Friday, January 17, 2014

IDOL KO SI SIR 8 (BOOK 2) - FINALE

By: Michael Juha
Nasa ganung ayos ako nung biglang pumasok si Anton. “Carl, may ipapakita ako sa iyo!”

“Ano yun, Anton?” Ang tanong ko.

“Halika, samahan mo ako.” Kinuha muna ni Anton ang flashlight at dinala nya na ako sa may harapan ng bahay, may mga 60 metro ang layo galing sa bungad nito. “Heto, kagabi itinanim ni Kuya James tong mangga at ang sabi nya, ipakita ko daw sa iyo. Tinulungan ko nga syang maghukay jan dahil groggy na sya nun e, halos hindi na makayanan ang sarili. Sinabihan ko nga na magpahinga na lang muna dahil naduduwal, at nagsusuka pa nga. Kaso, ayaw paawat. Dapat daw nyang magawa muna ito saka na sya magpahinga. Kaya, tinulungan ko na para matapos kaagad. Awang-awa nga ako sa kanya, e. Pagkatapos naming maghukay, may inilagay syang box atsaka itinanim na yang mangga. Ipakita ko lang daw sa iyo to at alam mo na ang gagawin...”

“Salamat Anton, salamat at kahit papanu, nanjan ka, umalalay kay Kuya James mo”

Pinakawalan ni Anton sa akin ang isang titig na animoy nagpapahiwatig ng pagdamay, ng pang-unawa. “Mahal na mahal ka ni Kuya James Carl. Hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay, ikaw pa rin ang nasa isip nya...”

Sinuklian ko lang sya ng tango at pilit na ngiti.

Nung makaalis na si Anton, dali-dali akong naghanap ng karton kung saan ko inilagay ang mga alaala namin ni Sir James, kasama na ang white gold bracelet na kahawig na kahawig ng ibinigay ko sa kanya at yung wristwatch. Inilagay ko rin ang damit at pantalon na sinuot ko nung gabing nagkudlit kami ng aming mga balat. Bago ko isinara ang box, gumawa ako ng sulat. “Dear James.... pangako ko sa iyo, susundin ko ang mga bilin at mga inihahabilin mo sa akin. Habang may buhay pa ako, aalagaan ko ang pagmamahalan natin. 


Susundin ko ang lahat ng mga payo mo. At dito sa itinanim mong puno, dito ako huhugot ng lakas, dito kita hahanap-hanapin sa mga oras na kailangan ko ng masasandalan, o kaya kung kailangan kong i-share ang mga tagumapay. Dito, ipagpatuloy ko ang pagmamahal sa iyo. Salamat sa pagdating mo sa buhay ko. Salamat sa mga masasayang ala-ala. Pinaghiwalay man tayo ngayon ng tadhana, saksi ang punong itinanim mo sa nararamdaman ko para sa iyo: mahal na mahal kita. Habang pumipintig pa itong puso, ikaw palagi ang hahanap-hanapin nito... Hintayin mo ako, James. Sa kabilang buhay, hindi na tayo paghihiwalayin pa.” at idinampi ko ang sulat sa mga labi ko bago ito inilagay na sa box.

Binalikan ko ang punong itinanim ni James at hinukay ulit iyon. Pinatay ko ang flashlight na bigay ni Anton at hinayaang ang sinag na galing ng bahay ang syang magsilbing ilaw. Gamit-gamit ang pala, hinukay ko ng marahan ang puno ng seedling ng mangga at inilipat pansamantala. Pagkatapos, hinukay ko naman ang box na syang ibinaon ni Sir James. Nung makapa na ng mga kamay, hinugot ko iyon. Umupo ako sa gilid ng pinaghukayan, inilagay sa kandungan ang box, pinagmasdan, niyakap-yakap at idinadampi-dampi sa mga labi.

May ilang minuto din ako sa ganung ayos. Bago ko ibinalik muli ang box, sinulatan ko ang labas nito, “James Loves Carl”. Tapos, kinuha ko ang box ko at sinulatan ko din, “Carl Loves James”. Hinubad ko ang t-shirt, kinuha ang swiss knife sa bulsa at kinudlitan ang upper part ng chest kung saan nandun ang marka nung dati naming pagkudlit. Ipinapatak ang dugong dumadaloy sa dalawang boxes. Masakit, mahapdi, ngunit tiniis ko. Pagkatapos, pinagdikit ko na ang dalawang boxes gamit ang masking tape bago ibinalik muli sa hukay, tinakpan ng lupa at sa ibabaw nun ibinalik na rin sa pagtanim ang mangga.

