By: Michael Juha
Pinuntahan ko si Prof Fuentes sa mismo ding araw na galing akong mag-send-off kay Sir James. Dun ko nalaman ang dahilan ng pag-alis nya. Ipinadala pala sya sa isang National Convention sa Maynila at pagkatapos, dideretso na sa isang special training. Mga dalawang buwan din sya dun. Imbis daw kasi na tanggapin ng school president ang resignation nya, binigyan pa sya ng promotion bilang Dean ng Student Affairs ng College.
“Ang tindi talaga ni Sir James! Ambagsik!” sabi ko sa sarili. Dun ko na rin napag-alaman ang assignment ko, “Immersion”.
“What is that, professor?” ang tanong kong parang biglang kumati ang anit ng ulo.
“Mr. James Cruz had contacted a family in the rural area to be your adoptive family. You will stay with them for two months, share family works and routine, eat what they eat, and live like you were a true member of the family. You will be required to make anecdotals or daily journals of your experiences and at the end of your immersion, you need to submit a detailed report, stating the lessons and values learned if any, and an analysis of societal and/or political impact of the lives of the people with whom you were ‘immersed’ with.”
Parang gusto kong matulala sa narining. “Medjo malalim at mahirap. Pero… kayang-kaya ko yan.” ang bulong ko sa sarili.
“And, you are not allowed to bring with you any electronic gadgets, not even your cp which will be of no use anyway because there is no signal in the area. You need only to bring a handful of shirts, jeans, shorts and underwear. You can bring cash but you are not required to use it unless in an emergency situation. The family will take care of your needs. Take note that Mr. James Cruz will be checking with the family whether you have fully complied with the rules. And one thing more, I need you to fill this up, to be signed by your parent or guardian.” Iniabot nya ang isang papel na parang waiver. “Is there any question?”
Magreklamo sana ako ngunit naalala ko ang promise sa sarili. “Ganun ba ka-delikado yang immersion na yan na kailangan pa ng... Ahhhh! Hanggang dito ba naman, pinapahirapan pa rin ako ni Sir? Pero, Kakayanin ko to para sa iyo Sir James, at para na rin sa sarili ko at sa Mom ko” pang-aamo ko sa sarili. “I have no questions, professor.” ang sagot ko nalang.
“Ok, then, good luck, Mr. Miller and tomorrow, you should be here at 7am with the signed waiver; someone will pick you up to drop you to your assignment.”
Kinabukasan, wala pang alas syete nandun na ako sa school, dala-dala ang waiver at ang kakaunting personal na gamit sa isang knapsack base sa instruction sa akin ni Prof Fuentes.
Sinundo nga ako at inihatid sa lugar. May mahigit apat na oras din ang biyahe at dahil sa dumating na kami sa kung saan makitid at mahirap ang daan papasok, naglakad pa kami ng halos dalawang oras. Puro malalaking kahoy, mahahabang damo, kawayan at pataniman ng nyog ang nadadaanan namin. Tumawid din kami ng dalawang maliliit na ilog, at umakyat sa isang matarik na burol. Halos mawalan na ako ng ulirat sa hirap ng paglalakad at dinaanan namin. Hingal-aso ako nung makarating. “Sa wakas...!” sigaw ko sa sarili.
Maaliwalas ang bahay ng adoptive family ko, yari sa kawayan, at ang atip ay nipa. Dahil nasa bukid, halaman at kahoy ang mga nakapaligid, at sa buong lawak na saklaw pa ng paningin ay makikita ang mga puno ng niyog. Napakapresko ng hangin at pakiwari koy napaka-simple ng pamumuhay ng mga tao.
Sinalubong kami ng mag-asawang nasa edad mahigit kwarenta at mga anak nila, “Kumusta, Carl, welcome. Wag kang mahiya sa amin at isipin mong tunay kang bahagi ng pamilya. Tawagin mo akong Tatay Nando, at heto naman si Nanay Narsing mo” ang sabi ni Tatay Nando habang nag-handshake kami at pagkatapos ay si Nanay Narsing naman. “Heto ang mga anak namin – si Anton, 16 ang edad, si Dodong, 14, si Clara, 11, at ang bunso, si Letecia, 9. Yung panaganay namin, si Maritess ay nasa syudad pa, nag-aaral kasi ng kursong Education, at nagsa-summer class para hindi masyadong mabigat ang subjects nya sa darating na semester” pagpapaliwanag ni Tatay Nando habang isa-isa kong kinamayan ang mga adoptive brothers and sisters ko.
