Sunday, August 11, 2013

IDOL KO SI SIR 6 (BOOK 2)

By:Michael Juha
Nung marining ko ang sinabi ni Dodong, parang puputok ang tenga ko. “Ha? Sino ang nakabuntis?”

“A... Carl, pwedi ba tayo na lang ang mag-usap” pag interrupt ni Anton sabay akbay sa akin at action kay Dodong na umalis. Umalis si Dodong, pa-iling iling sa di maintindihang reaksyon ko at ni Anton sa nangyari.

“May itinatago ba kayo na di ko alam, tol?”

“Hindi naman sa ganung itinatago, Carl. Si Kuya James kasi, alam kong sasabihin nya iyon sa iyo. Ngunit nagmamadali kasi syang pumuntang syudad. Hindi ko nga rin alam kung bakit nagmamadali sya gayung alam naman nyang kararating mo lang e. Pero alam mo naman siguro ang ugali ni Kuya, di ba? Pag may nagawa, pinapandigan. Pag may problema, hinahanapan ng solusyon. Pag may nasaktan, nagbibigay ng explanasyon o paumanhin. Hindi sya yung taong gumagawa ng bagay na patalikod. Kung may nagawa man sya, sigurado ako, may dahilan. At yan ang dapat nating pakinggan at alamin.”

“Bakit, ano ba ang role ni James dito? Siya ba ang nakabuntis kay Ate mo?”

Hindi siya umimik. “Carl, pwedi ba, si Kuya na lang ang mag-explain sa iyo?”

Pakiwari ko ay guguho ang mundo ko. Ramdam ko na si Sir James talaga ang nakabuntis kay Maritess. Tumalikod ako na hindi alam kung saan patungo. Masama ang loob. Namalayan ko na lang na nakarating na ako sa tabi ng ilog kung saan nakatayo ang kubo na ginawa ni Anton. Umupo ako sa damuhang gilid ng pampang, sa lilim ng malaking puno, nababalot ng matinding pagkalito, naglalaro sa isip kung paano tanggapin ang pangyayari at kung ano ang gagawin sa nakaambang pagbabago. Bumabalik-balik sa isipan ang mga katagang binitawan ni Sir James sa akin, “Kapag nagmahal ka, dapat hindi lang puso ang pinaiiral, kungdi pati na rin ang isipan; dapat may direksyon, may pangarap...”

“Carl!” Sigaw ni Anton na nasa likuran ko pala, sinundan ako. “Alam ko ang nararamdaman mo. Dadamayan kita.” sabay upo sa tabi.

“Salamat Anton. Isa kang kaibigan.”

“Basta ikaw Carl, nandito lang ako...”

Tahimik. Pinakiramdaman ko ang bugso ng tubig sa ilog, pinagmasdan ang agos nito, ang mga napopormang animo’y ipo-ipo sa gilid ng malalaking bato. “Mabuti pa ang ilog, kahit anong bagay ang humahadlang nito, hindi ito alintana, patuloy at patuloy pa rin ang takbo; ang walang humpay na pagdaloy, hanggang sa tuluyang marating ang kanyang patutunguhan – ang dagat.”

Hindi kumibo agad si Anton, nag-isip ng malalim, pinagmasdan ang ilog. “Tama ka... Kahit ano pa man ang hahadlang jan, susuung at susuung pa rin yan; tuloy-tuloy hanggang sa marating ang dagat kung saan natatapos ang kanyang paglalakbay...” Tumingin sya sa akin. “Di ba dapat ang tao ay ganun din? Dapat ganyan kalakas ang determinasyon. Gaano man kalaki o kahirap ang hadlang, susuung at susuung ka pa rin at lalaban, marating lang ang inaasam-asam na direksyon at patutunguhan sa buhay.”

Hindi ako kumibo.

“Carl, Ikaw na rin ang nagsabi sa akin na kapag totoo kang nagmahal, ito ay iyong ipaglaban”

“Oo nga. Ngunit napakahirap pala, tol, lalo na kapag may mga taong nasa gitna, masasaktan o kaya’y masisira ang buhay...”

