Thursday, August 1, 2013

IDOL KO SI SIR 4 (BOOK 2)

By: Michael Juha
Napakasaya ko sa araw na iyon sa muli naming pagsasama ni si Sir James pagkatapos naming malayo sa isa’t-isa ng isang taon. Pagkatapos naming magtampisaw sa batis, umuwi na kami sa bahay nina Tatay Nando at kinagabihan sa dating kwarto ulit kaming dalawa natulog; sa kwarto na kung saan namin pinatibay ang pagmamahalan; sa kwarto na kung saan nagkudlit kami ng balat, nagpaagos ng sariling dugo tanda ng aming pagmamahalan. At doon, muli naming tinamsa ang bugso ng aming damdamin, mas mainit, mas mapusok.

Ngunit tila may napapansin akong kakaibang lungkot at pag-alala sa mukha ni Sir James. Hindi man nya ipinapahalata, dama ko na may bumabagabag sa isipan nya. Gusto ko sanang itanong kung ano iyon ngunit hinayaan ko na lang, iniisip na baka kapag handa na sya, sasabihin din nya sa akin kung ano yun.

Kinabukasan, umalis si Sir James papuntang syudad at may prospective sponsors daw sa project at gustong makipagkita; doon na rin daw sya mag overnight dahil may iba pang mga aasikasuhing bagay-bagay na may kaugnayan sa eskwelahan. Gusto ko sanang sumama ngunit hindi sya pumayag gawa nang hindi naman daw sya magtatagal doon.

Dahil ako na lang mag-isa ang naiwan, hinanap ko si Anton upang hindi naman ako mababagot habang wala si Sir James. Ngunit napag-alaman ko na lang kay Tatay Nando na nagpunta daw ito sa kalapit baranggay, sa bahay ng pinsan nya doon. Nagtataka ako dahil nung pagdating na pagdating ko pa lang sa baranggay, excited na excited syang makita ako at at ang sabi pa nga nya, pupunta kami ng ilog at maliligo, manghuli ng isda, at mag-ihaw-ihaw. At gusto nga daw nyang ipakita sa akin ang kubo sa tabi ng ilog dahil sa sya daw ang may gawa nun para sa akin. Kaya, hindi ko maintindihan kung bakit bigla na lang syang umalis. Iniisip ko na lang na baka importante din yung pupuntahan nya. 


Ibinuhos ko na lang ang oras ko sa sa pag-iikot sa baranggay, kasama si Dodong, ang 17 years old na nakababatang kapatid ni Anton, nakikipag-usap sa mga tao, sa Kapitan, sinasagap ang mga feedback nila tungkol sa school na donated ng mommy at sa pagpapatakbo nun ni Sir James, at inalam na rin ang mga pangangailangan pa nila kaugnay sa project, kagaya ng libro, papel, mga lapis at ballpens, etc. Napakainit ng pagtanggap nila sa akin. Palibhasa, mommy ko ang sumasagot sa mga pangangailangan ng mga batang mag-aaral nila at sa school na rin. Bawat bahay na mabisita namin, inaalok kami na doon na kakain ng pananghalian. May isang bahay din kaming napaunlakan. Mayroon ding nag-alok ng inuman na tuba, yung indigenous wine na gawa sa nyog, at may napaunlakan din kami ni Dodong.

Mag aalas 5 na ng hapon nung maisipan kong bumalik na kami ni Dodong ng bahay. Mamumula-mula na ang pisngi dahil sa may kaunti ding nainum sa ilang mga umpukang nadaanan namin at nag-offer ng tagay. Parating pa lang kami, nung mapansing may nag-gigitara, nakaupo sa ilalim ng puno ng sa harap ng bahay nina Tatay Nando. “Si Anton!” sigaw ng isip. Pinagmasdan ko sya ng maigi, tila naka-inom at di maipagkaila sa mukha nya ang lungkot.

“Hey, musta tol!” ang sambit kong pagbati, si Dodong naman ay dumeretso na kaagad ng bahay at pumasok sa kwarto nila ni Anton, nagpaalam na magpahinga muna.

Matalas ang isinukli na titig ni Anton sa akin.

“Bro, may problema ba tayo?“ Tanong kong naguguluhan sa reaksyon nya.

Hindi sya sumagot, pinagpatuloy ulit ang pag-strum ng gitara, tila walang kumakausap.

Umupo ako sa tabi nya. “May... galit ka ba sa akin?” Tinapik ko sya sa likod.

Huminto sya sa ginagawa, nanatiling nakayuko, at pabulong na nagsasalita, “Sino ba ako para magalit sa anak ng taong nagpapaaral sa akin at sa kapatid ko?”

