Thursday, June 28, 2012

IDOL KO SI SIR 5 (BOOK 1)

By: Michael Juha
Nung magkita kami ulit ni Sir James, hindi na sa Conference Room kung hindi sa bago nyang office sa Student Affairs. Nung pumasok ako, nakaupo na sya sa sofa, kagalang-galang ang dating sa suot nyang long sleeves na kulay brown, yellow-and-black tie, slacks, at itim na sapatos, kabaligtaran naman ng sa akin na white t-shirt at faded na maong na may mga butas-butas. Napansin ko rin ang bagong gupit at makintab nyang buhok. Sa loob-loob ko, “Shitttt.... hanep ang dating ni idol!” Umupo ako sa isang upuan sa harap nya, medyo kinakabahan, hindi maipaliwanag ang sobrang saya at excitement. Abot-tenga ang binitiwang ngiti nya sa akin at nang iniabot nya ang kamay, “Wow, ang gara ng office mo James, este, Sir! Iba ka talaga!” ang biro ko at biglang hablot ang kamay nya upang magdikit ang mga katawan namin.

Natawa lang si Sir habang tinugon ang mahigpit kong yakap, halos madikit na ang labi nya sa pisngi ko sa sobrang higpit ng yapos ko sa kanya. Tinapik nya ang likod ko at kinuha na ang report, binasa, umupo ulit sa sofa at tumango-tango. Hindi ko na iniisip pa kung ano man ang grade na ibigay nya sa akin. Ang mahalaga, nagawa ko ng maayos ang task at ibinuhos ko ang best ko. Pero syempre, excited pa rin ako sa magiging comment nya, pinaghirapan ko yata yun.

“I’m impressed! Excellent job, excellent report, excellent presentation, excellent insights!” Ang sabi nya sabay abot ng kamay pag-congratulate sakin.

Para akong lumutang sa ere nung marinig ang comment na yun. “Thank you, Sir! I really put my heart in it.”

“Yeah, and I can feel it still alive and throbbing...” Tumawa sya at tumingin sa akin.

Ngunit natulala na ako at nakatingin na lang sa kanya sa sobrang tuwa. Pakiramdam ko na-hypnotize ako sa sobrang di makapaniwala sa nakitang saya nya sa ginawa ko at sa di maipaliwanag na attraction at excitement sa sobrang pagka-miss sa kanya. “Dati tini-terrorize ako neto pero ngayon, napakabait na sa akin at tinitingala ko na sa sobrang taas ng respeto ko...” ang bulong ng utak ko.

Napansin nya yata na para akong tulala. “Hey, I’m kidding ok? Didn’t you get my joke?” ang pabiro nyang tanong, sabay angat ng palad sa harap ng mukha ko para i-check kunyari kung gumagana ang paningin ko. Natawa na rin ako sa ginawa nyang iyon.

“I know you tried your best, Carl. Nakikita ko sa sunog at puno ng rashes mong balat at mukha, at pagpayat mo” at sabay binitiwan ang malutong na tawa. “And I hope that this won’t just be in the papers, Mr. Miller. I expect to see a different Carl Miller this time – mature, responsible...” Nahinto sya ng bahagya. “Kumusta na pala sina Tatay Anton, Nanay Narsing, Anton, Dodong, Clara, at Letecia?”

“Kilala mo silang lahat?” ang tanung kong naguluhan, di makapaniwalang kabisadong-kabisado nya ang buong pamilya.

“Oo naman. Sila ang umampon sa akin. Nung puslit palang ako at namatay ang mga magulang. Walang kamag-anak ang mga magulang ko dito kaya dahil matalik na kaibigan ng nanay si Nanay Narsing, inampon ako ng pamilya niya. Mabait sila sa akin at itinuturing nila akong tunay na anak. At ngayong nakapagtrabaho na ako, sumusuporta na rin ako kahit papano sa pagpapaaral sa panganay nilang si Maritess. Yan ang kwento ng buhay ko. Lumaki akong mahirap at nagbanat ng buto. Kaya nung malaman ko na anak mayaman ka at spoiled brat at that, na-challenge ako na ipakita sa iyo ang ibang mukha ng buhay na naranasan ko, na naranasan ng marami ngunit hindi mo nakita... para mamulat ka sa kahalagahan ng kung ano man ang meron ka na pinaghirapan pang makamit ng iba. At kung naghirap ka sa dalawang buwan na pananatili mo kina Tatay Nando? Ako, buong buhay – yan ang mundong ginagalawan ko.”

“Ang tindi din pala talaga ng karanasan mo, ano?”

