Sunday, August 4, 2013

ANG KUYA KONG CRUSH NG BAYAN 13


by: Mikejuha
Ibayong kaba ang naramdaman ko noong makita ang kabaong sa sala. Nakakabingi ang kalampag sa aking dibdib. Hindi pansin ang mga tao sa paligid, nagtatakbo akong tinungo ito, hila-hila sa likuran ko si Noel. 

Noong masilip ko ang kabaong, hindi ko na napigilan pa ang sariling sumigaw at maglupasay, “Papaaaaaaaa!!! Bakit mo ako iniwan???!!! Papaaaaaaaaa!!! Nandito na po ako pa!!!! Nagsisi na po ako pa!!!!”

Ngunit hindi na ako puwede pang sagutin ng aking ama. Huli na ang aking pagsisisi. Wala na akong ibang nagawa pa kundi ang humagulgol sa harap ng kanyang kabaong. At iyon na ang huling natandaan ko. Nagcollpase pala ako at unconscious dala ng magkahalong pagod at sama ng loob. 

Noong manumbalik na ang malay ko, umaga na, nakahiga sa isang kuwarto ng ospital. Inikot ko ang mga mata at nakita kong pinalibutan ako ng mga kaibigan at ibang ka-klase. Nasa gilid ko naman si mama. Damang-dama ko sa mukha niya ang magkahalong pananabik na makita akong muli at ang matinding dalamhating dinadala niya sa pagkawala ni papa. 

Noong ibinaling ko ang paningin sa isang sulok, nakita ko doon si Kuya Rom, nakaupo sa isang silya. Nakasuot ng straight-cut na maong, semi-fit na puting t-shirt na may dalawang kulay blue na tripe sa dibdib. Pumuti siya sa tingin ko. Marahil ay gawa iyon sa lamig na klima ng Canada. At lalo itong nagpatingkad sa kanyang angking kakisigan. Nandoon pa rin ang ganda ng katawan niya, ang nakabibighaning mukha, at tindi ng appeal. Nagsusumigaw ang aking puso na ngitian siya, palapitin sa aking hinigaang kama at yakapin. Ngunit noong sumingit naman sa isip ko ang ginawa niyang panlilinlang, ibayong galit naman ang nangibabaw sa buo kong pagkatao. Masakit pa ang sugat na dulot ng ginawa niya sa puso ko. Siya ang dahilan ng aking paglalayas na dahilan naman kung bakit hindi ko na naabutan pang buhay ang papa ko.


Mistulang nagyuyukyok siya sa pagkakaupo, tulala at ang mga mata ay nakatutok sa sahig na sa lalim ng iniisip ay tila tagos ang paningin niya sa kabilang lupalop ng mundo. Noong ibinaling niya ang tingin sa akin, nakita kong nagmamakaawa ito. Ngunit ang isinukli ko ay isang matigas na simangot at matulis na tingin.

Yumuko siya. Muli, ang mga tingin ay ipinako sa sahig. Para siyang isang napakabait at inosenteng tupa na inaapi at nakakaawang tingnan. Ngunit manhid na ang damdamin ko para sa kanya.

Habang nakapako ang mga titig ko sa kanya, pasikreto na naman siyang tumingin sa akin. Ngunit galit pa rin sa mukha at tingin ko ang nakita niya. “Hindi kita mapapatawad!” sigaw ko sa sarili.

Nanatili na lang si Kuya Rom sa ganoong posisyon, hindi magawang lapitan ako.

Ewan… hindi ko lubusang maintindihan ang naghalong naramdaman ko sa puntong iyon. Iyon bang sabik na sabik akong makita siya, makausap, mayakap, ngunit nanaig pa rin ang matinding galit sa utak ko. Gusto ko siyang tingnan, titigan, haplusin ang mukha intindihin, ngunit nasasaktan din ako dahil nakatatak na sa isip ko at naramdaman ng puso ang matinding sakit na dulot ng pagtaksil niya. 

Nong hinaplos ni mama ang buhok ko, saka bumalik na naman sa isip ko ang larawan ng mukha ni papa sa loob ng kabaong. Muli na naman akong naglupasay at nagsisigaw. Niyakap ako ni mama ng mahigpit. Niyakap ko rin siya habang pareho kaming nag-iiyak at humihikbi. “Ma…. Bakit??? Bakit ma???” ang sambit ko. 

Hindi na sinagot ni mama ang tanong ko. Hinayaan niya akong umiyak nang umiyak sa kanyangmga bisig. 

Mayamaya nagsalita siya, “Anak… salamat at naisipan mo ring umuwi. Pareho kami ng papa mong nabahala sa pagkawala mo. Pati Kuya Romwel mo ay kung saan-saan nagpupunta upang hanapin ka.” Alam kong mabigat ang kalooban ni mama dahil sa pag-alis ko nang walang paalam. Ngunit marahil ay sa bigat ng pinapasan niya, hindi na niya magawang dagdagan pa ito at ibato sa akin ang lahat ng sisi.

Sa pag-uusap namin nalaman ko ang tunay na dahilan ng pagkamatay ni papa. Atake sa puso. At lalo akong nanlumo noong malamang ang dahilan nito ay ang kawalan ng tulog at pahinga sa paghahanap sa akin. Tumawag daw ito sa mga bangko at tini-trace ang mga lugar kung saan naganap ang mga transactions ng credit cards na ginamit ko. Habang nakikipag-usap daw siya sa isang manager, doon na siya inatake…

Kung tutuusin, puwedeng ipa-cancel ni papa ang mga credit cards na ginamit ko upang maubusan ako ng pera at umuwi na lang. Ngunit hindi niya ginawa ito. Marahil ay hindi niya maaatim na maghirap ako kung saan man ako tutungo.

Lalo akong napahagulgol, umalipin sa utak ko ang matinding pagsisisi sa masamang ginawa kong paglalayas. “S-sana nandito pa ang papa ma kung hindi ako naglayas. Ako ang dahilan ng kanyang pagkamatay ma!” ang nasambit ko, patuloy ang paghagulgol. 

“Huwag mo nang sisihin ang sarili mo anak. Ang lahat ng ito ay may dahilan… Marahil ay talagang oras na para sa kanya. Isipin na lang natin na ang lahat ng ito ay parte ng isang dakila at pangkalahatang dibuho ng maykapal.”

“Ma… sorry talaga ma. Paano kaya ako mapapatawad ni papa… Hindi ko rin kasi alam ang tamang gagawin sa mga panahong iyon ma. Parang lahat na lang ng problema sa buhay ay pasan ko ma. Sobrang sakit ang naramdaman ko, parang wala akong kakampi sa mundo, walang nagmamahal.” Ang mga katagang lumabas sa bibig ko. Alam ko narinig ni Kuya Rom ang lahat ng iyon. Ngunit kung ano man ang iniisip niya, wala na akong pakialam. Gusto ko rin kasing marinig niya na kung hindi dahil sa ginawa niya, hindi sana ako naglayas.

“Alam ko, anak. Alam ko ang naramdaman mo. At huwag mong sisihin ang sarili mo. Wala na tayong magagawa pa sa mga nangyari na. Ngunit sana sa susunod na maranasan mo ang hirap ng kalooban, palagi mong isiksik sa isipan na ang isang hakbang na makasisira sa iyo, nakakasakit din ito sa damdamin ng mga taong nagmamahal sa iyo. Lahat sila ay nadadamay kapag may ginawa kang hindi maganda sa iyong buhay. Hindi totoong walang nagmamahal sa iyo, anak. Hindi mo lang nakita at na-appreciate ang pagmamahal nila. Tingnan mo ang papa mo. Mahal ka niya. Ngunit dahil hindi mo ito nakita o naapreciate, humantong ito sa pag-alay niya ng kanyang buhay. Kailangan pa bang may mangyaring masama sa taong nagmamahal sa iyo upang makita mo kung gaano ka kahalaga sa kanila?” 

Napatingin naman ako kay Kuya Rom. Tila hindi lang pagpapatama iyon sa akin para kay papa kungdi pati na rin sa kanya. Napatingin din siya sa akin. Ngunit matigas pa rin ang puso ko para sa kanya.

Napahgulgol akong lalo sa sinabing iyon ni mama. Mistulang isa itong sibat na tumusok sa kaibuturan nga aking puso. “Ma… patawad. Sobrang napakasama ng ginawa ko! Napakasama kong tao, ma. Nagsisisi na po ako ma… Sana ay mapatawad ni papa ang ginawa ko.” 

Niyakap na lang ako ni mama. “Napatawad ka na ng papa mo, alam ko. Ganyan ka niya kamahal, anak.“ 

Nasa ganoon akong pag-iiyak at pagdadalamhati noong mapansin ko si Noel na nakaupo lang sa di kalayuan, lungkot na lungkot ang mukha at mistulang naguguluhan sa mga pangyayari. 

