan niya; upang mabuo ang kanilang pamilya. And I see it as a sign; that this is the place where God wants me to be.” 

“Well... we will never really know. But as I said, you pray. And pray hard; because it’s when we pray the hardest that He leads... and we follow.”

Noong makauwi na ako sa flat, isiniwalat ko kay Aljun ang aking desisyon. “Boss... nakapag-decide na ako... ipaubaya na kita kay Emma. At gusto kong magpakasal kayo pagdating niya.” Ang nasambit ko. 

Hindi ko lubos maisalarawan ang aking naramdaman sa pagkasabi ko sa mga katagang iyon. Iyon bang feeling na gustong-gusto mong huwag lumayo ang isang taong mahal ngunit dahil naintindihan mo ang sitwasyon na siya ay hindi nararapat sa iyo; na may ibang taong mas may karapatang magmamay-ari sa kanya, ay ipaubaya mo na siya sa kabila ng pagdurugo ng iyong puso.

“Ha???!” Bakit??? Bakit mo ako ipaubaya sa kanya? Wala naman akong sinabing pkasalan ko siya ah!” ang gulat na nasabi ni Aljun.

“Boss... alam ko naman na may pagmamahal ka pa sa kanya. At ok lang sa akin. Tanggap ko na ito. At upang maging normal din ang takbo ng lahat sa buhay mo, sa buhay ni Kristoff.”

Yumuko si Aljun. Napansin ko ang mga luhang dumaloy sa kanyang mga mata at bumagsak sa sahig. 

Niyakap ko siya, sinuyo. 

Niyakap na rin niya ako. Mahigpit. “M-ahal kita boss... Mahal na mahal.” ang nasambit lang niya.

“Mahal na mahal din kita boss... Kung alam mo lang kung gaano kita kamahal. At kung bakit ko ginawa ito… dahil sobrang mahal kita boss, at si Kristoff. Ayaw kong magiging hadlang sa kaligayahan ninyo. Ayokong sa kabila ng aking kaligayahan ay may mga taong masisira ang buhay, madadamay. Kaya handa akong magpaubaya upang lumigaya ka, lumigaya kayong mag-ama, magiging normal ang inyong pamumuhay... Hindi ako ang taong nararapat para sa iyo Boss. Kagaya ng pagkapanalo ko sa iyo sa paraffle na may taning na oras, ngayon ko napagtanto na ganoon din lang ang pag-ibig ko sa iyo; panandalian, may taning... isang papremyo nga lang ito.”

Nanatili pa rin kaming nagyakap, hinahaplos-haplos niya ang aking likod. “P-aano ang sumpa? May mangyaring masama sa iyo...?”

“Kung sakaling mamatay man ako dahil sa sumpa, malugod kong tatanggapin ito, dahil sa pag-ibig ko sa iyo. Ngunit hindi ako na ako natatakot boss... dahil ang payo sa akin ng isang mongheng pari, na kapag malinis ang aking hangarin, kapag malinis ang aking puso, at ipinaubaya ko lang lahat sa maykapal, wala akong dapat na ikatakot dahil sasagipin ako ng aking pananampalataya. Iyan ang sandata ko laban sa sumpa, kung mayroon man nito.”

“Paano ka? Ano ang mangyayari sa iyo?”

“Huwag kang mag-alala, boss. Papasok ako sa pagkamonghe at ilaan ko ang buhay ko sa pagpupuri sa kanya, sa isang secluded na lugar, sa monasteryo. Naramdaman ko, ito ang nakatadhna para sa akin boss... B-baka ito rin ang panlaban sa sinasabing sumpa. O baka rin ito nga ang sinasabing trahedya; kamatayan ng pag-ibig ko sa iyo...”

Pagkatapos naming mag-usap, tinawagan ko ang mommy ko at isiniwalat ko ang lahat ng problemang aming kinaharap ni Aljun. 

Batid kong matindi ang kalungkutan ng mommy ko sa nangyari sa akin. Syempre, sa isang ina, ramdam din niya ang sakit na nararamdaman ng anak. Lalo pa’t kaisa-isang anak ako. At lalo na noong ipinaalam ko na sa kanya ang aking desisyon: ang pagpasok ako sa monasteryo.

“Anak... sigurado ka ba sa desisyon mong iyan?”

“Opo mommy. Nakapagdesisyon na po ako.” Ang sagot ko, pinilit ang sariling huwag iparamdam ang pighati ng aking puso. 

At narinig ko na lang na nag-iiyak na ang mommy ko. “H-hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko anak. Naramdaman ko ang sakit na naranasan mo ngayon ngunit sana... huwag kang magpadalos-dalos sa desisyon mong pumasok sa manasteryo. Paano na lang kami ng papa mo? Maaatim mo bang sa pagtanda namin ay...” Hindi na naituloy ng mommy ko ang sasabihin gawa ng pag-iyak niya.