“Ngunit hindi rin lahat na pweding ipaglaban ay ang pansariling kapakanan lang, diba? Pwedi ring ang kapakanan ng kapatid mo, ng nanay mo, o ng taong mahal mo. Yung iba nga, ginagawa ang lahat kahit magdusa, liligaya lang ang mga mahal nila. Yung iba naman, buhay ang itinataya...”

Para akong nasamid sa narinig, hindi makapaniwalang sa bibig mismo ng napaka-inosente at mahiyaing si Anton manggagaling ang salitang iyon. Tiningnan ko siya.

“Alam mo, Carl, nung sinabi mo sa akin na siguraduhin ko at suriing mabuti ang naramdaman ko para sa iyo, nasaktan ako. Ngunit nanaig din sa isip ko ang pagbibigay, ang pagpaparaya. Nasabi ko sa sarili na siguro, kapag nagmahal ka, dapat mo ring kalimutan minsan ang sarili at isipin ang kapakanan ng taong minamahal. Hindi ba pweding imbes na pansariling kaligayahan mo ang ipaglaban, ang damdamin, ang pangarap, at ang kaligayahan nya ang isipin mo? Maraming tao ang nagmahal; ngunit ang klaseng pagmamahal ng karamihan ay pansarili, yung may kapalit o katumbas. Sa pananaw ko, ang sukatan ng tunay na pagmamahal ay kung sa kabila ng tindi ng paghihirap at sakit na naranasan, nagmahal ka pa rin... Yan ang natatanging pagmamahal, Carl. Ganyan ba katibay ang pagmamahal mo para kay Kuya James?”

Napabuntong-hininga ako ng malalim. Nag-isip. “Tama ka, tol. Tama ka...”

“At kung gusto mo, Carl, umiyak ka ng umiyak. Nandito lang ang mga balikat ko, ibuhos mo ang lahat ng nararamdamang sakit na syang nagpapahirap sa iyo.”

Niyakap ko si Anton at humahagulgol, tinatapik-tapik nya ang likod ko. Nung lumuwag na ang pakiramdam, nabuo sa isip ang isang desisyon. Hintayin ko ang pagdating ni Sir James, magpaalam ako ng maayos, at magpakalayo-layo na.

Sa gabing iyon hindi pa rin dumating si Sir James. Nung maghapunan kaming lahat, nag-expect ako na buksan nila ang issue tungkol kay Maritess at sabihin sa akin kung ano ba talaga ang nangyari. Ngunit walang isa man lang sa kanila ang nagbanggit. Hindi na ako kumibo pa. Parang meron ding namumuong hinanakit sa loob ko na tila inilihim pa nila sa akin ang nangyari. Ngunit hinayaan ko na lang. “Baka nahiya lang silang sabihin sa akin...” sabi ko sa sarili. “A, e... Tay, bukas ho babalik na akong syudad bukas.” ang sabi kong hindi nagpahalata na masama ang loob.

“Ay... bakit naman Carl? Ambilis naman. Nakadalawang araw ka lang dito at bukas na kaagad kamo ikaw uuwi?” ang sagot ni Tatay Nando.

“May asikasuhin lang po ako, Tay. At sa palagay ko, hinahanap na ako ng mommy. Wala kasi syang katuwang sa pagaasikaso sa negosyo.”

“Sana naman Carl, nandito ka hanggang kahit isang linggo pa. May mahalagang okasyon kasi ang pamilya at gusto naming nanjan ka, kasama sa pagdiriwang.” ang sabi naman ni Nanay Narsing.

“Ano po ba iyon, Nay?”

Nagtinginan sina Tatay Nando at Nanay Narsing at tila nag-uusap ang kanilang mga mata. “E... Si James na ang magsabi sa iyo, Carl. Bilin nya kasi, sya na ang magsabi e. Baka kasi isipin nya na pinangunahan namin sya. Pero basta, matutuwa ka sa sasabihin nya.” ang masayang sabi ni Nanay Narsing.

“A, ganun po ba? E, titingnan ko po bukas. Pero, malamang na tuloy na ang alis ko. Pero ganun pa man, baka ho babalik na lang ako kung sakali...”