Sa buong gabi na iyon, sa dating kwarto namin ni James ako nagmu-mukmok. Pakiwari ko‎ napakabagal ng oras, napakalamig ng gabi. Kung ang dating ingay ng mga nocturnal na mga hayop at ang mga nagkikiskisang dahon gawa ng pagbugso ng hangin ay naririning ko, sa gabing iyon tila nakakabingi ang katahimikan. Nakakabagot, di malaman ang gagawin, at ang larawang nasa isip ay ang maamong mukha ni Sir James, tila nanjan lang sya, abot-kamay, napakalapit. Ngunit, sa loob lang ng isipan ko...

Maya-maya at marahil ay bunga na rin ng sobrang lungkot sa di matanggap-tanggap na bilis ng pangyayari, bigla na lang akong bumangon at tinungo ang sementeryo, di alintana ang nakakapanindig-balahibong lamig ng simoy ng hangin at ang nakakapangilabot na ungol ng mga aso. Naupo ako sa gilid ng puntod niya, parang baliw na nakikipag-usap, ibinubuhos ang lahat ng hinagpis at sama ng loob. Hanggang sa doon na rin ako nakatulog.

Sa panaginip ko nagpakita si Sir James. Animoy napakasaya nya, napakapayapa at tila nababalot ang buong katawan ng kaayaayang liwanag. Inakbayan nya ako at pinayuhan na wag nang malungkot dahil ang paglisan nya ay may dahilan. Pagkatapos ay itinuro nya sa akin ang dalawang batang lalaking masayang naglalaro sa ilalim ng puno ng mangga; ang isa ay kahawig na kahawig nya at ang isa naman ay kahawig na kahawig ko. “Sila ay tayong dalawa, Carl. Masaya ako, dapat ay ganun ka rin...” Yun ang eksenang tila buhay na buhay na naiwan sa aking isipan.

Nagising ako nung tumama na sa mga mata ko ang sikat ng araw. “Umaga na pala... Akala ko ay totoo ang lahat...” bulong ko sa sarili nung matanto na panaginip lang pala ang tagpong iyon. “Marahil, yung puno ng mangga ay yun ang itinanim nya at lumaki na. Ngunit bakit naging bata ulit kami?” Nabalot man ng matinding kalituhan ang isip sa di maintindihang kahulugan nun, tila nahimasmasan na rin ako na nakita syang masaya at mapayapa.

Nagpaalam ako sa kanya; idinampi ang mga labi sa tuktok ng krus sa may uluhan ng kanyang puntod at dumeretso na ng bahay kung saan ang buong pamilya nina Tatay Nando ay nasa harap na ng hapag kainan, maliban lang kay Anton na naghahanap sa akin. Bakas pa rin sa mukha nila ang tindi ng lungkot at hinagpis na nadarama. Kung dati nakikita ko ang saya nila at ang pagbibiruan kapag nagkakasamasama sa hapag-kainan, sa umagang iyon, halos lahat ay tulala, hindi makapaniwalang wala na ang isa sa itinuturing nilang haligi ng kanilang pamilaya, ang tumatayong panganay at kuya, o halos pangalawang tatay na.

“Saan ka ba nagpunta, Carl? Hanap kami ng hanap sa iyo. Ayon si Anton, pinuntahan ang kubo nya sa may tabi ng ilog nagbabakasakali na nandun ka...”

“Pasensya na po, Tay... Hindi ho ako makatulog kaya naisipan kong lumabas...”

“Saan ka naman nagpunta?”

“Sa puntod po ni Sir James. Doon na rin po ako nakatulog.”

“Susmaryosep!” Sambit ni Nanay Narsing. “Mabuti na lang at walang masamang nanyari sa iyo. Mag-ingat ka rito Carl baka mapahamak ka, magagalit ang Mommy mo sa amin. Atsaka... tibayan mo ang loob mo. Lahat tayo naapektuhan sa pagkawala ni James. Masakit ngunit wala na tayong magagawa pa. Sadyang ang nasa taas lang ang nakakaalam kung bakit niya kinuha si James ng ganyan kaaga. Kagaya mo mahal na mahal din naming lahat ang batang iyon. Ngunit ipaubaya na lang natin ang lahat ng nasa taas...”

