Friday, September 27, 2013

HIRAM NA PAGMAMAHAL 1

By: Rikiboypalaboy
Dumating si Junard sa buhay ni Rex sa panahong lugmok na lugmok siya at pakiwari niya'y wala nang gustong umunawa at magmalasakit sa kanya. Di nga ba't masaya siyang nag-aaral dito sa Maynila nang magkaroon ng isang malaking problema ang kaniyang pamilya at kinailangan niyang bumalik sa kanilang probinsya upang duon na lamang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral. Isang matinding alitan ang namagitan sa kanyang ama at sa mga magulang nito na naging sanhi ng pagkakagulo sa kanilang pamilya. Pati siyang dati-rati'y kinagigiliwang apo ay nadamay sa sigalot at muntik-muntikan nang hindi makapag-aral dahil sa naputol na sustento ng kanyang lola. Sa awa't tulong na rin ng kanyang magulang ay nakapasok siyang muli sa isang universidad sa kanilang lugar. Mas gusto pa niyang magtagal sa loob ng paaralan kaysa naman umuwi sa kanilang tahanan na lagi na lamang may bangayang nangyayari.

Dahil sa pangyayaring ito ay natutong magrebelde si Rex. Pumapasok man ay hindi inintindi ang pag-aaral. Kung papasa eh di papasa ang naging panuntunan niya sa buhay. Alam niyang kayang-kaya niyang ipasa ang kanyang mga subjects, matalino naman siya. Pero talagang ang gulo sa pamilya ang humihila sa kanya upang gawin ang mga bagay na di naman niya talagang gustong gawin.


Nang matutunan niyang mag-chat ay natutunan din niya ang pakikipag-eb na nang lumaon ay pakikipag-seb. Dito ay nagawa niya na ata ang halos lahat ng dapat gawin ng isang taong dayukdok sa laman. Natuto siyang magpagamit at nanggamit. Kung ang kailangan ng kanyang ka-eb ay ang kanyang katawan ay kusa niyang ibinibigay ito. Wala siyang hinindian,
lahat ay kanyang pinatulan. Marunong siya makipaglaro sa mga ka-chat niya. Lamang lahat ng mga nakasama niya ay pawang mga kapwa niya lalaki. Mga taong ang hilig ay makipagniig sa kapwa nila lalaki. 

Ilang taon rin na naging ganito ang kanyang pamumuhay. May mga pagkakataong hindi siya umuuwi sa kanilang tahanan at nakikitulog kung kani-kanino. Kapalit ng pagtulog at pagkain ay ang katawan niya. Hanggang dumating ang isang araw na parang nilalayuan na siya ng mga kakilala. Naging usap-usapan na pala sa chatroom ang pagsama-sama niya kung kani-kanino at inakala na siya ay nagkaroon na ng malubhang karamdaman. Unti-unting natauhan si Rex. "Hindi totoo ang ibinibintang nila sa akin!" gusto niyang isigaw sa mga kakilala sa channel. Pero may maniniwala pa ba? 


Sa puntong ito nakilala niya si Junard, isang chatter na higit ang katandaan sa kanya. Dahil sa wala nang kumakausap sa kanya kahit na mga kaibigan niya sa paaralan ay naging malungkutin si Rex. May mga pagkakataon pang sa loob ng sariling kwarto ay umiiyak siya dahil sa bakit naging ganuon ang kanyang kapalaran. Akala niya ay sa mga kaulayaw niya matatagpuan ang hinahanap niyang atensyon at pagmamahal na di na niya nadarama sa
loob ng kanilang tahanan.

