By: Michael Juha
Mag aalas-12 na ng hating gabi nung makarating ako ng bahay. Laking gulat ng mom nung makita ako. “O, akala ko ba dalawang linggo ka dun?” ang tanong nya kaagad.
“Mejo nababagot din ako dun, ma. Pahinga na lang muna ako dito at baka lalabas ng bansa, mag-tour... di ko alam e.”
“Hmmm. Carl, may problema ka, alam ko. Nag-away ba kayo ni James?”
“Wala ma, ok lang kami. Ano kaya ma, kung tayong dalawa ang mag-tour; sa Europe, o kahit dito lang sa Asian countries?” paglihis ko sa usapan.
“Hahahaha! May problema nga ang anak ko. Ok, whatever you say. Mag tour tayo. At bukas na bukas din ipapa-set ko sa secretary ang schedule. Kahit 1 week lang, mahirap din kung pasobrahan natin, may mga appointments pa ako... Ano pwedi na ba ang 1 week?”
“Kayo po ang bahala.”
“Kumain ka na ba hijo?”
“Wala po akong gana mom, magpahinga na lang muna ako” Dumeretso na ako ng kwarto. Pagpasok na pagpasok kaagad, inihagis ang dala-dalang knapsack sa gilid ng kwarto, bagsak ang katawan sa kama, ni hindi man lang nagpalit ng damit, naligo, o naghubad ng sapatos. Lupaypay ang katawan at pagod na pagod ang isipan, hindi pa rin halos makapaniwala sa bilis ng pangyayari sa araw na iyon. Pilit kong ipinikit ang mata. Pabaling-baling sa higaan.
Mag-aalas kwatro na ng madaling araw at hindi pa rin ako dinalaw ng antok. At nabigla na lang ako nung sa hindi malamang dahilan, bumagsak at nabasag ang larawan ni Sir James na idinikit ko sa dingding ng kwarto. Di ko maintindihan ang biglang paglakas ng kabog ng dibdib. Tumayo ako at nung simulang pulutin ang mga basag na salamin, nahiwa ang ang balat ko at umagos ang dugo. Umupo ulit ako sa gilid ng kama habang pinapahid ng alkohol ang sugat at pinapahinto ang pagtagos ng dugo.
Patuloy pa rin ang di maipaliwanang na pagkabog ng dibdib. Nasa ganung ayos ako nung mabaling ang paningin sa dalang knapsack na nakalatag sa gilid ng dingding. Napansin ko ang tila puting papel na naka-usli sa isang side ng bulsa nito. Hinugot ko at binuksan. Sulat kamay ni Sir James. Sa anyo ng mga letra, halatang minamadali ang paggawa at hirap na hirap sa pagsusulat at bakat dito ang tila natutuyong mga patak ng luha.
“Dear Carl, ginawa ko ang sulat na to habang nag-uumpukan kayo nina Tatay Nando. Nahirapan akong gawin ang simpleng bagay na to ngunit ito lang ang tanging paraang naisip bago pa man maging huli ang lahat. Baka kasi hindi mo na ako maabutan pa...
Una sa lahat, salamat sa pag-unawa mo sa nangyari sa amin ni Maritess, at sa desisyon ko na ring pakasalan sya. Ngayong darating na Sabado na ang kasal. Pasensya na kung hindi ko nasabi kaagad sa iyo ang mga pangyayari habang wala ka. Tila wala akong lakas na sabihin sa iyo ang bagay na ito. Ayokong masaktan ka, ayokong lumayo ka. Takot ang nag udyok sa akin na wag munang magsalita... hanggang sa kinapos na ako sa panahon dahil sa kailangang kailangan kong pumunta ng Maynila. At sa iba mo pa tuloy nalaman ito. Patawarin mo ako, Carl, hindi ko intensyon ang saktan ka...
May isa pa akong lihim na walang ni isa man ang nakakaalam sa pamilya nina Tatay Nando, at sa iyo ko lang sasabihin ito. Hindi ko rin sinabi kaagad sa iyo ito gawa ng ayokong mag-alala ka at pati na rin ang lahat. Ngunit wala na akong choice. Nung nagmadali akong pumunta ng syudad at iniwan kita dito sa baranggay, iyon ay dahil sa kalagayan ko. May brain cancer ako, Carl. Nung taon na magkalayo tayo bigla nalang akong nag-collapse habang nagka-klase. Halos sunod-sunod iyon. Nagpatingin ako sa isang espesyalista at nakita sa CT-scan at MRI ang malaking tumor sa utak ko. Nasa terminal stage na ito at wala ng silbi pa ang operasyon... Simula nun, may mga oras na bigla na lang akong nanghihina, nahihilo, o bumabagsak sa kalagitnaan ng ginagawa. Bilang na ang mga araw ko. Sa pag alis mo, ramdam kong hindi na ako magtatagal...
