By: Michael Juha
Magsi-second year college ako, 18 years old lang nung inilipat ng mommy sa probinsya upang dun na mag-aral. Sa Maynila kasi, kahit magagaling ang schools ay halos walang nangyayari sa pag-aaral ko, dahil sa bisyo at barkada. Siguro nakita nya na pag sa Maynila ako mag-aaral, walang ring patutunguhan dahil na imbes ang mga subjects ko ang ipasa, kung anu-anong bisyo nalang ang natututunan.
Nag-iisang anak lang ako. Nung puslit pa lamang ay namatay na rin ang daddy kong kano, kaya’t mom ko na lang ang nag-alaga sa akin. Actually, hindi naman mahina ang ulo ko, in fact, nasa gifted level ang IQ. Sadya lang talagang ayokong mag-aral at ewan ko rin ba, parang may kulang. Feeling ko wala akong kakampi sa mundo at dahil sa kahit na anong bagay ay naibibigay ng magulang, hindi ko naranasang maghirap. Sa pakiwari koy napaka boring ng mundo, walang ka-challenge challenge. Yan ang naisiksik sa utak ko simula nung bata pa lang. Kaya enjoy na enjoy ako sa barkada at sa bisyong sugal, droga, at kung anu-ano pa.
Siguro masasabi ko ring ang lahat ng bagay ay nasa akin na – hitsura, tangkad, kaginhawahan. Ngunit ang lahat ng to ay hindi ko iniisip o na-aappreciate man lang. Parang may iba akong hinahanap. Kaya nung mag-decide ang mommy na sa probinsya na ako mag-aral, pumayag na rin ako. “Ok lang... baka dun ko pa matagpuan ang challenge na hinahanap-hanap”, sabi ko sa sarili.
Hindi kalakihan ang school; may mga 400 ka estudyante lang ang population ng buong colllege department. Isa itong sectarian na pag-aari ng mga madre. Kahit na nasa probinsya sya, kumpleto at state-of-the-art ang mga facilities. Mailinis, nasa ayos ang lahat. At ang nagustuhan ko rin ay ang malalaking kahoy sa loob at paligid ng campus na nakapagbibigay ng malamig at preskong hangin.
Dahil sa hindi kalakihang population, halos mgakakakilala ang mga estudyante rito. Alam nila ang mga transferees, ang mga pamatay sa honor’s list, ang pabalik-balik an sa subjects, kung sino ang may ganitong ugali, body odor, habit, etc. Kaya nung pinaka unang araw ng pasukan, sa akin lahat nakatutok ang tingin ng mga kapwa estudyante. Kumbaga center of attraction na kaagad. At marahil ay dahil galing Maynila at mejo naiiba ang dating sa mestiso at tangkad an postura, marami kaagad akong naging kaibigan.
Simple lang ang paniniwala ko sa buhay. Ang lahat ay nakukuha sa pera; kung hindi man sa pera, sa ibang diskarte – pagpapa-cute, pambobola, panliligaw, pagpapa-impress, o simpleng pagparamdam na nanjan lang ako sa tabi, handang magbigay ng kung ano man ang gusto nung tao sa akin kapalit ng gusto ko. At kung ayaw pa ring bumigay at masyado ng nasaktan ang ego ko, pwedi na ang ultimate na sandata – blackmail. Kumbaga, wala sa bokabularyo ko ang santong dasalan; lahat ay nakukuha sa santong paspasan.
Wala akong problema sa mga estudyante at kaibigan. Unang impression pa lang nila sa akin ay “cool” kaagad; friendly daw ako, mabait, palabiro at andaming chicks na kinikilig. Sa dami ngang nakikipagkaibigan sa akin baka kung tumakbo akong presidente sa student council, mananalo ako kaagad ng walang kahirap-hirap. Ang problema ko lang ay ang isang teacher sa Sociology – si Sir James.
Si Sir James ay 23 years old lang, matalino, magaling magturo at mejo non-traditional ang approach sa klase. Kung hindi nga lang sya naka-upo sa teacher’s desk sa harap ng classroom ay sasabihin mo talagang isa sya sa mga estudyante sa klase namin. Matangkad, moreno, guwapo at estudyanteng-estudyante ang porma sa pananamit at pagdadala. Nakikipag-bonding sa mga estudyante, nakikipagbiruan, nakikipaglaro ng basketball, at malapit ang loob sa kanila.