“Oo. At laking pasalamat ko na sa ganung klaseng buhay ako namulat. Dahil dito, naging matatag ang pagkatao ko, ang paninindigan, ang karanasan. Kaya kahit saan ako itapon, mabubuhay ako. At higit sa lahat, sa kanila ko natututunan ang pagpapakumbaba, ang patas na pagsuong sa mga hamon sa buhay, ang sipag at tyaga, ang pagpapahalaga sa trabaho at sakripisyo para makamit ang minimithi... lahat ng iyan utang ko sa kanila.”

“Kaya pala ang galing mo, James. Kaya’t idol talaga kita, sobra! Kahit noon pa mang pinag-iinitan mo ako, idol na kita talaga e. Nainis lang ako sa iyo noon dahil di mo ako pinapansin, hehehe” ang pag-amin kong mejo nahihiya.

“Hahahaha! Sobrang pansin nga kita e kaya kita dinidikdik. Kumbaga, parang isa kang mamahaling gem na kailangang ipolish ng ipolish para lalabas ang buong kinang.”

“Wow naman... lalim! Gem pala ha, ganyan ako ka-especial?”

“Dahil gusto kong mabago ang baluktot mong pananaw at nang sa ganun, pwedi na akong makipag-bonding sa iyo.”

“Hahahaha! Di mo kaagad sinabi. E di sana hindi ka na nahirapan.” sagot kong biro din sa kanya.

“E, at least, naranasan mo kung papanu makagat ng ahas, ang habulin ng putakte, ang pagsisipsipin ng mga lamok at linta ang dugo, ang umakyat ng puno ng nyog, ang gumamit ng itak at lagari, ang mag-araro at magbungkal ng lupa, at higit sa lahat, ang kumain ng tipaklong!”

“Hahahaha!” Sabay kaming nag tawanan. “Maalala ko pala, ba’t di man lang sina Tatay Nando nagbanggit na dun ka pala sa kanila lumaki?”

“Syempre, inexplain ko sa kanila. Alam nila lahat ang buhay mo, at ang kahalagahan ng task na iyon para sa iyo. Alam ko, naawa sila sa iyo ngunit wala silang magawa. Alam din kasi nila na hindi ka matututo kapag ang turing nila sa iyo ay bilang isang espesyal na bisita. Kaya labag man sa kalooban nila, pinabayaan ka talaga nilang magbanat ng buto at maki-hati sa mga trabaho.”

“Ganun ba? Naisahan mo na naman ako James e. Andami mo talagang pakulo. Iba ka talaga, idol! So... flat 1.0 na ba ang grade ko?” biro ko.

Ngumiti sya sabay tingin sa akin. “Di malayo Carl, di malayo...”

At nakamit ko nga ang gradong “1.0” sa subject ni Sir James.

Kagaya ng ipinangako ko sa sarili, ibinuhos ko lahat ng effort at talento sa pag-aaral. Syempre, inspired. At upang mapalapit pa rin kay Sir James na Dean na ng Student Affairs, sumali at naging active ako sa iba’t-ibang college clubs. At ang pinakamalaking karangalan na nakamit ko sa taon na yun ay nung ibinoto ako ng mga estudyante bilang presidente ng student council. Sa buong taon, naging consistent number one din ang pangalan ko sa honor’s list. Kung dati ang bakanteng oras ko ay iginugugol sa barkada at lumalabas halos gabi-gabi at nag-iinum o nakikipag pot session, sa panahon na iyon, mga gawain sa school at pag-paplano ng mga projects an ikabubuti sa mga estudyante at paaralan ang pinagkakaabalahan ko. Pati ang paninigarilyo ay tuluyang tinalikuran ko na rin.

Namangha ang lahat sa ipinamalas kong pagbabago. Naging matindi din ang team-up namin ni Sir James; sya bilang head ng student affairs at ako bilang student leader. Naging mas involved at participative ang mga estudyante sa mga activities at issues, at impressed ang administration sa daming projects na nagawa namin sa school. At lalo pa akong ginanahan sa mga ginagawa dahil sa magagandang feedback at commendations na natanggap. At sa mga kapwa ko estudyante, ako ay kanilang hinahangaan at iniidolo.

Ok na sana ang lahat. Ngunit may isa pa akong issue na hindi masettle-settle at mabigyan ng paraan kung paano ma-resolve: ang nararamdaman ko para kay Sir. Di ko alam kung kaawaan o sisihin ang sarili.