“Ma… si Noel pala.” Turo ko kay Noel at minuwestrahan na rin siyang lumapit. “Isa siyang batang-kalye ma, walang mga magulang. Nakita ko siya habang namamasyal ako sa plaza ng huling lugar na pinuntahan ko. Siya ang dahilan kung bakit ko naisipang umuwi. Pinangakuhan ko siyang bibigyan ng papa at mama…” at napahagulgol na naman ako. “…at saka pa nawala si papa! Siguradong matutuwa sana siya kapag nakita niya si Noel.” 

Tiningnan ni mama si Noel atsaka nginitian niya ito. “Alam mo, anak, sigurado ako, tuwang-tuwa at prooud ang papa mo sa ginawa mo.” Ang sabi ni mama sa akin.

Hinawakan ni mama ang dalawang kamay ni Noel atsaka niyakap niya ito at sinabihan ng, “Kahit wala ka nang maging papa, hijo, huwag kang mag-alala, may mama ka naman, may pamilya, at may dalawang kuya na siyang mag-aalaga sa iyo…”

Mistula namang sumabog ang ear drum ko sa narinig. “Oo nga pala, kuya na rin pala ni Noel si Kuya Romwel” sa isip ko lang.

“S-salamat po!” sagot ni Noel.

“Sabiihin mo… ‘Salamat po mama’” ang pagturo ni mama.

Binitiwan ni Noel ang isang ngiting nahihiya. “Salamat po mama…”

Mistula namang napagaan ang aking damdamin sa nasaksihang may isang taong sumaya nang dahil sa akin. Nawala man ang papa ko, may sumibol namang saya sa aking puso. Isiniksik ko na lang sa isip na base sa sinabi ng mama ko, masaya at proud pa rin ang papa ko sa ginawa ko. Nawala man siya, may nadagdag naman sa aming pamilya. 

Napayakap na rin ako kay Noel. “Sabi ko na sa iyo di ba? At simula ngayon, tunay mo na akong kuya.” 

Niyakap din ako ni Noel atsaka hinalikan sa pisngi. “Salamat kuya…”

“Hayun, Kuya mo rin iyon” turo ko kay Kuya Romwel. “Lapitan mo at mag hug ka” ang sabi ko sabay baling ng tingin ko kay Kuya Rom. Tumingin din siya sa akin, binitiwan ang isang ngiting pilit, at ibinaling na ang paningin kay Noel at ibinuka ang mga braso upang tanggapin ng yakap ang lumapit na bata. “K-kuya Romwel?” ang bati kaagad ni Noel. “Palagi kang ikini-kwento sa akin ni Kuya Jason!” ang sambit kaagad niya. “Mabait ka daw…”

Mistula naman akong napukpok sa ulo sa pagbulgar na iyon ni Noel. Napangiting tumingin sa akin si Kuya Rom. Ngunit hindi ko sinuklian ang kanyang ngiti. Nakasimangot pa rin ang mukha ko.

Kitang-kita ko naman na tila kinilig si Kuya Rom. Anlaki kaya ng ngiti, nakakaloka. 

“Talaga?” Ang sagot niya, ramdam ko ang pagka-excited niya, sabay tingin na naman sa akin ng palihim na sinalubong ko lang ng pag-irap. 

Ramdam kong bigla siyang sumaya. Nkahanap siya ng kakampi kay Noel. Kinakarga-karga niya ito at niyayakap-yakap. “Mamaya ha mag kuwentuhan pa tayo?” ang sabi niya kay Noel. Parang sobrang close na sila bagamat iyon pa lang ang una nilang pagkita.

“Opo kuya!” ang inosenteng sagot naman ni Noel.

Nasisiyahan naman si mama sa nasaksihan. Ngunit ako, parang tumindi pa ang galit ko sa kanya. Ang papa ko, inagaw niya sa akin ang atensyon, pati ba naman kay Noel, aagawin uli niya? Iyan ang sumiksik na senaryo sa aking isip. Marahil ay ganyan lang talaga kapag may galit ka na sa isang tao. Lahat ng kilos niya ay nakakaasar, nakakasuka.

Sa umaga ding iyon lumabas ako ng ospital at bumalik ng bahay. Sasakay na sana ako sa service namin noong, “Kuya, magpaalam daw ako sa iyo na doon ako sasakay sa kotse ni Kuya Romwel” ang pagpapaalam ni Noel sa akin na mukhang excited na makasama niya si Kuya Rom. 

Syempre nagulat ako. “Ikaw, gusto mo ba?” sagot ko, inaasahang doon pa rin siya sasama sa akin.

Ngunit tumango si Noel kaya wala na akong nagawa kundi ang pumayag na sila ang magsama sa sasakyan.

“May bagong sasakyan. Sino kanyang nagbigay…?” sarcastic kon tanong ko kay mama pahiwatig sa bago at magarang sasakyan ni Kuya Romwel na nakabuntot sa sinasakyan namin.

“Regalo iyan galing sa daddy ng asawa niya…” ang maiksing sagot ni mama. Alam niya kasing ayaw ko pa ring makinig kahit na anong kuwento tungkol sa kanya. Marahil ay natakot siyang kung habaan pa niya ang kuwento baka magalit na naman ako at may gagawing hindi kanais-nais.

Tahimik. Pero sa loob-loob ko lang, “Nagpapa-impress na naman siguro kaya natuwa sa kanya iyong tao…” 

“K-kausapin mo nalang kasi ang kuya Romwel mo, hijo. Makabubuti sa iyo ang pakikipag-usap sa kanya upang maliwanagan ang isip mo. Buksan mo ang puso’t isip mo anak.” Ang mungkahi ni mama ang boses ay nakikiusap.

Hindi ako kumibo. 

“Anak, pakawalan mo ang lahat ng galit sa puso mo. Napakagandang harapin ang buhay kapag ganyang wala kang dinadalang sama ng loob… Naaawa na ako kay kuya Romwel mo anak. Noong nalaman niyang hindi ka umuwi ng bahay, napa-uwi iyan ng biglaan sa atin at halos hindi na kumakain at natutulog sa paghahanap sa iyo.”

“Ma, please, huwag na muna nating pag-usapan siya. Masakit pa ang kalooban ko sa pagkamatay ni Papa…Dagdag pasakit lang siya sa buhay ko, ma.” ang nasambit ko. “Paano, kagagawan naman din niya ang lahat ng ito eh!” bulong ko sa sarili.

“Ok…” ang maikling tugon ni mama. Ramdam kong may tinik din sa puso ni mama ang hindi pagbati namin ni Kuya Romwel. 

Noong makarating na kami ng bahay at makitang muli ang kabaong ni papa, hindi ko na naman maiwasang maglupasay sa pag-iiyak. Inalalayan na lang nila akong pumasok sa aking kuwarto upang hindi ko muna makita ang mga labi ni papa. Noong nasa kuwarto na ako, nagpaiwan si Noel sa tabi ko. tuloy pa rin ang pag-iiyak ko habang tahimik at malungkot na pinagmasdan ako ni Noel. 

Maya-maya, nagsalita siya. “Kuya… ako, nabuhay na walang papa, tapos, sa pagkamatay ni mama, ako na lang ang nag-iisa. Kaya ko naman...”

Ewan kung ano ang sumagi sa isip niya at nasabi niya ang ganoon. Naawa kaya siya, o naisip na baka hindi ko kakayanin ang nangyari.

Nahinto bigla ang pag-iiyak ko at tinitigan siya. “Hindi mo naranasang magkaroon ng papa at biglang mawala ito. Kaya hindi mo naramdaman ang naramdaman ko!” ang sabi ko, ang boses ay tumaas ng bahagya sa tila hindi niya pagintindi sa kalagayan ko.

Ngunit sumagot uli siya. “Hindi mo rin naranasan ang matulog sa tabi-tabi at kumain ng tira-tirang pagkain galing sa basurahan, ang manginginig sa sobrang lamig kapag nabasa sa ulan...” Ang inosente niyang sabi.

Mistula namang binatukan ako sa narinig. Nahinto ako sa pag-iiyak at napaisip. “Matalino ang batang ito. Ngunit tama siya. Maraming tao ang may mas malalaking dinadalang problema sa buhay kaysa sa akin.” Ewan, ngunit sa narinig ko, pakiramdam ko ay nanumbalik ang aking lakas ng loob at ang matinong pag-iisip. 

At naalimpungatan ko na lang na niyakap ko si Noel. “Tama ka tol… dapat kong kayanin ang lahat ng ito. Kung nakayanan mo ang hirap at tindi ng lahat ng pinagdaanan mo sa buhay, dapat kaya ko rin ito, di ba?”