Nakakatuwang isipin na bago ko malaman ang sakit ko na to, napakadami ko pang mga plano sa buhay, kampanteng-kampante na sa pagdating ng bukas, ok pa rin ang lahat, malayang nagagawa ang mga dapat gawin. Minsan nga, yung ibang gawain ko ay ipagpaliban muna, dahil sa may bukas pa naman at nakatatak na sa isipan na buhay pa ako at malakas pa ang katawan sa bukas na darating. Ni minsan hindi pumasok sa isip na sa isang iglap pala ay pweding magbago ang lahat. At pag ganito palang nasa bingit na ng kamatayan, at oras na lang ang binibilang, tsaka ko pa ma-realize na sana, dinoblehan ko ang effort para natapos man lang ang kung anu man ang mga dapat na sanang natapos, o kaya’y nagawa ang mga bagay na maipadama sa mga taong nanjan para sa akin, na mahal na mahal ko sila... Pero sa kabilang banda, maganda na rin ang ganito; at least alam ko na hindi na ako magtatagal at makapag-paalam ako ng maayos, lalo na sa iyo...
Kung hahabaan pa ang buhay at nanjan pa ako hanggang nitong Sabado, matutuloy ang kasal namin ni Maritess. Ngunit kung hindi naman, bahala na ang nasa itaas. Lahat naman ng bagay, sya lang ang nakakaalam. Ngunit hihilingin ko sa iyo na kung sakaling matapos bigla na ang buhay ko at hindi na matuloy pa ang kasal, alagaan mo si Maritess at ang magiging anak namin. Sana, nanjan ka palagi sa tabi nila, aalalay sa kanilang mga pangangailangan...
Mamaya, pag nakayanan kong tumayo, ilalagay ko sa isang box ang mga alaala mo sa akin, yung mga regalo mo sa akin dati na pinakaingat-ingatan ko kagaya ng iilang t-shirts, souvenir items, pictures, mga sulat, at itong white gold bracelet at wrist watch na pasalubong mo. Kung natatandaan mo, may dalawang beses kitang pinasuot ng shorts ko nung malasing ka sa flat. Iniingat-ingatan ko ang mga iyon, lingid sa kaalaman mo. Kasali ang mga iyon sa ilalagay ko sa box. Sa harap ng bahay nina Tatay Nando, magtanim ako ng isang puno ng mangga at sa ilalim ng lupang tatamnan ko nito ibabaon ko ang box na naglalaman ng mga alaala natin sa isa’t-isa. Para sa iyo ang punong mangga na ito. Hihinto man ang pintig ng puso ko, dito sa punong ito ipagpatuloy ko ang pagmamahal sa iyo. Alagaan mo ito, kagaya ng pag-alaga mo sa pagmamahalan natin. Nawala man ako, mayroon kang buhay na alaalang makikita galing sa akin. Palaguin mo sya hanggang sa magbigay ito ng lilim at bunga. At kapag may mga panahon na nahihirapan ka sa mga dagok at pagsubok at kailangan mo ng masandalan, bisitahin mo lang ang puno na iyan, kausapin mo, isipin na nanjan pa rin ako makikinig sa mga daing mo, palaging dumadamay sa sakit na iyong maramdaman...
Sa pagbalik mo, ilagay mo rin sa isang box ang mga alaala mo sa akin at ibaon mo din ito sa ilalim ng lupa kung saan ko itinanim ang puno na iyon upang kahit sa paraang ito man lang mabigyang katuparan ang minimithi ng mga puso nating magsama, magkaisa, at hindi na na maaaring maghiwalay pa...
Paalam sa iyo, Carl. Sana magkita pa tayong pumipintig pa ang puso ko. Subalit kung hindi na ito mangyari pa, nais kong malaman mo na mahal na mahal kita. Maging matatag ka, magpakabait palagi, at ingatan ang sarili... Ngmamahal sa iyo ng lubos -James Cruz-”
Para akong biglang nawalan ng lakas pagkatapos kong basahin ang sulat nya. At imbis na bumalik ulit sa higaan, dinampot ko ang knapsack, dali-daling tinungo ang cabinet, at kumuha ng mga malilinis na damit. Kinolekta ko na rin ang mga ala-alang itinatago at dali-daling naligo. Hindi ko na nagawang maggpaalam sa mommy, at parang kidlat na dumeretso na ng terminal pabalik sa lugar nina Tatay Nando, umaasang magkita pa kami ni Sir James.