“Sana naman, Carl...”

Natapos ang hapunan na ibang topic na ang pinag-usapan. Hindi na rin ako nagsalita pa tungkol doon. Nung magpagpahinga na sina Tatay Nando at Nanay Narsing, nag-isa na naman ako sa kwarto. Sina Anton at Dodong kasi ay dumeretso na sa sayawan, schedule kasi ng kabilang baranggay sa gabi na iyon at sasamahan nila sa pagdayo ang mga kadalagahan ng baranggay nila. Hindi na ako sumama gawa ng gusto ko ring magmumuni-muni. Nakakabagot ang buong magdamag, parang unti-unting dinudurog ang puso sa kakaisip na sa kabila ng matinding hinanakit, parang wala man lang dumamay o kumampi sa akin.

Inayos ko na lang lahat ng mga gamit upang pagdating na pagdating kaagad ni Sir James at pagkatapos naming mag-usap ay handa na ang lahat sa pag-alis ko. Litong-lito pa ang isipan kung saan patungo pagkatapos ng lahat o kung anong gagawin upang makalimutan si Sir James. Ngunit ang isinisiksik ko rin sa utak ay kapag kaharap ko na sya, maging mahinahon ako, maging malawak ang pag-unawa, at mapagparaya. Hinding-hindi ako magagalit, o ni magtanim ng galit sa kanya. At wala akong taong sisisihin.

Mag-aalas-onse ng tanghali kinabukasan dumating si Sir James, may dalang pasalubong at pagkain para sa lahat. Pagkakita ko palang sa kanya, mejo napansin ko ang parang pamumutla nya at ang tila pagpayat. Parang napakalungkot at matamlay ang aura nya. “A, siguro dahil kulang sa tulog sa piling ni Maritess” ang bulong ng isip ko. Ramdam kong sumikip ang dibdib, may namuong selos at pagkaawa sa sarili.

Tumalikod kaagad ako nung makita syang nakatinging sa akin. Dali-dali akong pumasok ng kwarto, naupo sa papag, nakasandal sa dingding na kahoy. Pagkatapos nyang i-abot ang mga pasalubong sa pamilya kina Tatay Nando at Nanay Narsing, agad-agad naman syang pumasok sa kwarto, sinundan ako at naupo sa tabi.

“Hi Carl! Musta ka na? Sensya ka na, natagalan ako” ang sambit nya habang iniabot sa akin ang pasalubong nyang, siopao. Alam nya kasing na-miss ko na ito sa dati kong kinakainan nung nag-aaral pa lang. “Importanteng-importante lang talaga. Sorry...”

“Ok lang iyon, James, wag kang mag-alala, ok lang ako.” ang sagot ko na lang kahit na sa loob-loob ko, paang sasabog na ito sa pagdaramdam. “Nandito naman sina Anton at Dodong, may sayawan nga nung isang gabi, sumama ako sa kanila. Ikaw? Parang namumutla ka ata?”

“Hindi, ok lang ako... Ikaw, kwento ka naman kung anong nangyari sa sayawan?” ang paglihis nya sa usapan.

“Yun... natuto na si Antong sumayaw at mayron na ring kaibigang babaeng nagkakagusto sa kanya at sa tingin ko, type din nya.”

“Talaga? Hahaha! Akalain mo... Ikaw? Nag-enjoy naman sa lakad mo?”

“Nag-enjoy naman...” ang halatang malungkot kong pagkasabi.

“Ey... may problema ba? Ba’t ganyan ang mukha mo?”

“Wala. Ikaw naman o... Ok lang ako. Ikaw, baka meron?”

Bigla syang natahimik at lumungkot ang mukha. Binitiwan ang makahulugang titig. Noon ko pa lang nakita ang ganung klaseng titig sa kanya. Pakiwari ko‎’y mayron syang pinapasang sobra-sobrang bigat na suliranin. Nakita ko ang pamumuo ng mga luha sa mga mata nya, yumuko at pinakawalan ang malalim na buntong-hininga.

