Saturday, August 12, 2017

PARAFFLE 22


By: Mike Juha
“Gising na si papa Jun!!!” ang masiglang sigaw ni Kristoff noong nanumbalik na ang aking malay at ibinuka ko na ang aking mga mata.

Pakiramdam ko ay pagod na pagod ako. Parang nauubos ang aking lakas, masakit ang parte ng aking dibdib, at med’yo disoriented. Dahan-dahan kong inikot ang aking mga mata. At napagtanto ko na nasa ospital ako noong makita ko ang dextrose na nakabitin sa lagayan nito sa gilid ng aking kama at may oxygen tube din na nakakabit sa aking ilong.

At nanumbalik sa isip ko ang huling kaganapan bago ako nawalan ng malay... sa kasal ni Aljun.

Noong nilingon ko ang gilid ng kuwarto, nakita ko ang mag-ama. Nakaupo si Aljun, Kristoff ay nakakandong sa kanya. Halatang nahimbing si Aljun at nagising lang sa pagsisigaw ni Kristoff.

Binitiwan ko ang isang pilit na ngiti.

Agad tumalon si Kristoff at nagtatakbo palapit sa gilid ng aking kama. Natuwa naman ako sa nakitang matinding excitement at pananabik sa mukha niya.

“Ingat! Ingat! Baka masaktan si papa Jun mo!” ang sigaw ni Aljun habang dinampot niya ang isang upuan at inilapit ito sa gilid ng aking kama atsaka naupo dito.

“Kumusta ang baby Kristoff ko?” ang mahinang tanong ko.

“Ok naman po. Kayo po papa Jun?”

“Ok naman... ako.”


“Alam mo papa Jun... nag pray ako sa iyo. Kasi po, noong binaril po kayo, madami pong dugo ang nakita ko.” Ang sambit ni Kristoff na nakatayo sa gilid ng aking kama.

Touched naman ako sa narinig sa bata. Syempre, bagamat sumagi sa isip ko na sanay hindi na lang ako nagising kasi wala na rin namang silbi ang buhay ngunit sa ganoong nakita ko sa mukha ng inosenteng bata ang tuwa at sabik na sabik, may dulot din itong saya sa puso ko.

“Masakit po ba papa Jun?” ang makulit na tanong uli ng bata pahiwatig mga sugat na aking natamo sa pagbaril ni Giselle.

“M-med’yo...” ang sagot ko.

“Si papa din may sugat po eh.” Sambit ng bata.

“Kristoff... huwag makulit kay papa Aljun mo! Masakit pa iyang sugat niya...”

Tiningnan ko si Aljun. Nginitian. “M-musta...” ang mahina kong wika. “A-anong nangyari dyan sa braso mo?” ang tanong ko noong mapansin ang ang bandage sa kanyang kaliwang braso?”

“Ah... wala ito. Ok lang ito.” Ang sagot ni Aljun.

“Kasi po papa Jun binaril po siya noong babae...” ang pagsingit naman ni Kristoff.

“Kristoff... kapag nag-uusap ang mga matatanda, hindi dapat sumisingit ang bata kapag hindi tinatanong ha?” pag-pigil ni Aljun sa bata upang matigil ang pagsasalita.

Hinaplos ko na lang ang mukha ni Kristoff. At baling kay Aljun, “Binaril ka rin ni Giselle?”

“Oo... pero daplis lang. Wala ito.” Ang sagot niya. “I-ikaw ang dapat na alalahanin. Isang buong gabi kang walang malay. At salamat dahil ligtas ka na… Kumusta na ang pakiramdam mo?”

“Heto... pakiramdam ko ay lalagnatin sa kirot ng sugat.”

“At least ngayon, ligtas ka na. Nakuha na ang dalawang bala sa katawan mo.”

Binitiwan ko ang isang pilit na ngiti. “S-si Emma... nasaan?” tanong ko.

“Nasa kabilang kuwarto”

“Ha??? Bakit?” ang gulat kong tanong.

“Muntik ka nang maubusan ng dugo. Mabuti na lang at magkapareho pala ang tipo ng dugo ninyo, kaya nagvolunteer siya na sa kanya na kunin ang dugong iabuno sa iyo...” sagot niya. “Salamat sa pagsalba mo sa buhay niya. Hindi ko akalaing magagawa mong ibuhis ang sariling buhay para sa babaeng naging hadlang ng pagmamahal mo sa akin. Napakadakila ng iyong pagmamahal.” Dugtong ni Aljun.

Ramdam ko ang pamumuo ng luha sa aking mga mata sa narinig. “Hangad kong lumigaya ka... kayo ni Emma at Kristoff... bilang isang buong pamilya.” ang nasabi ko, at tuluyang pumatak na ang aking mga luha.

“Huwag po kayong umiyak papa Jun. Malulungkot po ako...”

“O siya... hindi na ako iiyak” ang sabi ko, sabay bitiw ng pilit na ngiti.

“Mahal ka kasi namin ni papa Aljun, papa Jun.”

“Mahal din kita baby Kristoff… kayo ng papa Aljun mo.”

“Alam mo papa Jun... tunay kong lolo si lolo Gener.”

Napangiti ako sa narinig. “Lolo mo naman talagang tunay ang daddy ko e.”

“Hindi papa Jun, lolo ko talaga siya!” giit niya ang boses ay seryosong-seryoso at namimilit.

“Kaya nga lolo mo talaga siyang tunay. Baby Kristoff naman o... niloloko mo naman ako eh.” ang sagot ko pa.

“O sya, sya... doon ka muna sa tabi Kristoff ha? Kami muna ang mag-usap sa papa Jun mo...” ang pagsingit ni Aljun.

