Sunday, August 11, 2013

TASK FORCE ENIGMA 2

By: Dalisay
CHAPTER 2

RRRRRIIIINNGGGG!!!! RRRRRIIIIINNNNGGGG!!!!

Ang ingay na iyon ng alarm clock ang bumulahaw sa tulog ni Bobby. Sinulyapan niya ang maliit na orasan. Labing-lima bago ang alas-siyete ng umaga. Tama lang ang oras ng gising niyang iyon para makapaghanda at makapasok sa non-formal education school na pinapasukan niya. Computer Hardware Servicing ang kinukuha niyang kurso.

Pinilit niyang tumayo at mag-inat. Ginawa rin niya ang routine na kinasanayan niya tuwing umaga. Konting sit-ups at push-up. Ilang counts din ng pagbubuhat sa kanyang dumbbell na nasa silid niya. Dalawampung minuto ang lumipas at pawisan na siyang lumabas saka tinungo ang maliit na kusina nila.

Naroon ang kanyang Tiya Edna na nagsa-sangag ng kanin. Kumulo ang sikmura niya pagkaamoy ng masarap na pagkain. Kumuha siya ng mga plato sa lagayan at pati na rin ng mga kubyertos at baso. Nilingon siya ng inahin.

"Gising ka na pala." magiliw na bati nito sa kanya.

"Opo Tiya. Kanina pa ho." nakangiti rin niyang balik rito. Bunsong-kapatid ito ng kanyang ama. Ito ang nag-alaga sa kanya ng pinalad silang matira sa pananalanta ng isang napakalakas na bagyo noon na tumama sa Gitnang Luzon. Napilitan silang ibenta ang lupain ng makabawi sila at nakipisan sa mga kamag-anak sa Maynila.

Ginawa nito ang lahat para matapos niya ang high school. Pagtuntong niya sa edad na disi-otso ay natapos niya ang pahinto-hintong pag-aaral sa sekondarya. Nagpasya siyang mag-apply muna na magtrabaho sa kung saan-saan para makatulong dito at maka-alis na rin sa mga kamag-anak nila na noo'y dumadaing na rin ng kagipitan gawa ng pagkakapisan nila doon.

Nang maka-ipon ay inaya niya itong pumisan kasama siya sa isang entraswelo na malapit rin sa kanilang mga kamag-anak. Isa't kalahating libo ang bayad doon kada buwan. Hindi pa kasama ang kuryente at tubig. Salamat at may katipiran silang magtiyahin at hindi nila problema ang pagiging aksayado sa mga bagay na kailangan nila.

Humila siya ng silya at ipinagpatuloy ang pagpupunas ng katawan na pinawisan sa ehersisyo. Inilapag ng tiyahin ang umuusok pang sinangag at saka binuksan ang nakatakip na sinangag na dilis, tuyo at piniritong itlog. Naghiwa ito ng kamatis at inilagay sa platito kasabay ang isang platito ng sukang-negros na iniregalo sa kanila ng isang kapitbahay.

Kumalam agad ang sikmura niya sa nakahain ngunit bahagyang nag-alala na baka napagod ang tiya sa dami ng nakahain na iyon. Bawal ang mapagod dito ng husto. "Tiyang, baka naman napagod kayo sa paghahanda ng mga ito. Huwag na kayo masyadong magkikilos." paalala niya habang iniaabot ang bandehado rito.

"Ako nga ay huwag mong masyadong alalahanin Bobby, kay napapagod ako kapag hindi ako nagkiki-kilos. At ano bang nakakapagod sa mga ire. Nagprito lang ako at kaunti lang ang sinangag ko na tirang kanin kagabi." mahabang turan nito.

Napabuntong-hininga na lamang siya. "O siya sige po. Kung talagang mapilit kayo. Pero pumayag na po kayo na samahan kayo rito ni Luningning." tuko'y niya sa isang pinsan na apo pamangkin rin nito sa pinsan. Inaabutan niya ang huli ng maliit na halaga kapalit ng pagtingin-tingin nito sa tiyahin.

