Monday, June 4, 2012

MATT AND DAN 2


What? This guy’s got to be kidding me. Empty na, unhappy pa. What’s next? I’m a zombie? Ang wierd.

 “Bakit mo naman nasabi na I have empty eyes?” tanong ko sa kanya.
  
“I was watching you the whole time this evening. I know you didn’t notice me because you were so busy with everything. You know, even if it seemed like you were having a good time back there, your eyes were dead. Yes you were laughing, but I feel like in reality, you’re a miserable guy,” paliwanag niya.

 Hanep din naman ito no. Kung magsalita akala mo ang tagal na niya ko kilala. Eh yung mga totoong nakakakilala sakin hindi ako sinasabihan ng ganyan. How much more itong kaninang umaga ko lang nakilala?

 “Well, that’s just what you feel, bro. Most of the time, what we feel isn’t right,” sabi ko sa kanya.
  
“Yeah. But that doesn’t mean they can’t be,” hirit ni Matteo.
  
Natigilan ako sa sinabi ni Matteo. Oo nga no. Bakit ngayon ko lang din naisip yun. Mantakin mo, may sense din palang kausap tong tao na to.

 Di ko namalayan na naubos na pala ang hawak kong yosi. Di ko manlang na-enjoy yung stick. Sayang.
  
Maya-maya, dumating si Sharlene. Syempre dala na niya yung take out ko para kina Nanay.
  
“O ayan, pinadagdagan ko na yan kay manang ha. Baka magreklamo ka ulit eh, mahirap na,” biro ni Sharlene. Nagulat yata siya na tahimik kaming dalawa. Tinusok niya yung tagiliran ko.

Di nagtagal, sabi ni Matteo na papasok na siya sa loob. Bago tuluyang umalis, sabi niya, “Think about what I said.” At ayun, pumasok na siya sa loob.

 “Ano yun?” tanong ni Sharlene.
  
“Wala. Ang wierd talaga ng kinakapatid mo.” Tinignan akong mabuti ni Sharlene. “O bakit? Ikaw talaga,” sabi ko. Inakbayan ko siya. “Uy, salamat dito ah.”
  
“Sus. Ikaw pa, di pwedeng walang take out!” Nagtawanan kaming dalawa sa ilalim ng buwan.

 ——————————————————————
  
“Nay, nandito na po ako!” sigaw ko pag dating sa bahay. Sinalubong ako ni Nanay, binulong na wag daw akong maingay at tulog na ang mga kapatid ko. Nag-mano ako sa kanya at inabot ang pasalubong ko. Pumasok muna ako sa kwarto ko para magbihis. Paglabas ko, dinatnan ko si Nanay na nakaupo sa may mesa. Nailigpit na niya pala ang pasalubong ko.

 “Kamusta naman sina Gary at Lani?” tanong niya.
  
“Ok naman po,” sagot ko. Umupo ako sa tabi niya. “Kinakamusta pala nila kayo.”
  
“Ganun ba. Sana sinabi mo mabuti naman.”

 “Opo. Sinabi ko po yun. Si Tito naman hanggang ngayon kinukulit parin ako na magtrabaho para sa kaniya,” kwento ko.
  
“Bakit ba hindi mo tanggapin ang alok ni Gary? Mas malaki ang kikitain mo dun, anak.”

 Huminga ako ng malalim. “Nay, ilang beses na ba natin ito napagusapan? Alam mo naman ang rason kung bakit di ko tinatanggap yun diba?”
  
Tumahimik si Nanay sandali. Maya-maya ay nagsalita siya. “Anak, nandiyan na nga pala yung bill sa kuryente. Saka kelangan na natin magbayad ng renta sa makalawa.”
  
Hay. Wala na bang katapusan to? Di pa nainit yung inuupuan ko problema na naman. “Sige ho. Ako na bahala.”
  