“Opo Kuya. Kasi kuya kita eh. Dapat mas matatag ka kesa sa akin.” dugtong niya.

At sa sinabing iyon ni Noel, napangiti ako, nahimasmasan at naibsan ang bigat na aking dinadala. At nasabi ko sa sariling marahil ay ibinigay talaga sa akin si Noel; upang magbigay liwanag sa aking isipan at magsilbing gabay at inspirasyon; at upang makayanan kong harapin ang lahat ng mga pagsubok sa buhay.

Kinahapunan, habang iniistima namin ang mga nakiramay, may biglang sumulpot naman sa bungad ng pintuan. Isang magandang babaeng karga-karga ang isang sanggol. Napalingon kaming lahat sa kanya dahil sa kanyang kapansin-pansing kasuotan. Naka-gown ito na mistulang pupunta sa isang party, at matingkad na pagka-pula pa ang kulay na taliwas sa lagay at lungkot ng aming pagdadalamhati. May ternong headdress siyang suot, at pati na rin ang kulay ng kanyang lipstick at mahahabang mga kuku ay kasing tingkad din ang pagkapula ng kanyang kasuotan. 

Noong pinagmasdan kong maigi ang mukha, doon ko nakilalang si Kris pala ito. Mistulang grand entrance talaga ang pagpasok niya na sinabayan pa ng paglalakad na gumigiwang-giwang, animoy tumatahak ang mga naka-high heeled na paa sa ibabaw ng rampa. 

Diretsong tinumbok niya ang kabaong ng papa at tinitigan ang loob ng kabaong. Pagkatapos nito, inikot ang mga mata niya sa paligid na tila may hinahanap, nakasimangot ang mukha, naiirita sa mga matang nakatutok sa kanya.

At maya-maya lang, marahil ay sa pagkabigo na mahanap ang taong gusto niyang makita, sumigaw na ito na para bang ang mga tao doon ay mga kasambahay lang niya. “Where is Romwel?”

Walang sumagot.

Sumigaw uli at mas malakas pa. “Where is Romwelllll?”

Dali-dali namang lumapit si mama sa kanya. Sumunod ako ngunit sinabihan ko ang isang katulong na samahan si Noel at ipakita sa kanya ang bagong Kuwarto niya.

“Ah, Kris… ipapatawag ko na lang si Romwel ha? Maupo ka muna?” ang sabi ni mama kay Kris at dali-dali na siyang tumalikod upang puntahan si Kuya Romwel.

“Tinatago nyo yata si Romwel sa akin eh!” ang pahabol niyang sigaw kay mama na hindi na pinansin pa ang banat niya.

“Hoy! Huwag mong sigaw-sigawan ang mama ko ha?! Kung makaasta ka ay parang ikaw ang may-ari ng bahay na ito!”

“Hoyyyyyyyyyyyyy!” Bulyaw din niya ang mga mata ay nanlalaki, at pinahaba pa ang pagsambit sa katagang ‘Hoy’. “At bakit? May karapatan naman talaga ako sa bahay na ito ah! Anak ni Romwel ang batang ito!” sabay turo sa batang karga-karga niya. “Kaya may karapatan ako!” 

“Ang kapal naman ng face mo! Ang batang iyan” turo ko sa bata “...baka may karapatan nga pero ikaw, wala! At huwag mong masigaw-sigawan ang mama ko kung ayaw mong paalisin kita dito!” bulyaw ko din at mas nilakihan ko pa ang mga mata ko.

“O e, di paalisin mo! Kung kaya mo lang ha! O baka naman gusto mong ipabugbog kita kay Romwel!” sigaw niya uli.

“Ah, oo nga naman. Si ‘Romwel’ lang naman pala ang habol mo! Di mo ba alam na may asawa na siya? Ha? Isang Canadian na di hamak na mas maganda at mayaman!”

Kitang-kita ko ang paglaki ng kanyang mga mata at pagbukas ng kanyang bibig na dali-dali din niyang tinakpan sa isa niyang kamay. “Sinungaling!”

“Hindi. At wala ka sa kalingkingan sa ganda niya. At may anak na rin sila!”

Gusto kong matawa sa sarili sa nakitang reaksyon ng mukha niya. Nara-rattle, nagpupuyos sa galit. “Nasaan si Romwel?!!! Nasaan siya?????!!!!!!!” Bulyaw niya ang mga mata ay nanlilisik.

“Guard! Guardddddd! May babaeng sinaniban dito!!!” sigaw ko sa mga guwardiya.

Dali-daling pumasok ang dalawang guwardiya at kinaladkad siyang palabas. Nag-iiyak ang bata. Nagsisigaw naman si Kris ng pagmumura hindi alintana ang mga taong nakiramay.

Nasa labas na siya ng gate noong sumulpot naman si Kuya Romwel. Bagamat nagkasalubong kami, parang wala lang akong nakita. Nakasimangot ang mukha ko. “Ayankasi… kung sinong babae ang pinapatulan!” sigaw ko sa sarili.

Tinumbok niya ang labas ng gate kung saan nandoon si Kris. Pinagmasdan ko sila. Habang nagpupuyos si Kris sa galit, kampante naman si Kuya Rom na nakipag-usap sa kanya. Hanggang sa narinig kong sumigaw si Kris ng. “Idedemanda kita! Idedemanda kita! Sa korte na lang tayo magkita!”

Kampante pa rin si Kuya Rom. Nakita ko na lang na ipinalabas niya ang kanyang bagong sasakyan at pinasakay sina Kris at ang bata doon. Sumakay naman si Kris bagamat nagdadabog ito. 

“Ay! Kapal! Nagdrama pa, e sasakay din naman pala. Nakakita lang ng bago at magandang kotse sumakay na! Mukhang pera talaga!!” sigaw ko sa sarili.

Ewan, ngunit sa nakita kong eksena na kasama na naman ni kuya Romwel ang babae niya, hindi maiwasang hindi bumalik-balik na naman ang galit ko sa kanya. “Playboy talaga!” sigaw ko sa sarili ko lang. At pati na rin ang pagpanaw ni papa nang dahil sa paglalayas ko ay naisisi ko na naman sa kanya. Naghalo ang mga emosyon ko sa tagpong iyon. Ang pagkawala ni papa. Ang paninisi ko dahil sa kanyang pagtaksil…

Naalimpungatan ko na lang na nagtatakbo ako papasok ng kuwarto ko at nag-iiyak. Naiipan kong tumbukin ang music corner at naupo sa sofa. Binuksan ko ang FM ng component. At ewan ko din ba kung sinadya ng tadhanang ang lumabas na kanta ay –

Back when I was a child
Before life removed all the innocence
My father would lift me high and dance with my mother and me and then
Spin me around ‘til I fell asleep

Then up the stairs he would carry me
And I knew for sure I was loved
If I could get another chance, another walk, another dance with him
I’d play a song that would never ever end
How I’d love, love, love
To dance with my father again

When I and my mother would disagree
To get my way I would run from her to him
He'd make me laugh just to comfort me, yeah yeah..
Then finally make me do just what my moma said
Later that night when i want to sleep
He left a dollar under my sheet
Never dreamed that he would be gone from me

If i could steal one final glance, one final step, one final dance with him
I'd play a song that would never ever end
'Cause I'd love, love, love, love
To dance with my father again

Sometimes I’d listen outside her door
And I’d hear how mama cried for him
I pray for her even more than me
I pray for her even more than me
I know I’m praying for much too much

But could you send back the only man she loved
I know you don’t do it usually
But dear Lord she’s dying
To dance with my father again
Every night I fall asleep and this is all I ever dream.

Lalo akong napahagulgol sa kantang iyon, naglalaro sa isip ang mga pangyayari kung saan buhay pa ang papa ko at masaya kami ni mama… Pakiramdam ko ay walang katapusan ang lalim ng aking pangungulila.

Mahigit isang oras din akong nag-iiyak habang sinasariwa ang mga masasayang araw namin sa piling ni papa noong biglang bumukas ang pinto. Hindi ko pala nai-lock ito. Noong ibinaling ko ang paningin sa taong pumasok, biglang gumapang naman ang matinding galit sa buong katawan ko. Si Kuya Romwel.

“At bakit ka pumasok dito?!!!” sigaw ko, ang mga mata ko ang nanlaki sa sobrang galit.

“Bakit, dati naman akong pumapasok dito ah!” Sagot niya, ang mukhang tupang nakita ko sa kanyang anyo sa ospital ay mistulang nagbago na at bumalik ito sa kanyang dating pagkatao at pagka-preskong magsalita, na lalo namang nagpairita sa akin.

“Noon iyon! Ngayon hindi na! Labas na!” Tumayo ako upang itulak siyang palabas ng kuwarto.

Ngunit hinarang niya ako at nagmamatigas, nanatiling nakatayo, tinitigan ang mukha ko.