Di naman niya maiwasan ang pakikipag-chat dahil duon lamang siya nakakatakas sa mga problemang kanyang kinakaharap. Naghanap siya ng ibang channel na mapaglilibangan. Hanggang sa mapadako siya sa bi-friendly channel. Sa umpisa'y nagmamasid lamang siya sa mga usapan sa main room. Di siya kumikibo o nagsasalita man lang. Pero nasisiyahan siya sa daloy ng usapan ng mga nagcha-chat duon. Di tulad sa ibang channel na puro sex ad ang nadatnan niya sa bi-friendly channel. May isang topic na pinag-uusapan ang mga chatters at karamihan ay nagbibigay ng kani-kanilang mga opinyon ukol sa topic for the day. Isa ang nakaaangat sa lahat ng mga chatters na iyon. Wala naman siyang OP status subalit parang lahat ay sa kanya nakasandig. Pag nagsalita na siya ay may laman ang kanyang sinasabi at talagang mapapaisip ka ng parang "oo nga ano, bakit nga ba hindi ko naisip agad iyon." 

Naubos na ang kanyang oras ay talagang pinangatawanan niyang wag magsalita. Sa susunod na lang ang sabi niya sa sarili niya. Nang sumunod na araw, matapos ang kanyang klase ay pumunta agad siya sa isang internet café na malapit sa kanilang paaralang. At di nga siya nagkamali andun muli ang chatter na magaling makipagdiskusyon sa main channel. Nabigla pa siya nang i-welcome siya nito.

MangTasyo : Hello Ralion. Welcum to bi-friendly. Hope you enjoy your stay here.
Ralion : Hello MangTasyo. Salamat po. Ano po topic ngayon dito?
MangTasyo : Wala pa nga eh. Me suggestment ka ba?
Ralion : lolz@suggestment. Bago yun ah. Ahihihi
MangTasyo : Asus. Joke lang yun. Para maging comfortable ka sa amin.
Ralion : Ganun? Eh comfy naman ako kaya nga nagbalik ulit ako dito eh.
MangTasyo : Salamat naman. Sige enjoy ka lang sa pakikipag-usap sa kahit na sino dito. Walang nangangagat dito. Mababait lahat tao dito eh. Mababait pag tulog… ahahah 

Duon nagsimula ang kanilang madalas na pag-uusap. Hanggang sa magkapalagayang loob na sila. Nalaman ni Rex na Junard ang tunay na pangalan ni MangTasyo. At siya daw ang pinakamatanda sa mga nagcha- chat sa channel na yun. Biniro pa niya ito nang, "Ay kaya pala kapita-pitagan ang dating nyo sa kanila. Dapat pala Pilosopo Tasyo ang itawag ko sa inyo." Na sinagot naman ni Junard nang, "Suit yourself, Rex. Kung dun ka ba masisiyahan na tawagin ako eh." Pero kinalaunan ay sinabi na lang ni Rex na tatawagin na lang niya si Junard na kuya dahil nga sa agwat ng kanilang edad. Eksaktong sampung taon ang agwat ng edad ng dalawa kaya minabuti na rin ni Junard na tawaging bunso naman si Rex. Habang nagkakakilalanan ang dalawa ay saka nila naisip na nakakatawang magtawagan sila ng kuya at bunso sa kadahilanang si Junard ay bunso sa kanilang magkakapatid, samantalang si Rex ay panganay naman. "Ang galing natin, walanghiya ka. Lakas mong tawagin akong kuya, eh ikaw pala ang kuya sa atin," ang pabirong wika ni Junard sa kanya. "Ngek, panganay nga ako, eh ang tanda mo naman sa akin ano? Kapal mo talaga kuya, ahehehe." ang bwelta naman ni Rex dito.

Sa umpisa'y puro ganun ang kanilang mga usapan hanggang sa lumaon ay naging seryoso na ang mga pag-uusap nilang dalawa. Pag nag-online si Rex ay private kaagad ang gawa nilang dalawa ni Junard. At duon nga niya naiihinga ang kanyang mga saloobin sa buhay. Si Junard man ay may mga pinagdaanang hirap noong mga nagdaang panahon at iyon, ayon sa kanya, ang nagsilbing hamon para harapin ang iba pang mga darating na pagsubok sa kanyang buhay. Nagugulat si Rex sa mga advice na ibinibigay sa kanya ni Junard. Talagang dumuduro sa kanyang puso ang mga binibitawan nitong pananalita. Kung mahina-hina ang pang-unawa mo ay sasabihin mong napakataray at walang-pakundangan si Junard. Dahil madalas sinasabihan siya nito ng "Gago ka pala. Alam mo nang masama iyon, bakit ipinagpatuloy mo pa rin?" Alam niyang concern lang ang kuya Junard niya sa kanyang kapakanan kaya nagiging ganuon ang tono ng kanyang pananalita.