Ngunit kung gaano sya kalapit sa mga estudyante sa labas ng klase, kabaligtaran naman pag nasa loob. Mahigpit sa mga rules at disiplina. Pero, patas naman. “Kapag nasa labas, barkada tayo, kahit ano pweding sabihin, pweding gawin; pero kapag nasa loob ng klase, ibang usapan na. Ako pa rin ang teacher nyo” Yan ang linya nya sa mga estudyanteng nakikipagbarkada sa kanya. Kaya gustong-gusto sya ng mga estudyante. Kumbaga, klaro ang rules, patas sa lahat, at alam nila kung saan sila lulugar, di kagaya ng ibang teachers na masungit, tyrant, o kaya’y parang wala lang...
Isang taon pa lang na nagtuturo si Sir James ngunit kilala na sya bilang isang magaling na guro at maraming nalolokong estudyante. Ngunit, siguro sadyang hindi pweding magkalapit ang loob namin. Sa unang meeting pa lang ng klase, na-experience ko na kaagad ang bagsik nya.
“Class, I’d like you to introduce yourselves, let’s start with the newcomer here from the big city, Mr. Miller...” yun ang hindi ko malimutang pambungad na salita nya kung san nagsimula ang pagka-badtrip ko.
Tumayo nga ako at nagself-introduce. Kaso, mejo nasobrahan yata ang pagka-presko ko. “My name is Carl Miller and, as Sir James said, I’m a transferee, 18 years old, single without experience, never been touched, never been kissed. In short, I’m a stupid, horny virgin, very much available and am planning to offer myself for auction” sabay hiyawan at palakpakan ng buong klase.
“Silence!!!” sigaw ni Sir James sabay lingon sa akin na namumula ang mukha, “Mr. Miller, this is a civil class for people who desire to be civil. And I have no intention of turning this into a brothel or a sex shop! We don’t care if you are a virgin, a stupid, or a maniac. We just want to know something civil about you, you understand?”
Biglang natahimik ang lahat, at syempre, hiyang-hiya ako sa sarili.
Simula nun, feeling ko pinag-iinitan na ako ni Sir James. Parang ang lahat na mabibigat na assignments ay sa akin napupunta. Pag sa klase nya hindi ako tumataas ng kamay o kaya’y sadyang walang maisasagot, pinapatayo ako nyan, at kapag may naisasagot naman, sinusupalpal. At hindi lang yan, ang tawag nya na sa akin ay ‘Blessed Virgin Carl’. “And... does Blessed Virgin Carl have something intelligent to add here...?” tanong nya sa akin isang beses nung mapansing ang isip koy lumilipad.
“A, er... I beg your pardon, Sir?”
“As I was saying, tell me what will an idiot say if he doesn’t understand the question because his mind is somewhere else?” paglilihis nya sa tanong pagpapatama sa akin at pagpaparamdam sa klase.
“Excuse me sir?” tanong kong mejo naguguluhan.
“Exactly! See...? That’s what an idiot would say!” ang sarcastic na sagot nya habang naka-gesticulate ang kamay turo sa akin pagpapatunay na ang sinabi ko ay tugma sa sasabihin ng isang idiot.
Nakakabingi ang tawanan ang buong klase.
Hindi ko maintindihan kung bakit ganun ang turing ni Sir James sa akin. Parang sa lahat ng mga estudyante sa campus, ako ang sini-single out nya at tinitira samantalang napaka-palakaibigan naman nya sa mga estudyante. Pero kahit na masama ang loob ko sa kanya, yun ang naging dahilan para pagbutihan kong maigi ang pag-aaral sa subject nya, para wag lang mapahiya, to the point na kahit saan-saan nalang ako naghahagilap ng research materials. Wala na akong ginawa kungdi ang magbasa ng magbasa tungkol sa sociology nya. Hanggang sa lahat ng aspeto ng subject ay naging kabisadong-kabisado ko at lahat ng tanong nya sa akin ay nasasagot.
Ngunit sadyang pinipiga pa rin ni Sir ang utak ko at hindi sya nawawalan ng mga tanong at argumento. Kaya’t kapag ako naman ang naka-porma, ginigisa ko rin sya sa katatanong ng mga bagay na nakukuha ko rin sa ibang sources. At naging maaksyon ang klase namin; punong-puno ng participasyon. Dahil sa katatanong ko, na-eencourage na rin ang ibang kaklase na mag-follow up at nabubuksan ang iba pang grey areas at related issues sa subject. “Gusto mo ng tagisan ng talino, sige, magtutuos tayo” sabi ko sa sarili.
Dahil doon, humanga na rin sa akin ang mga kaklase ko.
“Alam mo Carl, ang galing-galing mo. Dahil sa mga explanations mo sa tanong ni Sir at sa mga tanong mo na rin sa kanya, nagiging interesting ang klase. Iba ka talaga, tol!” sabi ng kaklase at kadikit kong si Ricky. “Pero napansin ko lang pare, ha, bakit parang mainit ang ulo ni Sir James sa iyo? At, sorry din sa tanong na to, bakit sa ibang klase ay parang dini-deadma mo na lang? Di ka ba natatakot na bumagsak sa ibang subjects?”