“Alis na dito! Layas na!!! Ayokong makita ka pa!!!” sigaw ko uli habang pwersahan ko siyang itinulak palabas.

Ngunit bigla niya akong niyakap nang mahigpit. Hindi ako makapalag sa higpit nang pagkayakap niya. 

Wala akong nagawa kungdi ang pagsuntok-suntukin ang dibdib niya. “Umalis ka! Umalis ka na dito!!!

Ngunit hinayaan lang niyang tumama ang lahat ng sampal at suntok ko sa mukha at dibdib niya. Nakita kong namumula na ang mga pisngi niya ngunit hindi niya ininda ang sakit ng pagsasampal ko dito. “Tol… miss na miss kita…” ang kalmanteng sabi niya.

At sa narinig nag-init bigla ang tenga ko. “Na-miss mo ako?! Sinungaling ka!! Akala mo ba natutuwa pa ako sa pagmumukha mo?! Akala mo ba masaya pa akong nakita kita?! Pagkatapos ng lahat na ginawa mo?! Pagkatapos mong pahirapan ako?! Di mo man lang inisip ang nararamdaman ko sa mga ginawa mo?! Pinaasa mo ako?! Pinagmukha mo akong tanga?! Akala ko ba mahal mo ako pero bakit niloko mo ako? Naglihim ka!! Nagsinungaling ka?! At pagkatapos ngayon, haharap ka sa akin, magpapakita ka sa akin na parang wala lang nangyari?! Layuan mo ako!! Nakakadiri ka!! Kasuklam-suklam ka!!! Tanginaaaaaaaaa!!!!!” Bulyaw ko sabay tulak sa kanya ng malakas. 

Nakawala ako sa mga yakap niya ngunit patuloy pa rin ako sa pagtatalak.

“Tol… makinig ka nga sa akin please. Ang hirap sa iyo hindi ka nakikinig eh!” 

“At bakit pa ako makikinig sa iyo?! Puro kasinungalingan ang mga pinagsasabi mo!!? Lumayas ka! Tingnan mo ang nangyari, di mo ba alam na namatay ang papa ko nang dahil sa iyo?!”

Pansin kong biglang naging seryoso ang mukha niya noong mabanggit ko ang salitang ‘papa’. “Papa ko rin siya Tol. Huwag mong kalimutan iyan.” Sagot niya.

“Papa mo? Owww? Talaga? Alam mo rin bang ikaw ang dahilan ng pagkamatay niya?”

“Alam mong hindi totoo iyan!” 

“Iyan ang totoo! Dahil sa ginawa mo sa akin, lumayas akoooo!!!! Tanginaaaaa!” at napahagulgol na naman ako, naupo sa isang tabi, itinakip ang dalaawang kamay sa mukha ko. “Sinaktan mo ang damadamin ko!!!”

“Buksan mo kasi ang isip mo sa mga paliwanag ko. Makinig ka, Tol.” Agn sabi niya habang nilapitan ako at naupo din sa harap ko ang boses ay nagsusumamo.

“Ayoko! Ayoko! Ayoko! Hindi ako makikinig sa iyo. Umalis ka na? Lumabas ka na sa kwarto koooo!!!!” 

At marahil ay napuno na rin siya, bigla niya akong kinarga at inihagis sa kama. Bumagsak akong nakatihaya, nagulat sa bilis niyang pagkarga at paghagis sa akin doon. Sumampa siya sa kama at dinaganan ang katawan ko, ini-lock ang dalawa kong paa sa mga paa niya upang hindi ako makagalaw at ang dalawa kong kamay ay inarkuhan naman ng dalawa din niyang mga kamay. “Ayaw mo sa easy way na paliwanagan ha? Ok, let’s try it the hard way…” ang matigas niyang bigkas pigil na pigil ang boses na huwag sumigaw.

“Ano ang gagwin mo??!!!!!”

“Wala. I ri-rape lang kita.” Ang may halong biro na sagot niya habang ang mga mata ay nakatutok sa mukha ko. Mistula naman akong malulusaw sa mga titig niya. Iyon kasi ang pamatay niya sa akin kapag ganoong may pumapasok sa kanyang kukote. Inikot niya ng tingin ang kabuuan ng mukha ko na para bang inuukit sa isip niya ang bawat detalye noon, ang galit na mga mata ay unti-unting pumungay, mistulang nakikipag-usap, nagmamakaawa.

“Arrggghhhhhhh1 Pakawalan mo ako! Pakawalan mo ako! Hayup kaaaaaa!!!!” sigaw ko noong may naamoy akong kakaiba sa mga titig niya at kung saan hahantong ang mga iyon.

Ngunit sadyang malakas si Kuya Rom. Habang sumisigaw ako at pumapalag ay lalo pa niyang hinigpitan ang pag-lock ng katawan niya sa katawan ko. 

Hanggang sa ang lumabas na ingay sa pgsisigaw ko ay “UHHHMMMMPPPPPPPPP!!!” na lang gawa ng pwersahang paglapat ng mga labi niya sa mga labi ko habang walang tigil naman akong nagpupumiglas sa mahigpit na pagdagan niya sa katawan ko.

Ngunit lalo akong nagpupumiglas hanggang sa marahil ay napulsuhan niyang hindi talaga ako bibigay, kusa na niya akong pinakawalan. Iyon ang unang pagkakataong hindi ako nagpadala sa bugso ng kanyang kagustuhan. Dati-rati kasi, kuhang-kuha niya ang weakness ko at kahit umaayaw pa ako o kaya’y nagmamaktol, alam niyang bibigay din ako. Ngunit iba sa pagkakataong iyon. Habang ipinaramdam niya sa akin na na-miss niya ako o nananabik siya sa akin, matinding galit pa rin ang nananalaytay sa aking kaugatan. Inalipin pa rin ang utak ko sa matinding pagkamuhi sa kanya.

Dahil sa hindi ko pagbigay sa kagustuhan niya, narealize niya marahil na matindi pa rin talaga ang galit ko. Tumayo siya, bakat sa mukha ang pagkadismaya at sama ng loob, tumalikod, at walang pasabing tinumbok ang pintuan ng aking kuwarto.

“Lumayas kaaaaaaaaaaaaa!!!” sigaw ko.

Kinabukasan, napag-alaman ko kay mama na may subpoena daw si kuya Rom sa NBI. Nagfile daw ng kaso si Kris, rape. Iyon lang ang narinig ko. Ayoko kasing pag-usapan si kuya Rom. Kapag ganoong pumasok ang pangalan niya sa kuwentuhan, binabara ko kaagad ito o kaya ay magwa-walk out na. Ewan, pero noong sumingit sa pandinig ko ang balitang iyon, tila wala akong maramdaman, walang masabi. At ang naibulong ko na lang sa sarili ay, “sana, makulong siya o kaya’y ma lethal injection!” 

Kinahapunan, narinig ko na naman ang usapan nina mama at kuya Rom sa sala noong pababa na sana ako sa ground floor. Na-dismissed daw ang kaso dahil walang sapat na basehan ito at may mga proof namang dinala si kuya na nagpapatunay na si Kris itong naghahabol sa kanya, mga text messages ni Kris sa kanya na may sinasabi doon na “I love you” at iba pang nagpapatunay na consensual at walang rape na naganap. At marahil ay noong nakita ng mga taga NBI sa mukha at tindi ng appeal ni kuya Rom, at yaman pa, naitanong din nila sa sarili kung ang taong iyon ba ay kailangan pang mang-rape. Parang katawa-tawa. Dagdagan pa sa mga matitinik na abugado ni kuya… 

As usual, nagwawala na naman daw si Kris. Pero humirit ng child support na sinagot naman ng abugado ni kuya na ipa-DNA test muna ang bata bago ang child support. Pagkatapos ng isang linggo pa raw ang resulta.

Sa ilang araw na nanating nakaburol pa si papa hindi kami nagpapansinan ni kuya Rom. Mahirap pero pinilit ko ang sariling kakayanin. Nasa isang bahay lang kami ngunit parang hindi kami mgkakakilala. Kapag nauna siyang pumuwesto sa hapag kainan sa oras ng kainan, magpapahuli ako o di kaya, siya, nag-iiwasan. Kapag nakita kong nasa isang sulok siya ng bahay, lilihis naman ako at tutumbukin ang ibang puwesto na malayo sa kanya o di kaya’y maga-about face at di na tutuloy, babalik uli sa pinanggalingan ko.

