Tuesday, June 19, 2012

MATT AND DAN 7


Nagkatitigan lang kami ni Matteo dahil sa nasabi ko.

 Parang namanhid yung buo kong katawan. Putcha talaga!

 Yung sikretong pinakatago-tago ko nabunyag na. Bakit ba naman kasi!
  
Walang sabi-sabi, tumayo ako at lumabas ng unit ni Matteo. Tumayo din siya at sinundan ako.

 “Dan! Hey bro, wait up!” sigaw niya.
  
Pero mabilis pa sa alas-kwatro nasa elevator na ko. Pababa. Paalis. Papunta sa kung saan. Hindi ko alam. Wala akong pakialam. Basta makalayo ako dito. Kay Matteo.
  
Di ko na alam kung sinundan ako ni Matteo pababa. Pero nararamdaman ko ang cellphone ko na nagva-vibrate. Alam kong siya yung tumatawag.
  
Para akong baliw nung mga oras na yun. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Hindi ko sinasadyang masabi yung lihim na yun. Wala nang ibang nakakaalam nun. Kahit si Sharlene wala siyang kaalam-alam dun. Yun ang pinakatago-tago ko. Pero dahil sa katangahan ko, may naka-alam.
  
Shit ka, Dan! Minura ko talaga ang sarili ko dahil sa nangyari.

 Naglakad ako ng naglakad. Kung pwede ko lang ibalik yung oras para baguhin yung nangyari, ginawa ko na. Pero wala na eh. Nandun na. Tapos na.
  
Dun ko na naramdaman ang matinding emosyon. Hindi ako emosyonal na tao. Pero sa pagkakataong ito, naghalo na ang lahat. Galit, pagkabigo, lungkot, takot. Di ko na napigilan. Bumagsak nalang ang luha ko. Ito na marahil ang resulta ng matagal ko nang pagpipigil. Matagal na kong hindi umiiyak. Pero ngayon, wala na kong ibang nagawa.
  
Napaupo nalang ako sa tabi ng kalsada. Wala akong pakialam sa mga taong nagdaraan. Kahit pinagtitinginan na ako di ko sila inintindi. Umiyak lang ako ng umiyak. Nilabas ko na lahat ng nasa loob ko. Nilabas ko yung ilang taon ko rin kinimkim sa loob.

Pano na ngayon? Pano kung malaman na ng lahat yun? Pano kung ipagkalat ni Matteo? Sabihin kay Sharlene at sa pamilya niya? Pano kung malaman ng Nanay at mga kapatid ko? Pano na ko?

Maraming masisira. Maraming masasaktan. Hindi ko kaya yun.

Di ko alam kung gano katagal na ko nakaupo dun. Wala na ko kaalam-alam sa nangyayari sa paligid ko.

Hanggang may nakita nalang akong may nag-abot ng kamay sakin. Tinignan ko kung sino yung nakatayo sa harap ko.

Si Matteo. Hinihintay niyang kunin ko ang kamay niya.

“Come on. I’ll take you home,” sabi niya. Hinanap niya pala ako. Dala niya yung kotse niya.

I felt exhausted. Parang wala na kong lakas na natitira. Naubos na rin ang luha ko.

Kinuha ko yung kamay ni Matteo. Dinala niya ako sa kotse.

“Matt,” sabi ko.

“Shhh. Don’t talk anymore,” sabi niya sakin.

Pinapasok niya ako sa unahan. Sinuot sakin ang seatbelt saka sinara ang pinto.

Pagkapasok niya sa driver side, he started the engine and drove.

Tahimik kami sa loob ng kotse. Di ko makuhang tumingin sa kanya.

Di ko namalayan na nasa bahay na pala kami.

“Get some rest,” sabi niya sakin.

“Matt,” sabi ko nang hindi natingin sa kanya. “Sorry.”

Hinawakan niya ako sa baba at hinarap ang mukha ko para tumingin sa kanya. “Its ok. Just get some rest. We’ll talk in the morning.”

Tumango nalang ako. Pinunasan niya yung luha ko sa pisngi.

“Sige na,” sabi niya.

