By: Michael Juha
Eksaktong isang taon ang lumipas simula nung huli kaming magkita ni Sir James. Sa isang taon na malayo ako sa kanya, marami din ang nangyari. Tumulong ako sa pagpapatakbo ng negosyo namin habang ipinagpatuloy naman ang pag-aaral ng MA in Business Administration tuwing Sabado. Tuwang-tuwa ang mommy dahil kahit wala pa akong karanasan sa pagdadala ng tao at pagpapatakbo ng negosyo, nakita nya ang kakaiba kong approach na naging dahilan upang tumaas ang morale ng mga empleyado. Ganado silang magtrabaho at masaya sila sa trabaho nila. Ipinadama ko sa kanila na kahit anak ako ng may-ari, pweding-pwedi nila akong lapitan upang mahingi-an ng advice o tulong. Kahit makikipag-biruan pa sila sa akin ok lang, sa tamang lugar at oras nga lang. Kahit anong liit na bagay na natatandaan ko tungkol sa mga buhay-buhay ng mga empleyado, ipinadama ko sa kanila iyon.
Malaking bagay iyon upang maramdaman nila ang pagpapahalaga. Gaya na lang nung malaman kong nakakuha ng honors ang anak ng isa sa mga janitors namin, pinatawag ko kaagad. “Kumust po Mang Domingo. Nabalitaan kong nakakuha ng honors ang panganay mong si Marlon! Congratulations po! Heto, may regalo ako para sa kanya, de-bateryang kotse. Sabihin mo po sa kanya na magsikap pa kamo para marating nya ang kung ano man ang gusto nyang maging paglaki.” At ang sarap ng pakiramdam nung makitang tinanggap ni Mang Domingo ang regalong para sa anak nya na mangiyak-ngiyak sa sobrang galak, hindi makapaniwalang naalaala ng amo nya ang isang maliit ngunit importanteng personal na bagay sa kanya.