May isang beses na hindi ko siya napansing nandoon pala sa kusina at ako naman ay kumuha ng juice sa ref, noong pabalik na ako sa sala, ay siya namang paglabas niya galing sa store room na nasa gilid lang ng dadanan ko at may kukuning din yt sa ref. At marahil ay hindi rin siya nakatingin sa dinadaanan, muntik na niya akong mabangga at ang dala-dala kong isang baso ng juice ay muntik kong mabitiwan. Mistulang nakakita ang bawat isa sa amin ng multo. Nagkasalubong ang aming mga titig; siya ay may pag-aalangang batiin ako o hintaying ako ang bumati sa kanya samantalang ako naman, nagulat dahil sa ang iniiwasang tao ay nasa harap ko lang pala. Iyon bang pakiramdam na may ninakaw ka tapos biglang sumulpot ang may ari at nasa harap mo na siya. Nanlaki ang mga mata ko noong makita siya at marahil ay napansin din niya iyon. 

Ewan, di ko mawari ang tunay na naramdaman. Lumakas ang kabog ng dibdib… at kung gaano kabilis ang aking pagkabigla, ay siyang bilis din ng aking pag-alis, ipinaramdam sa kanya na di ko siya kilala at wala akong nakita. 

Sa panlabas, ipinakita ko sa kanyang matatag ako, matigas. Ngunit hindi ko rin nakayanan ang pagkunwari. Noong makalabas ako ng kusina, iniwan ko na lang ang juice sa isang mesa sa sala at nagtatakbong umakyat at sa loob ng kwarto ko ay doon na nag-iiyak. 

Syempre, kahit nasusuklam ako sa kanya, mahal ko pa rin iyong tao at sa nakita ko sa mukha niya habang nagtitigan kami sa kusina, maraming bumabalik-balik na ala-ala sa aking isipan. Bumakat sa aking isipan ang kanyang mga titig na animoy nagmamakaawa, nakikiusap. Hindi ko lubusang maintindihan ang naramdaman. May malakas na sigaw sa kaloob-looban ng aking pagkatao na nag-udyok na yakapin siya, halikan, haplusin ang nakabibighaning mukha… ngunit matinding poot at galit pa rin ang nangingibabaw. Sumisigaw ang isip kong kalimutan na siya at tapusin na ang kahibangan ngunit ang puso ko ay patuloy pa rin niyang binibighani at binibihag. 

“Shittttttttt! Shittttttttttt!” Sigaw ko. At naalimpungatan ko na lang ang sariling pinagtatapon ang mga gamit sa loob ng aking kwarto.

Mahirap ang kalagayan ko. Pati si Noel ay nagtatanong na rin kung bakit hindi kami nag-uusap ni kuya Rom niya. “Hayaan mo na lang muna, tol. Ngayon lang ito. Nasasaktan lang kaming pareho ni kuya Rom mo dahil sa pagkamatay ni papa” ang sagot ko na lang, hindi alintana kung may dahilan pa ba akong masabi kapag nailibing na si papa. Kapag sabihin ko kasi sa kanya ang totoo ay baka hindi niya maiintindihan ito. Mukhang tinanggap naman niya ang paliwanag ko. Sobrang lapit na rin kasi ni Noel kay kuya Rom. 

Sa ilang araw na burol ni papa napansin ko ang malaking pagbabago ni Kuya Rom. Hindi lang dahil sa matinding lungkot na naranasan niya sa pagkamatay ni papa ngunit marahil ay may iba pang dahilan ito. Ang dating pagkamasayahing palaging umaapaw sa kanyang mukha na nakakahawa ay biglang naglaho, at palagi na lang itong nakatunganga, nag-iisip ng malalim, malayo ang tingin, wala sa sarili…

Huling gabi ng lamay na iyon. Nandoon ang lahat ng mga taong nakakakilala kay papa, malalapit man o hindi, mga kliyente, mga nagtatrabaho sa mga kompanya namin, mga tagapamahala sa aming mga lupain, mga kasosyo sa negosyo, mga kapitbahay, mga taong nagmamahal kay papa… 

Nandoon din ang mga magulang ni Julius, at si Julius mismo. Nandoon din si Shane. Ngunit kagaya ng pagtrato ko kay kuya Rom, ganoon din ang patrato ko kay Shane. Hindi ko rin siya kinikibo, iniiwasan. “Kapatid niya ang asawa ni kuya Rom ngunit hindi man lang niya ako tinimbrehan sa mga nangyayari sa Canada. Nangako siya sa akin na sasabihin niya ang lahat ngunit wala ding nangyari. Sinungaling siya, walang kwentang kaibigan! Kasabwat siya sa ginawang pagtaksil ni kuya Rom sa akin!” bulong ko sa sarili.

Masaya din naman akong nakita si Julius. Niyakap niya ako, hinalikan sa pisngi at umiyak din. Napamahal na rin kasi sa kanila ang papa ko. Ngunit hindi ko rin si Julius nakakausap nang maayos gawa ng tumutulong siya sa pag-istima sa mga bisita. Pinakilala ko rin si Noel sa kanya at dahil pareho sila ni Julius na palakaibigang, nagkagaanang loob din sila kaagad.

Sa huling gabi ng lamay ni papa nalaman namin ang resulta ng DNA test sa anak ni Kris. Hindi ko sana malalaman ito kung hindi lumusob si Kris sa bahay, nagpupuyos sa galit, nag eskandalo at nagbanta kay kuya Rom at sa buong pamilya namin. “Pagbabayaran mo ang lahat ng ito! Sinira mo ang buhay ko! Sinira mo ang lahat ng mga plano ko! Kayong lahat, humanda kayo sa gagawin ko!”

Nagbigy pala ng kopya ang abugado ni kuya sa abugado ni Kris sa resulta nito – Negative. Ibig sabihin, hindi anak ni kuya Rom ang anak ni Kris. Doon ko rin nakumpirma ang matagal ko nang hinala na hindi nga anak ni kuya Rom ang bata dahil sa simula pa lang, wala akong nakitang hawig ni kuya Rom sa kanya.”

At kagaya nang dati, umeksena uli ang dalawang guwardiya at kinaladkad si Kris palabas. Wala siyang magawa kundi ng magsisigaw nang magsisigaw sa labas ng gate na parang baliw o sinaniban ng masamang espiritu.

Kinabukasan, inihatid na sa huling hantungan si papa. Masakit, hindi ko matanggap ang lahat. Mistulang huminto ang galaw ng mundo para sa akin. Hindi ko alam kung ano ang gagawin, kung paano na lang ang pamilya namin na wala na si papa. Walang humpay ang pagdaloy ng mga luha sa aking mga mata. 

Kinagabihan pagkatapos ng libing at nakaalis na ang lahat ng mga bisita, mistulang isang libingan din ang katahimikang bumabalot sa aming mansyon. Tila nawalan ng kulay ang buong paligid. Mistulang kasama ni papa na inilibing ang lahat nang sigla at saya na dati-rati ay umaalingawngaw sa bahay na iyon. Si mama ay tahimik na pumasok sa kanilang kuwarto ni papa, si kuya Rom ay pumasok na rin sa kanyang kuwarto. At bagamat gusto ni Noel na samahan ako, sinabihan ko siyang gusto kong mapag-isa at kay kuya Romwel na lang sumama. 

Pumasok na rin ako, nag-iisa sa sarili kong kuwarto…

Ganyan ang larawang makikita sa amin sa gabing iyon. Kanya-kanya, walang ganang makikipag-usap, tila nawalan ng buhay ang paligid.

Hindi ko alam kung ano ang ginawa ni mama sa kuwarto niya. Ang alam ko lang, nag-iiyak siya at marahil ay sinasariwa ang mga masasayang ala-ala nila ni papa. Marahil din, ay kinakausap niya ito…

Ako, dumeretso na rin ng kuwarto, tinumbok ang music corner ko at pinatugtog ang kantang “To Dance With My Father Again” – 

Back when I was a child
Before life removed all the innocence
My father would lift me high and dance with my mother and me and then
Spin me around ‘til I fell asleep

Then up the stairs he would carry me
And I knew for sure I was loved
If I could get another chance, another walk, another dance with him
I’d play a song that would never ever end
How I’d love, love, love
To dance with my father again

When I and my mother would disagree
To get my way I would run from her to him
He'd make me laugh just to comfort me, yeah yeah..
Then finally make me do just what my moma said
Later that night when i want to sleep
He left a dollar under my sheet
Never dreamed that he would be gone from me

If i could steal one final glance, one final step, one final dance with him
I'd play a song that would never ever end
'Cause I'd love, love, love, love
To dance with my father again

Sometimes I’d listen outside her door
And I’d hear how mama cried for him
I pray for her even more than me
I pray for her even more than me
I know I’m praying for much too much

But could you send back the only man she loved
I know you don’t do it usually
But dear Lord she’s dying
To dance with my father again
Every night I fall asleep and this is all I ever dream.

