Wednesday, August 7, 2013

IDOL KO SI SIR 5 (BOOK 2)

By: Michael Juha
Tila binuhusan ng malamig na Tubig si Anton sa tanong ko. “Hoy, Anton! Tinanong kita! May iba bang mahal si Sir James?”

“A, e... wala Carl, wala!” ang sagot nyang tila hindi makatingin sa akin.

“Tol, nagsisinungaling ka, alam ko. Meron kang alam na hindi ko alam. Ano yun? Sabihin mo! Magdamdam talaga ako sa iyo pag hindi mo sinabi sa akin ang nalalaman mo.”

“Wala nga Carl... cross my heart.” pagdiin nya. “Atsaka, wala ka bang tiwala kay kuya? Kung gusto mo, itanong mo na lang sa kanya pagdating nya.”

Tila nahimasmasan ako sa seryoso nyang paliwanag. “O sige... maniwala na ako.” ang nasabi ko nalang, inisip na wala din akong magagawa kung ayaw nyang magsalita talaga. Atsaka, sumiksik na rin sa isip ko na kung mayroon man kaming problema ni James, kusa nyang sasabihin sa akin yun. “Oo nga pala tol, may sinabi si Dodong na sayawan mamaya sa may baranggay hall. Gusto mo, punta tayo para makahanap ka na ng babae? Ano...?”

Ramdam ko ang malaming nyang reaksyon. “Parang ayaw ko Carl. Di naman ako marunong sumayaw e. Tsaka, nahihiya ako...”

“A, basta! Pupunta tayo mamaya sa sayawan. Di ba sabi ko sa iyo, dapat buksan mo ang sarili para sa ibang bagay o possibilities? Makipagkaibigan ka lang naman e, for you to get out from your shell, kumbaga. At kung kaya mo na, manligaw ka. Ito na yung chance mo.”

“E... sige, bahala ka. Basta samahan lang kita dun.”

Walang magawa si Anton. Pumunta nga kami at isinama na rin namin si Dodong. Alas 10 ng gabi nung dumating kami sa lugar mismong kung saan idinaos ang sayawan. May mga sumasayaw na sa gitna. Kitang-kita ang kasayahan sa mukha ng mga dalaga’t binata habang umiindayog sa tugtog. Benefit dance daw yun upang makalikom ng pondo ang baranggay para sa nalalapit na fiesta. First time ko ring maka-attend ng ganung klaseng sayawan. Parang gusto kong matawa sa mga hitsura nila, ibang-iba kasi kay sa ambiance ng disco-han sa malalaking syudad na puno ng naggagandahang ilaw, madilim-dilim ang dance hall, at walang pakialaman ang mga sumasayaw kung may kapartner ba o wala, basta tatayo lang sa platform at iindayog, solved na.

Ngunit iba ang sa kanila. Malapad ang lugar na may kasing-lawak ng basketball court, alikabukin pa ang lupang hindi sementado. Kitang-kita ang mga bituin sa langit kapag ibaling mo ang mata sa itaas dahil sa walang bubong ang sayawan. Kahit walang koryente, 6 na petromax naman ang nagsilbing ilaw na nakasabit sa mga poste sa gitna pa ng sayawan mismo. Center of attraction ka kapag sumayaw, sa tindi ba naman ng liwanag na galing sa petromax, pati ulo ng mga sumasayaw nakakasilaw na rin. At kapag ba naman imbes shampoo ang panlinis ng buhok e, ordinaryong panlabang baretang sabon at preskong gata ng nyog ang conditioner... lalo talagang sisilaw ang ulo nila, amoy-gata pa. Ikaw ba kaya ang nakatira sa gitna ng napakalawak na nyogan kung hindi ka rin mangangamoy gata... Sa pakiwari ko, iyon na ang kanilang trade scent. Kumbaga, kapag di sila nangangamoy gata, di sila “in”. Ewan, hindi lang ako sigurado.

At heto pa, kapag sasayaw ang isang lalaki, dapat ay may kaparehang babae na syang pipiliin nya galing sa mga nakahelerang dilag sa gilid ng sayawan. Kumbaga, para kang nasa palengke ng isdaan at mamimili ng talakitok. Kaya kapag may type ang isang binata, dapat maliksi upang hindi mauungusan ng ibang mga kalalakihan ang napipisil na talakitok, este, dilag. Hindi pa man nakapagsimula ang tugtug, ayun, takbuhan na. Kaya ang ginagawa ng ibang lalaki para hindi maungusan, nagbabayad sila ng exclusive na sayaw. Yun nga lang, may kamahalan. At ang kawawa lang din ay ang dalagang nakahelera na mejo nangungulubot na ang mukha, o yung may tinatawag na nilang unprescribed face, o kaya’y kinukulang sa fresh gata-conditioner ang buhok, at mag-iinit talaga ang pwet nya sa kauupo, hehehe.