Tumalima naman si Kristoff bagamat padabog. Marahil ay may gusto siyang sabihin pa. Bumalik siya sa upuan sa gilid ng kuwarto sa may pintuan malayo sa amin, bakas sa mukh ang pag-aalburuto.

“Alam mo ba kung saan ka natamaan?” tanong ni Aljun sa akin.

“S-sa dibdib?”

“Ang isa ay sa balikat, hindi seryoso. Ngunit ang isa ay tatagos sana sa puso mo...”

“N-natamaan ang puso ko?”

“H-indi... hindi nakaabot ang bala doon. Naharang ito.”

“P-paanong naharang?” tanong kong naguluhan.

May hinugot siya sa kanyang bulsa at ipinakita iyon sa akin.

“A-ang kwintas ng ibong wagas? Ang ibinigay mo sa akin?”

“Oo... ito ang nagsalba sa buhay mo. Dito tumama ang bala na siyang tatagos sana sa puso mo. Nasalo nito ang lakas ng impact ng bala at hindi na nakaabot pa doon. Tingnan mo, may butas...” Ang sabi niya habang inilapit ang kwintas sa aking mga mata.

Hinawakan ko iyon at binusisi at pagkatapos, tinitigan ko si Aljun. “N-atanggal na ang... sumpa ng ibong wagas?”

Binitiwan niya ang pilit na ngiti. At tumango. “Ligtas ka na... Wala nang nakakabit na sumpa sa pagmamahal mo sa akin.” Kinuha niya ang kwintas at ibinalik ito sa kanyang bulsa.

Nakahinga naman ako ng maluwag. “S-salamat...” ang nasambit ko na lang. May dulot man itong tuwa sa akin, may lungkot naman akong naramdaman kasi, wala na ring bisa ang pamahiin ng wagas na pag-ibig dahil kasal na siya kay Emma.

“May isa pa akong sorpresang ibubunyag sa iyo...” wika niya.

“A-ano?”

“M-magkapatid kayo ni Emma...”

“A-ano???!!!” ang malakas kong boses. Napaigtad tuloy ako dahil nagalaw ang aking sugat.

“O... o... huwag ka kasing gumalaw”

“P-paano nangyaring magkapatid kami?”

“Heto ang kuwento ng daddy mo... N-noong natamaan ka na, dinala ka namin dito sa ospital. Dito na tuluyang namukhaan ng daddy mo ang ina ni Emma. Noong una, ayaw umamin ng ina ni Emma na siya ang babaeng naging katulong ng pamilya ng daddy mo noong binata pa siya. Mapusok ang daddy mo noong kabataan niya. May mga pagkakataong siya at ang ina lang ni Emma ang naiiwan sa bahay at pinupuwersa niyang makipagtalik ito sa kanya. Nagbunga ang ginawa ng daddy mo sa kanya. Subalit ayaw panindigan ng daddy mo ang nangyari. Bata pa raw siya upang magpakasal at takot siya sa mga magulang niya. Binigyan na lang niya ng pera ang ina ni Emma upang ipalaglag ang bata. Sa sama ng loob at tindi ng galit, lumayas ang ina ni Emma at hindi na nagpakita pa... Akala ng daddy mo ay tuluyan nang ipinalaglag ng ina ni Emma ang bata. Ngunit noong muli silang nagkita dito nga sa ospital na ito at kahapon lang, nanghingi ng tawad ang daddy mo sa kanya. Hindi natiis ng ina ni Emma ang pagmamakaawa ng daddy mo sa kanya at ibunyag na ang lahat. At iyon na...”

Hindi ko lubusang maintindihan ang tunay kong naramdaman sa narinig. “Kaya pala ang gaan-gaan ng loob ko sa kanya! Kaya pala ang gaan-gaan ng loob ko kay Kristoff! At kaya pala ganoon na lang ang pagkalapit ng daddy ko kay Kristoff! Tunay pala niya itong apo!” sa isip ko lang. At napahagulgol na lang ako. Hindi ko alam kung bakit. Parang singbilis ng kidlat ang lahat ng mga pangyayari. Ang inaakala kong batang anak lang ni Aljun ay tunay ko palang kadugo sampu ng kanyang ina. May dulot na saya ito sa akin, bagamat may dalang lungkot din dahil kapatid ko nga siya ngunit siya pa pala itong karibal ko sa pag-ibig ni Aljun.

Masakit pero binalik-balikan ko na lang sa isip ang mga natutunan ko sa loob ng monasteryo, ang pagpakumbaba, ang pagpaubaya. Lalo na ngayon, kapatid ko pala ang asawa ni Aljun. Atsaka mas kailangan niya ang katuwang sa pagtataguyod ng mga pamangkin ko... “Ganyan talaga. Minsan sa buhay, kailangan nating magpaubaya, magpakumbaba, lalo na kung kapayapaan at kaligayahan ng nakararami ang nakataya...” bulong ko sa sarili. “Kahit papaano, may silbi pa rin ang paghihirap ko, ang pagpaubaya ko.”

At ang mga nalalaman kong iyon ay lalo pang nagpatindi sa pagnanais kong tumuloy sa pagpasok sa monasteryo.

Hindi na ako umimik. Sumagi sa isip ko ang ginawa kong pagsagip kay Emma. Sumagi din sa isip kong magiging masaya na sila ni Aljun. “At least... hindi sa ibang tao napunta ang mahal ko. Ok na siguro iyon.” sa sarili ko lang.