"Hay naku. Bahala ka. Basta huwag lang masyadong maingay ang pinsan mong iyon at okay lang na nadirito siya. Aba'y ang lakas manood ng telebisyon hindi ko tuloy marinig ang programa na pinakikinggan ko sa radyo sa hapon. Tili ng tili sa Wowowee." reklamo naman nito ngayon.

Natawa siya. "Hayaan na ninyo Tiyang. At least may kasama kayo rito. Hindi na ninyo kailangan na lumabas pa kung may ipapa-utos kayo sa labas." pang-eenganyo niya rito.

"Sabagay." ayon nito sa wakas. Nagtaas ito ng kilay at saka tumingin sa kanya. "Ikaw ba'y may nobya na?" biglang tanong nito sa kanya.

Muntik na siyang masamid sa naging katanungan nito. Kinuha niya ang baso saka nagsalin ng tubig para uminom. "Bakit po ninyo naitanong?" natatawang sagot niya.

"Aba'y anim na taon na tayo halos rito ay hindi ko pa nabalitaan na nagkaroon ka ng kasintahan. Bata ka pa naman para magpakasoltero at ang gwapo mo pa. Namana mo ang itsura ng iyong ama." Biglang namasa ang mata nito sa huling sinabi.

"Nagkaroon naman po Tiyang." hinawakan niya ang kamay nito para pakalmahin ng kaunti ang namumuong emosyon sa dibdib nito sa pagka-alala sa kapatid. "Hindi ko lang naipakilala dahil hindi naman masyadong seryoso ang mga relasyong iyon." dugtong niya.

Nagpahid ito ng sumungaw na butil ng luha saka siya hinarap. "Anong ibig mong sabihin na hindi seryoso? Kayo talagang mga bata ngayon. Makikipag-relasyon tapos sasabihin na hindi seryoso. Ganoon na lamang ba iyon? Hindi iyan ang nakagisnan namin tungkol sa pakikipagrelasyon. Dapat ang pakikipagkasintahan ay isang bagay na sagrado para sa dalawang taong nagmamahalan. Hindi isang bagay na babale-walain lamang kapag nagsawa na. Hindi katanggap-tanggap iyon." mahabang turan nito na ikangiwi niya.

Nagkamali yata siya ng sagot. Biglang rumatrat ito ng tungkol sa kasagraduhan ng relasyon. Matandang-dalaga kasi ito na iniwan ang kasintahan ng dahil sa obligasyon sa pamilya. Mula noon ay hindi na ito tumingin sa ibang lalaki. Duda niya ay mahal pa rin nito ang nobyong iniwan. At duda niya, hindi na ito titigil sa kakatalak kaya dapat na siyang maghanda para sa pagpasok.

"Sinasabi ko sa iyo Bobby. Alam ko ang pakiramdam ng nawawalan ng mahal sa buhay. Ang alisin mo sa isip at puso ang pagmamahal sa kanya ay mahirap dahil lamang kailangan mong tugunan ang obligasyon sa pamilya. Nakikinig ka ba? Ha, Bobby? Hoy! Nagsasalita pa ako. Dyaske kang bata ka. Hindi ka pa tapos kumain!" ratatat ni Tiya Edna na tinakbuhan na lamang niya papunta sa common CR na nasa bandang likuran ng tinutuluyan nila.


"MAGALING ang pagkaka-trabaho mo kagabi Bobby. Mayroon ka uling ihahatid mamaya." nakangiting bungad sa kanya ni Kring-kring sa entrance ng club. Tumango siya at nagpasalamat. Galing siya sa eskwelahan at doon na siya dumiretso. Naalala niyang hindi pa niya naide-deposito sa bangko ang natanggap na kinse-mil. Inalis niya ang agam-agam na humaplos sa puso niya sa pagka-alala ng maaaring nasa likod ng operasyong iyon.

"O pare. Nabawasan ka ba ni Miss Kring kagabi?" salubong sa kanya ni Monday.

"Oo tol." pinili niyang magsinungaling.

