By: Mikejuha
Agad na bumalik ang sinakyan naming pumpboat sa parte na kung saan nhulog si Lito habang taranta naman kaming mga lalaking nagsitalunan sa dagat at ang mga babae ay nanghahagilap ng mga inflatables at inihagis sa amin.
Mabuti nalang at may dalawang lifeguards na nakasama naming sumakay sa pumpboat at bihasang-bihasa pagharap sa mga ganoong klaseng situwasyon.
Nakailang sisid din kami hanggang ang isa sa mga lifeguards ay sumigaw, “Dito na!” habang hila-hila niya ang walang malay na si Lito.
Kaagad naming pinagtulungang hilahin ang katawan niya upang maiakyat at mailatag sa pumpboat. Habang nakalatag ang katawan niya sa mahabang upuan ng pumpboat, tiningnan ko ang mukha niya. Namumutla na ito. Pinulsuhan ko kaagad siya. Noong wala akong mahagilap na pintig, at idinampi ko ang tenga sa bibig at pagkatapus, sa dibdib niya, inalam naman kung humuhinga siya o pumipintig pa ang puso. Ngunit wala akong makuhang bakas na humihinga pa siya o pumipintig ang puso.
Dahil sa ako ang nakasakay na at siyang nagbuhat sa katawan at naglatag nito habang ang mga lifeguards ay naiwan pa sa tubig, ako na ang binigyang-instruction nila. “I-CVR mo!”
“Ano iyon?” sigaw ko, ramdam ang tensyon sa boses.
“I-pump ang dibdib at i-mouth to mouth!”
At iyon ang ginawa ko kaagad. Pump, buga ng hangin sa bibig niya, pump, buga ng hangin…
Naka-ilang pump din ako at buga ng hangin noong bigla siyang umubo at sumuka ng tubig. Sa pagkakita ng lahat, nagpalakpakan sila sa sobrang tuwa, ang iba ay nag-hug sa iba pang mga buddies.
Ngunit imbis na matuwa, kumawala sa akin ang galit na matagal ko nang tinimpi. Tila isang bulking pumutok ito at naalimpungatan ko na lana ang sariling inupakan ng suntok sa mukha si Lito at pagkatapus ay hinablot ang niya buhok upang i-untog ang ulo sa sahig na nilatagan.. “Tangina ka! Pauwi na lang tayo, nagdadrama ka pa! Ano ba ang gusto mong mangyari?!!” Sigaw ko sa kanya.
Alam ko, nabigla din si Lito sa bilis ng mga pangyayari. Disoriented pa iyong tao at kababalik lang ng malay tapus, suntok ang sumalubong sa pagmulat niya ng mata.
Hindi makapaniwala ang lahat sa nasaksihan nila. At sa pagkabigla at nakitang hawak-hawak ko pa ang buhok niya sa ulo akmang i-untog ito sa sahig, hindi naman sila magkandaugaga sa pagsisigaw, “Warren! Warren! Manghunos-dili ka!” habang ang mga lalaki ay dali-daling hinawakan ang mga kamay ko.
“Warren!!! Sumusobra ka na ah! Ano bang akala mo sa sarili mo? Nasalba na nga iyang tao sa pagkalunod at ngayon ay gusto mo namang patayin?!!!” ang sigaw ng moderator namin, galit na galit at mistulang handang paulanan na rin ng suntok ang mukha ko.
“Arrrggggg!!!” Sigaw ko habang pumiglas ako sa pagkahawak nila at tumakbo sa may likuran ng pumpboat na pinaandar na patungo sa lugar namin. “Hindi nyo lang alam kung gaano katindi ang sakit na dulot ng kahayukang ginawa niyan sa akin! P**** ina niya! Binaboy niya ako! Sinira niya ang pagkatao ko!” At doon, napahagulgol na rin ako. Pakiramdam ko na sa kabila ng naramdaman kong sakit ng kalooban at agrabyo, wala akong kakampi, at bagkus, ako pa ang kontrabida.
Mistula namang nagulat ang lahat. Alam ko na sa pagtagpi-tagpi ng kuwento simula pa sa deepening kung saan ni Lito ibinunyag ang lahat, sa pagkakatong iyon, nakuha na nila kung sino ang taong tinukoy ni Lito sa kanyang pag-unveil ng kwento niya.