Simula nung mabago nya ang paningin ko sa buhay, humanga na ako ng sobra sa kanya to the point na hindi ko na sya maiwaglit sa isipan. Gabi-gabi o sa panahong ako’y nag-iisa, sya plagi ang laman ng utak ko. At ang nagpapatuliro sa akin ay kung bakit ko nararamdaman sa kanya ang isang bagay na dapat ay nararamdaman ko lang para sa isang babae. Maraming katanungan ang sumiksik sa isipan ko. “Bakit si Sir James pa? Kontento na lang ba ako sa ganito; na kinakalimutan ang sarili? Paano naman ang kaligayahan ko? Kailangan ko bang magsakripisyo at kalimutan ang sarili upang maiwasan ang maaring mangyaring hazzles, madamay si Sir, at masira lahat ang mga magagandang gawain at simulain naming dalawa sa school? Paano kung may nararamdaman din si Sir para sa akin at hindi na lang ako gagawa ng hakbang? At kung halimbawang gagawa man ako ng hakbang para sa nararamdaman ko at ma-frustrate lang, di kaya lalo lang akong masaktan at masira ang tiwala niya at ng mga tao sa akin?”

Oo, nakikita ng mga tao ang ngiti ko sa mga achievements na nakamit at pakikisama ko sa kanila. Ngunit ang hindi nila nakikita ay ang hinagpis at sigaw ng puso ko...

Masakit, at sobrang sakit na sa mga pagkakataong kaming dalawa lang ni Sir ang magsama, magtawanan, o magkwentuhan ng kung anu-anong bagay, ang kalooban koy sumisigaw na sana, mayakap o kaya’y maipadama man lang sa kanya ang damdamin ko.

Minsan, ang ginagawa ko na lang sa mga pagkakataong parang sasabog na ako sa halong pagkalito at lungkot sa gitna ng usapan namin, mag-excuse ako nyan at pupuntang CR. At doon ko ipapalabas ang ngitngit sa sarili.

Marahil ay nagtataka din sya kung bakit may mga pagkakataong bigla nalang akong nalulungkot. At kapag nagtanong nag-aalibi nalang ako masakit ang ulo, sikmura, di maganda ang pakiramdam…

Minsan din may mga oras na gustong-gusto kong mapag-isa. Pupunta nalang ako nyan sa likod ng main school building, uupo sa ilalim ng malaking puno at dun magmumuni-muni na parang gago. “Ganyan talaga siguro kapag na-inlove ka at sa isang ganitong pang klaseng… Ahhhh! Shiiittttt! Ang hirap tanggapin! Nakakabaliw!” ang sigaw ko sa sarili.

Napansin din ng kaibigan kong si Ricky na mayroon akong itinatago kaya’t palagi nya akong niyayayang lumabas. Last day na ng second semester nun nung parang di ko na talaga makayanan at nasumpungan kong sumama sa kanya. Nagbar kami, umurder ng beer.

Mejo nag-init na ang pakiramdam ko nung mag-open si Ricky ng topic. “Tol, buti naman at pinagbigyan mo ako ngayon. Antagal na rin nating di nakapagbonding. Na-miss ko na ang ganito ah!”

“Oo ako nga din eh. Sensya kana. Gusto ko sana kasi ma-maximize ang time ko para sa mga projects...”

“Naintindihan ko naman yun, tol. Pero, mag-enjoy ka naman paminsan-minsan. Remeber, ‘all work and no play makes Carl a dull boy’, hehehe. Bata pa tayo. I-enjoy natin ang buhay.”

“Nag-eenjoy din naman ako sa work ko eh. Kaso...”

“Kaso, ano...?” Mukhang na-excite si Ricky nung di sinadyang nabanggit ko ang salitang ‘kaso...’. “Oh, come on, Carl. Wag kang magkunwari tol, in love ka ano? Sino? Sino ang tangnang swerteng babaeng yan, ha?”

“Yan na nga ang problema tol eh...”

“Putsa, kala ko ba di ka namomroblema sa babae. sa gandang lalaki mong yan? Matalino, mayaman, campus idol, kilabot ng mga chicks, ng mga koleheyala, ng mga guro, ng mga madre, ng mga kung anu-ano pa? Anong pinoprob—“

“Lalaki sya tol.” ang casual kong pagkasabi pag cut sa sinabi nya.

Halos malaglag si Ricky sa inuupuan sa reaksyon nya. “Hah!? Tama ba ang narinig ko, tol na na-inlove ka sa lalake as in capital L-A-L-A-K-E... yung may lawit ng katulad ng sa akin at sa i--”

“Oo. At oo pa.”

Sinampal-sampal ni Ricky ang mukha nya. “Lasing na ba ako, o nakatulog na sa kalasingan? Tol naman... wag mong sabihing sa akin ka na-in love. Kahit ganyan ka kagandang lalaki... sige papatulan na kita” sabay tawa. “Tol, naman, wag kang magbiro ng ganyan please lang.”

“Seryoso nga ako, tol.”

“Shiiiiittttt! Tangina. Seryoso talaga. Ok, fine. Pero bigyan mo naman ako ng panahong mag-isip plis bago kita sagutin... naman o?”