Bumaba na ako ng kotse niya.

——————————————————————

Hindi ako nakatulog ng maayos nung gabing yun. Kahit na pagod na pagod na ko, ang daming tumatakbo sa aking isipan. Parang humiga lang ako sa kama hanggang magumaga.

Hanggang ngayon hindi parin ako makapaniwala sa nangyari kagabi. Nagsisisi ako kung bakit sumama pa ako kagabi kay Matteo. Sana hindi nalang, para hindi nabunyag ang lihim ko.

Habang nakahiga ako, tumunog ang cellphone ko. Nagtext si Matteo.

I’ll pick you up. Get dressed.

Ayoko. Ayoko munang makita ka. Ayokong lumabas. Dito lang ako. Magkukulong lang ako dito.

Hindi ako sumagot. Maya-maya, nagtext siya ulit.

I’m on my way.

Tumayo na ko at pumunta ng C.R. Naligo ako. Pagbalik ko sa kwarto, may tatlong messages na nagiintay sakin.

Are you done?

Hey, I’m nearly there. Text back ASAP.

I’m here outside. Waiting.

Ten minutes na ang nakalipas mula nung ipadala niya yung huling text. Minabuti ko nang magreply.

Kakaligo ko lang. Give me ten minutes.

Nagbihis na ko. Wala talaga akong gana lumabas at makipagusap. Wala na rin naman akong mukhang ihaharap kay Matteo. Pero nakaramdam parin ako ng konting hiya dahil iniintay niya ako sa labas.

Pagkalabas ko, nakita ko ang kotse niyang nakaparada sa tapat. Naglakad ako papunta dun. Binuksan ko ang pinto at sumakay.

Hindi nagsalita si Matteo. Hinawakan niya lang yung batok ko at pinisil.

Umalis na kami. Di ko alam kung san niya ako dadalin. Hindi niya naman sinabi. Yun pala, sa pad niya ang punta namin.

Naupo ako sa sofa.

“You want anything?” offer niya. “Breakfast?”

Umiling lang ako habang nakayuko. Wala akong gana kumain.

Umupo siya sa harap ko. “Hey, don’t be too harsh on yourself,” sabi niya.

“How can I not be?” sabi ko. “I’m stupid.”

“Hey!” sabi niya. “You are not, ok?”

“Anong hindi? Katapusan ko na, Matt,” sabi ko.

Hinawakan niya yung ulo ko ng dalawa niyang kamay. Tapos tinaas niya para tumingin ako sa kanya. “What are you saying? Everyone makes mistakes. Its bound to happen.”

“You don’t understand.”

“Tell me. What is it that I don’t understand?”

“What if, malaman ng lahat yun? What if my family discovers my past? What if Sharlene’s family gets to know about what I did? Maraming masasaktan, Matt. Maraming masisira. Hindi ko kakayanin na mangyari yun. Matagal kong pinangalagaan ang pangalan ko, ng pamilya ko. Ayoko ng dahil lang dito masira ang lahat. Mali yun eh, pero ginawa ko parin. Ang tanga ko, Matt,” sabi ko.

Nakatingin lang siya sakin. Di ko alam kung naintindihan niya kung ano ang ibig kong sabihin.

“Now I’m offended,” sabi niya.

“Huh?” Bakit naman? What’s so offensive about what I said?

“You think I’m that kind of person? That I would tell everyone about what you said?” sabi niya.

Bigla kong narealize, offensive nga yung sinabi ko. “Di naman sa ganun. Kaya lang…”

“You don’t trust me enough. Is that it?” sabi niya.

“Matt…” Nawalan na ko ng sasabihin.

Tumahimik siya sandali. “You know what, Dan? I don’t care about what you did in the past. Its your life. But please don’t think of me that way. I’m not like that. I care for you. You’re my friend. And friends don’t harm each other.”

Aaminin ko, nakahinga ako ng maluwag nung sinabi niya yun.

“Don’t worry about it. Its gonna be our little secret,” nakangiti niyang sabi. And for the first time since last night, I smiled.

“Thanks, Matt,” sabi ko.