“Tuwang-tuwa naman ang daddy mo noong malaman ang lahat. At agad niyang kinarga si Kristoff at inikot-ikot sa ere at halos hindi na ito pakawalan. Nagharutan ang dalawa, ‘Ikaw ha hindi mo sinabing apo pala kitang tunay! Sinadya mo ito ano?’ ang biro ng daddy mo kay Kristoff habang karga-karga ito sa kanyang bisig. Tawa lang ng tawa ang bata. Para bang isang tropeo ito sa championship na palaro na noong makamit na niya ay hindi na mabitiw-bitiwan pa.”

“Sabi ko nga sa iyo papa Jun, lolo ko po talaga si lolo Gener e!” ang sigaw naman ni Kristoff sabay takbo na naman palapit sa gilid ng aking kama.

“Ah... kaya pala sinabi mong tunay mong lolo ang daddy. Di ako nakinig e.” ang naisagot ko.

“Opo. Atsaka po papa uncle na rin kita.”

“Oo nga ano? Papa na uncle.” Sagot ko, sabay tawa. Tawanan na lang kami ni Aljun. Pakiramdam ko ay nalimutan ko ng panadalian ang hirap na aking dinaranas.

Tahimik.

“K-kailan kayo aalis patungong Canada?” ang pagbasag ko sa katahimikan

“M-may aasikasuhin daw si Emmang napaka-importanteng bagay sa Canada. At ayaw din niyang mapaso ang mga papeles namin lalo’t first time namin ang pagpunta doon...” paliwanag niya, halatang nag-aalangang sabihin sa akin kung kailan ang alis nila.

Kaya iginiit ko ang tanong. “Kailan nga???”

“B-bukas na...” ang sagot din niya, pinagmasdan ang aking reaksyon.

“M-malapit na pala. Ilang oras na lang...” ang nasambit ko, binitiwan ang malalim nabuntong-hininga.

Na sya namang pag react ni Kristoff. “Hindi naman po ako sasama papa Jun.”

“Sasama ka Kristoff. Nag-usap na tayo...” Ang sagot ni Aljun sa anak.

“Sabagay, na-delay lang kayo dahil sa akin, diba?” Ang sagot ko, hindi na pinansin ang pagmamaktol ni Kristoff.

Tumango lang si Aljun.

“Palagi mong alagaan ang sarili mo doon. Mag-ingat ka palagi... Wish kong masaya ka, masaya at matatag ang iyong pamilya, normal ang takbo ng buhay...” ang sabi ko, pinigilang huwag pumatak ang aking mga luha. At baling ko kay Kristoff, “Sasama ka sa papa mo ha?”

“Gusto ko dito na lang sa iyo papa Jun e...”

“Ang bata ay sa kanyang papa at sa kanyang mama sumasama, di ba?”

“Kasi... Kasi... kasi...” ang pagmamaktol uli ni Kristoff.

“O sige ganito na lang, sasama ka sa papa mo. Susunod ang lolo mo doon at pagkatapos, ako naman ang pupunta doon pag semestral break ko. At kapag wala ka namang pasok, ikaw ang magbakasyon dito sa amin... Ok lang ba?”

“Kasi naman e.... Kasi naman.... Kasi naman...!” ang pagmamaktol uli ni Kristoff ang mga paa ay itinadyak-tadyak sa sahig.

“Halika nga hug kay papa Jun” ang sambit ko.

Lumapit naman ang bata at pilit na inabot ang aking katawan bagamat hindi niya kayang abutin ito.

“Kiss na lang kay papa Jun”

At tumalima uli siya, iyong halik niyang lips-to-lips ng may tunog.

“O sya... payag ka nang sumama sa papa mo ha?”

Hindi na kumibo ang bata bagamat nakasimangot ito at nakayuko, halatang may pagtutol pa rin ang kanyang isip.

“Bibisitahin naman kita doon e...” sabi ko.

“Promise mo iyan papa Jun ha?”

“Oo, promise.” Ang naisagot ko na lang.

Hindi na ako kumibo. Alam ko naman kasi na hindi na matutupad iyon. Nakatatak na sa isip ko na iyon na ang huling mga sandali ng pagsasama namin. Sinabi ko na lang na puwede ngang pumunta ako sa Canada at pwede rin kaming magkita sa Pilipinas upang mapilitan siyang sumama sa kanyang mga magulang.

“Papa Jun. Dadalhin ko ang lahat na mga laruan na binigay mo sa akin. Kasi kapag na-miss kita, iyon na lang ang lalaruin ko.”

At sa sinabing iyon ni Kristoff hindi ko na napigilan ang pagpatak muli ng aking mga luha. Pinilit kong huwag ipakita ito sa kanya. Ibinaling ko ang aking mukha sa kabilang gilid ng kama atsaka palihim kong pinahid ang aking mga luha sabay sagot, pilit na hindi ipinahalata ang pag-iyak. “Oo naman! E... ikaw, anong ibibigay mo sa papa Jun mong remembrance?”

“E...” nag-isip siya. “Igagawa na lang kita ng card!”

“Ay maganda iyan! Ibigay mo sa akin ha?” ang sambit ko, nilingon ko na uli siya.

“Opo papa Jun! Mamayang gabi, gagawa po ako. Magaling po akong gumawa ng card e. Gustong-gusto po ng teacher ko ang gawa kong card.”

“Talaga? Ang galing naman.” Sagot ko.

Tahimik.

“K-kumusta na pala si Fred?” baling ko kay Aljun.

“Ah... Oo nga pala, malaki ang utang na loob natin kay Fred. Noong nabaril ka at bumagsak, babarilin ka pa sana uli ni Giselle. Kakalabitin na lang ni Giselle ang gatilyo noong maagap na inagaw ni Fred ang baril. Nag-aagawan sila. Pumutok ang baril at natamaan si Fred sa hita. Ngunit hindi talaga binitiwan ni Fred ang baril. Kaya noong pang-limang putok na, sa dibdib na Giselle tumama ang bala. Hindi na siya nakaabot pa ng ospital. Dead on arrival.”