Habang patuloy ang pag-iyak ko, hindi naman malaman ng mga kasama namin kung ano ang gagawin nila at kung kaninong side sila papanig. Alam ko, naguguluhan din sila. Habang ang karamihan ay tinulungan si Lito sa nangyari sa kanya, may ilang kababaihang myembro naman ang lumapit at nagpakalma sa akin. “Buds… pwedeng i-hug ka namin?”
Tila may sumundot naman na nagpalambot sa puso ko sa sinabi ng mga babaeng buddies namin na iyon. At noong nag-group hug kami, lalong tumindi ang pagnanais kong i-unload ang sakit at bigat ng kaloobang dinadala. Napahagulgol uli ako sa harap nila, hindi makatingin sa kanila at patuloy na nagpapahid ng luha.
“Ok lang iyan buds. Sige, ipalabas mo ang lahat ng bigat ng saloobin.” ang sabi ng isang buddy sa akin.
“Hindi ko alam kung bakit niya ginawa sa akin iyon buds, eh. Akala niya siguro, bakla ako. Hindi ako bakla, tangina niya…” ang mahinahon kong pagpalabas ng hinanakit.
“Naintindihan namin buds… masakit talaga ang naranasan mo.”
Sa pagkuwento at pag-unlaod ko na iyon, naramdaman kong unti-unting humupa ang tension sa sarili. Tiningnan ko si Lito sa kinauupuan niya, nakayuko lang, tila tulala pa rin bagamat safe na. At bakat pa rin sa mukha niya ang matinding kalungkutan. Ngunit sa sarili ko, nandoon pa rin ang galit...
Lunes, balik-eskwela na naman. Gustuhin ko mang maging normal ang lahat ngunit pakiwari ko ay pabigat ng pabigat ang naramdam. Sa nangyari sa pumpboat ay parang nag-iba ang tingin ng mga tao sa akin. Parang pinag-uusapan nila ako. Alam ko kasi na kahit amin-amin lang iyong mga sikretong nabunyag sa deepening activity namin, hindi rin maiwasang may hindi makapagpigil na sikretong magsalita, intentional man o pahapyaw. Sa araw ding iyon nalaman kong hiniwalayan na daw si Lito ng girlfriend niya.
Ngunit parang wala lang din epekto sa akin iyon. Minsan na rin kasing inamin sa akin ni Lito na di niya mahal ang girlfriend niyang iyon. Ang masaklap lang dahil naramdaman kong ang girlfriend ko ay dry na ang pakikitungo sa akin. Nand’yan iyong kapag inofferan ko siyang ihatid, marami na siyang alibi, kesyo dadaan pa sa kung saan-saan, kesyo kasama niya ang mga barkada, etc. etc. Kapag sabihin kong bisitahin ko sa kanila ay sasabihing may lakad, may ipapagawa ang mama, mag-aaral, etc. At kapag sa school naman, kapag nakita niyang nasa isang lugar ako, kusa itong iiwas sa lugar kung saan ako naroon. Hindi ko maintindihan kung ang inasta niya ay dahil ba sa mga naririnig niya o may ibang dahilan. Pero malakas ang kutob ko na dahil iyon sa mga naririnig niya tugkol sa nangyari sa amin nio Lito. Andaming bumabagabag sa isip ko. Tuliro, hindi makapagconcentrate ng maigi, at bwesit na bwesit na sa buhay. At ang dahilan ng lahat? Si Lito.
Sa nagdaang mga araw, hindi ko na pinapansin si Lito. Bagamat alam kong gusto niyang makipagbati, ngunit matigas ang paninidigan ko. Napansin ko rin ang pananamlay niya, at ang pagpayat. At hindi na siya palaimik, naka-upo na lang sa isang sulok. Pati grades niya ay naapektuhan din. May mga tests na wala siyang sagot at palaging nag-aabsent. Dahil dito ay nagworry ang mga professor, mga kaklase at mga kaibigan na rin namin.
Isang araw, bigla na lang akong ipinatawag ng Guidance counselor. Pagpasok ko sa room, nakita ko ang mga magulang ni Lito, kausap ang madreng Guidance counselor ng school. “Please take your seat, Warren” ang sabi kaagad ng counselor.
Kumuha ako ng isang silya at naupo sa tabi ng mga magulang ni Lito. Ang inaasahan ko ay pagagalitan nila ako. Ngunit noong tingnan ko ang mga mukha nila, wala akong nakikitang galit bagamat pansin ko ang lungkot sa kanilang mga mata. Kinumusta ako at niyakap pa nila.
“Warren, we need your help.” Ang seryosong sabi sa akin ni Sister. “Sana, you are willing to do it...”