Syempre, pakiramdam ko ay piniga ang aking puso sa narinig na pag-iiyak ng mommy. Hindi ko rin tuloy napigilan ang papatak ng aking mga luha.

“Anak... isipin mo munang maigi iyan please...”

“O-opo... opo mom.” Ang nasabi ko na lang upang mahinto na ang kanyang pag-iyak bagamat buo na talaga ang aking desisyon. At ang pumasok na lang sa isip ko ay ang ilihim sa kanya ito. “Huwag mo na lang munang sabihin kay daddy mommy ha?” Ang nasambit ko upang hindi na sila mabulabog pa. Pakiramdam ko kasi ay magwawala ang daddy kapag nalaman niyang papasok ako sa monasteryo at masakit ito sa kalooban ng mommy.

“S-sige anak. Hindi ko sasabihin. Basta huwag kang padalos-dalos. Pag-isipan mo ng maraming beses anak...”

“Opo mommy.” Ang sagot ko. “K-kumusta pala ang papunta nila d’yan ni Aljun at Kristoff?” Ang naitanong ko, paglishis sa topic.

“Hayun... masaya naman ang bata. Masayang-masaya na naman ang daddy mo na nagkita sina Kristoff...” Natahimik sandali si mommy. “P-paano na lang iyan kapag nasa mama na niya si Kristoff? E di malulungkot ang daddy mo kapag hindi na niya makikita ang bata? Sayang naman... At kapag papasok ka pa sa monasteryo...” at muli, napaiyak na naman si mommy.

“Huwag nap o kayong umiyak mommy please…”

“Hindi ko mapigilan anak. Kaya ipangako mong huwag kang padalos- dalos sa iyong desisyon…”

“O-opo mommy. A-alam na kaya ni daddy ang problema ni Aljun?” ang paglihis ko muli sa topic.

“Palagay ko... kasi pagkatapos nilang maglaro, matagal silang nag-usap at masinsinan ito. At pagkatapos nilang mag-usap, pansin ko ang matinding lungkot sa mukha ng daddy mo.”

“Wala namang nabanggit kung ano ang maitutulong niya kay Aljun?”

“Wala naman...”

“Kaya huwag nyio na lag pong banggitin ang tungkol sa naisip kong pagpasok ng monasteryo mommy ha?”

“O-oo anak...”

Dumating ang takdang araw ng pagdating ni Emma. Palapit na palapit na rin ang graduation ni Aljun. Ramdam ko ang pagiging tensyonado na ni Aljun. 

Ako, dahil kinokondisyon ko na tanggapin ang lahat, pinilit kong ipakitang kaya ko, na matatag ako, na handa na ako, tanggap ko na. Marahil ay nakakatulong din sa akin ang pagretreat at ang sagot sa mga katanungan ko tungkol sa aming sitwasyon. Ang tanging kunswelo ko na lang ay ang makitang buo na ang kanilang pagsasama, isang pamilya kung saan may mama at papa si Kristoff na magsama sa isang bubong.

Gabi kinabukasan, binisita kami ni Emma sa flat ko. Mapapansin na ang bahagyang paglaki ng kanyang tiyan. May apat na buwan na kasi iyon. 

“Aljun... pwedeng kaming dalawa lang ni Jun ang mag-usap?” ang pakiusap ni Emma kay Aljun. Alam naman kasi ni Emma ang tungkol sa amin ni Aljun. Ang relasyon namin ay hindi ito itinago ni Aljun sa kanya.

Agad namang dinala ni Aljun si Kristoff sa labas ng bahay. Narinig kong umandar ang motorsiklo. Ipinasyal marahil ni Aljun ang anak sa plaza.

Noong kaming dalawa na lang ni Emma ang naiwan, nagsalita siya. “G-gusto kong manghingi ng paumanhin sa iyo Gener... alam kong mahal mo si Aljun at mahal ka rin niya. Sinabi iyan ni Aljun sa akin. Nainggit ako sa iyo kasi... bagamat ganitong klaseng relasyon ang nabuo sa pagitan ninyo, ipinagtanggol ka pa rin niya, hindi niya ikinahiyang aminin sa akin at sa mga tao na ang mahal niya ay isang... lalaki. Ngunit mahal ko rin kasi siya... at may anak kami at madagdagan pa ito sa darating na Hulyo. Kaya kahit na naawa ako sa iyo, kailangang magkaroon ng ama ang aking mga anak… At maraming salamat at nagpaubaya ka. Sinabi sa akin ni Aljun na wala kang kinikimkim na galit sa akin, at tanggap mo ang lahat.” ang paliwanag ni Emma.

Binitiwan ko lang ang isang pilit na ngiti. “Kayo naman talaga ang nararapat sa isa’t-isa eh. Nauna ka sa buhay niya, may mga anak kayo, at sino ba ako upang humadlang sa isang napakagandang hangaring buuin ang isang pamilya... isang pangarap na magbigay ng ligaya at pag-asa sa mga inosenteng bata. Kaya dahil dito, handa akong magpaubaya.”