Ang hinahangaan ko lang sa sistema nila ay ang tulungan ng mga dalaga’t binata. Ang mga binata sa lugar nila Anton ang syang sumusundo sa mga dalaga’t binata naman sa karatig-baranggay. At kapag ang karatig-baranggay ang may ganung sayawan, ang mga binata’t dalaga naman sa baranggay nina Anton ang sinusundo. Walang kumpetensyahan. May coordination ang mga schedule ng kanya-kanyang sayawan.

Bumili kaagad ako ng ribbon, tig-iisa kami ni Anton at Dodong. Nung mapansin kaagad ng announcer na nandun ako, umaalingawngaw kaagad ang mikropono, “Ang sunod na pyesang ito ay exclusive para lamang sa ating espesyal na bisita na galing pa sa malaking syudad na walang iba kundi si Sir Carl Miller at mga kasama niyang sina Anton at Dodong! Walang hahalo sa kanila please!!!” pakiusap pa ng announcer na syang taga-anonsyo kung anong kulay na ribbong nabili ang pweding sumayaw sa kada tugtug.

Napansin ko na lang na nagsitabihan na ang ibang mga kalalakihan, ang lahat ng mata ay nakatutuk sa amin. Para bang isa akong dignitary o artista na pinoprotektahan at pinagkaisahang pagbigyang daan. Parang may kumikiliti sa puso ko sa eksenang iyon, kinabahan na natutuwang di maintindihan. Tiningnan ko agad ang mga dalagang nakahelera sa gilid ng ticketing table. Yung iba‎ nagingiting nahhihiya, ang iba’y nagsiyukuan na parang nininerbyos. Ngunit dama ko din ang nararamdaman nilang excitement na baka sila ang pipiliin ko, o ng mga kasamahan ko. “Anton hali ka na!” Ang pag encourage ko sa kanya. Ngunit sa kabila ng pagtawag ko, ayaw pa ring sumunod ni Anton sa gitna ng sayawan. Hinila ko na sya. Para kaming nag tug-of-war habang si Dodong naman ay tila sanay at mangiti-ngiti lang sa likod namin, tinitingnan-tingnan si Anton at tinutulak-tulak na rin. Pakiramdam ko’y malulusaw na sa hiya ni Anton. At dahil sa kahihila ko at katutulak ni Dodong, nakapasok din kami ng bahagya sa loob ng sayawan. Palakpakan. “Tingnan mo, tayo lang ang tinitingnan-tingnan ng mga tao, halika na at nakakahiya!”

Walang magawa si Anton kundi ang sumunod. Sumunod na rin si Dodong na sa tingin ko‎’y sanay sa ganung mga sosyalan na kabaligtaran naman sa mahiyaing kuya nyang si Anton. Pumili ako ng kapareha, yung pinakamaganda at pinakamabenta. Bata, matangkad, chinita, sexy, mahaba ang buhok at syempre, gumagamit ng fresh gata-conditioner (hehe).

Nilingon ko sina Anton at Dodong. Si Dodong, nakapili na ng babae at walang ka-kyemekyemeng hinawakan ito sa beywang at sumayaw na, habang si Anton ay pumili-pumipili pa lang, parang nininerbyos. Maya-maya lang at dumeretso na sa gitna, naka-sunod sa kanya ang isang babaeng, maputi, maganda ang katawan, makinis, at mejo singkit ang mga mata. “Magaling din namang pumili ang loko” sabi ko sa sarili. Pumuwesto sila sa gitna, tabi namin. At dahil sa mahiyain, hindi magkamayaw kung paano simulan. Nakita ko na lang na hinawakan ng babae ang mga kamay ni Anton at inilagay ang mga ito sa magkabilang beywang niya. May pagka-outgoing ang babae sa tingin ko at napansin kong habang parang matitisod si Anton sa paggalaw, si babae naman itong nagtuturo at tila nag-iinstruct. “Hmm, mukhang type ni babae si lalake” sabi ko sa sarili.

Nakakatuwang pagmasdan sina Anton. Ang babae, tanong ng tanong ng kung anu-ano, halatang kinikilig, habang si lalake naman ay halatang nanginginig at pinapawisan na di mapakali.

Natapos ang tugtog at tila tulala pa rin si Anton, hindi makapaniwalang nakumpleto ang buong tugtog na hindi natapilok o nag-collapse. “Ey! Tulala ka pa yata. Anong feeling ng naka-yakap ng babae?”

“Eh, pinapawisan ako eh... hehe!”