Sa nakikita kong anyo nila, naiisip ko kaagad na sanay sila sa mabibigat na trabaho. Madungis at gusgusin ang mga suot, at sunog ang mga balat, naka-paa lang sina Anton at Dodong at mapapansin ang makakapal na kalyo sa kanilang mga paa. Kitang-kita sa mga mukha nila ang galak at paghanga sa postura ko. Siguro dahil sa pananamit, kinis at mestisong balat at tangkad. Kaya pati na rin mga kapitbahay, lalo na mga bata ay naki-usyoso. Akala nila siguro artista ang nakita nila.
“Ah, mga kapitbahay, eto pala si Carl Miller, estudyante ni James. Dito sya titira sa bahay ng mga dalawang buwan at tutulong sa mga gawain” ang pagpapakilala sa akin ni Tatay Nando sa mga kapitbahay.
“Magandang araw po sa inyong lahat” Pag-greet ko sa mga nakapaligid at nag-uusyosong mga kapitbahay.
Sumiksik sa isip ko na itanong kung bakit nila kilala si Sir James. Ngunit di ko nalang itinuloy. “Siguro may contact lang sila dahil sa assignment ko na to” sabi ko an lang sa sarili.
Nung magpaalam na ang guide ko pabalik sa school, pumasok kami ng bahay kung saan naka-hain na ang pananghalian. Pagpasok pa lang ay sala na kaagad kung nasaan nandun na rin ang kusina sa may dulo. Walang mga upuan at lamesa.
Bago kumain, napansin ko ang kakaiba nilang nakasanayan. Sa isang maliit na planggana may tubig at dun sila naghuhgas ng kamay, halos sabay-sabay hanggang sa ang tubig ay magkulay brown na. Para akong nandiri at nagdadalawang-isip kung maghugas din ng kamay dun. Ngunit naalala ko ang instruction ni Prof Fuentes na dapat akong mag-adapt sa kanila. Naisip ko rin na baka ma-offend sila kung di ako maki-sali. Kayat kahit alam kong madumi na ang tubig na hinuhugasan ng kamay ko, pilit kong iwinaksi iyon sa isipan.
Kamayan habang kumakain sa ulam na inihanda – tinolang native na manok, inihaw na isdang matabang, at ginataang gabi. At dahil sa walang lamesa, sa papag kami kumain. Ibang-iba ang lasa ng kanilang luto kesa sa mga pagkaing na-oorder sa restaurant o nakasanayan ko na. Medyo matabang at walang betsin. Dun ko natikman ang talagang tunay at sariwang lasa ng niluluto; walang preservatives, walang artificial flavors, o additives.
“Ansarap pala dito!” sabi ko sa kanila habang kitang kita ko ang sarap na sarap nilang pagsubo.
Nangiti na lang si Tatay Nando.
“Bukas, tayong mga lalaki, alas-kwatro palang, gising na dahil marami pa tayong gagawin” sabi ni Tatay Nando habang kumakain pa kami.
Sa unang gabi ko ay ramdam ko na ang hirap ng pagsubok. Feeling ko nasa ibang mundo ako. Walang koryente, walang TV, walang radyo, walang internet o texts messages man lang, at higit sa lahat, walang sigarilyo. Para akong mababaliw. Naninibago din ang katawan ko sa higaang kawayang sahig na nilalatagan lang ng banig. Mangiyak-ngiyak ako sa hirap.