“Pasensya na po, Nay. Di na po mauulit...” at namuo na naman ang mga luha ko at dumaloy sa pisngi. “Naisip ko lang kasing samahan si Sir James... parang di ko kasi mapatawad ang sarili nung pumanaw sya na di ko man lang nadamayan hanggang sa huli nyang hininga. Nasa tabi nya na sana ako noon, ngunit umalis pa’t umuwi ng syudad. Kaya naisip ko na kahit sa paraang iyon, maipadama ko sa kanya ang labis kong pagsisisi.” Hindi na rin napigilan ng lahat ang tumulo ang mga luha nila, at pilit na pinigilan ang paghagulgol.

“O, e, nandito na pala si Anton. Anton! Halika na, nandito na si Carl!” ang pasigaw na tawag ni Tatay Nando, pagputol na rin sa napakalungkot na tagpo.

“A, nandito na nga si Carl!” sagot naman ni Anton “May nakakakita kasi sa kanya na patungo na raw dito, kaya dumeretso na ako. Saan ka ba nanggaling Carl?” tanong ni Anton sa akin.

“Jan lang...” ang matamlay kong sagot.

Naupo si Anton sa hapag. Matamlay, halos ayaw nang maglagay ng pagkain sa plato. Tinikman ko lang ang tuyo at sumubo ng dalawang kutsarang kanin, nanatiling nakaupo, nakiramdam, at naghintay na matapos silang lahat sa halos hindi magalawgalaw rin nilang pagkain.

“Kumain ka ng marami, Carl para ka lumakas.” payo ni Tatay Nando.

“Tama na po iyon, Tay, wala pa po akong gana.” ang sagot ko naman

Tahimik ang lahat nung biglang sumingit si Dodong. “Paanu yan, Nay e di na matutuloy ang kasal nina Ate Maritess at Kuya James?”

Nagtinginan ang lahat kay Maritess. Nung tiningnan ko siya. Nakita ko sa mga mata ang sobrang paghihinagpis. “Magre-resign na lang po ako sa tinuturuan ko, Nay, Tay...” ang malungkot nyang sabi.

“Bakit naman?” ang tanong ni Nanay Narsing.

“Syempre...” hindi kaagad naituloy ni Maritess ang sasabihin, nasamid sa sobrang pagpigil sa pag-iyak. “Tatanggalin din naman nila ako dahil bawal ang mabuntisan.” At tuluyan na syang humagulgol. “Atsaka, hindi ko na po kaya ang mga tsismis ng mga tao, ng mga kasamahan ko sa trabaho” dagdag nya.

Parang tinusok ang puso ko sa nararamdamang paghihirap ng kalooban ni Maritess. Naalala ko bigla ang habilin ni Sir James sa akin. “...hihilingin ko sa iyo na kung sakaling matapos bigla na ang buhay ko, alagaan mo si Maritess at ang magiging anak namin. Sana, nanjan ka palagi sa tabi nila, aalalay sa kanilang mga pangangailangan...” Hindi ko maintindihan ang sarili nung biglang pumasok iyon sa isip, at tila may nag-udyok sa akin na magsalita. “A, e... Tay, Nay, ituloy na lang po natin kaya ang kasal... Kung papayag po kayo at si Maritess, ako po ang tatayong groom ni Maritess”

Nagtinginan silang lahat sa akin sa pagkabigla, nagtataka kung bakit nasabi ko ang ganun.

Ako man ay halos di makapaniwalang lumabas sa mga bibig ko ang mga katagang iyon. Nilingon nina Tatay Nando at Nanay Narsing ang isa’t-isa, nag-salubong ang kanilang mga titig, bakas ang pagkalito ngunit tila nag-uusap, habang si Maritess ay biglang tumayo at tumakbo papuntang kwarto niya.

Hindi kaagad nakapagsalita nina Tatay Nando at Nanay Narsing. “A... e... Carl, sigurado ka ba jan sa sinasabi mo? Napakamaselang bagay ang sinabi mo at ang pagpapakasal ay hindi isang pagkaing pwedi mong isubo at iluwa pag inaayawan mo na. Isa pa, ang nagpapakasal ay dapat nagmahalan.” Sabi ni Tatay Nando at tumango-tango naman si Nanay Narsing.