Kinabukasan, ipinalabas ang naka-video na last will ni papa. Sa library ng mansyon ipinalabas ito at kaming lahat ay nandoon – si mama, kuya Rom, Noel, ang mga anak ni kuya Rom na kambal at isang babae kasama ang mga yaya, ang mga abogado ng pamilya at ako. Nakaupong magkatabi kami ni mama. 

Nilingon ko si kuya Rom. Tahimik siyang nakaupo sa isang sulok na may kalayuan sa amin, nakayukyok na parang isang basang sisiw. Tumingin siya sa akin, bakas sa mukha niya ang matinding lungkot bagamat lantad pa rin ang angkin niyang kakisigan. Nakikiusap ang kanyang mga mata, nakipagtitigan. Tinitigan ko rin siya ngunit matulis ang isinukli kong titig, nanggagalaiti, naninisi. 

Naputol lang ang aming pagtitigan noong lumapit si Noel sa kanya at tumabi sa upuan. Hinawakan niya ang baywang nito, kinanlong at pinisil-pisil ang mukha, ginugulo ang buhok, kinikiliti... May kaunting inggit akong nadarama. Dati-rati, ako ang bini-baby niya ngunit sa pagkakataong iyon, kay Noel na nakatutok ang kanyang atensyon. Ibinaling ko kaagad ang mga mata ko sa monitor sabay bitiw ng isang malalim na buntong-hininga.

Ginawa ni papa ang video na iyon noong kasagsagan ng aking pag-alis. Heto ang mga huling habilin ni niya:

Para kay mama: 

“Sana ay maging matatag ka, at kahit wala na ako, ipagpatuloy mo pa rin ang buhay. Alam kong masakit ngunit sana ay pilitin mong huwag malungkot at tanggpin ang paglisan, isipin na ito’y bahagi ng isang grand design ng maykapal. Lahat naman tayo ay pupunta dito; nauna lang ako… Lakasan mo ang loob mo sa pagharap sa mga araw-araw na hamon ng buhay at piliting nand’yan palagi para sa mga anak natin. Mahal na mahal kita. Malaki ang pasasalamat ko at ikaw ang ibinigay sa akin ng tadhana. Salamat at dumating ka sa buhay ko. Salamat na ikaw ang naging katuwang ko sa pagbuo ng aking mga pangarap, sa pagharap sa lahat ng mga pagsubok sa buhay. Kung mangyari mang may isa pang pagkakataon, ikaw pa rin ang pipiliin kong makapiling, maging katuwang sa pagbuo muli ng mga pangarap. At kagaya ng palagi nating ginagawa, pipilitin nating malampasan ang kahit ano mang balakid. Napakaswete ko na may isang ikaw sa buhay ko… hindi ko man palaging sinasabi sa iyo ito, ngunit lagi mong tatandaan, mahal na mahal kita.” 

At nakita ko na lang ang mga luhang dumaloy sa mga mata ni papa habang patuloy naman ang pag-iiyak naming dalawa ni mama. Pinahid ni papa ang mga luha niya sa pisngi. Nagpatuloy siya sa pagsasalita, ang boses ay nagcrack na. “Ikaw na ang bahala sa ating mga naipundar na ari-arian, mga negosyo at lupain. Huwag kang mag-alala, nand’yan naman ang dalawa nating mga anak. Mapagkakatiwalan mo si Romwel at si Jason, alam ko, mapagkakatiwalaan mo rin siya sa darating na panahon.”

Para sa akin: 

“Sa iyo anak… mahal na mahl kita. Mangyari mang ang pagpanaw ko ay habang wala ka, tandaan mo palaging hindi ako nagagalit sa iyo. Naintindihan kita at napatawad sa iyong pa-alis nang walang paalam. Maaring hindi mo batid ang pagmamahal ko sa iyo ngunit palagi mong ilagay sa iyong isip na lahat ng pagsisikap ko sa buhay ay dahil sa iyo… At para sabihin ko sa iyo, ikaw ag dahilan kung bakit namin inampon si Kuya Romwel mo. Dahil alam namin kung gaano mo siya kamahal at alam namin ang pangungulila mong magkaroon ng kapatid at kuya. Pasensya na at hindi ka namin napagbigyan ng mama mo sa kahilingan mong magkaroon ng kapatid. Ngunit siguro naman ay naging masaya ka na naging bahagi ng pamilya natin si kuya Romwel mo…” 

Napahinto siya nang sandali, tila pinag-aralan ang sunod na sasabihin “…pasensya ka na kung pinagbawalan ko kayo ni Romwel sa gusto ninyong mangyari. Napakasakit kasi sa isang ama na makita ang kaisa-isa niyang anak na lalaking…” hindi na itinuloy pang tapusin ni papa ang sasabihin. “…alam mo naman na nangarap akong magkaroon ng apo, lalaking apo. Sabik na sabik akong magkaroon nito, anak, hindi lang upang maipagpatuloy ang lahi nating Iglesias kundi dahil nasasabik ako sa apo. Kaya laking tuwa ko noong malamang nagkaroon ng anak si Romwel. At dahil sa pagbigay ni kuya Romwel mo sa akin sa gusto ko… bibigyang laya na kita sa ano mang gusto mong gawin sa buhay. Palagi mo lang tandaan anak na sa landas na tatahakin mo, ano man ito, ang kabaitan at kalinisan ng puso ang dapat na maging gabay mo sa paghanap sa iyong tadhana. At tandaan mo rin anak, na minsan sa buhay, kailangan nating maging matatag, maging handa sa ano mang darating. May mga pagkakatoang madapa ka, matapilok, o mabasag ang mga pangarap. Ngunit huwag kang mag-atubili ni matakot na bumangon, magsimula, pulutin ang mga basag at buuing muli ang mga pangarap. Gawin mong patnubay ang mga aral na dala ng iyong pagkadapa. At pagkakamali. At anak, huwag kang magkimkim ng galit o ano mang sama ng loob sa puso mo. Napakasarap mabuhay kapag ramdam mo ang pagmamahal ng mga taong nakapalibot sa iyo. At lalong mas masarap ito kapag ang naramdamn mong pagmamahal nila ay sinusuklian mo rin ng pagmamahal. Anak, I love you...”

Napahagulgol ako sa sinabing iyon ni papa. Ni minsan kasi, hindi ko narinig kay papa ang salitang “I love you” o “mahal kita, anak”. Hindi kasi expressive si papa sa nararamdaman niya. Kaya minsan di ko rin maiwasang magtampo. Pakiramdam ko, hindi niya ako mahal. Ngunit sa narinig ko, doon ko narealize na mahal pala talaga ako ng papa ko…

Para kay Kuya Romwel: 

“Alam mong mahal ka namin, Romwel dahil napasaya mo kaming lahat; sa iyong kasipagan, sa iyong pagkamaunawain, at sa pagmamahal na ibinigay mo para sa aming lahat. Kung si Jason ang nagbigay sa amin ng saya, ikaw ang nagbigay sa amin ng pag-asa. Ipagpatuloy mo lang ang pagsuporta, pag-alaga, at pagmamahal sa pamilya natin. Huwag kang magbago. Huwag mong pababayaan ang mama mo, at lalo na si Jason…” nasamid ang boses ni papa sa pagbanggit niya sa huling mga kataga. Parang may ibang nasa isip niya, hindi ko lang makuha kung ano yun. “Pasayahin mo lang ang buong pamilya, suportahan mo sila, tulungan sa panahon ng kagipitan. Kapag nagawa mo iyan, maligaya na ako. Sa pagmanage naman ng mga negosyo at mga ari-arian natin, gusto kong tulungan mo ang mama mo hanggang sa makatapos ng pag-aral si Jason at kaya na niyang tumulong din sa responsibilidad ng pamilya… Ipangako mo iyan sa akin, Romwel.”

Napahinto muli si papa, inisip ang sunod na sasabihin na tila nahirapan siyang buksan. 

“At… tungkol naman sa isang bagay na hiniling mo sa akin, bagamat may kabigatan ito ngunit pinapayagan na kita, kung sa tingin mo ay ito ang ikabubuti ng buhay mo, ng pamilya natin. Basta ipagpatuloy mo lang ang lahat ng mga magagandang plano mo para sa pamilya at gawin mo ang mga naunang sinabi ko. Oo nga pala, salamat sa mga apo na ibinigay mo sa akin. Napakasaya ko sa ibinigay mong regalo. Walang pagsidlan ang kaligayahan ko at hindi sapat ang salita upang mailarawan ang naramdaman kong kaligayahan. Noong malaman kong magkakaroon ako ng apo sa iyo, nasabi ko sa sarili na wala na akong mahihiling pa sa buhay at handa na akong pumanaw. Maraming salamat sa iyo, Romwel.”