Natawa siya sakin. Kinurot niya yung ilong ko. Aray! Masakit yun ah!

“Now I can say I know you better than Sharlene does!” natatawa niya paring sabi.

Di ko alam kung pano ipaliwanag, pero magmula nung mangyari yun, parang lumuwag yung kalooban ko. Parang nabunutan ako ng tinik sa lalamunan. I was happy.

Mas lalo kaming naging malapit ni Matteo. Kung dati naisip ko na iwasan siya, ngayon hindi na. Malimit kaming magkausap, magkasama. Nawala na rin yung pagiging awkward namin sa isa’t isa. Nakatulong ba yung aksidenteng pagdiskubre niya ng sikreto ko? Marahil nga.
  
Napaka-gentleman niya. Hindi niya ako kinulit na magkwento tungkol sa naging relasyon ko. “Respeto sakin?” tanong ko.
  
“Yup. And besides, I don’t wanna be a noodge,” sagot niya.
  
Natawa ako.

 “Tell me when you’re ready. If not, it doesn’t matter,” sabi niya.

 Habang tumatagal, lalo akong nahuhulog sa kanya. Understatement siguro kung sabihin kong may nararamdaman lang ako sa kanya. I think I’m falling for him. Pero sinarili ko nalang yun. Ayoko kasing masira kung ano meron kami ngayon. At alam kong mali yun. Dahil pareho kaming lalaki. Masaya naman ako eh. Masaya kami.
  
Kahit na may mga kaibigan siyang modelo ng agency niya, hindi sila ang madalas niyang kasama. Ako ang gusto niyang kasama. Inimbitahan niya kami ni Sharlene sa unang fashion show niya bilang isang model. Nandun kami sa unahan kasama ni Tito Jonas. Wow! Pakiramdam ko VIP ako nung gabing yun. Sa lahat ng naglakad sa runway, si Matteo ang nakatanggap ng pinakamalakas na palakpak.

 Tuwing kasama ko si Matteo, pakiramdam ko napaka-importante ko. Para bang ako ang pinakamahalagang tao sa buong mundo. Magkaibigan lang naman kami, pero iba talaga eh.

 Si Matteo na yata ang pinakamalapit sakin ngayon bukod kay Sharlene.

 Isang araw, tumawag siya sakin. Nasa opisina ako nun, month end na kasi ulit.

 “Dan, guess what?” sabi niya sa cellphone.
  
“Ano?” tanong ko.
  
“Guess nga eh!” sabi niya.
  
“Ano nga yun?”

 “Come on, hulaan mo,” sabi niya.

 “Clue,” hingi ko.

 “No clues! Sige na, guess it na,” excited niyang sabi.

 “Ano ba, bro. Sabihin mo na. Nasa office ako ngayon,” sagot ko.
  
“Ah. Ok, sige wag nalang. Sorry if I disturbed you,” sabi niya. Hala! Nagtampo?

 “Woah, ang arte! Sige na, dali sabihin mo na yan.”
  
“Wala. I was just gonna say my commercial’s coming out tonight,” balita niya.

 “Wow! Di nga? Anong oras?” na-excite ako para sa kanya.
  
“Primetime. After the early evening news,” mahinang sabi niya. Hala, nagtampo nga yata. Na-guilty naman ako.

 “Ah I see. Hmmm… You doing anything tonight?” tanong ko.
  
“Nah. Just staying home. Why?” tuloy-tuloy niyang sabi.
  
“Wala lang. I figured, maybe we can wait for it together,” sabi ko.

 “What?” sagot niya.
  
“Wala!” sabi ko.
  
“No, you said something,” kulit niya.
  
“Wala kaya. Wala akong sinabi,” natatawa kong sagot.

 “No! You said we’ll watch it together!” parang sumaya ulit ang loko.

 “Ah wala akong sinabing ganyan,” biro ko.
  
“You said it kaya! Hay nako,” sabi niya.
  
“I said, we’ll wait for it,” sagot ko.
  
“That’s the same thing!” protesta niya.
  
Tumawa ako ng malakas. Tinignan ako ng mga kasamahan ko sa opisina. Medyo napahiya ako ng konti.
  