“Anak, pasensya ka na ha? Inako mo na lahat ng responsibilidad dito sa bahay. Ayoko man maging ganun, wala naman akong magagawa.” Pinatong ni Nanay ang kaliwang kamay niya sa kanang kamay ko.
  
Hinawakan ko ang kamay niya. “Wala yun, Nay. Ganun talaga eh.” Napaluha si Nanay.
  
——————————————————————

 Bakit nga ba ako ang namomroblema ng ganito para sa pamilya ko? Anak lang naman ako. Marahil dahil na rin ako ang panganay sa aming magkakapatid. At ako palang ang tapos na mag-aral.

 Di naman kami hirap sa pera dati. Not until 4 years ago.
  
Nag-abroad si Tatay nung papasok akong 1st year high-school. Di na daw niya kami kakayaning suportahan kung dito siya magtatrabaho. Sabi ni Nanay maghahanap nalang din daw siya ng trabaho wag lang siyang umalis. Pero ayaw ni Tatay. Siya daw ang dapat magtrabaho para sa pamilya namin. Alagaan nalang daw ni Nanay kaming magkakapatid.
  
Labag man sa kalooban ni Nanay, pumayag na rin siya. Sa kagustuhan niyang mapabuti ang kinabukasan naming magkakapatid, hinayaan na niya si Tatay umalis. Bago siya umalis, binilin niya sakin na wag ko pababayaan si Nanay at ang tatlo kong kapatid. Ako na raw muna ang tumayong Padre-de-Pamilya habang wala siya. Hindi ko sukat akalain na magiging totoo pala ang bilin saking yun.
  
Nag-Saudi si Tatay. Nagtrabaho siya bilang Electrical Engineer. Malaki nga ang kita niya kumpara dito. Mahirap, di lang para kay Tatay, kundi pati samin din. Madalas ko makita si Nanay na umiiyak. Kahit na nakaka-pagchat kami, iba parin yung pakiramdam na kasama namin si Tatay.
  
Sa unang taon na wala siya, masasabi kong kahit papano ay nakapag-adjust din kami. Tuloy-tuloy din ang padala niya ng pera. Pati nung pangalawang taon. Nung pangatlong taon, nakabili kami ng isang maliit na negosyo. Naging maginhawa nga ang buhay nun. Pero di yun nagtagal. Nung 1st year ko sa kolehiyo, medyo nabawasan na yung mga oras na kachat namin siya. Marami daw trabaho. Unti-unti rin nabawasan yung pinapadala niya. Sabi niya may binabayaran daw siya dun kaya ganun. Hanggang isang gabi, tumawag siya kay Nanay. Wala na raw siyang trabaho. Natanggal daw siya at hirap makahanap ng ibang mapapasukan. Dun daw siya muna sa kumpare niya nakatira. At yun nga, di na daw siya muna makakapagpadala.

 Di ko alam kung pinagtataguan ba kami ni Tatay dahil sa tuwing tatawagan namin siya, di namin siya makontak. Kung ano-ano na ang naiisip ko nung mga panahong yon, pero isinantabi ko lahat yun dahil kay Nanay. Huwag ko raw pag-isipan ng masama ang Tatay ko. Malay ba daw namin kung ano talaga ang pinagdadaanan niya dun. At wag ko daw ipilit na umuwi nalang si Tatay dahil mas lalong walang mangyayari samin kung nandito siya. May natitira parin naman daw na pera sa bangko. Kaya pa daw.
  
Pero naubos din yun. Napilitan si Nanay na ibenta ang negosyo namin. Hanggang unti-unti kaming nalubog sa utang.
  
Isang gabi bago ang graduation ko sa kolehiyo, dinatnan ko si Nanay na nagwawala sa kwarto niya. Galing ako ng rehearsal namin. Dali-dali kong inawat si Nanay. Ano bang nangyari? tanong ko sa kanya.
  
Ang Tatay ko raw… may pamilya nang iba.

“Sinasabi ko na nga ba eh!” napasigaw ako sa galit. “Ayaw mo pang maniwala sakin, Nay! Harapanan na niya tayong niloloko nuon pa!”
  