"Hindi ka ba i-n-offeran? takang-tanong nito.

"Hindi eh. Sabi ko naman sa iyo. Hindi ako typr noon." saka niya dinugtungan ng pekeng tawa ang sinabi.

"Ganoon ba?" parang di makapaniwalang tanong nito.

"Oo pare."

"O siya, doon muna ako sa labas. May pinakakabit si Miss Kring."

"Sige pare."

Pumasok na siya sa locker room at nagbihis para sa shift niya. Maya-maya lang ay busy na siya.


"PASENSIYA na pare." nakangiting sabi ni Rovi sa driver ng itim na Honda Civic na tiyempo niyang nakitang nag-aabang sa may kanto malapit sa club na pag-aari ni Park Gyul Ho. 

Aksidente lang ang kanyang pagkakakita sa sasakyan na iyon na itinimbre lamang sa kanila ng informer nila. Kaya nga nilapitan niya iyon agad at kumilos para patulugin ang sakay noon para hindi halata ang cover niya.

Inalalayan niya ito patayo at nagkunwaring lasing saka isinakay sa sasakyang dala niya. Maaga pa naman at alam niyang may malapit siyang reinforcement sa paligid. Nagtext siya kaagad para sa tulong na agad namang sinagot.

Street and landmark? - C

Ang bilis ah. napapangiting sabi niya sa isip.

Nag-reply siya saka ini-upo ang matandang driver sa sasakyang dala niya na mahimbing na mahimbing pa rin. Alas-dos ang labas ng bagong courier na target nilang kidnapin at i-interrogate. Alas-dos singko palang. Kinuha niya ang cellphone ng driver sa dashboard ng tumunog iyon. Galing sa isang hindi naka-rehistrong numero ang mensahe.

Palabas na siya. Nakadilaw. Ang kargamento na dala niya ay ganoon pa rin. Hintayin mo siya pag-dating sa restaurant. IKAW na ang bahala sa kanya. Bago na ang ihahatid mo bukas. 

Kung hindi siya sanay na makipag-bunuan o makipagpatayan sa mga halang ang kaluluwa ay malamang na nagtatakbo na siya sa takot. Kung ganoon ay dapat pa palang magpasalamat ang courier na ito. Iyon kasing mga dati nilang tinitiktikan ay bigla na lamang nakandawalaan. Iyon pala ang modus. Magpapalit-palit sila ng tagadala ng kargamento at saka ididispatsa na lamang basta para hindi makapag-salita kung may malaman man.

Hinalughog niya ang laman ng compartment at may nakitang baril doon. Kinapa rin niya ang ilalim ng mga upuan at nakumpirma ang hinala niyang mayroon ding nakatago doon. Nahagip ng mata niya ang paglabas ng isang lalaking nakadilaw at may dalang dalawang bag. Isinuot niya ang cap saka pinausad ang sasakyan palapit dito. 


NAGSINDI siya ng sigarilyo paglabas niya. Hindi niya alam pero parang may hindi magandang mangyayari ngayong araw na ito. Kapag kinakabahan siya ay nag-yoyosi talaga siya para mawala ang tensiyon. nakaka-ilang hithit pa lang siya ng biglang may yumakap sa kanya mula sa likuran.

"Shit! Ano ka ba?" nahintakutan na sigaw niya na ikinatawa ng mga nasa paligid.

"Ang OA mo naman. Bading ka yata talaga eh." nakangusong sabi ni Mandarin bagama't may pilyang ngiti sa mga labi.

"Tinakot mo ako." pilit na kumakalmang sabi niya.

"Major major OA ka Bobby. Itong ganda kong ito, nakakatakot? Kaloka ka! Nakakatakot ba ako guys?" maarteng tanong nito sa mga nakatambay sa labas na nakasaksi rin sa pagsigaw niya. Nagsipagsipulan ang mga ito ng itaas pa ng hitad ang palda na hapit na hapit sa mabilog na pang-upo nito. Pati na rin ang disimuladong pag-angat nito sa tube-top nitong kulay pula na halos kumakapit na lang sa puno ng dibdib nito at maghe-hello world na ang hindi dapat mag-hello world.