“What? You’re toying with me, aren’t you?” sabi niya.

 “Sige na, sige na,” natatawa kong sabi. “We’ll watch it together tonight.”

 “Promise?” sabi niya.
  
“Yeah.”
  
Humiyaw si loko. Aray, masakit sa tenga. Yung mga ganyang bagay ang dahilan kaya lalo akong nahuhulog sa kanya.
  
Nagkasundo kaming derecho na ko dun paglabas ko ng opisina. Excited na ko talaga makita yung commercial niya. At syempre, makasama siya ulit.
  
——————————————————————
  
Pagdating ko sa pad niya, pinapasok niya ako agad. Bukas na ang TV niya. Di pa raw pinapakita yung commercial. Buti nalang, sabi ko.
  
Naupo kami sa sahig. Excited na nagiintay sa harap ng TV.Tinignan ko si Matteo. Halatang kinakabahan ang loko. Natawa ako.
  
“Huminga ka naman!” biro ko.

 Natawa siya sa sarili niya.
  
“I can’t contain it, bro!” excited niyang sabi.
  
Natawa ako sa kanya. Para siyang isang bata.
  
Naramdaman niya yatang pinagmamasdan ko siya. Tumingin siya sakin. Tapos kumindat. Alam niyang may kiliti ako sa tagiliran, pero imbes na daliri ang gamitin niya, yung ulo niya ang ginamit niya.

 Ang cute. Naisip ko.
  
“This is it, bro!” sabi niya.
  
Tapos yun na nga. Habang nakatingin ako sa kanya, bigla siyang napatayo. Nakatingin siya sa TV, at parang nakakita ng multo. Yun pala, pinakita na yung commercial niya.
  
Health drink pala yung produkto. Pinakita siyang nasa ibabaw ng bundok habang parang nag-yo-yoga. Ayos ah, nagaral pa siya nun para lang dito. Sa buong commercial, may isang berdeng dahon na palipad-lipad. Syempre, hindi mawawala ang eksenang umiinom siya nung tsaa. Natapos yung commercial na pinakita siyang nakangiti. Yun na yun? sa isip ko.

 “So, how did you find it?” tanong sakin ni Matteo. Todo ngiti ang loko.

 “Is that it?” sabi ko.

 Nagulat siya sa sinabi ko. “What do you mean?” Unti-unting nawala yung ngiti niya.

 “Eh wala ka naman masyado ginawa dun eh. Saka di ka nga masyado pinakita,” sabi ko. Wala akong masamang intensyon sa sinabi ko. Binibiro ko lang naman siya.

 Matteo shrugged his shoulders. Parang naasar. Tapos umupo sa sofa at bumalik sa panonood ng TV. Naka-simangot.

 Pinagmasdan ko siya sandali. Tapos tumawa ako ng malakas.

 “What?” sabi niya, medyo asar parin.

 “Biro lang. Ikaw naman,” tapos umurong ako palapit sa kanya.
  
Di siya tumingin sakin. Tumango lang. Naka-pout. Parang bata.
  
“Oh shit,” bigla kong nasabi.

 Napatingin siya bigla sakin. “Why?”
  
“Wala. May naalala lang ako,” sabi ko.
  
“Ano yun?” tanong niya.
  
“Si Franz.”
  
Si Franz, ang lalaking bumaliktad ng mundo ko.

 “Franz who?” tanong ni Matteo.
  
Ngumiti lang ako sa kanya.
  
Umupo siya ng maayos at humarap sakin. “Your ex?”
  
Tumango lang ako.
  
“What happened?” Clearly, Matteo wanted to know pero inaantay niya lang na ako mismo ang mag-open.

 Huminga ako ng malalim.
  
At yun na nga. Nagumpisa na akong magkwento.

 Si Franz ay classmate ko nung college. Pareho kaming Accounting students. Hindi ko siya masyadong kilala dahil hindi ako interesado maging kaibigan siya. Para sakin, he’s just one of those people na ka-department lang sa college. Medyo asar din kasi ako sa kanya. Maingay kasi saka may pagka-epal. Pakiramdam niya magaling siya. Eh hindi naman.