Hindi sumagot si Nanay. Patuloy lang siya sa pag-iyak. Di ko siya iniwan nung gabing yun. At laking pasalamat kong hindi ako umalis dahil kung iniwan ko siya nun, di ko makikitang mag-collapse siya.

 Sa madaling salita, hindi ako nakapunta sa mismong graduation ko dahil nasa ospital kami. Sa sobrang sama ng loob, tumaas ang presyon ni Nanay. Tinulungan kami ni Tito Gary sa gastusin.
  
Dun ko napag-desisyunan na maghanap na kagad ng trabaho. Kailangan kong tuparin ang pangako ko sa Tatay ko nuon. Ito na yun.

 ——————————————————————
  
Di ako masyadong nakatulog nung gabi, sa dami ng iniisip. Tumayo ako mula sa kama at naghanda na para sa trabaho. Malapit na magkatapusan kaya oras na para mangolekta ng bayad mula sa mga cliente ko. Its going to be a long day. Hopefully, maging ok ang lahat.

 Nag-kape muna ako bago umalis ng bahay. Pinag-aalmusal ako ni Nanay pero nagmamadali ako eh. Marami pa kasi akong gagawin.
  
Ayun, buong araw ako sa labas. Punta kay ganito, punta kay ganun. Singil dito, singil dun. Mabuti nalang at madaling kausap ang mga cliente ko. Salamat sa Diyos, natapos ako bago mag-alas-siyete ng gabi. Dumaan muna ako ng opisina.
  
Yung iba kong kapwa ahente ay naron din. Naghahabol lahat sa deadline. Lagot kasi kami sa mga cliente namin kapag lumagpas kami sa deadline.
  
Isa ako sa mga pinakabata dun. Marami samin ang may edad na. Gaya nalang ni Tito Ric. 62 years old na siya. Retired na siya dapat, pero ayaw niya manatili sa bahay. Nabobobo daw siya pag walang ginagawa. Kaya eto, nag-ahente siya. Di masyadong demanding ang trabaho, pero good pay sabi niya. Nakaka-inspire yung mga kagaya niya.

 “Kamusta naman ang mga cliente mo, anak?” tanong niya sakin. “May bago ka bang pasok?”

 “Ok naman po, Tito. May isa akong prospect, pero hanggang ngayon di pa nasagot eh,” sagot ko. At bigla kong naisip si Matteo. Ano na kayang balita dun?
  
“Follow up mo yun. Sayang. Ikaw din. You’re in the running pa naman para sa Top Agent honor. Kaya mo yan,” sabi niya.
  
“Oo nga po. Don’t worry, Tito. I’ll do my best.”
  
——————————————————
  
Tinext ko si Sharlene pagkadating ko sa bahay. Tinanong ko kung ano na ang desisyon ni Matteo. Wala pa daw siyang sinasabi. Saka wala daw siya sa bahay buong araw. May meeting daw sa manager niya.
  
Hay. Masyadong paimportante ang loko ah. Tagal magisip.

 Tapos, di ko alam kung bakit. Pero bigla ko naalala yung usapan namin sa veranda. Totoo ba yung sinabi niya? Na walang buhay ang mata ko?
  
Tumayo ako sa kama ko at humarap sa salamin. Tinignan ko ang sarili ko. Tinignan ko ang mga mata ko. Ngumiti ako. Tumawa. Sumimangot. Normal naman ang mata ko ah. Pano kaya niya nasabi yun?
  
Ilang minuto ko rin pinagmasdan ang sarili ko sa salamin.

 Ano kayang nakita ni Matteo? May kinalaman kaya yung…? Ah hindi naman siguro. Matagal na yun eh.

 Beep. Beep.

 Tumunog ang cellphone ko. Marahil si Sharlene to. Wala siguro magawa.

 Hey Dan.
  
Anonymous number. Sino to? Nagreply ako.
  
Who is this?
  