“A-ano po iyon, Sister?” ang tanong ko, nag-aalangan kung anong tulong ang gusto nilang gagawin ko.
“Warren, alam kong may problema kayo ni Lito. May alam kaming kaunti. Ano man iyon, sa inyo na lang iyan. I am not blaming you. Pero alam mo, I am very much worried para kay Lito. I feel na hindi na siya ang dati kong anak. Iba na siya, Warren. Palaging wala sa sarili, tulala, hindi kumakain, hindi makatulog. At minsan hindi na nag-aayos sa sarili. Ang kinatatakutan ko ay kung hindi siya maagapan, ay baka masiraan siya ng bait o kaya…” napahinto siya ng sandal gawa ng pag-crack ng boses. “…magpakamatay” at tuluyan na siyang umiyak. “Bilang isang ina, napakasakit pagmasdan na ang anak mo na dating puno ng sigla, puno ng pangarap, puno ng pagmamahal, ng mga pangarap ay biglang magbago at mawalan ng sigla. Napakabata pa ng anak ko, Warren para masira ang buhay niya. Ikaw lang ang makatulong sa kanya Warren, nagmamakaawa ako…” dugtong ng mama niya.
Tila tinusok naman ang puso ko sa awa. Simula kasi noong magkaibigan pa kami ni Warren, napakabait ng mama at papa niya sa akin. Kapag doon ako natutulog sa kanila, nakakasama naming sila ni Lito sala, nagkukwentuhan, tawanan, sabay nanonood ng palabas sa TV. At kapag may importanteng okasyon sa kanila, hindi pwedeng wala ako dahil pinapatawag nila ako at pinapadlo. Alam ko, napamahal na rin ako sa kanila, lalo na’t nag-iisang anak lang si Lito at ako ay itinuturing niyang kapatid. Turing nila sa akin ay talagang bahagi na ng pamilya nila. Mayaman ang pamilya nila. At kahit ako ay anak-mahirap lang, napakabait nila sa akin at marami nang naitulong lalo na kapag kapus ang mga magulang ko sa pang-tuition. Ang totoo nga niyan, sila mismo ang nagpumilit na mama at papa na rin ang itawag ko sa kanila.
“A-ano po ba ang maitutulong ko, Ma?” tanong ko.
“Puntahan mo si Lito Warren. Kausapin mo siya. Patawarin mo siya kung ano man ang nagawa niya sa iyo. Ibalik mo ang dating pagkakaibigan ninyo… Tatanawin kong malaking utang na loob sa iyo kapag napagbigyan mo kami, Warren, sana maawa ka kay Lito.”
Mahirap para sa akin ang hiniling nilang iyon. Para bang heto, ako ang agrabyado, pero ako pa ngayon ang lumalabas na may kasalanan. Pero dahil sa awa ko sa mga magulang ni Lito, ang nasabi ko na lang ay, “S-sige po, Ma… pupuntahan ko siya, ngayon din.
At sa gabi ng araw na iyon, doon pinuntahan ko si Lito sa bahay nila. At dahil napagkasunduan naming ng mga magulang niyang doon muna ako titira sa kanila ng at least isang linggo, nagdala na rin ako ng kaunting mga personal na gamit.
Noong makarating na ako sa bahay nina Lito, pinaderetso na ako ng mga magulang niya sa kwarto ni niya at hindi pa raw ito kumain at hindi lumalabas ng kwarto. Umakyat ako ng second floor kung saanang kwarto niya. Noong nasa harap na ako ng pintuan, hinwakan ko ang door knob at tinangkang buksan ito. Ngunit naka-lock ito.
Kumatok ako. Walang sumagot.
Kumatok uli ako, mas malakas-lakas. Wala pa ring sumagot.
“Tol!” sigaw ko, habang kumakatok anko ng mas malakas pa. Wala pa ring sagot.
Sumigaw na ako, “Tol!!! Si Warren to, buksan mo ang pinto!!!” Wala pa ring sumagot.
Dahil sa hindi pagsagot na iyon ni Lito, bigla akong kinabaha. Tumakbo na ako pababa, sa sala kung saan nandoon ang mama at papa ni Lito. “Ma, pa! Walang sumagot sa kwarto ni Lito! Buksan natin!”
Nataranta naman ang papa ni Lito. Dali-dali niyang kinuha ang master key at tinumbok ang kwarto ng anak. Agad din kaming sumunod.
Noong nabuksan na ang kwarto, malakas na tili ang kumawala. “LITOOOOOOOOO!!!”
No comments:
Post a Comment