Tuesday, September 30, 2014

HIRAM NA PAGMAMAHAL 3

Naalimpungatan ang dalawa sa katok na narinig nila sa pinto. "Hoy ala-10 na wala ba kayong balak gumising," ang sigaw ng tiyahin sa labas ng kwarto.

Nagulat pa si Rex dahil pagmulat niya ng mata ay nakita niyang nakayakap pa rin siya sa katawan ni Junard na nang mga sandaling iyon ay gising na rin at nakangiti sa kanya. Isang mahinang "good morning" ang ibinati nito sa kanya. Napaigtad si Rex dahil sa kakatwang
sitwasyon nila at natakot siyang baka buksan ang pinto at mahuli sila ng kanyang tiyahin.

"Opo auntie, andyan na. Napasarap po ang tulog namin," pasigaw na sagot naman ni Rex.

Bumangon na sila at nakita pa niyang nakabukol ang harapan ni Junard dahil sa nakatulog nga itong walang suot na briefs. Sinabihan niyang mag-ayos ito bago bumaba at baka punahin iyon ng kanyang auntie at uncle.

Nakahanda na ang almusal ng pumanaog si Junard at muli ay abut-abot ang paghingi ng paumanhin dahil sa abala na naidulot niya sa mag-anak. Sinabi naman ng tiyahin ni Rex na walang anuman iyon at makabubuti pang kumain muna bago siya umuwi. Magkaharap sa mesa ang dalawa nang umupo para mag-agahan. Halos di makatingin ng diretso si Rex kay Junard dahil nga sa nangyari kagabi.

Nag-aayos na si Junard sa kwarto nang muling pumanhik si Rex para tanungin kung handa na siyang umalis. Nagsusuot na lang ng sapatos niya si Junard nang datnan siya ni Rex duon.

"Ehhh, kuya, yung tungkol kagabi, kasi," panimulang sabi ni Rex.
"Shhh, wala yun. Naiintindihan kita. So pano, maraming maraming salamat sa abala at pag-estima sa akin. Di ko malilimutan ito," ang sabi naman ni Junard.


At bago ito lumabas ng kwarto ay niyakap muli si Rex at saka masuyong hinalikan sa noo. Napayuko ang binata at hindi alam kung ano ang isasagot. Naguguluhan siya sa ikinikilos ni Junard at hindi niya alam kung ano ang kahulugan ng mga iyon. Pag-uwi sa bahay ay tinanong ni Alice si Junard kung bakit lampas tanghalinan na ito nakauwi at anong oras ba ito umalis kina Rex. Sinabi naman ni Junard na tinanghali siya ng gising dahil nga sa kalasingan. Para di na humaba pa ang usapan ay sinabi niyang maliligo lang siya at ihanda na ang pananghalian.

Mula nang mangyari ang pagtulog ni Junard sa bahay nina Rex ay naging lalong malapit ito sa binata. Yung paminsan-minsang pagsabay sa tanghalian ay naging araw-araw na at pati ang pag-uwi ay talagang hinihintay siya nito para sabay na silang lumakad pa-MRT station.
Dahil sa ikinikilos na ito ni Junard ay lalong umigting ang pagmamahal na nadarama ni Rex sa kanya. Kaya isang araw…

"Kuya, me sasabihin sana ako sa iyo," ang sabi ni Rex habang kumakain sila ng pananghalian.
"Hmm, ano yon bunso?" tanong ni Junard. 
"Wag ka sanang magagalit sa akin, ha, kuya."
"Bakit naman ako magagalit sa iyo? Me ginawa ka na naman bang kasalanan? Nag-away kayo ni Jovi?"
"Hindi yon. Lagi naman kaming nagte-text pa rin ni Jovi. Kasi, kuya, ano eh."
"Ah ok. Mabuti naman pala at magkasundo kayong mabuti ni Jovi. Hoy, loko ka ha, alagaan mong mabuti relasyon ni Jovi, at wag kang tumulad sa akin. Kita mo ako problemado sa misis ko. hehehe, So ano yung sasabihin mo?"
"Wala, wag na lang. Baka makadagdag lang sa isipin mo eh."
"Kita mong lokong ito. Me sasabihin raw tapos wag na lang. Ano nga yon, bilis na," medyo asar na tanong ni Junard.

Uminom muna ng tubig si Rex at saka huminga nang malalim. 
"Kuya, I think I'm in love again." 
Napalingon sa kanya si Junard at kumunot ang noo. "Wala ka namang nababanggit na bagong crush ah. Me itinatago ka ano?" panunukso ni Junard kay Rex.
"Wala, kuya. Wala akong itinatago…"
"Eh kanino ka in love?"
"I'm in love with you, kuya," paanas na sabi nito at pagkasabi nuon ay napatungo siya.
"Huh? Sa akin? Bakit mo naman nasabi iyon Rex?" medyo napalakas na tanong ni Junard.
"Ewan ko nga eh. Tanda mo nung time na natulog ka sa bahay? Duon ko naramdaman na talagang mahal na mahal na kita. Kasi naman ipinakita mo sa akin ang pagiging masuyo mo. Honest, kuya, di ko ginusto na mahalin ka. Kusang tumubo na lang ang pagmamahal ko sa yo," halos mangilid na naman ang luha ni Rex sa mga mata.