Nakita nito na nakatitig siya sa mga off-limits na lugar at napalunok. Nang-aakit na sinaway siya nito. "Ikaw ha, di ka pala apektado pero kung makatitig ka. Parang gusto mo ng kainin lahat." saka ito tumawa ng malutong.

Namula ang mukha niya pero hindi siya nagpatalo. Hindi totoong hindi niya tipo ito. Ayaw lang niya ng komplikasyon. Hinri rin siya madaling ma-arouse sa mga katulad nito dahil halos grabe na ang nakikita niya sa loob pa lang ng club. Pero kung ganitong mukhang game naman ito ay bakit hindi niya pagbigyan. lalaki lang siya.

"Eh maganda namang tingnan eh." 

"Asus. Akala ko ba ayaw mo? Ininsulto mo pa ako kagabi." nagtatampong sabi nito.

"Hinid totoo yun. nagpapakipot lang ako. Kasi naman ang ganda-ganda mo. Saka may ipinapagawa sa akin si Miss Kring." paliwanag niya.

"Baka naman dyowa mo yang si Kring ha." nakaingos pa rin si Mandarin.

Ipinasya niya na akbayan ito at lambingin ng kaunti. Umani iyon ng palakpakan at sipol sa paligid na para bang nanonood ng shooting. May sumigaw pa. "I-take home mo na yan at baka mai-uwi pa yan ng iba."Sinagot iyon ng mura ni Mandarin.

Maganda itong babae. Maangkad sa karaniwan. Maganda ang pangangatawan na magdadala sa isang lalaki sa pagkawala ng katinuan. May lahing kana yata ito dahil maputi rin ito at mabini rin ang amoy ng katawan hindi kagaya ng ibang kasamahan sa trabaho na nangangamoy ang pabango sa buong lugar. Matapang din ito. Sa kanya lang medyo tiklop.

"Ikaw ha, may nalalaman ka pang pakipot diyan. Di naman kita pipikutin noh. Titikman lang kita." malanding sabi nito saka tumawa.

"Sige, sumama ka na lang sa akin at magtikiman tayo magdamag."

"Game ako riyan. Baka di ka tumagal." 

"Nag-red bull ako. Saka lagi akong naka-multi vitamins. Baka ikaw ang di tumagal." bulong niya sa tainga nito at naramdaman niya ang pagtayo ng mga balahibo nito at ang pigil na kilig.

"Timang. naka-recharge ako. Di ako nagpagarahe nitong last week."

"Sige, walang tulugan ha."

"Shoot!"

Dumating ang sasakyan na hinihintay niya. "Sosyal. De kotse ka na ngayon." malanding sabi nito saka sumakay ng sasakyan kasunod siya.

"Hindi akin ito. May ipinasuyo lang si Miss Kring. May dadaanan lang ako. Hintayin mo na lang ako sa labas. Saglit lang iyon." pagkasabing-pagkasabi niya niyon ay ipinagala na niya ang kamay sa katawan nito at siniil ng halik.

Humahagikgik na tinugon siya nito ngunit pinutol-putol siya ng makitang nakatingin sa rear view ang driver. "Manong ha... No peeking." humahalakhak na sabi nito saka siya hinila at hinalikan ng mariin. Isang ungol ng sarap ang kumawala sa labi niya.


WHAT THE HELL?

Hindi kasama ang babaeng ito sa sinabi ng informer nila. At bakit naglalampungan ang mga ito dito. Hindi niya malaman kung matatawa o maiinis. Ipinasya niyang bigyan ng privacy ang dalawa at itinaas ang salamin na naghihiwalay sa front seat at sa backseat. Naka-power lock din iyon saka niya pina-arangkada ang takbo nila. Narinig niya ang tili ng babae at ang pagkalabog sa likuran dulot ng pagkakalaglag sa upuan. Nagpakawala siya ng malutong na halakhak.


No comments:

Post a Comment

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...