Ang tagal sumagot. Sino kaya to?
  
Maya-maya…

 Beep. Beep.
  
Binuksan ko yung text. Yung anonymous number ulit. Nagulat ako sa nabasa ko.
  
You don’t know me? You forget easily…
  
What the hell? Sino ba talaga to? My heart was racing. I replied ulit.
  
Sino ka nga?
  
Ilang minuto, sumagot din. It wasn’t what I was expecting.
  
This is Matt. =)
  
CHAPTER 7
  
Nung mabasa ko yun, I sighed in relief. Nagreply ako.
  
Ah ok. Akala ko kung sino na.
  
After a while, nagreply siya.
  
Why? Were you expecting someone else?
  
Natawa ako.
  
Nope. I wasn’t expecting anyone.
  
Nilapag ko yung cellphone ko sa kama ko. Nagpunta muna ako sa C.R. Pagbalik ko, walang bagong message. San niya kaya nakuha yung number ko? Nag-isip ako saglit. Ah oo nga pala, binigay ko nga pala yung calling card ko. Humiga na ko. Inaantok na kasi ako. Saka masakit ang likod ko. Marahil napagod. Nung pumikit na ko, tumunog ulit ang cellphone ko.
  
What are you doing?
  
Si Matteo na naman. Medyo inaantok na ko kaya yung kanang mata ko nalang ang bukas habang nagtetext.
  
Wala. Nakahiga na. Its been a long day.
  
Ilang segundo lang, tumunog ulit.
  
Ok. So, have you thought of what I said yesterday?
  
Inaantok na ko Matteo, sabi ko sa sarili ko. Pero nagreply parin ako.
  
Yep. But I still don’t get it.
  
Beep. Beep. Ang bilis naman magreply. Ayaw yata ako patulugin nito.

Haha!

 Di na ko nagreply. Antok na kasi ako talaga. Maya-maya, tumunog ulit ang cellphone ko.
  
Hey sleepyhead! Are you still there?
  
Di ko ulit nireplyan. Pumikit na ko para matulog. Maya-maya, ayan na naman siya. Nagtext ulit.
  
I’ve thought about the insurance.
  
Napaupo ako sa kama. Parang biglang nawala yung antok ko. Nagreply ako agad.
  
So you’re getting one?
  
Ang tagal magreply. Naisip ko, manunukso talaga yata itong taong to. Hay. Nung hihiga na ako ulit, tumunog ang cellphone ko.
  
Yes.
  
Napatalon ako sa kama ko. Haha! Yes! Tataas muli ang ranking ko dahil sa’yo! Ang saya! Mukha akong tanga no? Kanina isang mata nalang ang bukas pero ngayon naglululundag ako sa tuwa dito. After catching my breath (medyo hiningal ako ng konti), nag-reply ako sa kanya.
  
Ok. That’s good. When do you want to meet para magkapirmahan na?

 Nagintay ako ulit sa reply niya.

 Beep. Beep.

 Friday. I’m not available tomorrow.

 Friday it is, sabi ko. Ayos! Saktong-sakto lang ang pagkuha niya ng insurance.
  
Nahiga ako ng nakangiti. Hay salamat! Akala ko di na kukuha ang loko. Napailing ako at natawa.
  
Beep. Beep.
  
O, ano na naman gusto nito? Binuksan ko yung text.
  
So, I’ll get to see you once a month minimum?
  
Anu daw?
  
CHAPTER 8
  
Wierd talaga to si Matteo. May mga hirit na wala sa lugar.

 Yup. Ganun talaga eh. Unless you want to go pay at our head office yourself. Pwede rin yun.
  
Message sent.
  
Finally, makakatulog na rin ako. Nilagay ko sa silent mode yung cellphone ko at nilagay ko sa ilalim ng unan ko. Before I knew it, nakatulog na ko. Di ko na namalayan na nagreply pala si Matteo.
  
————————————————————-
  
Kinabukasan ko na nabasa yung reply niya. Pero di ko na nireplyan.
  