Mag-aalas onse na ng tanghali nung makarating ako sa lugar. Sumalubong kaagad sa akin si Anton at hindi magkamayaw sa kasisigaw “Carl! Carl! Wala na si Kuya, iniwanan na nya tayo!”
Pakiwari ko’y huminto ang takbo ng mundo, natulala, hindi makakilos sa kinatatayuan. Nabitiwan ko bigla ang dala-dalang bag at animoy puputok ang dibdib sa sobrang sakit na naramdaman. Biglang nagblackout ang paningin. Inalalayan na lang ako ni Anton at at tinapik-tapik ang likod, pinaupo at pinainom ng tubig.
Nung tiningnan ko na ang bangkay ni Sir James, hindi ko na napigilan ang humagulgol. Parang ako lang ang nag-iisang tao sa paligid, sumisigaw, niyayakap-yakap ang bangkay, at tila sinisisi. “James, ba’t di mo sinabi? Bakit di mo sinabi James? Wala naman akong nagawang kasalanan sa iyo ah? Bakitttttttt?!!!”
Nung mahimasmasan, kinausap ako ni Tatay Nando at nalaman kong mag-aalas 6 na ng umaga sa araw ding iyon nila nalamang patay na si Sir James.
“Nagtaka nga kami dahil hindi na ito naghapunan kahapon lang, nung araw na umalis ka, at may mga inihahabilin na kay Anton na kung anu-ano. Akala namin, nagbibiro kaya hindi na namin binigyan pansin. Ngunit nung hindi na rin kumain ng agahan kanina, iyon na pala...”
Parang dinurog ang puso ko sa narining at hindi maiwasang sisihin ang sarili. “Marahil, kung hindi lang ako umalis, nagsama pa kami, at nanjan sana ako sa tabi nya hanggang sa kanyang huling hininga. Sana, naipadama ko pa na mahal na mahal ko sya...” sabi ko sa sariling punong-puno ng panghihinayang. Naalaala ko ang mga luhang nakitang tumulo sa mga mata nya nung umalis na ako. At napagtanto ko na narinig nya nga ang mga binubulong ko sa kanya, ngunit marahil ayaw nyang makita akong masaktan kapag dinamayan ko sya, pinabayaan na lang nya akong umalis...
“Bakit Tay, di nyo po ba alam ang kalagayan nya?” ang tanong kong halatang may hinanakit.
“Napansin namin yung pananamlay nya, ang pagpapayat, pamumutla at ang pag-atake ng pagkahilo at minsan, pagsusuka. May mga panahon din na bigla na lang yan nawawalan ng malay o babagsak. Ngunit ang sabi naman nya kasi sa amin ay wag mag-alala at ordinaryong hilo lang daw yun, at may mga gamot naman sya. Hindi naman namin akalain na malala na pala ang kalagayan nya.”
Maya-maya, dumating na rin si Maritess. Pinasundo pala siya ni Tatay Nando. Halos dalawang taon ding hindi kami nagkita ni Maritess. Simula kasi nung makapagtapos ng kursong Education, nakapagturo kaagad sya sa syudad. Malaki rin ang ipinagbago nya. marahil dahil sa klase na rin ng trabaho, kuminis ang balat, marunong nang magdala ng damit at at tumingkad ang ganda. Hindi pa halata ang dinadala nya sa sinapupunan, siguro nasa 3 – 4 months lang. Naka-shades at halatang nag-iiyak.
Sinalubong ko sya at niyakap. Nung hinahaplos-haplos ko ang likod nya, lalong humahagulgol na tila humugot ng lakas sa akin. Inaamo-amo ko at pinayuhan na buksan ang isipan at tanggapin ng maluwag ang mga pangyayari. Hinatid ko sya sa harap ng bangkay at iniwanang mapag-isa doon.
Sa hapon din na iyon inilibing na namin si Sir James. May habilin daw kasi kay Anton na kung may mangyari man sa kanya, ay kaagad syang ilibing. Gusto ko mang magprotesta dahil sa marami din namang nagmamahal sa kanyang mga estudyante, kapwa guro sa dating tinuturuan, mga sponsors ng project nya sa malaking syudad kasama na dito ang mommy, na sana ay gusto pa syang makita. Ngunit wala na rin akong magawa kung yun ang habilin nya.
Kung gaano kabilis ang pagpanaw ni Sir James, halos ganun din kabilis ang paghatid sa kanya sa huling himlayan. Nung inilagay na ang bangkay sa kabaong, napansin kong hindi nila dinamitan ng pang-itaas. Tinanong ko si Anton kung bakit.