Sa tinatagal-tagal ng pagiging magkaibigan nila sa chatroom (mahigit isang taon na silang nagkakausap) ay ni minsan hindi pa sila nagkitang magkaibigan. Bakit? Si Rex ay nasa malayong probinsiya sa timog nakatira samantalang si Junard ay laking Maynila. Madalas ngang itanong ni Junard kung may pagkakataon si Rex na makabalik ng Maynila o makadalaw man lang. Hindi maipangako ni Rex kung matutuloy ang kanyang balak na dito maghanap-buhay matapos makagraduate o baka duon na lang siya manatili sa kanilang lalawigan. Hindi naman siya pinipilit ni Junard na lumuwas para lamang makipagkita sa kanya. Pero sabi nga niya ay mainam na rin yung "kahit minsan ay magkakilala tayong dalawa."

Kahit ano pang pangaral ang gawin ni Junard ay talaga atang may katigasan ang ulo ni Rex. May isa siyang lihim na hindi niya sinasabi sa kanyang kaibigan. Ngunit walang lihim na hindi nabubunyag. Isang araw ay may nakausap si Junard na nagpakilalang siya raw ang lover ni
Rex. Nung una ay ayaw niyang maniwala dahil baka nagloloko lang si Rex at nagpalit lang ng nickname. Subalit matapos ang ilang pag-uusisa ay natanto ni Junard na hindi nga iyon si Rex at ibang tao ang kanyang kausap. Di man aminin ay parang may kirot na naramdaman si
Junard sa kanyang puso. Bakit kailangang maglihim sa akin ni Rex? Akala ko ay open kami sa isa't isa. Bakit itinago niya ito sa akin? 

Nang magkaroon ng pagkakataon na magkausap muli sila ni Rex ay abut-abot ang hingi ng paumanhin nito sa kanya. Subalit lubhang nasaktan si Junard sa ginawang iyon ni Rex. Para sa kanya ay betrayal of trust ang nangyari at hinding-hindi niya mapapatawad ang kaibigang
itinuturing niyang bunsong kapatid. Naging madalang na ang pag-uusap nila, pati ang pagte-text o pagtawag ni Junard kay Rex ay naging madalang na rin. Hanggang sa dumating ang panahong wala na talaga silang komunikasyon.

Makalipas ang anim na buwan ay nakatanggap ng text message si Junard. "Hi! kuya, r u stil mad @ me?" Dahil hindi kilala ni Junard ang cell number ay sinagot niya ito ng "may i kno hu s ds? ur nt n my list f cntacts." "Si Rex 2 kuya. talgang galit k s akn L" Biglang nagbago ang sagot ni Junard at parang gulat na gulat na nakatanggap siya ng text mula kay Rex. "oy rex kaw pla. bkit iba n # mo?"

Iyon ang naging simula ng kanilang pagkakabalikang magkaibigan. Humingi si Rex ng sorry sa kanyang nagawa at nang sabihin niya ang kanyang dahilan ay pinatawad naman siya ni Junard. Sinabi nitong kung talagang magkapatid ang turingan nila ay dapat walang inililihim ang bawat isa. Nagkasundo silang muling ibabalik ang naputol nilang pag-uugnayan at nagpasalamat pa si Rex sa pagbibigay sa kanya ng pangalawang pagkakataon. Ayaw na niyang mawala pang muli sa kanyang piling ang kanyang kuya Junard.

Itutuloy...

No comments:

Post a Comment

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...