Wala akong appointment ngayon. Dadaan lang ako saglit sa office. May iiwan lang akong papeles. Pinapapunta kasi ako ni Sharlene ngayon sa shoot niya.
  
Nope, hindi siya model or artista. Isa siyang stylist para sa isang men’s magazine. Meron daw silang shoot sa isang bahay sa Makati.First time kong makakanuod ng pictorial kaya medyo excited din ako.
  
Pagkagaling ko sa office, dumerecho na ko sa location. Nagtext akong papunta na ko. Nandun na raw siya pero nagse-set up pa yung staff. Wala pa yung celebrity.
  
Nauna pa ko dumating. Tinawag ako ni Sharlene at inikot namin yung set nila. Pinakilala rin niya ako sa mga katrabaho niya. Grabe, ganito pala sa pictorial. Ang daming ilaw at mga kable. May mga parang screen pa silang gamit dun. Tinanong ko si Sharlene kung ano tawag dun. Sabi niya reflectors daw yun. Pang-disperse ng ilaw para walang shadow. Ah. Akala ko kasi filter yun. Natawa siya sabay hampas sa braso ko. Bakit ba? Di ko naman alam yang mga reflector na yan.
  
Dinala niya ako sa dressing room. Ang daming damit na naka-hanger. Nag-ayos ng konti si Sharlene. Sabi niya maupo daw ako dun sa dresser. Pagupo ko, pinaglaruan niya ko. Pinunasan niya yung mukha ko. Tinanggal yung oil. Nagprotesta ako, pero sinampal niya ko ng mahina sa pisngi.
  
“Tumahimik ka jan!” Pinagpatuloy niya yung ginagawa niya. “Tutal wala pa naman akong ginagawa, ikaw muna ang aayusan ko.” Sabay tawa.
  
Pagkatapos niyang punasan, nilagyan niya ko ng make-up. Sabi niya pampakinis daw yun. Para pantay yung skin tone ko. Sabi ko di ko na kailangan nun.
  
“Kapal mo talaga!”

 Pinasuot niya rin yung ibang damit na naka-hanger. Para raw maramdaman ko kung pano maging model.
  
Maya-maya pumasok yung photographer nila. Nakita kami sa mga pinaggagagawa namin. Bigla akong nahiya.
  
“Kit!” sabi ni Sharlene. “Meet my best friend, Dan. Dan, this is our photographer.”
  
“Nice to meet you, po.” I shook his hand.
  
“Wag ka na mag-’po.’ Bata pa ko, bro,” sabi niya sakin. “Akala ko ito na yung kukunan ko ngayon eh,” sabi niya kay Sharlene.
  
“Hay naku. Hanggang ngayon wala parin siya. Kanina pa nga naghihintay yung writer eh,” sagot ni Sharlene.
  
“Oo nga eh. Kailangan ko nga pala ng test shots. Titignan ko kung ok na yung set up nila,” sabi ni Kit. “Pwede ka bang mag-stand-in muna?”
  
“Ayoko nga!” sabi ni Sharlene. “Shy type ako no!”
  
Nagtawanan kaming tatlo. “Eh diba gusto mo maging lingerie model?” tanong ni Kit.
  
“Oo nga. Pero gusto ko official shoot ko hindi stand-in lang. Eto nalang si Dan tutal naka-ayos na siya.” Tapos tinulak niya ako.
  
Tinignan ako ni Kit ng mabuti. Tapos ngumiti. “Tara!” sabi niya sakin.

 “Sandali…” pinagpapawisan na ko. “Sandali lang. Wag na ko. Iba nalang…”

 “Wag ka nga, stand-in lang naman yan. Dali na, para kunwari model ka,” hinila ako ni Sharlene.

