By: Mikejuha
Pakiwari ko ay napakabigat ng aking mga paa habang nagmamartsa. Ngunit pinilit ko pa rin ang sariling tapusin ito hanggang sa makarating ako sa altar. Habang nakatayo ako doon at hinintay ang ang aking bride na nagmartsa na rin papuntang altar sampu ng kanyang mga bridesmaid, ibayong kaba naman ang naramdaman ko. Tila may kung anong emosyo ang nagbabadyang sumabog ano mang sandali. Hindi ko lubos maipaliwanag ang naramdaman. Sa kabila ng napakalaking okasyon na iyon sa buhay ko, tila hindi ko na naramdaman ang excitement na dulot nito. Ang bumabagabag sa isip ko ay si Lito, kung bakit hindi siya nakarating, at kung bakit wala man lang siyang paalam kung ano ang nangyari. Sa pagkakilala ko sa kaibigan, alam kong hindi niya magagawa ang hindi pagsipot sa okasyong para sa akin lalo na sa isa sa pinakaimportanteng bahaging iyon ng buhay ko.
Noong magsimula na ang misa at nasa parteng tinanong na ako ng pari kung tatanggapin ko ba si Sarah bilang kabiyak ko sa habambuhay… hindi kaagad ako nakasagot. Natulala ako at tila may kung anong bagay ang bumara sa aking lalamunan.
Tinanong uli ako ng pari. “Warren, tinatanggap mo ba si Sarah na maging katuwang mo sa habambuhay, sa hirap at ginahawa…?”
Sa pangalawang tanong ng pari, naramdaman ko ang sobrang pagkalampag ng aking dibdib. At imbes na sumagot sa tanong niya, bigla akong tumayo, tumalikod at nagmamadaling tumakbo palabas ng simbahan.
Nabigla ang lahat, ang iba ay nanlaki ang mga matang sinundan ang mabilis kong pagtakbo palabas ng simbahan, di makapaniwala sa nasaksihang eksena at sa gnawa ko. Ngunit wala akong pakialam.