“Napakabait mo Jun. Gusto kong sana… ay maging magkaibigan tayo. Hindi ako nagsisi o ni nagselos na ikaw ang minahal ni Aljun kasi naramdaman kong mahal na mahal mo siya pati na rin si Kristoff. Hanga ako sa ipinamalas mong kabaitan.”

Hindi na ako umimik. Nagustuhan ko ang mga sinasabi niya, bagamat may dulot pa rin itong sakit para sa akin.

“At dapat ikaw ang best man ni Aljun sa kasal namin ha?” 

Na sinagot ko naman ng, “O-oo. Oo. Walang problema sa akin. 

At iyon ang takbo ng usapan namin ni Emma. Noong nakabalik na sina Aljun at Kristoff, siya namang pagpapalan ni Emma na aalis na. Dahil may motorsiklo naman kami at nagtaxi lang si Emma, nagpaalam sa akin si Aljun na ihatid na si Emma. 

Sumang-ayon naman ako. Hinikayat ko pa si Kristoff na sumama upang kahit papaano, maka-bonding din niya ang mama niya.

“Ayaw ko papa Jun. Sasamahan na kita dito.” Sagot ni Kristoff.

“Ay... may pupuntahan ako, kaya sama ka na sa papa mo.” Ang pag-aalibi ko.

“Sasama na lang ako sa iyo papa Jun. Sa iyo ako sasama.”

“Bawal ang mga bata sa pupuntahan ko. Hindi pwede.”

“Bakit? Saan ka ba pupunta?”

“Ah, basta... sumama ka sa papa mo.” Ang paggigiit ko pa.

“Kristoff! Huwag makulit kay papa Jun! Halika, sama ka na lang dito.”

Nilingon ako ni Kristoff, nagdadabog na tila galit sa akin sabay sabing, “Mamaya... iiwanan mo na naman ako...!” pahiwatig niya noong iniwan ko siya sa bukid at noong umalis din ako papuntang monasteryo.

“Hindi na! Hindi na! Promise...” sagot ko.

“Basta papa Jun ha? Huwag mo kaming iwanan. Promise mo iyan.”

“Oo na... Promise ko iyan. Sige, sama ka na sa papa mo.”

Napilitan man, wala nang nagawa pa ang bata kundi ang tumakbo patungo sa kanyang papa. Inabot ni Aljun ang bata, inangat at ipinuwesto sa harapan niya.

Noong makaupo na, nilingon ako ni Kristof sabay sigaw ng, “Papa Jun, dadalhan ka namin ng siopao ni papa! Antayin mo kami ha?” ang walang kamuwang-muwang na sigaw ng bata atsaka umarangkada na ang motorsiklo.

Binitiwan ko ang pilit na ngiti. Alam ni Kristoff na paborito kong kainin ang siopao. At lalo na si Aljun, naalala ko ang mga pinaggagawa namin kapag dinadalhan niya ako ng siopao.

Habang nakatayo ako sa may pintuan, sinundan ng tingin ko ang papalayong motorsiklo. Si Aljun ang nag-dala sa motor, si Kristoff ay naka-front ride habang si Emma naman ay nakaangkas sa likuran ni Aljun. Napag-isip-isip ko, perpektong larawan ng isang masayang pamilya. Isang ama, isang ina na may dinadala pa sa sinapupunan, at isang panganay na anak. Napakagandang simbolismo ng isang buo at matatag na pamilya. 

Napako ang aking mga mata sa kanila habang unti-unting nawala sa aking paningin ang imaheng iyon. Hindi ko namalayan, umagos na pala ang luha sa aking mga mata.

Mahigit tatlong oras na ang nakalipas ngunit hindi pa sila dumating. Habang hinihintay ko angkanilang pagdating, hindi ko naman maiwasan ang hindi sumagi sa isip kung ano ang ginawa nila, kung saan sila nagpunta, at kung gaano marahil sila kasaya na sa unang pagkakataon, buo silang parang isang tunay na pamilya na talaga. 

Masakit ngunit ganyan talaga ang buhay. May mga bagay-bagay sa buhay na hanggang tikim ka na lang. Mayroong mga bagay-bagay na hanggang tingin ka nalang. May pag-ibig na pangmatagalan. May pag-ibig na panghabambuhay. May pag-ibig na panandalian. At may pag-ibig din na hindi naipadama. Pero kahit papaano, dapat pa rin akong magpasalamat dahil bagamat hanggang tikim lang ako at panandalian lamang ito, naipadama ko ito… at kahit papaano, ay naranasan ko kung paano ang magmahal. Sabi nga nila, “It’s better to have loved and lost, than not to have loved at all...”

Masakit. At marahil iyon na nga ang trahedya ng sumpa sa buhay ko; ang mamatay ang aking pag-ibig ngunit sa pagkamatay nito, ay sisibol ang kapayapaan ng aking puso, at panloob na kasiyahan sa buhay… sa loob ng monasteryo.

(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...