“James, may problema ba?” tanong ko sa kanya, kunyari wala akong kaalam-alam.

“Wala naman, Carl. Mamaya, mag-usap tayo. Mananghalian muna tayo.”

“Aalis na ako James, babalik ng syudad.”

“Ha? Bakit?” Ang tanong nyang halatang nabigla. “Carl, please wag ka munang umalis” pagmamakaawa nya.

“Kailangan ko nang umalis, James...”

“Pero bakit nga? May nagawa ba ako?”

Hindi ako kumibo.

Hindi na rin sya kumibo. Yumuko sya, at nakita ko na lang ang luhang umaagos na sa pisngi nya. Tiningnan ko lang sya, hindi maintindihan kung maaawa o ibubuhos ang lahat ng sama ng loob ko sa kanya.

“Kung ayaw mong magsalita tungkol sa problema mo, ok, fine...”

“Carl, naramdamn kong may alam ka na. Oo, nagkasala ako sa iyo...” at tuluyan na syang humagulgul. “Hindi ko sinadya ang nangyari, Carl, maniwala ka. Alam mong si Maritess ay kapatid ang turing ko. Ngunit nung may isang beses na naglasing ako dahil sa sobrang lungkot na wala ka, si Maritess ang umaalalay sa akin. Maniwala ka, Carl, please...”

Hindi ako nagpakita ng emosyon, pinigilan ang sariling umiyak o magalit. “E, ano ang plano mo ngayon?”

“Paninindigan ko ang nangyari. Magpakasal kami ni Maritess sa darating na linggo. Naplano na namin ang lahat Sana nandito ka sa araw na iyon, Carl.”

Parang sinaksak ng ilang beses ang dibdib ko sa narinig. Ngunit hindi pa rin ako nagpahalata sa sobrang sakit na naramdaman. “Hindi ko alam, James, pag-isipan ko pa. Basta, titingnan ko.” Tumayo ako upang lumabas na sana ng kwarto. Ngunit nung tumayo din si Sir James upang sabayan ako, bigla na lang itong nabuwal.

Inaalalayan ko kaagad. “Ok ka lang ba talaga?”

“Ok lang ako, Carl. Hihiga na lang muna ako. Napagod at nahilo lang ako sa biyahe.”

Naglatag na lang ako ng banig at pinahiga sya, nung ipinikit nya ang mga mata, napansin kong animoy pagod na pagod sya o nahihirapan. Pero, hindi ko na binigyan-pansin pa. “Sige, pahinga ka muna at magpaalam lang ako kina Tatay at Nanay bago umalis...”

Nasa pintuan na ako nung pahabol nyang sinabi. “Carl, ano man ang mangyari, wag mong kalimutan ang pagmamahalan natin. At tandaan mo, mahal na mahal kita. Hinding-hindi magbabago yan.”

Lumabas ako ng bahay upang magpaalam na kina Tatay Nando at sa buong pamilya. Ngunit hindi nila ako pinayagang umalis agad. Sa kinahapunan na lang daw at magkakatay sina Tatay Nando at Anton ng manok at mag-iihaw at konting inuman, yun daw sana kasi ang plano nila para sa akin at dahil hindi ako nagpapigil sa pag-alis, sa oras na iyon na lang nila gawin. At kaagad ngang nagkatay ng apat na manok. Ang isa ay ginawang tinola, ang isa ay inadobo, at ang dalawa ay inihaw. Naglabas naman ng tuba si Dodong at si Anton ay kinuha ang gitara.

“Tay, hindi po ako pweding iinom ng marami at baka di ako makapagbiyahe.” sabi ko.

“Wag kang mag-alala, konti lang. Ihahatid ka nina Anton at Dodong sa may sakayan sa lungsod.” sagot naman nya.

“Tawagin nyo si James para sumali na rin sa atin.” ang pag-utos ni Tatay Nando kina Dodong at Anton.

Pinuntahan ni Dodong si Sir James sa kwarto ngunit masama daw ang pakiramdam at nahhihilo pa. Magpahinga na lang daw muna.