“Pansin ko nga. At nanginginig ka, tol. Magandang senyales yan. At type ka pa yata nung babae na yun. Type mo ba sya?”

Ngingiti-ngiti lang si Anton, parang nahiyang umamin. “May hitsura, makinis, madaldal, at sweet. Tinuruan nga nya ako kung paano igalaw ang mga paa, e. Kung hindi lang sya marunong magdala, natapakan ko na sya o kaya’y natapilok na ako”

“Hahaha! Mukhang natamaan ka, ha? O sige, isayaw mo pa sya.”

“Nahiya pa rin ako, Carl.”

“Ok, palamig ka muna at maya-maya, sayaw ulit tayo.” At sikreto kung pinapuntahan kay Dodong ang announcer at nagbayad sa ticketing table ng 500pesos para sa isang espesyal na tugtug.

Maya-maya, umaalingawngaw muli ang mikropono, “Ang susunod na pyesa na ito ay exclusive, para sa isang tao lamang na walang iba kungdi si Anton!!!” Walang hahalo please!”

Lumaki ang mata ni Anton nung marinig ang pangalan nya, di makapaniwala. Kilala ng lahat si Anton na napakamahiyain, ngunit matulungin at mabait. Pinakawalan ko ang masigabong palakpak at nagsunurang magpalakpakan na rin ang lahat. Hiyawan, tawanan pag-encourage kay Anton na pumasok na sa loob ng sayawan at pumili ng babae. Ang ibang mga kalalakihan ay ginabayan pa sya at pilit na hinihila patungo sa mga nakahelerang dalaga. Wala na namang nagawa si Anton kungdi ang tunguhin ang helera ng mga babae at pumili. At hindi nga ako nagkamali, yung unang babae pa rin nyang nakapareha ang pinili.

At sinundan pa iyon ng ilang mga exclusive na sayaw pa, requests at bayad kong lahat either exclusive para kay Anton lang, o minsan sa aming tatlo, hanggang sa napansin ko na lang na mejo ginanahan na si Anton sa pagsasayaw na kahit hindi na exclusive ay nakikipag-unahan na rin. At naging suki nya ang maputing singkit na babae. Kitang-kita ko sa mga mata ni Anton na na-eenjoy na nya ang pagsasayaw. Kahit modern dance ay sumabak na rin kahit na ang tugtug ay walang katurya-turya.

Mag aalas 2 na ng madaling araw nung matapos ang sayawan. Lumapit na sa akin si Anton, bakas sa mukha ang ibayong sayang naramdaman sa sayawang iyon. “O, nag-eenjoy ka ba?” tanong ko.

“Sobra, garabe! Huh! Ngayon ko lang naeenjoy ang ganito!” ang excited na sagot nya.

“Sabi ko nga sa iyo e! O, nasaan na pala si Ester?” ang tanong ko, tukoy sa babaeng naging suki nyang partner sa sayawan.

“Pauwi na sila, e. Nasa kabilang baranggay pala iyon nakatira, kaya pala parang ngayon ko lang sya nakita.”

“Hmmm, mukhang nagkakakilala na kayo ha.” sabi ko sabay kindat at pabirong tinampal ang likuran nya. “O, e... bakit hindi ka sumama sa paghatid sa kanila para malaman mo kung saan ang bahay at hindi ka mahirapan kung sakaling maisipan mong dalawin? Tutal marami naman kayong kalalakihang maghahatid, diba?”

“E, paano ikaw?”

“Ano ka? Ang lapit-lapit ng bahay natin eh. Dideretso na ako. Wag mo na tong palampasin, ok?” Nilapitan ko ang mga kalalakihan at kababaihang handa nang umalis patungong kalapit-baranggay. “Ey, sasama si Anton sa grupo ninyo, kayo na ang bahala dito ha? Alam nyong ngayon lang yan sumasama sa ganito.”

“Wag po kayong mag-alala, Sir Carl. Kami na po ang bahala sa kanya!” sagot ng mga kalalakihan.

Nilapitan ko si Anton. “O, panu tol. Tutuloy na ako. Ingat ka at enjoy!”

“Salamat Carl! Ikaw din, ingat!”

Umuwi akong mag-isa dahil si Dodong ay meron ding nililigawan at inihatid din. Pagdating ng bahay, hindi kaagad ako nakatulog. Naglalaro pa rin sa isipan ang mga nangyayari sa sayawan, at ang matagumpay kong pag expose kay Anton sa pakikipag kaibigan sa babae. Nakikinita ko, na iyon na ang magiging simula para tuluyan nya nang malimutan ang sinasabi nyang pagmamahal para sa akin at mabuksan ang pintuan para kay Ester. Ramdam ko ang saya para sa kanya; ang saya ng pagbibigay at pagpaparaya, ang saya ng pagsasakripisyo ng ilang bagay upang maging maligaya, o mabago ang takbo ng buhay ng isang mahal na kaibigan.