Napalingon si Junard sa kapaligiran. Ayaw niyang makatawag pansin ang nangyayari kay Rex kaya sinabihan niya ito, "Rex, pag-usapan natin ito mamaya paglabas ng office. Okey? Ayusin mo sarili mo at baka mapansin ka ng mga tao dito, nakakahiya. Sige na. Hintayin kita sa dati nating hintayan at mag-uusap tayo. Wag kang mag-alala di ako magagalit sa yo," mahabang sabi ni Junard.

Wala nang imikan pa ang dalawa hanggang sa matapos ang kanilang pananghalian. Pagtuntong ng alas-5:30 ay halos ayaw pang kumilos ni Rex. Natatakot siya sa sasabihin ng kanyang kuya Junard. Ano kaya ang sasabihin ni kuya Junard?... Sana hindi siya magbago ngayong alam na niya ang feelings ko sa kanya… Wag ko na lang kayang siputin siya sa usapan namin… Nasa ganon siyang pag-iisip nang sa tutunog ang kanyang cellphone. Tiningnan niya kung sino ang tumatawag at si Junard pala.

"Ano Rex? Palabas na ako ng opisina. Duon na lang tayo sa may G4 magkita ha. Alis na ako," sabi sa kabilang linya.
"Ok, kuya. Sige, isara ko na lang itong computer ko at aalis na rin ako," malumanay niyang sagot dito.

Wala nang atrasan. Hindi niya pwedeng di siputin si Junard at baka lalo lang gumulo ang usapan. Bantulot man ay nag-ayos na nga si Rex at saka naglakad patungo sa G4.

Malayo pa lang ay nakita na niyang nakatayo si Junard at inaabangan siya. Di naman kagwapuhan si Junard pero iba talaga ang dating sa kanya. Marahil ay dahil sa pagiging malambing nito na nadama niya nuong natulog ito sa kanilang tahanan. Muli't muli niyang binabalikan ang alaala ng gabing iyon… nang patulugin siya ni Junard sa kanyang mga bisig at magising siya na nakayakap sa katawan nito.

Nang matanaw siya ni Junard ay nakangiting kumaway ito at sinalubong na siya. Inakbayan kaagad at tinanong kung kumusta na siya. "Ok lang ako at medyo naging busy sa trabaho," pagsisinungaling ni Rex. Para siyang robot na sunud-sunuran lang kung saan maglakad si Junard. Namalayan na lang niya na nasa harap na sila ng Carl's Jr. at tinatanong siya ni Junard kung anong gustong orderin.

"Hoy, bunso, ano gusto mong kainin?" muling tanong ni Junard.
"Ha, ah eh,… kaw na lang bahala kuya," ang wala sa sariling sagot nito.
"Ok, sige humanap ka ng mauupuan at ako na bahalang umorder ng hmmm teka, snacks lang ha… wala pa akong pera, hehehe," pabiro namang sabi ni Junard.

Di na niya inintindi pa ang sinasabi ni Junard; sa halip ay naghanap siya ng upuan na medyo tago sa karamihan. "Duon sa bandang dulo, sa kaliwang bahagi, medyo OK na duon kami mag-usap." ang sabi niya sa sarili.

Maya-maya pa ay dumating na si Junard dala ang inorder na burger at iced tea. Nakangiti pa rin ito na parang nalimutan na ang nangyari kaninang tanghali.

"Oh sensya na ha, yan lang kaya ng budget ko. Sige tsibog na," yaya agad nito pagkababang-pagkababa ng tray. 

Halos di makatingin si Rex kay Junard nang umupo na ito sa harap niya at magsimulang kainin ang burger. Nangangalahati na ito sa burger nang muling magsalita.

"Nga pala, bunso, ano nga iyong sinabi mo kanina sa akin? Yung bang in love ka kamo, sa akin?" medyo parang takang tanong ni Junard sa kanya.
Bago magsalita ay tumikhim muna si Rex ng iced tea at saka huminga nang malalim. 

"Eh ku-kuya, wag ka sanang magalit dun sa sinabi ko ha. Actually di ko rin alam kung ano talaga ang nararamdaman ko eh. Pero ang tingin ko in love talaga ako sa yo," nakatungo pa rin si Rex habang sinasabi ang mga bagay na ito. Di naman kumikibo si Junard at patuloy lang sa pagkain habang nakikinig sa kanya. 
"Kasi alam mo nung time na una tayong nagka-usap sa chat, tas pinayuhan mo ako? I was so
depressed and down and ikaw lang ang umunawa at nagtake time para kausapin ako… tas yung mga ipinakita mong kabutihan sa akin nung nandito na ako sa Maynila… hmmm tas yung nakatulog ka sa bahay… yung time na pinahiga mo ako sa bisig mo hanggang sa nagising akong nakayakap pa rin sa yo… kuya, sa akin pagmamahal iyon eh," tuluy-tuloy na sabi ni Rex sa kanya.