Naka-idlip lang ako ng bahagya at namalayan ko na lang na gising na ang lahat. Kahit mabigat ang katawan, pinilit kong bumangon at sumama kina tatay Nando sa gawain sa nyogan na pinagkakatiwala sa kanila – sa paghahakot ng nyog, pagbabalat, pagbibiyak, hanggang sa pagpatuyo nito gamit ang pugon. At dahil hindi sanay ang katawan sa ganung klaseng bigat na gawain, sa pakiwari koy hindi matapos-tapos ang trabaho, napakabagal ng oras at napakainit. Nanginig at sumakit ang buo kong katawan, naligo sa pawis, kumirot ang sikmura, at humapdi ang balat. Kinabukasan at sa sunod pang mga araw, ganun pa rin ang routine. Gusto ng bumigay ng katawan ko. Ngunit pinilit ko ang sariling labanan ang mental at physical na epekto nun sa akin. Ginawa ko ang lahat para matuto at maka-adapt sa ganung klaseng pressure.
Sa ilang araw lang, nakabisado ko rin ang routine at takbo ng trabaho. Kahit ang nakakatakot na pag-akyat ng puno ng nyog ay nagawa ko na rin. At hindi naman ako nabigo sa ipinamalas na sipag at determinasyon dahil natuwa sa akin sina Tatay Nando at mga foster brothers ko. Nasaksihan nila kung paano ko sila sinabayan sa trabaho kahit hirap na hirap ako; kung paano ako nag-adapt sa pamumuhay nila. Halos araw-araw, yun ang routine namin. Kung hindi naman, nagbubungkal ng lupang taniman, o nag-aararo, o kaya’y nag-iigib ng tubig-inumin isang kilometro ang layo.
Napag-alaman ko na kung bakit nila pinag-igihang doblehin ang volume ng pagko-copra nung season na iyon. Ito ay dahil kailangan nila ng pantustos ng tuition fee ng panganay nilang anak na si Maritess na nasa college na at ang iba ay pambayad sa utang. Dahil pa nga dito, sinakripisyo na rin nila pansamantala ang pag-aaral nina Anton at Dodong. Kapag nakatapos na si Maritess saka na ulit sila mag-aaral, at susuporta na rin si Maritess sa pag aaral nila kapag siya naman itong makapagtrabaho.
Ngunit dun lubusang naantig ang puso ko nung magkasakit ang bunsong si Letecia at kailangang dalhin sa ospital. Wala silang pambayad at kahit nandun na sa mismong ospital ang bata ay di pa rin maasikaso ng duktor dahil sa walang maipakitang pambayad ang mga magulang. Iyak ng iyak si Nanay Narsing at Tatay Nando at nagmamakaawa sa mga duktor ng hospital. Parang dinurog ang puso ko sa tagpong iyon. Buti nalang nandun ako at may dalang pera at inako ko ang pagbayad. Ayaw sanang tanggapin nina Tatay Nando ang offer ko dahil mahigpit daw ang bilin ni Sir James na wag tatanggap ng pera galing sa akin. Subalit, inisist ko na ako ang bahalang mag explain dahil sa emergency naman ang sitwasyon na iyon.
Abot-langit ang pasasalamat ni Tatay Nando sa akin nung gumaling na si Letecia. “Alam mo, Carl, kalusugan ang puhunan namin sa buhay. Kahit ganito lang kami, masaya na kami wag lang magkasakit ang isa sa amin. At napaka-swerte pa rin namin dahil sa hindi sakitin ang pamilya ko, ngayon lang ito nangyari. Sa hanapbuhay naman, kahit papanu, may lupain kaming tina-trabaho, tinataguyod, at nakakain ng tama. Basta wag lang talagang magkasakit, yun lang ang hiling ko. At malaki rin ang pasasalamat ko dahil biniyayaan kaming mag-asawa ng mga masisipag, mababait, at masunuring mga anak. Sila lang ang maipagmamalaki ko.”