 “Sige, tayo ka dun, Dan. Sandal mo yung balikat mo sa may pader. Ayan, tapos tilt down mo yung ulo mo. Put your hands in your pocket. Natural lang. Yan! Perfect! Hold that pose.” Tapos nagumpisa na si Kit kumuha ng mga litrato. Sunod niyang pinagawa sakin eh pinasandal niya yung likod ko sa pader. Tapos pinatingin niya ako sa malayo. “Emote ka!” Panong emote? sabi ko. “Kunwari nakita mo yung ex mong alien!” sigaw ni Kit. Nyek! Patay tayo jan.
  
Huli niyang kinunan yung nakaupo ako. Sabi niya close-up daw yung kuha. Pina-turn niya yung mukha ko ng konti to the right. Tapos tingin sa camera ng derecho. Then smile.
  
“Ok! Thanks, bro,” sabi ni Kit. Pumunta siya sa laptop niya at nilipat yung mga kuha niya.
  
“O kamusta naman ang experience?” nakangiting tanong ni Sharlene.
  
“Ang sarap pala mag-pictorial no?” sabi ko. “Baka masanay ako nito,” biro ko.
  
“Sus, hanggang ngayon lang ang career mo. Testing lang yan. Natuwa ka naman…” tukso ni Sharlene.

 “Alam mo, ikaw lang yata yung best friend na sobrang supportive. Yun o, damang-dama ko.”
  
Tumawa siya ng malakas. “Uy, nagtatampo na yan…” Tinusok niya yung tagiliran ko. May kiliti kasi ako dun. “Syempre naman supportive ako sayo. Best friend kaya kita. Sige na, pang model na ang itsura mo. Ang gwapo mo nga kanina eh!”
  
Kahit na alam kong biro lang niya yun, napangiti parin ako.
  
Maya-maya, sinilip namin yung ginagawa ni Kit. Tinitignan pala niya yung mga litrato ko. Pinag-aaralan.
  
“Kit, tulala ka jan,” sabi ni Sharlene. Tinignan namin yung mga litrato. Aba! Ang ganda ng mga kuha ah. Di pa ko nagkakaron ng ganyang mga pictures. Dun ko naramdamang parang model talaga ako.
  
“Hey, nice shots!” sabi ni Sharlene. “Si Dan ba talaga yan?”
  
Natawa si Kit sa sinabi ni Sharlene. Tumingin si Sharlene sakin sabay sabi ng “Peace!”

 “Di ko tuloy alam kung compliment ba sa skills ko yun o hindi,” sabi ni Kit. “Pero seriously, nagulat ako sa mga test shots na to. Alam mo, Dan, may profile ka,” sabay turo dun sa close up ko. “Tignan mo to o, ang ganda ng jawline mo. Saka maganda yung register mo sa pictures. Tignan mo tong nakatingin ka sa malayo. Maganda siya kasi maliit yung mukha mo. Tamang-tama lang. Actually pwede ka eh.”
  
Nahiya naman ako sa papuri ni Kit. Sa loob ko, tuwang-tuwa ako. Self-esteem meter ko pumalo ng 100%.
  
“Oh my God, Dan, ang ganda nga! O sadyang magaling lang talagang photographer si Kit?” tukso ni Sharlene. Self-esteem meter balik sa 0%. Ang galing talaga nito ni Sharlene.
  
“Konting retouch lang dito ok na ok na,” sabi ni Kit.

 “Bro, pwede bang makahingi ng kopya? Pang-Facebook ko lang,” request ko.

 “Sure. Wait lang, lagyan ko lang ng watermark tapos burn ko sa CD,” sabi niya.
  
“Naks! Talagang ilalagay sa FB ha,” sabi ni Sharlene.
  
“Syempre naman. Minsan lang to no,” tatawa-tawang sabi ko.
  
Pinanuod ko si Kit habang inaayos niya yung mga pictures. Nung yung close up ko na ang inaayos niya, may napansin ako.
  
Bakit ganun? Bakit parang wala lang? Yun ba yung tinutukoy niya?

 Yung mata ko kasi… walang expression.

 Nakita ko na rin yung sinasabi ni Matteo.

No comments:

Post a Comment

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...