“L-limang bala pala ang pinaputok ni Giselle? Iyon pala ang nangyari. Naalala ko pa noong bumagsak ako, itinutok uli ni Giselle ang baril sa akin at hindi ko na alam ang nangyari pa.”

“Iyon na iyon...” sagot ni Aljun.

“Isang tunay na kaibigan talaga si Fred...”

“Kung hindi sa kanya, malamang na patay ka na, baka patay na rin tayo...”

Hapon noong makabalik na ang mommy ko na galing sa bahay naming, nagpahinga ng saglit. Si Aljun at Kristoff naman ay umuwi din sandali sa hotel na tinutuluyan ni Emma, naghahanda sa kanilang pag-alis kinabukasan.

“Anak, mabuti’t nagising ka na... Kumusta ang pakiramdam mo?” ang tanong ni mommy habang dinampot ang upuan niya at ipinuwesto ito sa gilid ng kama ko atsaka naupo dito.

“O-ok naman po... M-asakit lang ang sugat ko.”

“Mabuti at ligtas ka na anak... maraming dugo ang nawala sa iyo.”

“Kaya nga po e...”

“At masaya kaming lahat na ligtas ka na.”

Tahimik.

“N-napakadakila ng iyong ginawang pag-alay ng iyong buhay para kay Emma, anak...” ang sambit ni mommy. “Dalawang buhay ang iniligtas mo, ang kay Emma at sa kanyang anak.”

“Na pamangkin ko rin...” ang dugtong ko.

“Alam mo na pala.”

“Opo mommy. At masaya ako. H-hangad kong mabuo ang pamilya nila, mommy. Hangad kong magiging masaya sila. Lalo na’t kapatid ko pala siya.”

Hinaplos ni mommy ang aking pisngi. Alam kong ramdam din ng mommy ko ang sakit na naramdaman ko. “Hanga ako sa tatag at tibay ng loob, at lawak ng iyong pang-unawa anak. Hayaan mo... darating din ang taong nakatadhana para sa iyo.”

Binitiwan ko lang ang ngiting pilit. Alam ko naman na hindi na mangyayari iyon. Isasara ko na ang pinto ko sa pag-ibig... sa loob ng monasteryo. “K-kayo lang po mommy? S-si daddy?” ang paglihis ko sa topic.

“Galing dito ang daddy mo. Halos walang tulog din simula noong dinala ka niya sa ospital. Sasakyan natin ang nagdala sa inyo ni Fred dito”

“G-ganoon po ba mommy?”

“Oo. Kaya pagod na pagod ang daddy mo. Pero alam na niya na gising ka na... Baka mamayang gabi lang ay nandito na iyon.”

“N-nasaan pala si Fred mommy?”

“Ah... Nandito rin sa ospital na ito, anak. May tama lang ang kanyang hita pero ligtas na rin siya.”

At maya-maya nga lang may kumatok na sa ospital. Si Fred, naka-wheel chair na tulak-tulak pa ng isa sa mga kaibigan niya.

“Fwend!!! Salamat at ligtas ka na!” ang sigaw kaagad ni Fred sa akin.

“O, sya... iiwan ko muna kayo anak, Fred. Doon muna ako sa labas. May sasaglitin lang ako sa grocery ha? Kayo na munang bahala dito.”

“Opo mommy!” sagot ko.

“Yes, Mrs. Flandez... At salamat po ma’am sa lahat.” ang sagot ni Fred. Napag-alaman ko kasing sina daddy ang sumagot sa mga gastusin din ni Fred sa ospital.

Napangiti si mommy kay Fred. “Kami ang dapat magpasalamat sa iyo. Buhay ni Jun at buhay ng lahat ang isinalba mo. Isa kang tunay na kaibigan ng anak ko, at ng pamilya Flandez. Napakalaki ng pasasalamat namin sa iyo.” Ang sambit ni mommy kay Fred.

“Wala pong ano man ma’am. All the time po. Mahal ko lang po talaga itong friend kong ito.”

Binitiwan ni mommy and isang ngiti atsaka umalis na.

“Salamat Fred at ligatas ka rin! At maraming salamat sa pagligtas mo sa buhay ko. Ikaw pala ang savior ko.”

“Actually, hindi ako...” ang casual na pagsalita ni Fred.

“Ha??? S-sino?” ang sagot kong naguluhan.

“Si Aljun. Noong bumagsak ka na, mabilis ding hinarang ng katawan ni Aljun ang balang tatama sana sa iyo. At swerte lang na sa braso niya tumama ang bala at dumaplis ito. Nahawakan ko na kasi ang kamay ni Giselle bago niya naiputok ang pangtlong bala kaya lumihis ito. Ngunit siguradong tatama pa rin ito sa katawan mo fwend kung hindi nasalo ng katawan ni Aljun ang bala. Baka tiyan mo naman ang mapupuruhan. Medyo tagilid kasi ang pagkapwesto niya kaya sa braso siya natamaan.”

“T-talaga?” Ang naisagot ko. Syempre, sobrang touched ako. “K-kaya pala may bendahe ang braso niya. At kaya pala ang sabi niya ay limang bala ang naipapaputok ni Giselle.”

“Oo. Dalawa ang tumama sa iyo, isa ang nasalo ni Aljun, isa ang sa akin, at ang panglima ay kay Giselle...”

“Ngunit hero ka pa rin Fred. Kung hindi mo pala nahawakan ang kamay ni Giselle, e di siguradong napuruhan si Aljun?”

“Malamang. At ulo niya ang matamaan dahil habang ikaw ay nakatihaya sa sahig, dinapaan ka naman niya.”