May dulot na intriga para sa akin ang sinabing kahilingan na iyon ni kuya Rom kay papa. Napalingon ako kay mama na tumingin dn sa akin. Gusto ko sanang itanong kung may alam ba siya sa hiling ni kuya Rom na sinasabi. Ngunit tila naintindihan ni mama ang titig ko. Umiling siya, pagpahiwatig na wala siyang alam.

Pagkatapos na pagkatapos maipalabas ang video ni papa, lumapit si kuya Rom sa kinauupuan namin ni mama, hila-hila sa likuran niya si Noel. “Ma… aalis na ako” ang sabi niya sabay halik sa pisngi nito.

Syempre, nabigla ako. Sa isip ko kasi, babalik naman talaga siya ng Canada gawa nang nandoon ang asawa at anak niya ngunit hindi ko akalain na ganoon kabilis. 

Mistulang tinadtad ang puso ko sa sakit at inis. Nawala na nga ang papa ko, at hayun, tuluyan na rin yatang mawawala ang kaisa-isang taong minahal ko na siyang nagturo at nagpatikim sa akin ng lahat ng una kong karanasan.

Ibinaling ko ang mukha palayo sa kanya, pahiwatig na ayaw ko siyang kausapin. Ngunit nagsalita siya, “Tol… ikaw na ang bahala sa pamilya natin. Alagaan mo si mama, at si Noel na rin.”

Hindi ko lubusang maintindihan ang sinabi niyang iyon, na ako na ang bahala sa pamilya namin. Sumiksik tuloy sa isip ko ang katanungang, “Bakit ako? Hindi na ba siya babalik?” na nagpatindi lang ng galit ko sa kanya.

Mabilis akong tumayo at dumestansya, sinigwan siya, “E, di lumayas ka! Kaya naman naming dalawa ni mama dito eh!”

Tumayo si mama at hinarangan ako. “Jason, anak… huwag mo namang pagsalitaan ng ganyan si kuya Romwel mo. Kuya mo pa rin yan” sabay lingon din kay kuya Rom, “Sige Romwel mauna ka na sa sasakyan at kami ni Noel ay susunod na.”

Tumuloy naman si kuya Rom. At nagpahabol ng tanong ang boses ay malungkot, “Hindi mo ba ako ihahatid tol…?”

“Lumayas kang mag-isa mo!” bulyaw ko.

Inihatid nga siya nila mama at Noel habang ako ay naman ay naiwan sa bahay na nagpupuyos sa galit, sa inis, sa lungkot. Halo-halo na ang emosyon ko. Ngunit ang nangingibabaw ay ang matinding galit. Naalimpungatan ko na lang na kinuha ko ang ritrato ni papa at mistulang isang batang nagsusumbong, humagulgol na nagsalita, ibinuhos ang lahat ng emosyong itinatago. 

“Pa… alam kong nand’yan ka nakikinig at nagmamasid sa akin. Sobrang sakit pa, hindi ko na yata kaya. Mahal na mahal ko pa talaga siya eh. Pero alam kong hindi na pwede. Kaya sana tulungan mo akong mawala na ang nararamdaman kong ito sa kanya at kung gusto mo talaga, pati na itong galit sa puso ko sa kanya. Alam ko naman ang ibig mong sabihin sa video pa eh, pero ano ba ang magagawa ko? Hirap na hirap na ako pa…Tingnan mo, umalis na naman siya at iiwanan na lang kami ni mama. Tama ba yan? Paanong hindi ako magagalit sa kanya niyan? Kung hindi nga sa kanya ay hindi ako maglalayas eh… at marahil ay nandito ka pa sana. Andami na niyang atraso sa akin at sa pamilya natin. Ngayon nga, kalilibing niyo lang at heto, aalis na naman siya. Siya ang kuya ng pamilya tapos, balewala na lang kami porke’t nagkaasawa na siya ng Canadian at mayaman pa? Sana pa, tulungan mo ako. Bigyan mo ako ng sign pa kung ano ang gagawin ko… Litong-lito na po ako.” 

Hindi ko na matandaan kung gaano ako katagal nakikipag-usap sa ritrato ni papa at umiiyak. Nakaidlip pala ako at nagising na lang noong may kumatok sa pintuan.

Si Noel. Galing na pala sila sa airport naghatid kay kuy Rom. “Kuya… ipinabigay ni Kuya Romwel sa iyo itong sulat” wika ni Noel. “Hindi na ba babalik si Kuya Rom Kuya? Sabi ni kuya, isang araw daw, papuntahin niya ako sa Canada. Malayo ba iyon Kuya?” ang insosenteng tanong ni Noel

“Malayo iyon” ang sagot ko na lang. 

“At may snow daw doon, malamig.”

“Oo. Malamig doon. Makakapunta din tayo doon isang araw sa may snow na lugar, sa Amerika, hindi sa Canada” ang sagot ko gawa ng pagkainis.

“Ay… bakit sa Amerika? Sa Canada nandoon si kuya Romwel eh?” Ang pagtutol niya.

“Malapit lang naman iyon sa Canada eh.” Ang sabi ko habang tiningnan ang nakakawang mukha ni Noel. “O, sya sa Canada tayo pupunta… Doon ka muna sa kwarto mo ha? Babasahin ko lang ang sulat ni Kuya Rom mo.” Ang sabi ko na lang upang mapag-isa.

Inilatag ko ang sulat sa mesa at umupo sa kama, tinitigan ang sulat, nag-isip kung bubuksan iyon o itatapon na lang. Ewan, nagdadalawang isip talaga akong basahin iyon. 

Tumayo ako at tinumbok ang music corner. Ewan ko, mental telepathy ba ang tawag doon kung saan ang isang bagay na iniisip o ginagawa niya ay naisip mo rin… o iyong mga iniisip ninyo ay nakatutuk sa parehong bagay. Pinatugtug ko ang FM station na parehong paborito namin. At pagkabukas na pagkabukas ko nito, bumulaga sa akin ang salita ng dj, “The next song is requested by an avid lister who at this very moment, is leaving for Canada. He is pleading to play this song – at now na! – with dedications going to the one and only love of his life whom he wants to send the message – ‘Back To Me’. Wheeewwww! That’s sweet! Von voyage Romwel!”

“Sometimes I feel like I'm all alone
Wondering how, what have I done wrong
Maybe I'm just missing you all along
When will you be coming home back to me

There were times I felt like giving up
Haunted by memories I can't give up
Wish that I never let you go and slip away
Had enough reasons for you to stay

Can you feel me, see me falling away (see me falling away)
Did you hear me, I'm calling out your name (calling out your name)
'Cuz I'm barely hanging on
Baby you need to come home... back to me

Sleepless nights 'cuz you're not here by my side
Cold as ice I feel deep down inside
Maybe I'm just missing you all along
When will you be coming home

Can you feel me, see me falling away (see me falling away)
Did you hear me, I'm calling out your name (calling our your name)
'Cuz I'm barely hanging on

Baby you need to come home 
Back to me...”

Para akong na-alipin sa isang makapangyarihang hipnotismo sa pagkakataong iyon. Tulala at ang isip ay nakatutok lamang sa melody ng kanta. Ramdam ko ang pagkalampag ng puso ko at pakiwari ko ay unti-unti akong nawalan ng lakas habang umalingawngaw sa ere ang kanta, inisa-isang inukit sa isip ang bawat kataga nito na mistulang namang mga sibat na tumama sa aking puso. At namalayan ko na lang ang luhang dumaloy muli sa aking mga pisngi. 

Ewan, ngunit dahil sa pagkarinig ko sa kanta, dali-dali kong tinumbok ang mesa kung nasaan ang sulat ni kuya Romwel at. Kinuha ko ito, binuksan, atsaka binasa.

“Tol, una sa lahat, nais kong malaman mo na walang nagbabago sa pagmamahal ko sa iyo. Wala akong ginawang masama at lalong hindi ako nagtaksil… 

Dalawang buwan mula noong dumating ako ng Canada, nalaman ng pamilya ni Shane ang sakit ng kapatid niyang babae, si Sandy. Cancer sa utak at nasa malubhang kalagayan. Ang sabi ng mga dalubhasa, sang taon na lang ang taning ng buhay niya. Matinding kalungkutan ang bumalot sa pamilya ni Shane sa mga sandaling iyon. Mabait ang pamilya ni Shane, tol. Alam mo iyan. Kung natandaan mo, pilantropo ang mga magulang nila at ang kanilang yaman ay ibinabahagi sa mga kapus-palad na nangangailangan ng tulong. Isa ang nanay ko sa nabiyayaan nila ng kanilang kagandahan loob noong ma-operahan siya at nadugtungan ang kanyang buhay…. 

Hindi nila lubos maintindihan ang nangyari. Ngunit ipinagpasa Dyos nila ang lahat. Napakarami sana ng pera nila at marami silang taong natulungang magamot ang karamdaman. Ngunit sa sarili nilang anak, wala silang magawa-gawa. 

