By: Mike Juha
“Jun! Jun!” ang sigaw ng best friend kong si Fred habang nagtatakbo itong lumapit sa akin, bakat sa mukha ang ibayong saya. Nasa library ako noon, nagbabasa ng libro. Dahil sa di napigilang pagsigaw niya sa pangalan ko, lahat ng tao sa loob ng library ay napalingon.
Si Fred ay ang ang kauna-unahan kong kaibigan sa school na iyon. Transferee lang kasi ako at nasa first year ng kursong Liberal Arts. Confirmed gay si Fred ngunit acting straight naman bagamat paminsan-minsan ay lumalabas din ang tunay na kulay.
“Hinaan mo nga ang boses mo! Ano ka ba? Nakakahiya sa mga taong nag-aaral!” ang pigil na boses kong sagot sa kanya.
“Nakabili ako ng raffle ticket! Heto o, tig-iisa tayo!” sagot niyang pinigilan na rin ang pagsigaw.
“E, ano ngayon? Ano ba ang mayroon sa mga tickets na iyan at para kang natatae na hindi makahanap-hanap ng kubeta?” ang sagot kong pigil din ang boses.
“Doon na nga tayo sa botanical mag-usap para hindi tayo nakakaistorbo rito!” Mungkahi niya.
“Sige nga, sabihin mo sa akin kung ano ang mayroon sa ticket na iyan kung bakit para kang inaatake ng kalandian sa inasta mo?” ang tanong ko kaagad noong makaupo na kami sa damuhan sa lilim ng malaking mahogany ng botanical garden.
“May narinig ka ba tungkol sa taonang pinakaaabangan at kinababaliwang paraffle dito sa campus?” tanong niya sa akin.