Tila nabigla ako sa binitiwan nyang salitang iyon. Kahit na pabulong lang, klarong-klarong nasagip iyon ng mga tenga ko. “Bakit tol, ano bang problema? Lasing ka yata, ano.”

“Hindi ako lashing Carl, nakainom lang, at wala kang pakialam kung nakainom ako.” ang sabi nyang mejo may katigasan ang tono.

“OK, kung ganun, ano ba ang drama mo? Kahapon nung dumating ako dito, excited mong sinabi sa akin na pupunta tayo sa tabing-ilog at ipakita mo ang kubong ginawa mo para sa akin. Tapos ngayong araw na to, umalis ka pala, ni hindi ka man lang nagpaalam sa akin o kay Sir James. Alam mo bang ngayong araw na to wala akong kasama? Buti na lang nanjan si Dodong. Ano bang nangyari sa iyo?”

Tiningnan nya ako. May galit pa rin sa mga mga mata nya. “At pati na rin ba si Dodong, dumaan na rin sa iyo?”

Tila umakyat lahat ng dugo ko sa ulo sa narinig. Ngunit pinigalan ko ang sarili. “Tol, ayusin mo ang pananalita mo... baka di ko mapigilan ang sarili at masaktan kita.”

“Bakit, dahil ba sa totoo ang sinabi ko? Si Kuya James, kala mo di ko nakita ang ginagawa ninyo? At ako... di ba ikaw ang nagturo sa akin kung paano gawin yun? At ngayon... si Dodong naman?” sigaw nya.

Biglang nagdilim ang paningin ko at sa galit, pinakawalang ang napakalakas na suntok. Nakita ko na lang ang pagbagsak ni Anton sa damuhan, haplos-haplos ng isang kamay ang duguang bibig.

“Sige, Carl, bugbugin mo ako. Ganyan naman talaga, e, diba? Sige, kahit anong gawin mo sa akin, gawin mo, hindi kita lalabanan. Kahit patayin mo pa ako... yan ay dahil anak ka ng nagpapaaral sa akin at ng kapatid ko. Mahirap lang kami, kayang-kaya mong gawin ano man ang gusto mo!” ang sabi nyang ang boses ay bibigay na’t iiyak. At di na nga nya napigilan. Humagulgol na lang ito.

Parang bigla na rin akong naawa sa nasaksihan. Niyakap ko sya. “Tol, sorry, sorry! Ano ba ang nangyari sa iyo? Ano bang nagawa kong kasalanan sa iyo? Magsalita ka naman please.”

Nanatili lang syang nakayuko, pahid-pahid ng isang kamay ang luhang dumadaloy sa pisngi. Hinayaan ko na lang muna.

At dahil sa tila ayaw pa ring magsalita ni Anton, naisipan kong tumayo at aalis na lang sana. “Ok, kapag ayaw mo pa ring magsalita, aalis na lang ako. Kung gusto mong kausapin ako, nasa kwarto lang a - ”

“Carl!” pag-cut nya sa sinabi ko. “Wag kang umalis, pwede?”

Bumalik ako sa inuupuan. “Ano bang problema, tol?” tanong ko ulit.

“Pwede dun tayo sa tabing-ilog? Sa kubong ginawa ko para sa iyo?”

“A... oo ba. Ano bang meron dun?”

“Wala lang, gusto lang kitang makausap.”

Mga alas 6 na ng gabi nung magpunta kami ni Anton sa kubo nyang ginawa. Habang tuluyan nang lumubog ang araw, kitang kita naman sa pampang ng ilog sa labas lang ng kubo ni Anton ang paakyat na bilog na buwan. Napakaganda ng tanawin, may kalamigan na ang hangin at dinig na dinig ko ang ragasa ng tubig sa ilog.

Naupo kaming dalawa sa damuhang gilid lang ng pampang paharap sa ilog. “OK, anong gusto mong pag-usapan natin?” tanong ko.

“Hindi mo ba ako na-miss?” tanong nyang sagot sa tanong ko.

“Hahahaha! Anong klaseng tanong yan? Syempre miss na miss. Pag nainip na ako sa trabaho ko sa syudad, ang lugar na to kaagad ang sumisiksik sa isip ko. At syempre, naiisip ko yung mga harutan natin, yung wrestling, yung mga kalokohan. Bakit mo naman natanong?”

“Si Kuya, na-miss mo din?” ang tukoy niy kay Sir James na simula nung inampon ng pamilya ay tunay na kuya na talaga ang turing nila, hindi binigyang pan-sin ang tanong ko.