Mabait si Sandy, tol… 21 years old lang at kagaya ng kapatid niyang si Shane, naging malapit din siya sa akin. Isa si Sandy sa pinakamalapit na taong tumulong sa akin sa pag-aadjust ko sa Canada. Lahat ng problema ko habang nag stay pa ako sa kanila, sa kanilang dalawa ni Shane ko sinasabi. Sa edad niyang ito, masasabi mong nasa tuktok pa sana siya ng mundo at ang lahat ng pangarap niya ay abot-kamay lang. Ngunit masaklap ang ibinigay sa kanya ng tadhana, dahil hanggang doon na lang ang buhay niya. Kung makita at makilala mo siya ng personal, masasabi mong nasa kanya na sana ang lahat – kabaitan, ganda, talino, at higit sa lahat, ang pagka positive na pananaw sa buhay. At itong pagiging positive na pananaw niya ang naging ugat kung bakit humantong ang lahat na magkaanak siya sa akin at pinakasalan ko pa. 

Nilabanan niya ang kanyang karamdaman, ipinangako sa sariling maging fruitful pa rin ang buhay niya hanggang sa wakas, sa kabila nang kanyang karamdaman na walang lunas. At gagawin niya ang lahat nang makakaya maipakita lang sa lahat kung gaano siya katatag, kung gaano kahalaga ang buhay. Ginawa niya ang sariling maging modelo upang ang mga katulad niyang may sakit mga nawalan ng pag-asa ay mabuksan ang isipan at hindi mawalan ng determinasyon na magpursige sa kung ano mang pwede pang gawin hanggang sa huli nilang hininga, hanggang kaya, hanggang pumipintig pa ang puso. Iyan ang isiniksik niya sa kanyang isip… At ginawa niyang isang advocacy ito.

At ang isa sa mga ginawa niyang target ay ang magkaanak, hindi lang dahil sa gusto niyan maramdman ang pagkakaroon ng isang batang nanggaling sa dugo at laman niya bago siya mamatay kungdi dahil sa ito rin ang pangarap ng papa niya na magkaroon ng apo. Gusto niyang bigyan ng kaligayahan ang kanyang pinakamamahal na papa. At ito ang naging dahilan ng lahat. Alam mo naman sigurong bakla si Shane… Kaya ito ang naisipan ni Sandy na bago siya bawian ng buhay, may isang bagay siyang maiiwang ala-ala, regalo sa kanyang ama, at silbi sa kanyang natitirang mga sandali.

Noong una, ayaw pumayag ng pamilya niya gawa nang alam nilang lalong mahihirapan si Sandy. Ngunit dahil sa ito ang ginawa niyang last wish, hindi na nakatanggi pa ang mag magulang niya. Ang plano ay artificial insemination at ako ang naisipan nilang mag donate ng semilya. Dahil itinuring din naman nila akong bahagi ng kanilang pamilya sa pagtigil ko sa kanila, hindi ako tumanggi. At sino ba ako upang tumanggi, tol…? Napakalaki ng utang na loob ko sa pamilya nila at napakaliit na bagay lang naman ang hiniling nila sa akin. Kung ikaw ang nasa lugar ko, tatanggihan mo ba ang pakisuyo nila? At isa pa, di ba gusto rin naman ni papa ang magkaroon ng maraming apo? Kaya tol… tinanggap ko ang alok nila nang walang pagdadalawang-isip. At hindi ko kaagad sinabi ito sa iyo dahil gusto kong sorpresahin si papa at ang lahat, syempre ikaw. Di ba ikaw din ang nagsabi sa akin na gusto mong magkaroon sana ng mestisong pamangkin? Ewan kung biro mo lang iyon pero natatandaan ko iyon. At ang sabi mo nga, gusto mong makita kung ano pa ang resulta kung magkaroon ako ng anak sa isang puting lahi dahil ang sabi mo magiging super guwapo ito? Kaya iyon… At ang plano ko ay sasabihin ko ito sa iyo ng personal. 

Pitong buwan na ang batang nasa sinapupunan ni Sandy noong naramdaman naming naghihina na siya. Nagdesisyon ang mga doktor na kapag lumala pa ang kundisyon niya ay i-caesarean na siya. Doon ko na rin na-isip na baka mas makabubuti kung pakasalan ko si Sandy. Naramdaman ko kasing gusto nilang gawin ko iyon kay Sandy ngunit nahiya lang silang imungkahi ito sa akin, marahil ay nag-atubili silang baka mapasubo lang ako.

Syempre, buntis si Sandy. Papalapit na ang takdang oras ng papanaw niya sa mundo ngunit buntis siya at hindi kasal. Paano ang magiging anak niya? Hindi naman ako manhid upang hindi maramdamang ninanais din niya ito, at kailangan din para sa security ng bata. Kaya, iminungkahi ko sa kanila na willing akong pakasalan siya. At kagaya ng iniisip ko, masayang-masaya si Sandy noong marinig ang proposal na iyon na galing mismo sa aking bibig. Kitang-kita ko ang matinding kasayahan sa kanyang mga mata. 

Sa ginawa ko, lalong napabilib sa akin at sobra-sobrang pasasalamat ang ibinigay ng mga magulang ni Sandy sa akin. Sa parte ko, napakasarap ng pakiramdam na nakitang may mga taong napasaya ko, lalo na ang isang nilalang na sa kabila ng nabibilang na lang na mga araw sa mundo, nagawa ko pa ring bigyan ng ngiti ang kanyang mga labi. Sa kaligayahang nakita ko sa kanila, bumalik-balik sa isip ko ang kasayahang idinulot din ng pamilya ni Sandy sa akin noong sila ang umako sa lahat ng gastusin ni inay noong maoperahan ito sa kidney at madugtungan ang buhay. 

Sa sobrang sa tuwa at kaligayahang naidulot ko, binigyan ako sa papa ni Sandy – na papa ko na rin – ng isang mamahaling kotse. Iyan ang dinala ko dito…

Pagkaraan ng isang linggo, tinanggal na ang bata sa tiyan ni Sandy. Mahigit pitong buwan pa lang ito ngunit isang malusog na batang lalaki ang anak namin na agad namang inilagay sa incubator. Hirap na hirap na kasi siya at ang sabi ng mga duktor, hindi na kakayanin ni Sandy pa kung ipagpaliban ang pagkuha sa bata. At ilang oras lang pagkatapus makalabas ang bata at makita ito ni Sandy, saka din siya binawian ng buhay… Bakat ang saya sa kanyang mga labi hanggang sa kahuli-hulihang hininga ng kanyang buhay.

Ito ang dahilan kung bakit hindi ako nakauwi sa panahon na naghintay kayo sa akin. At si Shane ang pinauwi ko na siya sanang mgpaliwanag ng lahat sa iyo. Ngunit hindi mo siya pinakinggan. At tuluyan nang isinara ang pinto mo sa lahat ng paliwanag ko…

Nasaktan ako tol... Sobra. At pati pa pala si Shane ay hindi mo kinausap. Walang kasalanan si Shane tol... Gusto niyang sabihin sa iyo ang lahat ngunit ako ang naghimok sa kanya na huwag niyang gawin at huwag makialam dahil ako na ang bahalng magsabi ng lahat sa iyo. Hnggang s mabulilyaso na nga ang plano ko dhil sa pagsarado mo ng iyong isip… 

Mahal na mahal pa rin kita tol. Kailang man ay hindi ito nagbago. Sana ay hindi pa huli ang lahat. Patawarin mo ako, tol…”

Mistula akong binuhusan ng malamig na tubig sa aking nabasa, hindi lang dahil sa nalaman ko kundi dahil sa pinaghirapan talaga ni kuya Rom ang pagsulat. Hindi kasi siya mahilig magsulat, kagaya ng mga typical na lalaki na ang gusto lang ay mga pisikal na gawain. Ayaw niya ng ganoon. Ngunit nagawa niyang magsulat ng napakahaba para lamang maipaliwanag sa akin ang dahilan noong ayaw ko na siyang kausapin pa. Sa ganoon pa lang na ginawa niyang sakripisyo, gumapang na sa katauhan ko ang pagkaawa. 

Ngunit noong mabasa ko naman ang huling mga katagang inisinulat niya, pakiramdam ko ay may sumabog na isang malakas na bomba sa harapan ko, “PS: ipinalakad ko na ang pagwawalang-bisa ng pagiging Iglesias ko. Kung mahal mo ako, pigilan mo ako tol… I-itext mo ako, o kaya’y tawagan. Kapag tinext mo ako o tinawagan, iisipin kong napatawad mo na ako at hindi na ako tutuloy pa. Heto ang number ko, tol – 09213826318…”

(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...