 Nakilala ko lang siya ng lubos nung 4th year na ko. Naging magka-klase kami sa isang major subject.
  
Late ako dumating nung first day.
  
Dun ako sa likod umupo. Nagumpisa na pala magpasulat ng student information ang professor namin sa index card. Buti nalang, may baon ako. Nagsulat na ako.
  
Matapos makolekta ang lahat ng cards, inayos na ng professor namin alphabetically. Syempre, dun ka ulit sa unahan, sabi ko sa sarili ko.
  
Gaya ng inaasahan, dun nga ako sa first row. Pero ang hindi ko inaasahan ay ang seatmate ko sa kaliwa. Si Franz Bustamante.

 Naisip ko, “Putcha. Sa lahat naman ng taong pwedeng makatabi bakit ito pa.” Tinignan ko siya nung paupo siya. Ngumiti siya sakin. Tumango lang ako. “Dan, isang sem mo rin titiisin ang ka-epalan niyan,” sabi ko sa sarili ko. Napailing nalang ako.
  
Hindi naman ako suplado talaga. Pero pag kaharap ko si Franz, I end up like that. Ganun lang talaga eh. Pagpapasok ako, para akong walang kilala. I’d sit through the lecture time ng hindi masyado nagsasalita. Hindi ko pinapansin si Franz, hanggang sa puntong medyo napapahiya na siya. O kaya barado siya lagi. Di ko mapigilan eh, epal kasi. Pero, may napansin ako. Unti-unti siyang nagbago. At kahit na pangit ang pakikitungo ko sa kanya, mabait parin siya sakin.

 Isang araw, as usual, late ako. Lumabas kasi kami nila Sharlene at ibang barkada namin nung gabi. Kaya yun, puyat ako. Habang naglalakad ako, bigla kong naramdaman na may nakalimutan ako, or naiwan. Celphone, check. Ballpen, check. Yellow pad, check. Wallet, check. Ano ba yung nakalimutan ko?
  
Di ko talaga maisip kung ano yung nakalimutan ko. Bangag pa yata ako dahil kulang sa tulog. Pagdating ko sa room, wala yung professor namin. Kanya-kanyang daldalan ang mga kaklase ko. Ako naman, natuwa. Aba syempre naman, di ako mamamarkahan ng late ngayon. Umupo na ko sa upuan ko.

 Tahimik si Franze sa tabi ko. Tumingin lang sakin at ngumit. Gaya ng dati, tumango lang ako sa kanya.

 Maya-maya, nagsalita siya.

 “May assignment ka na, bro?” tanong niya sakin.
  
Napatingin ako sa kanya. Dun ko narealize kung ano yung nalimutan ko. Shit. Wala akong assignment.
  
Nabasa yata niya yung utak ko. Tumawa siya.
  
Patay! Anong gagawin ko? Bigla akong naka-isip ng solusyon.
  
“Pwede bang pakopya?” nahihiya kong sabi.
  
Kaya lang, bigla namang dumating yun professor namin. Fuck, sabi ko. Pagminamalas nga naman.

 “Ok lang yan. Ito, lagay mo nalang yung pangalan mo. Extra ko yan eh,” sabi niya.
  
Inabot niya sakin yung papel. Wow! Instant assignment! Sino ba naman ako para tumanggi sa grasya?
  
Sa puntong yun, medyo nahiya ako sa sarili ko. Naisip ko masyado yata akong naging judgmental sa tao. Sige. Aaminin ko. May pagka-user yung ginawa ko, pero pasensya na. Tawag ng pangangailangan eh. Wala na akong ibang magagawa.

 Pagtapos ng klase, naunang lumabas si Franz. Hinabol ko siya para magpasalamat. At humingi na rin ng despensa sa mga inasal ko dati.
  
“Ok lang yun, bro. Wala yun,” nakangiti niyang sabi.

 “Sigurado ka ha? Ok lang kung gusto mo ko sapakin. Gumaan lang loob mo,” sabi ko.
  