“Hmmm, umatake na naman siguro ang pagkahilo…”

“Hmmm… pagod lang iyon sa biyahe at sa magdamagan nilang pagniniig ni Maritess” sabi ng utak kong inalipin ng matinding pagseselos.

Nag-inuman na nga lang kami na hindi kasali si Sir James. Naggigitara si Anton, kantahan naman sina Dodong, Tatay, pati si Nanay at ang bunsong si Letecia ay nakisali na rin. Habang masayang-masaya sila, animoy tinutusok naman ang puso ko. Pakiwari ko’y napakabagal ng takbo ng oras.

Alas tres na ng hapon nung matapos kami. Nung kinuha ko na ang mga gamit ko sa kwarto, himbing na himbing pa rin si Sir James. Napansin kong suot-suot nya ang bracelet at ang wrist watch na bigay ko nung pagdating ko pa lang, kinumpara ang suot-suot kong kapareha din ng mga iyon. Ibinaling ko ang paningin sa kaya. Nakahigang nakatihaya, ang isang kamay ay nakapatong sa noo. Nandun pa rin ang angking kakisigan, ganda ng porma ng katawan sa kabila ng mejo pagpayat niya.

Pinagmasdan ko syang maigi, tinatandaan ang mga maililiit na detalye sa lahat ng angulo ng mukha, ng anyo, sa pangambang baka iyon na ang huling sandaling masulyapan at masilayan sya. Hinipo ko ang mukha nya, ang buhok. Sumikip ang dibdib ko sakit na nadarama ngunit pinilit ko pa ring lakasan ang loob at wag umiyak. Nung hindi na ako makatiis, yumuko ako at idinampi ang mga labi sa mga labi nya. Di ko rin napigilan ang pagpatak ng luha ko sa pisngi nya. Pinahid ko ito. Hindi pa rin sya nagising.

Binulungan ko sya, “Bye, James... Oo, hindi ko kakalimutan ang pagmamahalan natin, saan man ako mapadpad... Babaunin ko ang mga matatamis at magagandang alaala. Salamat sa pagmamahal; salamat sa mga oras na iginugul mo upang madama ko ang pagmamahal mo. Salamat sa lahat ng magagandang bagay na ginawa mo upang mabago ang takbo ng buhay ko. Sana, liligaya ka sa desisyong ginawa mo. Good luck sa iyo at sa bagong buhay na tatahakin. Sa parte ko, wag mong intindihin dahil ipagpatuloy ko pa rin ang buhay kahit na wala ka. Wala akong pinagsisisihan. Bagkus, nagpapasalamat ako dahil ang isang taong katulad mo ay naging malaking bahagi ng buhay ko. Wag kang mag-alala; wala akong galit na kinikimkim at tanggap ko ang lahat ng maluwag sa dibdib. At mas naintindihan ko na ngayon ang dati mo pang sinasabi sa akin na pangarap. Lalo akong humahanga sa katatagan mo, sa paninindigang ipinamalas mo. Gagawin kong patnubay ang mga itinuturo mo sa akin. Ikaw pa rin ang inspirasyon ko. Kahit saan naman, talagang idol kita, e. Ang hiling ko lang ay sana wag mo ring kalimutan na may isang taong hindi lang humahanga sa iyo, kungdi nagmahal ng lubos; isang taong handang gawin ang lahat; handang magparaya at magbigay, kahit ito‎’y nangangahulugang mapalayo ka sa akin, para sa ikaliligaya at katuparan ng pangarap mo. Masakit... ngunit handa ako. At kaya kong magtiis gaano man kalalim ang sugat na dulot nito. Ganyan kita kamahal... Alagaan mo palagi ang sarili mo, James.”

At idinampi ko muli ang mga labi ko sa mga labi nya. Hindi pa rin sya gumalaw.

Akmang tatalikod na sana ako nung mapansin ang mga namumuong luha sa gilid ng mga mata nya. Dumaloy ito sa tenga at bumagsak sa unan. Hindi ko alam kung nagtutulog-tulugan lang sya at narinig ang mga ibinubulong ko. Ngunit hindi ko na alintana. Dinampot ko ang knapsack at tuluyan ng lumisan...

(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...