Ngunit sa likod ng isipan ko, parang mayroon ding konting kirot na nararamdaman. Siguro iyon ang kirot para sa nakaambang pagbabago ng aming pagiging close sa isa’t-isa, o yung sinasabi nilang “letting go” ng closeness ng isang mahal na kaibigan. Siguro, masyado lang advanced akong mag-isip, nangangamba na baka tuluyan ng mag-iba si Anton kapag nagka-girlfriend na. Kung dati sa akin lang umiikot ang mundo nya, baka mawalan na sya ng oras para sa akin, o magbago ng tuluyan ang dati naming masasayang samahan. Binitawan ko ang malalim na buntong-hininga. “Ganyan talaga ang buhay, walang permanenteng takbo, o kasiguruhan. Minsan, darating na lang ang mga taong di natin inaasahan sa buhay, mamahalin at hanap-hanapin. Ngunit hindi ito magtatagal; aalis din sila dahil hahanapin din nila ang mga sarili, o ang mga pagbabago na dapat gawin, o ang mga posibilidad na magbibigay kahulugan sa mga buhay nila. At dahil mahal, hahayaan natin silang lumipad at makalaya kumbaga, magtagumpay, lumigaya... sa kabila ng sakit na maaaring idudulot nito at ng pagbabago...”

Halos mag aalas kwatro na ng madaling araw nung maidlip ako; mag-aalas onse na rin ng tanghali kinabukasan nung magising. Gising na rin sina Anton at Dodong, masayang nagkukuwentuhan tungkol sa mga nangyayari sa sayawan, at syempre, sa kani-kanilang mga kaibigang babae.

“Kuya, kumusta kayo ni Ester? Naka first base ka ba kagabi?” ang tanong ni Dodong kay Anton.

“Anong first base?” sagot naman ni Anton.

“E... yung kahit papano, naiparamdam mo sa kanya na may gusto ka sa kanya.”

“Hindi ko alam”

“Ibig mong sabihin, wala kang ginawa?”

“Paano ako makaporma e, ako itong pinopormahan eh!” sabay tawanan ang dalawa.

“E, hindi ka nga naka-first base kuya, homerun pa. Hahahaha! Alam mo kuya, kitang-kita naman sa mga kilos ni Ester na type na type ka nya eh. Halos hahalikan ka na nga lang sa labi kung makikipagusap sa iyo. Hayup ka talaga sa appeal kuya!”

“Hindi naman... Pero, maganda si Ester, di ba? Balingkinitan, makinis...”

“Ibig mong sabihin kuya, liligawan mo na sya?”

“Hmmm. Siguro.”

“Good morning!” ang pag-greet ko sa kanilang dalawa.

“Good morning din po!” sagot naman nila.

“Mukhang memorable ang sayawan na yon kagabi ah!”

“Opo Kuya Carl! Lalo na kay Kuya Anton! In-love na yata, hehehehe!”

“Heh! Lokoloko! Ikaw nga jan e!” ang sagot naman ni Anton na nahiyang umamin.

“OK lang yan. Habang nasa ganyang edad pa kayo, eenjoy nyo dahil pag dumating na kayo sa mga 20 and above, dapat seryosohan na...” sabi kong pabiro. Nung may bigla kong naalaala, “Oo nga pala, di pa rin ba dumating si Kuya James ninyo?”

“Malamang mamayang hapon pa po yun kuya Carl, mga 4pm pa siguro. At kapag di sya nakarating mamaya, malamang na dun na rin po sya matutulog dahil mahirap tahakn ang daan patungo rito kapag gabi na e.” ang sagot ni Dodong.

“A ganun ba... Ba’t saan pa ba daw ang punta nya at posibleng hindi sya makarating sa araw na ito? Di ba dapat ngayon na ang uwi nya?

“Minsan po natatagalan sya. Nasa syudad din kasi si Ate Maritess, dalawang buwan na. Dadaanan pa nya yata.”

“Hah? Bakit ano’ng nangyari sa Ate Maritess mo?”

Biglang nautal si Dodong. Napansin ko rin sa mga mata ni Anton na tila ayaw nyang magsalita pa si Dodong. “A... e... Wala naman po. E... Nagpapacheck-up lang po at sinasamahan sya ni Kuya James”

Bigla ring lumakas ang kabog ng dibdib ko sa narinig. “Bakit? Ano bang nangyari kay Ate Maritess mo?”

Tuluyan nang namutla si Dodong, hindi halos makapagsalita. “E... Buntis po sya!”

(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...