“Bilib na talaga ako sa tapang mo, Fred. Hindi ka lang savior ko. Savior ka rin ni Aljun.”

“Ako pa fwend! Kapag si Giselle ang pag-uusapang kaaway, lahat ng tapang ko ay lumalabas.” Sabay tawa.

“Kaya simula ngayon, ikaw na ang friend for life ko…”

“F4L? Pwedeng BF4L?”

“Best friend for life?”

“Hindi. Baklang Friend For Life”

Tawanan.

“Paano ka nakarating agad sa kanya?”

“Nasa gitna ng simbahan ako nakaupo Fwend. At nasa gilid ko lang sya noong barilin ka niya. Kaso hindi ko lang talaga namalayan ang pagpasok ng demonyang iyon. May mga wafu kasing nasa gilid ng simbahan nagdidisplay! Na nakadistract tuloy ang byuti ko. Estorbo talaga ang mga wafung yan at isang malaking tukso! Hmpt” sabay tawa. “Tapos… nagulat na lang ako noong may pumutok na at bumagsak ka na nga. Noong lingunin ko ang pinagmulan ng bala, hayn nakita ko ang demonya, at ipinuntirya na naman sa iyo ang baril! Kaya dali-dali kong hinugot ang kahuli-hulihang hibla ng pagkalalaking natira sa aking katauhan at hinablot ko na ang baril. Nakaputok uli iyon. Akala ko nga ay ikaw na ang natamaan. Dinapaan ka na pala ni Aljun bagamat dibdib hanggang ulo lang ng katawan mo ang nadapaan niya kasi sa pagmamadali. At ang kamay niya ang nasa may tiyan mo kaya braso niya ang natamaan. Hindi pa rin binitawan ng bruha ang baril at ipaputok na naman sana niya iyon sa inyo kaya pilit kong inagaw iyon. Ngunit sadyang malakas talaga ang mga nababaliw na Fwend, hindi ko siya na-overpower agad! Kaya hayun, natamaan ako sa hita. Buti na lang hindi matris ko ang natamaan!” Sabay tawa uli.

“Puro ka naman biro eh!”

“Di nga… di iyon, noong natamaan na ako, lalong nag-init ang ulo ko! Para bang hindi ko matanggap-tanggap na talo ako! Kaya initinodo ko na ang pagsi-sex change at noong feeling ko ay lalaking-lalaki na ako, binali ko na ang kamay niya. Hayun, siya ang naputukan. Desidido talagang pumatay ng tao ang hayup na iyon fwend!”

“Grabe talaga ang sama ni Giselle no?”

“Sinabi mo pa...”

“Dead on arrival daw...”

“Ay... oo nga eh.” Napahinto ng bahagya si Fred. “Nalungkot din naman ako. Kasi, hindi ko naman sinadya iyon. Sa oras na iyon kasi, ang nasa isip ko ay ang matanggal sa mga kamay niya ang baril. Kaso kung binitiwan ko siya fwend, siguradong patay ako, at malamang, patay ka rin at si Aljun, at si Emma...”

“Wala kang kasalanan, Fred. Self-defense ang nangyari. At ikaw ang hero...”

“At ikaw ang martir. Ginawa bang bullet-proof vest ang sarili!” ang paninisi ni Fred sa akin.

“Ok lang iyon. Alam mo bang kapatid ko pala si Emma?” ang pag-divert ko sa topic.

“Oo, sinabi nila ni Aljun noong binisita nila ako sa kuwarto ko. What a small world talaga. Tayo kaya fwend? Hindi kaya tayo mag-sisters?” sabay tawa.

“Pwede kung sasama ka sa akin sa loob ng monasteryo.”

“Huwag kang magbiro ng ganyan fwend...”

“Oo nga. I have decided to dedicate my life na sa serbisyo ng pagka monghe.”

“Dala lang iyan ng pagkadesperado mo fwend. Hayaan mo munang maghilom ang sugat mo sa puso atsaka ka magdesisyon.”

“I’ve made up my mind, Fred...”

“Hay naku. Kalokohan!”

“Hindi kalokohan iyan, Fred. I read the signs”

“Pwes mali ang interpretation mo sa sign”

“It’s final na Fred”

“Bahala ka nga! Pero ako, hindi puwede d’yan. Kasi, kapag ako ang nakapasok d’yan, magsisilabasn ang lahat ng mga monghe.” Sabya tawa.

“Ha? Bakit?”

“Syempre, pagnanasaan ko silang lahat. Iyong iba, lalabas kapag nakatikim sa aking alindog dahil hahanap-hanapin nila ang iba pang masarap sa labas. Iyong iba naman, mabubuwesit sa akin kaya lalabas na.” at tuluyan nang humalakhak.

“Ikaw puro ka talaga biro...”

“Pero seriously fwend, ayoko talagang pumasok ka sa monasteryo. Bakit hindi mo muna tapusin ang college? Or... i-experience mo ang muling ma-in love?”

“Ayoko na Fred. Masasaktan lang ako. Alam mo naman na kapag nasa ganitong sitwasyon tayo, walang lalaking papatol dahil lahat sila, mangangarap na magkaroon ng pamilya, ng asawa’t anak. Talo tayo Fred. Hindi natin maibigay iyan sa kanila, at kahit anong klaseng sumpaan pa na hindi ninyo pabayaan ang isa’t-isa o na hindi kayo maghihiwalay, doon pa rin hahantung ang lahat... sa hiwalayan; sa paghahanap nila ng pamilya’t anak.”

“Ikaw naman... hindi naman kailangan na magkaroon ng anak upang magiging buo ang pagmamahalan, e. Tingnan mo ang ibang heterosexual na mag-asawa na walang anak? Buo pa rin naman sila ah. Dahil... tunay na pag-ibig ang kanilang naramdaman. Pwede naman iyan sa atin ah?”