“Hindi na, bro. Kalimutan mo na yun,” sagot niya.
  
“Sige. Salamat ulit ha.”


Dun nagsimula yung pagkakaibigan namin. Apart from Sharlene and our friends, si Franz yung naging kasama at kausap ko. Syempre mas madalas kaming magkita dahil pareho kami ng course. Dun ko siya nakilala ng mabuti. Mapagbiro pala siya. Bibo siya, pero malimit yun mamisinterpret. Ang dating tuloy epal siya. Hindi naman pala.
  
Masipag din siya magaral. Gusto niya daw maka-place sa board exams. Sa kanya ako nahiram ng mga notes dahil di ko ugaling magsulat habang nasa klase. Pag may hindi ako alam, siya rin ang naging tanungan ko. Hanggang sa exam, siya ang kopyahan ko. Sa madaling salita, naging maayos ang pagsasama namin ng Sem na yun.

 May isang gabi, sabay kami umuwi. Nagdesisyon kaming kumain muna.
  
Habang kumakain, nagkwentuhan kami. Only child lang pala siya. Spoiled sa lahat. Gusto nga daw niya magkaron ng kapatid nuon, pero ngayon hindi na. Ang hanap na raw niya ngayon eh isang tao na pwede niyang mahalin. Isang tao na bubusugin niya ng attensyon at pagaalaga. Isang tao na magiging pinaka-importanteng tao sa buhay niya.

 “Ayos ah. Ang swerte naman nung taong yun,” sabi ko. “Meron na ba?”
  
“Meron na. Pero di niya alam eh,” sagot niya. “Di niya pa siguro napapansin yung mga maliliit na bagay na ginagawa ko para sa kanya.”

 “Ah, ganun ba. Mapapansin niya rin yun, bro. Wag ka mawalan ng pag-asa,” sabi ko.
  
Tumango siya at ngumiti. “Sana nga.”
  
“Ano ka ba. Marami jan na mga babaeng nagkakandarapa sayo. Isa ka kaya sa mga crush-ng-bayan sa campus,” biro ko.
  
Natawa siya sa sinabi ko. “Hindi naman. Ikaw nga yun eh.”

 “Naku, hindi rin,” natatawa kong sabi. “Pero mapapansin ka rin nung mahal mo. O baka naman dapat kumilos ka na, bro. Mamaya maunahan ka na ng iba ikaw rin.”
  
“Oo nga eh. Buti sana kung mahilig sa gwapo yung taong yun,” sabi niya.
  
“Aba, medyo makapal lang ah,” biro ko.

 Nagtawanan kaming dalawa.

 “Ikaw ba? May mahal ka na ba?” tanong niya.

 Ano ba namang tanong yan? Nananahimik ako dito eh. “Wala pa. Di ko pa iniisip yun. Sa ngayon, ang gusto ko lang eh maging masaya,” sagot ko.

 “Masaya ang may mahal, bro.”
  
Tumawa lang ako at pinagpatuloy ang pagkain.
  
“You need a lovelife,” bigla niyang sinabi.

 “I have a night life. Works well for me,” nakangiti kong sabi.
  
“Iba yun, bro.”
  
“Pareho lang yun. Besides, walang interesado sakin.”

 “Pano kung sabihin kong meron?” sabi niya.
  
“Sige nga, sino?” tanong ko.
  
“Ako.”

 Natigilan ako sa sinabi ni Franz. Tama ba yung narinig ko? Interesado siya sakin? Bakit? Eh lalaki din siya. Wag mong sabihing…?

 Natawa siya sakin. “Nagulat ka?” tanong niya.
  
Tumango ako. “Seryoso ka?”
  
“Mukha ba akong nagbibiro?” sabi niya.
  
Hindi ko alam sasabihin ko. O kung dapat ba akong magalit sa kanya. Di ko akalaing ganun siya.

 “Alam mo, matagal na kong may gusto sayo. Kaya lang wala namang pagkakataon na masabi ko sayo. Saka ayoko din naman magpahalata. Kaya nung maging magkaklase tayo eh sobra akong natuwa. Sabi ko pagkakataon ko na to,” paliwanag niya.
  