“Isa ito sa mga nabanggit nya sa akin Carl nung huli ko syang makausap sa kwarto nya, na kung sakaling ililibing daw sya, wag syang bihisan ng pang-itaas. Akala ko nga biro lang e. Sundin nalang natin.” and paliwanag ni Anton.
Biglang pumasok sa isip ko ang mga katagang binitiwan nya nung maghiwalay kami ng isang buong taon na walang komuniklasyon at tinanong ko sya, “Paano mo ipaparamdam sa akin na mahal mo pa rin ako; na wala pa ring nagbago sa iyo sa sunod nating pagkikita?”
“Huhubarin ko ang pang-itaas kong damit!”
“Kahit sa gitna ng maraming tao?” pag-follow up ko.
“Oo, kahit sa gitna ng maraming tao!”
“Promise?”
“Promise!”
Tinupad nga nya iyon nung magkita kami ulit sa harap pa ng klase nya. Akala ko nga, hindi nya na gagawin iyon dahil nagka-klase sya e. Ngunit sadyang pursigido syang panindigan ang sinabi. Gusto nya kasing ipakita din ang marka sa dibdib nya gawa ng pagkudlit nun bago kami magdesisyong maghiwalay pansamantala ng isang taon.
At nakuha ko na ang ibig nyang sabihin, kung bakit ayaw nyang damitan sya ng pang-itaas sa burol nya. Kaming dalawa lang ang nakakaalam.
Alas singko ng hapon sa araw ding iyon inihatid si Sir James sa huling hantungan nya. Halos buong baranggay ang di magkamayaw sa pagtulong sa lahat ng preparasyon sa burol. Kahit ang mga tao sa mga karatig baranggay ay nandun din, naki dalamhati. Pati na ang mga estudyante nya at ilang mga madre sa dating tinuturuan na nakaalam ay walang pag-aatubiling umakyat sa bulubundoking lugar, makiramay lang at makihatid. May mga nag-abuloy ng pera, kung anu-ano gaya ng mga alagang manok, baboy, pananim na gulay, prutas. Lahat ng tao sa baranggay ay nakiramay at nagluksa. Halos kulang na lang na gawan nila ng rebolto si Sir James.
Ako, si Anton, Dodong, at ilang mga matatalik na kaibigan ang naka-assign na bumuhat sa kabaong. Handa na ang lahat na buhatin ang kabaong nung hinubad ko ang t-shirt at isinaksak ang dulo nito sa likurang bulsa ng jeans at hinayaang nakalaylay iyon. Nagtaka ang iba pa naming mga pallbearers. Tila naintindihan ni Anton ang dahilan ng paghubad ko ng damit at hinubad na rin niya ang t-shirt nya. At sumunod na rin si Dodong, at lahat na ng mga pallbearers. Nung makita ng iba pang mga kalalakihan ang ginawa namin at sa maaring pagintindi nila sa kaugnayan nun sa hubad na pang-itaas ni James, nagsihubaran na rin sila ng mga t-shirts. Habang buhat-buhat namin ang kabaong nya at naglalakad patungong sementeryo, patuloy naman ang pag-agos ng luha ko. Halos hindi pa rin matanggap ng isipan na wala na sya; na buhat-buhat ko pa ang kabaong nya. Nung sa wakas ay inilatag na ang kabaong sa hukay, hindi na nakayanan ng katawan ko ang sobrang tension, lungkot, pagod, at kakulangan ng tulog. Nawalan na ako ng malay. Inagapan kaagad ako nina Anton, Tatay Nando at Dodong.
Gabi na nung makauwi kami ng bahay. Mabigat pa rin ang kalooban at tila disoriented sa panibagong set-up na biglang naglaho ang mahal sa buhay. Dumeretso ako sa kwarto ni James. Nahiga sa banig at unan na huli nyang ginamit at kung saan nakita kong dumaloy ang mga luha nya nung huli ko syang iniwan. Tila nawalan ng kulay ang mundo. Ang dating kwarto na kung saan ilang ulit naming ipinadama sa isa’t-isa ang wagas ng pag-iibigan ay mistulang nagluluksa din. Hinagod ng mga kamay ko ang papag sa paligid ng hinigaan ko. Hinanap-hanap ng mga paa ko ang init ng mga paang dati ay nakahanda lang sa mga dantay ko. Ngunit wala na ang mga ito.
Walang humpay ang pagtagos ng aking luha...
(Itutuloy)
sobrang malas naman puro bad ending ang nababasa ko kahapon til now.. so depressing..
ReplyDelete