Napahinto ako sa hindi inaasahang pagpasok sa pangalan ni Sir James sa usapan. Syempre naman, guro ko iyon. Kung hindi sa kanya, hindi ako makakapunta dito, hindi tayo magkakilala...” ang sagot kong hindi makatingin-tingin sa kanya. “

Napabuntong-hininga sya, natahimik sandali. “Mahal mo ba si Kuya James?”

Di ko maintindihan kung papatulan ang tanong o mapipikon. Ngunit nanaig pa rin ang pagko-kontrol ko sa sarili, hindi nagpapahalata. “Oo naman. Marami akong natututunan sa buhay dahil sa kanya... at hindi lang din naman ako ang nagmahal sa kanya, e. Lahat kaming mga naging estudyante nya, mahal na mahal sya.”

“Ang ibig kong sabihin, yung romantic na pagmamahal” pag-klaro nya.

“Ano bang klaseng tanong yan, Anton... diretsahin mo nga ako? Ano ba talaga ang gusto mong tumbukin?” ang sabi kong pagpapahalatang nairita na.

“Ok, sorry, nalimutan kong wala naman pala akong karapatan. Sinubukan ko lang namang itanong iyon dahil simula nung maging close tayo, wala naman talaga tayong sikreto, di ba? Hindi nga lingid sa kaalaman mo na wala pa akong karanasan sa sex nung maging magkaibigan tayo, at hindi rin lingid sa iyo na wala pa akong kamuwang-muwang kahit sa pagma-masturbate. Ikaw pa nga ang nagturo sa akin, diba? Ngunit kung nagbago ka na, ok lang. Sino nga lang ba ako sa buhay mo; isang hamak na anak ng magsasakang pinapag-aral ng mommy mo... Maging kaibigan ka nga lang na ganito, napaka-swerte ko na. Dapat masaya na ako jan.”

“Hey... ano bang pinagsasabi mo, tol! Tindi ng drama neto, di ko naman maintindihan ang papel. Ano ba talaga? Teka, hulaan ko. Ah... inimbitahan mo ako dito para itanong kung na-miss kita? O, teka, ah... upang i-remind sa akin na mommy ko ang nagpapaaral sa iyo? Tol, ano ba? Di mo ba alam na naubusan na ng tropeo ang FAMAS at lahat ng mga award-giving bodies sa Pilipinas? Sayang ang drama mo!” ang pabiro ko nalang na salita, pag-divert sa seryoso nyang topic.

Hindi sya umimik, nakayuko lang, ang mga tuhod ay itinukod sa baba, nilalaro ng isang kamay ang buhangin na animo’y wala sa isip ang ginagawa at ang mukha‎’y napakaseryoso.

Tumayo ako upang maghanap ng mga tuyong kahoy at dahon ng nyog. “Tol, mag-bonfire tayo at mag-ihaw ng mais gaya ng dati nating ginagawa. Mangongolekta muna ako ng tuyong ka-”

“Mahal kita Carl!” ang madalian at halos pabulong na sambit nya, nakayuko pa rin.

Parang napako ako ng sandli sa kinatatayuan. Bumalik ako sa kinauupuan, nilapitan sya. “Tama ba ang narinig ko? Mahal mo ako?”

“Oo.” Di pa rin sya natinag sa pagkakayuko.

“Hahahahaha! Nagbibiro ka lang tol, sabihin mong nagbibiro ka, di ba?”

“Hindi.” Seryoso nyang tugon. “At ewan ko, Carl. Simula lang ito nung tinuruan mo ako sa bagay na iyon... at nung umalis ka nung isang taon, palagi ka nang nasa isip. Kaya nung makita kita ulit kahapon, sobrang saya ang nadarama ko. Ngunit sobra din akong nasaktan sa nasaksihang ginawa nyo ni Kuya James...” Sabi nyang tumulo na ang luha. “Kaya kita tinanong kung mahal mo ba si Kuya James, e...”