Tumayo ang balahibo ko sa narinig. Hindi ko akalaing sa kabila ng tindi ng kahirapan nila, magawa pa ring magsabi ni Tatay Nandong maswerte sila. Ang nasabi ko nalang sa sarili, “Napaka selfish ko... heto ang isang taong halos magpakamatay na sa hirap at tindi ng trabaho makamit lang ang kapiranggot na pera, anlaki na ng pasasalamat sa klase ng buhay nilang natamo. Ngunit ako, heto, kabaligtaran. Nasa akin na sana ang lahat ngunit hindi ko man lang nakita ang kahalagahan ng mga ito.” At ang isa ring binitiwan nyang salitang tumama sa puso ko ay ang pagka-proud nya sa mga mga anak nya. “Ako kaya? Naging proud din kaya ang Mom ko sa akin sa kabila ng pagiging pasaway ko...?” Hindi ko na napigilang tumulo ang luha.
Sa dalawang buwang pagtira kina Tatay Nando ko na-experience ang masasabing tunay na kahulugan ng buhay, ang pagsisikap, ang magbanat ng buto, ang danasin ang gutom at suungin ang anu mang pisikal na hadlang para lang makakain ng tatlong beses sa isang araw at maitaguyod ang ang mga pangangailangan ng walang ni konting pag-aatubili o hinanaing sa kabila ng lahat ng hirap. Inaamin ko na sa experience na yun, nagbago ang paningin ko sa buhay at sa mga bagay-bagay. Naintindihan ko na ng lubusan ang kahalagahan ng pagsisikap, ang pagsasakripisyo, at ang sarap ng pakiramdam sa kahit maliliit na tagumpay kapag itoy nakamit sa malinis at pinaghirapang paraan, o sa pagharap ng mga pagsubok, at malampasan ang lahat. At naintindihan ko na rin kung bakit sa kabila ng paghihirap ng isang tao ay kaya pa rin nyang humarap sa mundo na puno ng pag-asa at magsabing “napaka-swerte ko pa rin sa buhay...”
Higit sa lahat, naintindihan ko na rin na hindi sa dami ng pera o karangyaan, o bisyo at droga mahahanap ang tunay na kaligayahan.
Tumulo ang luha ko nung araw na makumpleto ko ang task na ibinigay sa akin ni Sir James at kailangan ko nang magpaalam Kina Tatay Nando, Nanay Narsing, Maritess, Anton, Dodong, Clara, at Letecia. Hindi ko lubos maipaliwanag ang nararamdaman. Masakit dahil kahit sa napakaiksing panahon ay naging parte na rin sila ng buhay ko, naging close kami sa isa’t isa, nagsama sa hirap at mga pagsubok at sumuporta sa bawa’t hirap an sinuung. At marami akong natutunan sa kanila na hindi ko natutunan sa loob ng eskwelahan.
Ngunit sa kabilang daku, may saya din sa puso dahil babalikan na ulit ang mundo ko na may malaking pagbabago sa paniniwala at pananaw sa buhay, baon-baon ang mga natutunang magagandang aral.
“Tay, wag po kayong mag-alala, bibisitahin ko po kayo dito. Hindi maaaring hindi ko babalik-balikan ang lugar na to kung saan ko natutunan ang tunay na kahulugan ng buhay” ang paniguro ko kay Tatay Nando bago ko sila inisa-isang akapin.
Tinahak ko muli ang makikitid at matarik na daan pabalik. At sa pagkakataong iyon, hindi ko na nararamdaman pa ang hirap at pagod na naranasan sa unang pagtahak ko doon. Kung tumibay man ang loob at pananalig ko sa buhay, tila ganun din ang katawan ko. Ang paulit-ulit na naglaro sa isipan ay ang mga katagang binitawan ni Sir James sa akin. “Napaka-swerte mo sa buhay, Carl... Count your blessings, be happy, and be a positive contribution to the humankind...”
Sa unang pagkakataon naramdaman ko sa puso ang peace of mind at inner satisfaction. Napakagaan ng pakiramdam. At lalo akong humaga sa kanya. “Tama ka, Sir James, napaka-swerte ko sa buhay... At napaka swerte ko rin na nagkaroon ng isang guro na katulad mo. Promise ko sa iyo na sa paghaharap nating muli, bagong Carl Miller na ang makikita mo; puno ng determinasyon at pagsisikap, puno ng kabuluhan, puno ng pagpapahalaga at pagpursige sa buhay…”
(Itutuloy)
No comments:
Post a Comment