“Tay, hindi lahat ng nagpapakasal ay nagsimula sa pag-iibigan. Marami ring mga kasong nagsimula sa pangangailangan, yung iba ay sa kaugalian o kultura. Yung iba ay sa paniniwala. Hindi mahirap mahalin si Maritess, Nay, Tay. Maganda, matalino, at higit sa lahat, napakabait... Napakarami na pong dumaang babae sa mga kamay ko nung estudyante palang sa syudad at nakita ko na ibang-iba si Maritess sa kanila. Alam ko yan dahil sinusubaybayan ko ang pagpapaaral ng mommy sa kanya, sa mga natamong honors nya sa school, sa mga activities na ini-initiate nya... Hangang-hanga ako sa kanya. Pati nga ang mommy ay hangang-hanga sa kasipagan at determinsayon nya e.”

“Kahit na buntis sya...? Paano na lang ang mommy mo? Papayag kaya sya?”

“Hindi po kasalanan ni Maritess ang mabuntis, Tay. At hindi po nya kasalanan ang mamatay ang taong nakabuntis sa kanya. At tungkol sa mommy, kilalang-kilala ko sya. Lahat handang ibigay nun sa akin. Lalo na kung mag-aasawa na ako at kay Maritess pa. Biniro pa nga nya ako isang beses na ligawan daw si Maritess eh. Tsaka, gustong-gusto na nun ang magkaapo. Magtiwala po kayo.”

“Kung ganun, bakit di natin itanong kay Maritess?”

Sinundan ni Nanay Narsing si Maritess sa kwarto nya. Maya-maya, lumabas si Nanay. Umiiling-iling.

“Ano po ba ang sabi ni Maritess, Nay?”

“Ayaw nya. Nahihiya, sobra-sobra na daw ang pagtulong mo sa amin, Carl.”

“Ok, ako na ang kakausap sa kanya” Pinuntahan ko sya sa kwarto. Nung mag-usap na kami, pakiwari ko, bumabalik ang pagka-chickboy nung estudyante pa lang ako; nung pakawala pa sa buhay at kahit sinu-sino ang nililigawan, kahit na guro.

Ngunit sa sitwasyon na iyon kay Maritess, animoy naging seryoso akong nanligaw, kumbaga, ang mga sinasabi ay galing sa puso, kinumbinse si Maritess sa kahalagahan ng pagsilang at pagpalaki nya ng baby nila ni James na may tatay na nakikita. Ginawa kong batayan ang sarili, sa paglaki kong walang ama dahil namatay din ito nung maliit pa ako, ang hirap na naranasan ko nung lumaki na walang amang gumagabay; ang sakit ng paghahanap ng pagmamahal ng isang ama, ang pag-iyak ko sa tuwing nakikita ang mga kalaro na sinusundo ng mga daddy nila, o kasama nila sa pamamasyal. “Kung ayaw mong magpakasal sa akin dahil hindi mo ako mahal, kahit para sa baby mo na lang, sa baby nyo ni James… Maawa ka sa kanya.” ang sabi ko.

“Bakit mo ginawa ito, Carl? Para ba sa akin o para kay James?”

“Pareho, at para na rin sa bata... Bakit, hindi mo ba ako kayang mahalin?”

Hindi sya kumibo. “Hindi sa ganun, Carl. Lahat ng babae ay nangangarap na makapag-asawa ng lalaking kagaya mo. Nasa iyo na ang lahat - hitsura, yaman, talino, sipag, at higit sa lahat, kabaitan.”

“So...?”

“Hindi ko alam. Hindi ako bagay sa iyo. At... kamamatay lang ni James”

“Tess, Sabado ang gustong kasal ni James. At sigurado ako, na pag itinuloy natin iyon, matutuwa sya. I swear.”

“Sinabi ba nya yan sa iyo?”

“Sinabi nya na alagaan ko kayo, na alalayan ko kayong mag-ina sa mga pangangailangan ninyo. At alam mo, kagabi, nanaginip ako kay Sir James. Masaya sya, mapayapa. At sinabi nyang may dahilan daw ang lahat. Ayaw nyang sa pagpanaw nya ay malungkot tayo, Tess...”

Hindi na sya kumibo, at tumulo na lang ang luha. Niyakap ko sya. Tuluyan na syang humagulgol sa mga braso ko. Lumabas kaming dalawa ng kwarto. “Tay, Nay, tuloy po ang kasal sa Sabado!”