Naisip ko, kaya pala ganun ang pakikitungo niya sakin. May ibang ibig sabihin pala yun.
  
“Pasensya ka na kung nabigla kita. Di ko na kasi mapigilan eh,” dagdag niya.
  
“Hindi. Wala yun. Ok lang.” Yun nalang ang sinagot ko. Pero sa totoo lang, hindi ako komportable nung mga oras na yun.

 “Sana di ka magbago, bro.” sabi niya.

 Natawa nalang ako. “Hindi. Syempre hindi.”

 Ngumiti siya.

 Lumipas ang mga araw pero medyo iwas ako kay Franz. Di ko talaga akalaing may gusto siya sakin. In fact, lalaking-lalaki siya kung kumilos at magsalita. Pero lalaki pala ang gusto niya. At ako nga yun.

 Wala nga akong girlfriend, pero di pumasok sa isip ko ang makipagrelasyon sa kapwa ko lalaki. Ngayon ko lang naisip ang ganito. Sa totoo lang, masaya naman ako kahit single ako. Wala naman sakin kung may girlfriend o wala. Pero iba si Franz. Napansin ko lang naman.

 Mahirap magsalita, dahil baka isipin niyo na ang yabang ko naman. Masyado akong feeling. Ang tanging masasabi ko lang eh iba yung pakiramdam na binibigay niya sakin sa lahat ng bagay na ginagawa niya. Ngayon ko lang na-experience ang ganun, ang bigyan ng sobra-sobrang atensyon. Kahit na galing pa siya sa kapwa ko lalaki. Hanggang parang hinahanap-hanap ko na yung pakiramdam na yun.

 Minsan, naisip ko, pano kaya kung ma-in-love ako sa kapwa ko lalaki? Ano kayang pakiramdam? Ano kayang pwedeng mangyari? Tinignan ko ang lahat ng anggulo. Sa normal na relasyon, hindi rin naman ganon kaganda lagi ang kinahihinatnan. Naghihiwalay parin naman. Nagkakaron ng maraming problema. Pero, yun yung tama eh. Mali yung magkaron ng relasyon ang parehong lalaki.

 Teka, ano ba ang mas importante sakin? Ang tama? O ang magpapasaya sakin? Tama nga ang ginagawa mo, pero masaya ka ba? Mali man ang isang bagay, pero kung magbibigay naman sayo yung ng kaligayahan, bakit hindi?

 Dun ko napagdesisyunan na bigyan ng pagkakataon si Franz. Wala namang mawawala sakin. Kahit na mali ito, wala akong pakialam. Kung siya ang may hawak ng kaligayahan ko, I’ll take my chance.Nag-text ako sa kanya.
  
Uy, di ka nagtext ngayon ah.
  
Madalas kasi siyang magsend ng messages sakin, kahit na di ako masyado nagrereply.

 Ah. Wala lang. Bakit?
  
Nagreply ako agad.

 Na-miss ko kasi.

 Ang bilis niya sumagot.

 Ulol! Haha

 Natawa ako.
  
Bakit? Eh sa na-miss ko nga eh.
  
Medyo natagalan siya magreply.
  
Wag kang ganyan baka maniwala ako.

 Akala niya yata nakikipagbiruan ako nung panahon na yun.

 Eh di maniwala ka. Totoo naman yung sinabi ko.

 Ano na kaya ang iniisip niya? Naisip niya na kaya na binibigyan ko na siya ng chance?
  
Mahirap na. Baka masaktan lang ako.

 Ayan na.

 Di ko yun gagawin.

 Mabilis ang naging sagot niya.

 Sigurado?

 Sumagot ako.
  
Yep.

 Maya-maya, tinawagan niya ako. Nag-usap kami. Hindi siya makapaniwala na pumapayag na ako. Sa totoo lang, wala pa naman akong nararamdamang matindi sa kanya. Pero tinatamaan na rin ako kahit pano.
  
Bago matapos ang gabi, nagkasundo rin kami.

 September 4, 2006, kami na ni Franz.

No comments:

Post a Comment

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...