By: Mike Juha
Habang papalapit na ang graduation ni Aljun, pinaghahandan na rin ang kasal na gaganapin kinabukasan at sa lungsod nila.
Simple lang ang pinagkasunduan nilang plano sa kasal: sa simbahan gaganapin, walang masyadong preparasyon at piling-pili lamang ang mga bisita. Ito kasi ang hangad ni Aljun dahil kinabukasan pagkatapos na pagkatapos ng kasal ay tutungo ang pamilya sa Canada. Kumbaga, tatlong araw na sunod-sunod ang mga kaganapan sa buhay ni Aljun: graduation, kasal, at ang pag-alis nila ni Kristoff patungong Canada.
At malaking “Ouch!” iyon para sa akin. Ngunit naisip ko rin na makabubuti din ang pg-alis ng mag-ama. Kasi, bagamat napakasakit nito, mabilisan lang. Kung pagpipiliin ako kung sa pagsasaksakin ako at mamatay agad sa isang oras, mas pipiliin ko iyon kaysa matagal nga akong mabubuhay ngunit unti-unti naman akong pinapatay. Doon na ako sa isang beses na mabilisan lang ang sakit.
Anyway, kinuha si daddy na isa sa mga sponsors. Hindi lang dahil hiniling ko ito kundi napamahal na rin kasi si Aljun kay daddy na palaging kalaro niya sa lawn tennis at dahil na rin kay Kristoff. Sa pamamagitan nito, magkakaroon pa rin ng connection ang daddy sa bata; may ceremonial bond pa rin siya sa pamilya. Ibig sabihin, kahit papaano, lolo pa rin ni Kristoff si daddy.
At ako ang best man ni Aljun. Obvious naman siguro. Sa totoo lang, hindi ko nai-imagine ang sarili na magiging best man sa isang taong aking minahal. Kahit naman siguro sino, napakasakit. Ewan ko lang din kung kakayanin ng iba. Ngunit dahil na-kundisyon ko na ang utak kong pag-aralan at pilitin ang sariling tanggapin ang lahat ng maluwag sa kalooban, kaya kakayanin ko talaga ito at panindigan. Atsaka, kapag best man ka ng groom, ang role mo sa kanya ay isang sandalan kapag kailangan niya ng karamay sa mga problema sa buhay. Best buddy, best friend a shoulder to lean on... Bagamat sa panalangin ko na lang madadaan ang kung ano mang suporta ko sa kanya dahil kapag natuloy ako sa pagka-monghe, wala nang pagkakataong makakapag-usap pa kami...