Hindi ko alam kung matatawa o maaawa. Umakbay ako sa kanya. “Tol, kung nami-miss mo man ang isang tao, hindi ibig sabihin nun mahal mo na sya, na may romantic feeling ka na sa kanya. Kagaya ko, nami-miss din naman kita a, sobra. Natatawa ako kapag naaalala ang mga kabulastugang ginagawa natin, ang mga harutan, pangbunuan ng lakas, ang mga paunahan sa languyan, o paramihan ng mga naakyat na puno ng nyog. At syempre, na-miss ko sobra ang ganitong nag-uusap lang tayo ng kahit anu, kahit walang ka-kwenta-kwentang bagay. Pero hindi ibig sabihin makikipag-relasyon na ako sa iyo. Kasi, kapag pumasok ka sa isang relasyon, dapat sigurado ka sa nararamdaman mo dahil ito’y may mga kaakibat na responsibilities, mga bagay na i-give up, isakripisyo, at ipaglalaban. Hindi ka pweding pumasok sa isang relasyon na wala kang paninidigan; unless, naglalaro ka lang, dahil kung hindi ka sigurado sa isang bagay, paano mo ito ipaglalaban? Kaya dapat na siguraduhin mo muna kung ang naramdaman mo ay totoo, sagad sa puso at sa isipan. Gawan mo ng paraan upang suriin ang sarili at matimbang kung totoo ka nga bang nagmahal, o naguguluhan lang.”

Tahimik.

“Naranasan mo nabang magkaroon ng girlfriend?”

“Hindi pa.”

“Sinubukan mo na bang manligaw?”

“Hindi pa rin.”

“See what I am saying? Lalaki ako tol, at lalaki ka rin. Ang nangyari sa atin nung tinuruan kita ng isang bagay na ginagawa ng mga lalaki ay normal na nagyayari sa mga katulad ng ibang kabataang nag-eeksperemento... Ako, nung high school pa, kapag pumasok sa utak ang kalokohan sa magkakabarkada, nagpapaunahan pa nga kami, nagpapatalbugan kung sino ang may mas malaki... Pero, hindi ako na-inlove sa kanila. Normal sa magbabarkada ang gumawa ng kalokohan, gaya ng nangyaring iyon sa atin. Oo, aaminin ko na kapag naisip ko iyong mga nangyari sa barkada o kahit iyong sa atin, may kiliti rin akong naramdaman. Ngunit hindi sapat iyon tol para masabi kong mahal ko na iyong mga barkada ko na iyon at makikipagrelasyon na ako sa kanila. Ang pagmamahal, tol ay mas malalim pa kesa pisikal na pangangailangan. Ang libog ay kusang umaatake ngunit kusa ding nalulusaw; ang pagmamahal ay nananatili. Katulad ng pagkakaibigan natin. Walang pweding makakapaghiwalay sa atin...”

Hindi sya kumibo.

“Ok, upang masiguro mo sa sarili na mahal mo nga ako, why not focus your atention sa babae muna. Manligaw ka at i-try mong makipagrelasyon. Kung pagkatapos mong magkaroon ng girlfriend at hanap-hanapin mo pa rin ako, baka maniwala na akong mahal mo nga ako... How about that?”

Nag-isip sya. “Bakit ikaw... kayo ni Kuya James?”

Napabuntong-hininga ako sa tanong nyang iyon. Hindi ko akalain na igigiit pa rin nya ang tungkol sa amin ni Sir James. “Ok... aaminin ko sa iyo, dahil wala naman talaga tayong sikreto, diba? May relasyon nga kami ni Kuya James mo. Ngunit pinagdaanan naming pareho ang sakripisyo, ang subuking maglayo sa isa’t-isa at burahin ang kung ano man ang nararamdaman. Bago dumating si Sir James sa buhay ko, iba’t-ibang klaseng babae ang natikman ko, nakarelasyon. Akala ko nga, tuloy-tuloy na iyon. Ngunit nung dumating si Sir James sa buhay ko, hindi ako makapaniwalang nangyari ang ganito sa akin. Sabi ng iba, baka lang daw naghahanap lang ako ng father-figure dahil sa wala akong naranasang tatay na gumabay sa akin simula nung bata pa lang. Ngunit, ewan ko, hindi na maialis sa isipan ko si Sir James. Kaya napagdesisyonan na naming papasok sa isang relasyon.”

“Paano kung si Kuya ay may iba?”

Para akong natulala sa tanong na iyon ni Anton. Tiningnan ko sya. “Bakit, may alam ka ba?”

Hindi na sinagot ni Anton ang tanong ko. Isinukli nya ang isang makahulugang titig. “Bakit hindi mo na lang ibaling sa akin ang pag-ibig mo?”

“Anton, hindi ka pa nga nagmahal. Ang pagmamahal ay hindi kagaya ng isang bagay na pwedi mong ibigay sa kung sino man ang taong gusto mong pagbigyan nito! Hindi ganyan ang tunay na pag-ibig tol.” ang sabi kong mejo tumaas ang boses. “At sabihin mo sa akin, may iba bang mahal si Sir James?”

(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...