Tila nabuhayan ng loob ang lahat sa di inaasahang narinig. Ang napakalungkot na tagpo ay biglang tila nabigyang buhay at nakapagbigay ng ngiti sa mga labi ng bawat isa sa pamilya. Nagpalakpakan sa tuwa ang mgakakapatid na sina Anton, Dodong, Clara, at Letecia.

Agad naming tinungo ni Maritess ang puntod ni James at ipinaalam ang desisyon. Bumulong ako, “James... alam kong ikaw ang nagtulak na gawin ko ang desisyon na ito. Nandito kami upang hingiin ang iyong basbas. Sana, masaya ka sa desisyon naming ito ni Maritess. Bigyan mo kami ng palatandaang wala kang pagtutol sa gagawin namin...”

Pagkatapos na pagkatapos kong sabihin iyon, naramdaman kong animoy may malamig na hihip ng hanging marahang humampas sa kinatatayuan namin. “Naramdaman mo iyon?” Tanong ko kay Maritess.

“Ang ano?” sagot nya.

“Malamig na hangin na tila biglang umihip!”

“Oo Carl, naramdaman ko!”

Tila biglang tumalon-talon ang puso ko sa galak. “Nararamdaman kong payag si James na magpakasal tayo Maritess! Payag sya!” ang masaya kong sigaw habang yakap-yakap na si Maritess.

Dumating ang araw ng kasal. Dahil sa hindi pa natapos ang 9 na araw na padasal para kay James, napagdesisyonan ang pamilya na gawing simple lang ang okasyon at sa kapilya ng baranggay na lang idaos pagbigay respeto kay Sir James. Walang mga espesyal na taong imbitado, maliban na lang sa mga piling-pili kong kaibigan. Wala ring magagarang damit pangkasal, o mga groom’s men at bride’s maids. Casual lang ang lahat. Kumbaga, tila isang ordinaryong okasyon lang. Ang kapitan ng baranggay ang Ninong sampu ng mga kagawad. Ngunit dahil sa nalaman din ng buong baranggay, marami pa rin ang nag-attend. Marahil iyon ay dahil ang pagdiriwang ay may kinalaman sa akin, na anak ng main donor at syang nagpapatayo ng school nila sa baranggay, at sa kagustuhan na rin nilang makibahagi sa importanteng bagong yugto na iyon sa buhay namin ni Maritess.

Sinadya kong hindi ipaalam kay mommy ang okasyon. Nais ko kasing sorpresahin sya at upang hindi na rin sya makaka-reklamo pa. Ang mommy kasi, kapag ganyang may okasyon, gusto lahat naka-plano at perpekto. Ayaw nya yang mga last-minute o rush na activities. Ganyan sya ka-organize. At ina anticipate ko na hindi sya papayag sa ganung napaka-rush na kasalan. Kaya, nung pinasundo ko sya, pinasabihan ko na lang na may importanteng urgent na nangyari sa baranggay at sa school.

Nasa loob na ang lahat ng kapilya at tinatanong na ng pari kong may hahadlang. Sya namang pagpasok ng mommy, na rugged na rugged ang dating, naka-faded maong, t-shirt at sneakers. At sa kalituhan sa nakitang tagpo, sumigaw “Hintay!” at tumakbo diretso sa harap ng altar at ng pari, hinawakan nya ako sa balikat at tila hindi pansin ang maraming taong nakatingin sa kanya, “Carl, ano ito? Huhuhuhu! Ano ba itong ginawa mo sa buhay mo, Carl! Ano itong ginawa mo sa akin? Huhuhuhu!”

“A... ehem! Mrs. Miller, ituloy pa po ba natin ang kasal?” pag interrupt ng pari.

“HINDI!!” ang mabagsik at umalingawngaw na bulyaw ng mommy, tila hindi pa rin pansin ang mga taong nakatingin.

Nag-react ang mga tao sa pagkabigla. Bulungan, at tila may commotion sa loob ng simbahan.

Nung biglang mapansin na ng mommy ang ingay nga mga tao at ang mga mata nilang lahat na nakatutuk sa kanya, tila bigla ding nahimasmasan at binuhusan ng malaming na tubig.

“HINDI! HINDI po ako hahadlang… Ituloy nyo na po padre! Paki-dalian nyo lang! Huhuhu!” ang sabing tila nahihiya, sabay talikod patungo sa upuang inireserba para sa kanya.

Tawanan ang mga tao. At nung binigkas na namin ni Maritess ang salitang “Oo” sa isa’t-isa, palakpakan ang mga tao. Ngunit lalong lumakas ang tila pagrerebeldeng iyak ng mommy. “CARL! HUHUHUHUHU!!!”