“Oo... buo sila. At kasal naman, may legal at moral na status.”

“Fwend, ano ang silbe ng kasal kung ang dalawang tao ay hindi tapat sa isa’t-isa? Morally right ba iyan? Kasal sila pero may kabit or tumitikim sa iba ang magkabilang parte? Para sa akin fwend, this is not an issue of whether kasal o hindi ang dalawang nagmamahalan o kung may legal or moral status ang kanilang pagsasama. Ang dalawang taong nagmamahalan ay pwedeng magsama fwend kahit walang kasal, walang anak at walang legal standing. Hayaan na natin ang moral standing kasi, kanya-kanyang tao ay may kanya-kanyang pananaw sa kung ano ang moral o immoral. Pag-ibig ang pinag-usapan dito fwend. Lahat ng tao ay may karapatang umibig, walang discrimination iyan dapat, dahil hindi tayo ang pumili kung sino ang iibigin natin kundi ang puso. Kung tayo pa sana ang pipili n gating mamahalin, e di sana ay nabawas-bawasan na ang problema ng pag-ibig sa mundo, di ba? Dahil may taong iniibig natin, iba naman ang iniibig niya. May taong nagkakagusto sa atin, ngunit iba din ang tinitibok ng ating puso. Mahirap e... Anyway, hindi issue ang kasal o anak dito fwend. Puso…”

“O siya... huwag na tayong mag-argumento. Tama ka na. Ngunit decided na ako Fred...” Ang naisagot ko na lang. May punto din naman kasi siya.

“Hay naku fwend. Bahala ka na nga!”

Tahimik.

“Wala na ba ang sumpa fwend?” tanong ni Fred.

“Hindi ako sigurado Fred. Pero sabi ni Aljun at ng duktor, nailigtas daw ang buhay ko dahil sa kwintas ng ibong wagas. Ito ang sumangga sa bala na sa puso ko sana tatama. At ito daw ang palatandaan na natanggal na ang sumpa.”

“Naipakita mo kasing kahit buhay mo fwend ay wala kang pagdadalawang isip na ibuhis upang lumigaya lamang si Aljun. At hindi makasarili ang iyong pagmamahal. Kasi kung iba pa iyon, matutuwa na silang ang karibal nila ang mabaril upang mapasakanila ang taong minahal. Ngunit iba ka… Imbes na hayaan mong mabaril si Emma, ikaw pa itong sumangga sa balang para sana sa kanya…”

“Ganyan siguro talaga Fred kapag tunay kang nagmahal…” ang sagot ko na lang.

Bisitahin uli natin ang albularyo Fwend. I-klaro natin kung talagang nawala na ang sumpa...”

“S-sige...” ang naisagot ko na lang.

“Sandali… di ba bukas na ang alis nila Aljun?”

“B-bukas na nga, Fred.”

At bigla na lang lumungkot ang mukha ni Fred. “Sorry fwend ah… Hindi ko na alam kung ano pa ang maitutulong ko sa iyo. Kung puwede ko lang sanang sirain ang lahat ng mga paliparan upang hindi sila makaalis, gagawin ko iyon. Ang hirap ng kalagayan mo…”

“Baligtad naman iyang nasa isip mo eh. Kaya nga ako nandito ngayon sa ospital ay dahil nais kong lumigaya sila, di ba? At ngayon naman, gusto mong harangin. Hayaan na natin sila. Tanggap ko ang lahat…”

“Tanggap mo, pero alam ko, mabigat sa iyong kalooban at nagdurugo ang iyong puso.” sagot naman ni Fred.

“Walang choice eh. Alangan namang magpakamatay ako. Gusto ko na nga sanang matepok e, sinagip mo naman ako. E… di sayang lang ang effort mo.”

Natawa si Fred. “Ok lang iyong effort ko fwend. I-ignore mo na lang iyon. Gawin mo ang nararapat… Sige magpakamatay ka uli. Di na kita pipigilan.” sagot ni Fred sabay bawi din “Joke!!!”

Tawanan.

“Tanggap ko naman talaga Fred… Kasi, kapatid ko naman si Emma di ba. Dapat na kapakanan nila ang iisipin ko. Lalo na si Kristoff, at sa darating pa nilang anak. Magparaya ako. Iyan ang natutunan ko sa aking pag retreat sa monasteryo.”

“Napakabait mo talaga fwend. Ngayon ko lang narealize ang sobra mong kabaitan. Hindi ako nag-regret na naging kaibigan kita, at na ipinagtanggol kita sa lahat ng mga umaaway sa iyo.”

“S-alamat Fred… Ako man ay masaya at proud na nagkaroon ng isang kaibigang tulad mo. Napakaswerte ko na nagkaroon ng kaibigang katulad mo...”

“Waaaw! Tats naman ako nyan fwend...” at sabay hug sa akin.

“F4L?”

“No, BF4L!”

Tawanan.

Kinagabihan, kumpeto ang family ko sa ospital. Nandoon ang daddy ko, ang mommy, si Fred, at syempre, si Aljun at Kristoff. Nandoon na rin si Emma na pinasalamatan ako sa ginawa kong pagsagip sa kanya.

“Salamat bro... utang ko sa iyo ang buhay ko. Hindi ko akalaing kapatid pala kita. Kaya pala, noong una kitang makita ay ang gaan-gaan ng pakiramdam ko sa iyo. Hayaan mo, bro babawi din ako sa iyo...” ang nasabi ni Emma sa akin. Iyon ang kauna-unahang pag-meet namin simula noong malaman naming magkapatid kami.