“Tarantado! Hindi sa iyo.” Sabi kong sabay batok sa kanya.

“Raykupo! E, kanino? At bakit? Huhuhuhu! ano ba tong nangyari sa iyo, tangna ka. Sa kadami-dami ng babae jan na nagkandarapa sa iyo. Panu ka ba nagkaganyan, punyeta ka. Huhuhuhuhu!”

“Bago ko sagutin yan, promise ka muna. Una, wag kang mabigla. Pangalawa, atin-atin lang ito. Mai-promise mo ba yan sakin?

“E nabigla na nga ako, e hinayupak ka, ganyan ka pala wala akong kaalam-alam, uhuhuhuhu! Buti di mo ako pinagtripan, leche na iyan, panu ba gamutin yan? Huhuhuhu!”

“Mai-promise mo ba! Yan ang tanong ko! Wag ka ngang mag inarte? Mas ikaw pa ang mukhang bakla jan eh.”

“Ngekkk! At ako pa ngayon? Disgrasya na!”

“Ano mai-promise mo ba? O babatukan kita?”

“Oo na! Sige na, atin-atin lang, promise. Tangina na yan! Uhuhuhuhuhu!”

“Bakit ka ba umiiyak jan, tarantado ka. Sige ka pag nawalan ako ng gana di ko na sasabihin to sa iyo, at iiwanan na kita dito, ikaw pa ang magbayad ng lahat ng inorder nating yan.” ang pasigaw ko ng sabi.

Parang binuhusan ng malamig na tubig si Ricky. “E, sorry tol... di ko kasi alam kung nagbibiro ka lang ba, o talagang seryoso e. Di ko alam kung paniwalaan ang mga sinasabi mo o ano. Di ka naman lasing, di ka naman siguro naka-bato... Seryoso ka ba talaga?” ulit nya.

“Seryoso nga, ano ka ba! E, kung ikaw nga nalilito sa sinabi ko, ako pa kaya...? Nahirapan na ako tol, sobra!” sabi kong sabay hampas sa dibdib.

“Hindi mo ba kayang kontrolin yan? O kaya, ibaling mo na lang sa akin, hehehe, jokes lang pare, pinapatawa lang kita.”

“Kung pwedi nga lang e, bakit hindi. E, kaso... Ewan ko ba, mababaliw na yata ako neto!”

“E, di sabihin mo sa kanya?”

“Ganyan lang ba ka-simple?”

“Alam mo, tol... sa akin lang ha? Pag may gusto akong isang tao o bagay at dumating ang opportunity na pweding i-grab yun, I’d grab that opportunity talaga. Kasi, pag nawala na, o lumampas na ang pagkakataon na yan at hindi ka man lang nag try, buong buhay mong sisisihin ang sarili kung sana sinunggaban mo ang opportunity at ano ang nangyari. Kung ngayon na at susunggaban mo ang chance at sasabihin mo sa tao na mahal mo sya at sasagutin ka nya na ayaw nya o ayaw nya sa iyo, at least, nag-try ka. There’s no harm in trying sabi nga nila. At sabi ko naman sa iyo ngayon na kung mag-exert ka ng effort to try, you have already won 50% of your battle. The other 50% ay yun na yung kung ano man ang maaaring isasagot nya sa iyo.” Ang buong seryosong tugon ni Ricky sa tanong ko.

“You mean OK lang sa iyo na heto, lalaki ako at lalaki rin yung liligawan ko?”

“What’s wrong with that? As long as masaya ka, masaya sya, at wala kayong inaagrabyado o sinasaktang tao... It doesn’t matter. Pero syempre, there is a price to pay, sabi nga nila, lalo na sa pag-ibig. Are you willing to give up something? Halimbawa, can you stand it kung biglang may mga magagalit sa iyo o mag-iba ang tingin sa iyo ng mga tao o kapwa mo estudyante? Or can you accept it if you get suspended or kicked out from the very school which you have learned to love? Can you take it if your mom gets furious with what you have decided to do with your life?”

“Mukhang may punto nga si Ricky.” Ang sabi ko sa sarili. “Thanks tol, kahit papano, meron akong insight galing sa yo.”

“All the time, tol. At kahit ano pa man ang gagawin mo, di mawawala ang respeto ko at saludo pa rin ako sa iyo. Maninindigan ka lang, jan lang ako susuporta sa iyo.” Ang sabi nya sabay extend ng kamay sa fraternal handshake namin at bigay ng hug. “Sandali nga pala... Sino naman yang tangnang lalaking yan? Bubugbugin ko na yan e! Pag nalaman ko kung sino yan ha, heto, dila lang ang walang latay ng taong yan! Sino ba ang lecheng lalaking yan?”

“Si Sir James!”

(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...