“Sa una mong tanong, heto ang sagot ko: malay ko sa kanya! Siguro insecure yan sa ka-pogihan ko, hehehe. Sa pangalawa mong tanong, di mo ba napansin sina ma’am pag nagkakalase? Natuturete pag tinitigan ko, nalulusaw, dre – hehehe” pagmamalaki ko sa sarili.
“So...?” tanong ulit ni Ricky na naguluhan sa sagot ko.
“So...? You don’t get it, tol? It’s obvious na type ako ng mga yun!” pag-emphasize ko. “E, kikindatan ko lang ang mga yan, ipapasa na ako e”
“Matindi ka, dre! E, panu kung di oobra ang plano mo at ibagsak ka pa rin?”
“Malabo yan, dre, dahil proven na sa Maynila ang style ko na yan. At pag ibinagsak talaga nila ako, baka gusto nila ng pera, o di kaya, ako... hehehe” Sabi kong naka-ngiting-aso. “Ngunit kung ayaw pa rin nilang bumigay, isa lang ang dahilan nyan, dre, love nila talaga ako at hindi nila kayang mawalay ako sa mga paningin nila – hahahaha! Atsaka, problema ba yun pag bumagsak, di balik ulit next sem, chicken feed lang yan.”
“Iba ka talaga, pareng Carl... Ok, balik tayo dun kay Sir James. Di kaya may iba syang motibo kung bakit pinag-iinitan ka nya palagi? U-owwww! I smell something...” sabay bitiw ng nakakalokong ngiti at makahulugang tingin.
Hindi ko na inintindi ang ipinahiwatig na yun ni Ricky. Pero sa loob-loob ko, talagang naghanap ako ng paraan para makaganti. Di ko lang alam kung paano.
Sa mga nagdaang araw, hindi pa rin nagbago ang pag-trato sa akin ni Sir James sa klase. Bagkus, feeling ko lalo pang lumala. Kaya dahil sa inis at sama ng loob na parang hindi man lang na-appreciate ang ginawa kong effort sa klase nya, naisipan kong hindi na sisipot at hayaan na lang na i-drop niya ako.
May mga anim na sunod-sunod na sessions na hindi na ako nagpakita pa sa klase nung may natanggap akong note, “Carl, I would like to talk to you today at 4:30 pm; conference room – Sir James”
Expected ko na ang sulat na yun. So sinagot ko, “Sir, I will talk to you only in a private venue, not in school. Ayokong teacher-student ang turing ng usapan coz I’m dropping my subject. I suggest na lalaki-sa-lalaki ang usapan, at hindi guro-estudyante. Kahit saang venue, wag lang sa school” sagot ko sa note nya.
Kinabukasan, may note ulit ako, “Sa apartment ko nalang bukas; 8 pm.”
“Good!” sabi ko sa sarili. “Magtutuos tayo, Mr. James Cruz. Tingnan natin kung hanggang saan ang galing mo...”
Syempre, ni-ready ko ang sarili at naisipan kong mag-research tungkol sa buhay-buhay nya. Kinausap ko si Ricky at tinanong ang mga nalalaman nya tungkol kay Sir James.
“Alam mo, dre, kung personal na aspeto tungkol kay Sir, meron akong nalalamang konti. Aside sa pagiging malapit nya sa mga estudyante, inteligente, at guwapo, meron syang isang bagay na hindi naman confirmed ngunit sikreto – sikretong alam ng buong campus, hehehe” sabi nyang pabiro.
“Anong ibig mong sabihin?”
“Si Sir James ay... silahis – daw ha, dahil hindi naman na-prove talaga yan e. Pero syempre, nagtataka din ang marami dahil kahit sa hitsura nyang yan at tindi ng appeal at maraming chick ang naloloko ay wala namang girlfriend o nililigawan, di ba? At ang na-involved sa kanya ay isang nagngangalang Henry, mestiso Chinese na nagtuturo din sa school natin last year pero nasa US na ngayon. Magkasama sila sa apartment kasi e. Kaya nga, yang ibang pagtrato nya sa iyo ngayon, naisip ko lang ha... U-uhhh!” Hindi na ni Ricky itinuloy ang sasabihin sabay bitiw ng isang napakapilyong ngiti. “Iba talaga ang level ng ka-gwapuhan mo, tol - hahaha!”
“Ganun ka pala ha...” sabi ng utak kong nanggagalaiti at may sumiksik na maitim na balak.
(Itutuloy)
No comments:
Post a Comment