Di agad nakakibo si Junard sa narinig. Tinapos muna niya ang kinakain at saka uminom. Hindi niya inakala na ang pagiging mabuti at maasikaso kay Rex ay iba ang dating sa kaibigan. Para sa kanya ay pagmamahal kaibigan iyon at talagang ganon siya sa kahit sinong
nakakausap o nakikilala niya. Ngayon ay naguguluhan siya kung paano ipaliliwanag sa kaharap ang katotohanang iyon. Ayaw niyang muling bumalik sa pagka-depressed si Rex at baka magulo lang ang paghahanap-buhay nito. Tinatantya niya ang mga salitang bibitawan dito.

"Rex, hindi ko alam kung matutuwa ako o magagalit sa ipinagtapat mo sa akin," panimula niya. "Unang-una kung anuman ang ipinakita ko sa iyo ay sa dahilang ganon talaga akong tao… ahhh kahit itanong mo pa kay Alice ay ganun din ang sasabihin niya sa iyo… hmmm ganun talaga ako sa mga kaibigan. Di lang ikaw ang nakapansin ng pagiging magiliw at maaalalahanin ko… kaya di mo dapat ipag-akala na iba ang dating nun," mahaba-habang sabi ni Junard kay Rex.

"Pero bakit… ano yung pagyakap at paghalik mo sa akin, kuya… Junard?" balik tanong ni Rex na ngayon ay nangingilid na ang luha sa mga mata. 
"Yun ba? hehehe di ba magkapatid turingan natin? Kaya kita niyayakap bilang pagmamahal sa isang nakababatang kapatid, Rex," paliwanag nito.
"Yun lang ba talaga? Dahil kapatid ang turing mo sa akin? Wala nang iba? ha Junard? Ganun lang? Akala ko pa naman," nagsisimula nang mag-histerikal si Rex dahil sa narinig mula kay Junard.
"Rex! Rex! Makinig ka sa akin, wag kang ganyan."
"Ano pa dapat kong marinig? OK, sige, alam ko na… akala ko mahal mo rin ako kaya ganyan ka, huhuhuhuh" at tuluyan nang bumigay si Rex.

Umiyak na ito.

Nataranta si Junard at di alam kung anong gagawin. Bigla siyang tumayo at niyaya si Rex na lumabas na sila. Nagtitinginan na ang ibang mga kumakain, nagtataka kung bakit biglang nag-iiyak ang kasama ni Junard. Sa umpisa'y ayaw pang tumayo ni Rex at inaalis ang kamay
ni Junard sabay sabing "iwan mo na lang ako." Pero nagmatigas si Junard at halos hilahin na si Rex papalabas ng restoran. Dinala niya ito sa restroom at sinabihang mag-ayos ng sarili. Nang matapos ang pag-aayos ay lumabas na sila at sumakay ng taksi. Sinabi ni Junard na
sa may Pag-Asa sila. Walang imikan ang dalawa habang binabagtas ang kahabaan ng EDSA. Patuloy ang paghikbi ni Rex at panay-panay din ang hingi ng sorry dahil sa eskandalong nagawa niya kanina. Panay naman ang alo ni Junard sa kanya at sinabing "It's ok, I understand."

Nagulat pa ang tiyahin ni Rex nang pagbukas ng pinto ay makita sina Junard at Rex. Tinanong niya kung ano ang nangyari at sinabi na lang ni Junard na nahihilo ang kaibigan at minabuti niyang ihatid ito pauwi. Nagpaalam si Junard na iaakyat niya si Rex sa kwarto at
aayusin lang nito at uuwi rin siya.

Nang nasa loob na ng kwarto ay muling umiyak si Rex at paulit-ulit na sinasambit ang "mahal kita kuya… mahal kita." "Shhh alam ko, sige, mahal din kita, tama na, tahan na at baka marinig ka pa ng auntie mo," ang pag-aalo namang sabi ni Junard para tumigil na ito.

Tumingin nang diretso si Rex kay Junard at parang inaarok ang katotohanan sa sinabi nito. Walang imikan silang nagkatinginan. Tanging mga mata lamang nila ang nag-uusap. Kay Rex ang paghingi ng pang-unawa sa kanyang nadarama, si Junard ang pagbibigay assurance
kay Rex na hindi niya ito pababayaan.

Hanggang sa maglapat ang kanilang mga labi at yumakap na nang tuluyan si Rex kay Junard…

Itutuloy

No comments:

Post a Comment

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...