Hanggang sa natapos ang kasal at binati na kaming dalawa ni Maritess ng mga tao. Binati din ako ni Ricky, ang best friend ko sa College na inimbitahan ko. “Bro, bakit ka ba nagbago?” ang pasimple nyang bulong.

“Anong bakit ako nagbago?” Bulong ko rin.

“Kasi... e... wala na akong kakampi ngayon.”

“Anong walang kakampi, di ko maintindihan?”

“Kasi... lalaki na ang hinahanap ko ngayon, tol!”

“Wag kang magbibiro ng ganyan, tado ka!”

“Totoo, tol. Nagkatuluyan kami nung sekyu ng skul. Heto nga o, may kissmark pa syang pabaon sa akin” at pasekretong itinuro nya ang kanyang leeg.

“Gago ka pa rin talaga hanggang ngayon!” sabay batok sa kanya. Tawanan na lang kaming dalawa.

Hindi pa rin kumibo ang mommy. Nung kainan na, bigla na lang syang tumayo at nagsimulang magsalita. “Excuse me everyone! Nandito po ako ngayon sa inaakalang may problema dito sa baranggay at kailangan ang tulong ko. Ngunit ito pala ang nadatnan ko, ang ikasal ang kaisa-isa kong anak, at sigurado ako na pakana na naman nya ito. Simula nung maliit pa yan, palagi na lang akong nauutakan nyan. Palagi akong halos aatakehin sa puso, lalo na kapag ipinatatawag sa school dahil sa pambobugbog nyan ng kaklase, o paglalagay ng thumb tax o pandikit sa upuan ng teacher, o kung anu-ano pang mga kalokohan. Ngayong nagbago na, heto, muntik na naman akong mamatay sa atake. Hindi ako tutol sa kasal. Ang gusto ko lang sana ay... hindi man lang nya ako tenyembrehan para naman makapag-makeover ako! Huhuhu! Ni wala akong dalang extra na damit, amoy pawis ako, ni wala man lang make up o kahit na lipstick. Ni wala akong dalang videocam! Imagine kasal ng kaisa-isa kong anak at... hindi ako maganda! Huhuhu!”

Tawanan ang lahat.

“Nung umuwi yan ng bahay, nagsuggest sa akin yan na mag-tour kami... Tapos, bigla na lang naglaho di man lang nagpaalam? At dito pala napunta at heto kasal na, ni ho, ni ha, wala? Palagi nalang akong naiisahan nyan.” Tiningnan nya ako na may pagbabanta sa kanyang mga mata. “Naka-book na ang tour natin sa Europe at ako ang dapat na masusunod ngayon. Itutuloy natin ang scheduled tour natin...”

Napakamot ako ng ulo. “Mommy naman, kakakasal ko lang... mag-honeymoon pa kami ni Maritess.”

“At bakit? Hindi ba pweding doon na kayo mag-honeymoon sa Europe?”

Tawanan, palakpakan ang lahat.

Pagkatapos ng celebrasyon, nagpunta ulit kaming lahat sa puntod ni Sir James kasama ang mga bisita, at nagbaon ng kaunting pagkain, alay sa kanya. Kung dati nababalot sa sobrang lungkot at pighati ang tagpo sa libingan nya, sa pagkakataong iyon ay tila tanggap na ng lahat ang pangyayari ng maluwag sa dibdib. Ikini-kwento ko rin sa mga tao ang panaginip ko kay Sir James; na nakita kong masaya sya, at na ayaw nyang makitang malungkot ang lahat. Maluha-luha pa rin yung iba, lalo na ang mommy na nanghinayang sa sobrang galing ni Sir James. Inilatag namin ang pagkain sa ibabaw ng puntod, at nag-alay na rin ng dasal. Naki-cooperate din ang panahon. Ang mainit na sinag ng araw ay bahagyang tinatakpan ng ulap, may pabugso-bugsong katamtamang hangin na syang nagbigay ng preskong pakiramdam. Napapansin ko na rin ang awit ng mga ibon, ang mga berdeng dahon ng puno at halaman na nakapaligid, tila nagpapahiwatig ng kasayahan nila sa tagpong iyon, at ang mga ngiti sa mga mukha ng bawat taong dumalo.