“S-salamat din sa pagdonate mo ng dugo sa akin…”

“Wala iyon sa ginawa mo sa akin bro… Maraming-maraming salamat talaga.”

“O-ok lang iyon...”

“Ate... ate ang itawag mo sa akin”

“Ate... nais ko lang ay ang lumigaya kayo ni Aljun, mabuo ang pamilya ninyo.”

“Hayaan mo. Gagawin ko ang lahat upang matupad ang mga ninanais mo. Gusto ko ring sumaya ka... Kapag na-resolba na ang mga kinakaharap kong problema sa Canada, babalik ako, babalik kami ni Aljun at Kristoff. Magkita pa rin tayo... Excited akong maka-bnding ka at mas makilala pa.”

Binitawan ko na lang ang isang pilit na ngiti. Alam ko kasing hindi na mangyayari iyon.

Alas otso ng umaga kinabukasan ay gising na ako. Nasa kuwarto ko si mommy at si daddy. Dahil sabi ng duktor ay puwede na raw akong tumayo at maglakad-lakad, at importante daw iyon para sa akin, kaya pinilit ko nang tumayo bagamat may tubo din palang nakakabit sa gilid ko at ang dulo ay isang plastic bag na may lamang dugo... Drain pala iyon ng dugo na galing sa sugat sa loob ng katawan ko.

Dahan-dahan ngunit kahit papaano, nakakalakad at nakakaupo na, hila-hila ang dextrose at ang tube na labasan ng dugo.

Nakaupo na ako sa gilid ng isang silya noong maya-maya lang, dumating na sina Aljun, Kristoff, at si Emma. Dumaan lang sila upang magpaalam bago tuluyang tumungo sa airpot.

Napakalungkot ng eksena na iyon. Iyon na ang pinakamalungkot na eksena sa buhay ko; ang huling pagkakataon na makita ang aking mahal... na paalis, kasama ang kanyang pamilya.

Pinilit ko ang sariling huwag magpaapekto; na ipakita ang buong tapang kong harapin ang lahat na parang isang karaniwan lang itong pagpapaalam kagaya ng pupunta lang sila sa eskuwelahan, o mamasyal sa plaza... Tila sasabog man ang dibdib ko sa sakit, pinilit ko pa ring magkunyari.

Unang lumapit si Emma. Muli, nagpasalamat siya sa ginawa ko. Sinabi niyang huwag akong mag-alala dahil gusto pa niyang magkabonding kami at makilala ako ng lubusan. Nanghingi din siya ng dispensa kung bakit nagmamadali silang umalis. Nagpaliwanag na pagkatapos ng mga importanteng bagay na aasikasuhin niya sa Canada na malaking problema daw na kinakaharap niya, ay babalik sila ni Aljun. Sinabi din niya sa akin na susunod daw pala si daddy sa Canada upang tingnan ang kalagayan nila doon at tulungan na rin siya sa kanyang kinakaharap na malaking problema. Hindi ko na lang tinanong kung anong problema iyon. Baka kasi personal na masyado at wala din naman akong maitutulong. Kaya tumango na lang ako. Hindi ko na rin ipinaalam sa kanya na papasok ako ng monasteryo dahil inilihim ko iyon sa aking mga magulang. Hindi na rin ako nagtaka noong marinig ko ang planong pagsunod ni daddy sa kanila. Alam ko, gusto rin niyang makasama ang pinakamamahal na apo niya doon. At ikinatutuwa ko rin nman ito. Kasi iyon din ang sinabi ko kay Kristoff na susunod ang lolo niya doon.

“Papa Jun, heto o... dala-dala ko pa ang binili mo sa akin na robot... Yung baril-barilan sana, kaso sabi ni papa, baka daw ikukulong ako ng pulis kapag nakita iyon.” Noong si Kristoff na ang lumapit sa akin. Mukha namang tanggap na ng bata na sasama na siya sa Canada.

Napangiti na lang ako sa sinabi niya. “Oo tama lang na robot na lang. Baka makita ka ng pulis, akalain ay isa kang rebelde.”

“Papa Jun naman eh! Hindi naman ako rebelled eh.”

“Biro lang... baka lang kapag dinala mo ang baril-barilan mo.” Paliwanag ko.

“At heto papa Jun ang card na ginawa ko po para sa iyo...” sabay abot sa akin sa card na ginawa niya.

Binuksan ko ito. “Wowww!!! Ang ganda naman Kristoff!” sambit ko noong makita ang mga drawing niya. Binasa ko ang nasa loob. “Dear Papa Uncle! Huwag po kayong malungkot kasi po magkikita pa uli tayo. I love you Papa Jun!”

At noong mapansin ko ang drawing niyan dalawang lalaki at isang bata. “Sino naman itong mga ito?” ang tanong ko.

“Tayong tatlo ni papa.”

“Ay ang galing! Bakit mo naman naisipang i-drawing tayong tatlo?”

“Kasi po, para po palagi mong maalala tayong tatlo ni papa na magkasama. Kahit nasa Canada na kami, magkasama pa rin tayong tatlo...”

At hindi ko na napigilan ang sariling hindi mapaluha. Napaka-inosente kasi ng bata, at dama ko ang kanyang naramdamang lungkot at pagnanais na kahit sa drawing man lang ay manatiling magkasama pa rin kaming tatlo ng papa niya. Sobrang touched ako sa ginawa ni Kristoff. Napakatalingong bata talaga.

Gusto ko sanang humagulgol ngunit ibayong pagpigil sa sarili ang ginawa ko. Pinahid ko na lang ang mga luha ko at niyakap siya.

“Papa Jun huwag na po kayong umiyak kasi, iiyak na rin po ako...” at nakita ko na lang ang nagbabagsakang luha sa mga mata ng bata sabay pahid naman niya sa mga ito.