“James, salamat sa lahat. Alam kong masaya at mapayapa ka sa kinaroroonan mo ngayon.” ang bulong ko.

Nag honeymoon nga kaming mag-asawa sa Europe; ang pag-alaga ng itinanim ni Sir James na puno ay inihahabilin ko pansamantala kay Anton.

Habang nasa honeymoon kami ni Maritess, hindi naman magkamayaw ang mommy sa pagsa-shopping ng kung anu-ano para sa magiging apo nya, at sa plano nyang pag-iischedule uli ng kasal namin ni Maritess pagbalik ng Pilipinas; isang engrandeng kasal na base sa plano at pangarap ng mommy ko para sa akin. Natuloy din iyon, at sa pagkakataong iyon, natupad din ang gusto nya: na mapaghandaang maigi at makita syang maganda sa kasal ko.

Sampung taon ang nakalipas at marami na ring nagbago. Kung ang baranggay nina Tatay Nando na dati ay napakahirap tahakin, walang koryente at tubig ay may sementadong kalsada na nagdugtung nito sa kabihasnan, at madali na syang puntahan. may koryente na rin, tubig at naabot na ng signal ng mobile phones. Ang dating bahay nina Tatay Nando ay pinagawa ko; konkreto, may second floor, at ginawan ko pa ng extension para sa amin ni Maritess. Doon na rin kami nanirahan.

Sa pamilya nina Tatay Nando, si Anton ay isa nang negosyante, nagkatuluyan din at napangasawa nya si Ester, ang unang naging kaibigan nyang babae at biniyayaan sila ng dalawang anak; si Dodong ay nakapagtrabaho sa abroad bilang isang engineer; si Clara ay nagtuturo na rin sa Baranggay School na dating pinamunuan ni Sir James, samantalang ang bunsong si Letecia ay magtatapos na sa kursong komersyo sa darating na graduation. At dahil sa pagpapakasal namin ni Maritess, masayang-masaya sina Tatay Nando at Nanay Narsing. Nawalan man sila ng isang James sa pamilya, may kapalit naman ito, sa pagkatao ko.

Dahil sa isang guro, si Maritess na ang namumuno sa eskwelahang sinimulan ni Sir James. Kung nuon ay nagsimula lang ito sa non-formal classes, naging isang private non-stock, non-profit elementary/high school na ito na sinusuportahan pa rin ng mga non-government organizations, na syempre kinabibilangan ng mommy ko.

Malaki na rin ang puno ng manggang itinanim ni Sir James. Namumunga na, at napakatamis ng mga bunga nito. At batay sa nais ni Sir James, ito ang nagsilbing pinaghuhugutan ko ng lakas, ang nilalapitan ko sa mga panahon ng kalituhan, kalungkutan at kagipitan. Kadalasan din, sa ilalim ng lilim nito ko dinadala ang pamilya ko at doon nagpi-piknik, nag-iihaw, o nakikipaglaro sa mga bata...

Alam ko na habang may buhay pa ako, hinding-hindi ko na pweding malimutan pa si Sir James. Hindi lang dahil sa puno ng mangga na itinanim nya para sa akin, kungdi dahil na rin sa dalawang supling namin ni Maritess na syang nagbibigay kulay sa aming pagsasama at nagbuo ng buhay at pagkatao ko: ang 10 taong gulang na si James Miller na kahawig na kahawig at manang-mana kay Sir James; at ang 9 na taong bunso naming si Carl Miller, Jr. na syempre, kamukhang-kamukha ko at manang-mana naman sa akin. At itong dalawang supling din ang syang dahilan sa lubos na kaligayahan at pagpapasalamat ng mommy ko dahil sa wakas, nabigyan ko rin sya sa matagal nya nang inaasam-asam at minimithi na hindi lang isa, kundi dalawang malalakas, makukulit, at makikisig na mga apo. Sa dalawang batang iyan imiikot ang buhay naming lahat.

Ngayon ko lang napagtanto ang kahulugan ng ipinahiwatig sa akin ni Sir James sa panaginip kung bakit dapat akong matuwa; dahil sa pamamagitan ng mga anak namin, natupad ang aming pinapangarap na magsama at hinding-hindi maghiwalay, hindi man bilang magkasintahan kungdi bilang magkapatid.

Dahil dito, at kahit ano pa man ang mangyari, mananatiling buhay sa puso’t isip ko ang minamahal at nag-iisang – idol kong si Sir...

(End)

No comments:

Post a Comment

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...