“O... o… siya huwag ka nang umiyak. Hindi na iiyak si Papa Jun. “Tahan na, tahan na...”

Nagpapahid pa rin siya ng luha at humikbi.

“O sige... kiss na lang kay papa Jun dali...”

“At idinampi niya sa aking labi ang trademark niyang kiss na may tunog.”

“Huwag nang umiyak ha... sige, punta ka na sa mama mo”

Agad naman siyang tumalima.

Noong si Aljun na ang lumapit sa akin, nagpaalam na sina Emma at Kristoff na sa van na maghintay. Sina daddy at mommy naman ay nagbigay-daan upang magkaroon kami ng private moment.

“H-heto na talaga boss...” ang sambit ko.

Malungkot ang kanyang mukha. Binitiwan ang malalim na buntong-hininga.

“P-parang kailan lang ano? Naalala ko pa, una kitang nakita ng personal noong nagmeeting ang LA department at pumasok ka upang mag explain. Pinagmasdan na kita noon. Humanga na ako sa iyo. At nasabi ko sa sariling ‘Wow! Talaga naman pala! Kaya andaming nagkandarapang mga babae! Ang guwapo-guwapo naman pala.’ Tapos... nakita kita sa CR noong magkasabay tayong umihi at tumabi ka talaga sa katabing urinal na inihian ko. Hindi kita kunyari pinansin noon pero pinakiramdaman na kita. Tapos, iyong sa raffle night kung saan tinutukso-tukso mo kaming mga audience na pati ikaw ay parang naiilang sa ginawa mo bagamat game na game ka pa ring gumiling-giling, naghubad, rumampa. Aliw na aliw ako sa iyo noon. At ang pinakasimula ng lahat sa atin… iyong pagpunta mo sa flat ko upang mgasimula ka na sa iyong serbisyo...”

At dinugtungan niya. “Pagkatapos, nalasing ako, nagsuka, nakatulog sa flat mo... pinunasan mo ang aking buong katawan, tsinantsingan mo ako, hinawakan ang aking pagkalalaki habang nasa gitna ako ng kalasingan...” seryoso pa rin

Binitiwan ko ang isang ngiting-pilit. “Na nagustuhan mo naman ngunit pakyeme-kyeme ka pa, kala mo hindi ko alam...”

Napangiti siya. “Ang brief, pantalon, damit mo na sinuot ko... ang toothbrush mong ginamit ko.”

“Ang nangyari sa siopao...”

“A-ang pagpunta mo sa bukid... kung saan nangyari ang una nating pagniniig at ang pag-propose ko ng pag-ibig sa iyo”

“A-ang dami na pala nating pinagsamahan sa may walong buwan lang na naging tayo. May saya, may lungkot, may excitement, may nakakatakot, may trahedya...”

“Iyon ang pinakamasayang bahagi ng buhay ko. At ikaw ang nagbigay sa akin noon.”

“Ikaw rin... sa iyo ko naranasan at natutunan ang mga bagay-bagay na dapat kong maranasan at matutunan. Sa iyo ko nahanap ang tunay na kahulugan ng buhay at kung paano umibig at kung paano manindigan.”

Tahimik.

“P-parang kilalang-kilala na kita. Parang alam ko at kabisadong-kabisado ko na ang lahat ng bagay-bagay sa iyo, ang buhay mo, ang pagkatao mo...” pagpatuloy ko.

“A-ako rin boss. Parang isa kang aklat na ang lahat ng pahina ay nabasa ko na, at kung saan ay nagbigay sa akin ng aral at inspirasyon ang mga kuwento na nakasulat dito.”

“Kaso... tapos na ang kuwento ko. At kailangan mo nang isara ang aklat.”

“P-puwede ka pa namang gumawa ng karugtong na kuwento, di ba? S-sa kuwento natin...”

“Hindi na boss. Ibang kuwento na ito...”

Tahimik. Hindi siya nakaimik.

“Ang dali lang pala ng 8 buwan. Maraming nangyari sa buhay ko ngunit may hangganan ang sa atin. Parang katuwaan lang ito. Parang kagaya ng sa nangyaring paraffle na may 365 oras lang ang taning... Ngunit salamat pa rin sa pagdating mo sa buhay ko. Salamat sa mga masasayang ala-ala at mga bagay-bagay na natutunan ko sa iyo.” Ang pagbasag ko sa katahimikan.

Tahimik uli.

“Huwag ka nang tumuloy sa monasteryo boss... babalikan kita dito. Ipangako ko sa iyo.”

“Huwag na, boss... masasaktan ka lang. Pilitin mong buuin ang buhay at pamilya mo. Pilitin mong magbigay saya, kahulugan, at direksyon sa buhay ng iyong asawa at mga magiging supling.”

Tinitigan niya ako, at nakita ko ang pagpatak ng mga luha sa kanyang mga mata. “So, this is goodbye?”

“Yeah...”

“Paalam... at salamat sa pagbahagi mo ng buhay mo sa walong buwan nating pagsasama. Babaunin ko ang lahat ng ating masasayang ala-ala.” At niyakap niya ako at pagkatapos ay tumayo at tumalikod na.

“Boss...” ang sambit ko.

Lumingon siya. “B-bakit?” sabay lingon sa akin.

“P-puwede bang mahagkan ka; sa huling pagkakataon...”

At lumapit siya at niyakap niya muli ako sabay dampi ng kanyang mga labi sa mga labi ko.

Matagal, mapusok... ngunit puno ito ng pighati at kalungkutan.

Iyon na ang huling halik na natikman ko sa mga labi ni Aljun.

[Itutuloy]

1 comment:

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...